YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 13, 2011

Pagmamahal sa Boracay, hiniling sa Prayer rally


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“For the Love of Money is the Root of Evil.”

Ito ang ilan sa nais ipaabot ng Evangecal Christian Church sa taong bayan ng Boracay upang mamulat at maki-isa sa pagkontra sa Casino.

Tila kinunsensya naman ang Sangguninag Bayan ng Malay ng ilang mga tagapagsalita na nagbigay ng kanilang mga mensahe sa isinagawang prayer rally nitong umaga.

Ipinaabot din ng mga ito ang mensaheng dapat sila ang magsilbing representante ng taong bayan, tulad ng ginawa noon ni Hesus, dahil sila umano ang napili ng mga mamamayan at ipinagkaloob sa kanila ang pagtitiwala ng publiko kaya sila naiboto noong eleksyon.

Hindi rin ang pagsusulong ng casino ang dapat atupagin ng mga ito.

Gayon pa man, walang pangalan na isinangkot sa usapin.

Maliban dito, lakas loob na inihayag at itinama ni Bb. Ester “Bebot” Gadon, isa sa mga tagapagslita, na mali umano ang paniniwalang madalas na sinasabing ang casino ay makakapagdala ng maraming tuirsta sa isla, gayong wala pa man ang casino ay sikat na ang Boracay.

Nanawagan din ang mga pastor sa publiko na manindigan sa tuwid na landas at labanan ang tangkang pagpasok ng sugal dito sa isla bilang pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa bayan lalo na sa pagpo-protekta sa dito sa isla.

Samantala, kahit hindi man umabot ng isang libong katao ang naki-bahagi sa prayer rally gaya ng inaasahan,  hindi ito naging hadlang upang ipabot ng Boracay Uplift Movement at Evangecal Christian Church ang kanilang saloobin ukol sa isyu at pagtutol sa planong operasyon ng casino sa tanyag na isla ng Boracay.

Mali sa inireklamong SB Ordinance, natukoy na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakita na ng konseho kung ano ang rason at bakit nakatanggap sila ng pagkuwestiyon mula sa stakeholders sa ordinansang inamiyendahan nila kamakailan lamang.

Ito ay makaraang kuwestiyunin ng ilang negosyante ang pagbabagong ginawa dito, lalo na sa panahong ginugol sa paghahanda at deliberasyon ng konseho bago ito maaprubahan.

Sa paniniwala umano ng nagreklamo, ang pag-amiyenda sa nasabing ordinansa ay hindi tama at hindi dumaan sa tamang proseso, bagay namang mariin na pinasinungaligan ng Konseho, kaya’t inusisa nila ang mga deliberasyong isinagawa.

Doon ay nadiskubre na nagkamali sa paglagay ng pesta kung kailan inaksiyunan ang pagsasabatas nito.

Nabatid mula sa kalihim ng Konseho na si Concordia Alcantara na nagkaroon ng pagkakamali sa paglagay ng petsa, kung saan mahigit isang linggo na itong naaksyunan, subalit ika-dawalangpu’t siyam ng Marso ang petsang nailagay nila.

Gayon pa man, kampante ito na kayang nilang patunayan ang lahat batay sa mga hawak nilang records ng minutes, gayong ito pa rin umano ang masusunod kung saka-sakaling may magsampa ng kaso.

Sinabi din ni Alcantara na “tao lamang din sila at nagkakamali din”.

Matatandaang nag-paabot ng reklamo sa Sangguniang Bagayn ng Malay ang mga stakeholder sa Boracay kaugnay sa Municpal Ordinance 296 at 297 na siyang nag-aamiyenda sa dating Ordinance 188 ng Malay noong taong 2003.

Nakasaad sa nasabing ordinansa ang kautusan sa mga establishemento, komersyal man at residential na kumonekta sa sewerage system, at isa sa bagay na kakailanganin para sa pag-rerenew ng kani-kanilang Business Permit.

Pinaghihinalaang patagong casino sa Boracay, ikinabahala ng NACPHIL


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinangangambahang sa ngayon ng isang religious organization ang sinasabing patagong operasyon ng casino sa isla ng Boracay.

Ito ang ihinayag ni Jee Ann Bolina ng National Auxilliary Chaplian Philippine Inc. (NACPHIL) sa panayam na isinagawa dito ng YES FM Boracay.

Ayon dito, may patago umanong operasyon ng Casino sa Boracay na palipat-lipat lamang sa mga resort sa isla.

Ito rin umano ang pinoproblema sa ngayon ng ilang maybahay sa isla dahil doon napupunta ang pera nila.

Dahil dito ay labis ding nababahala sa ngayon ang nasabing grupo kaya’t lalong tumibay ang kanilang paninindigan na tutulan ang pagpasok ng nasabing sugal dito sa Boracay.

Rason din ito kung bakit ganoon na lamang ang panghihimok nito sa publiko, na makibahagi at makiisa sa gagawin nilang pagdarasal.

Ito’y upang pukawin ang damdamin ng mga nagsusulong at nasa likod ng casino sa isla.

Samantala, mariin namang nilinaw din ni Bolina na wala silang pinatatamaan sa aksyon nilang ito.

Friday, August 12, 2011

Bagong rally, mapupuno ng panalangin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang magiging kakaiba ang gagawing prayer rally ng Boracay Uplift Movement Foundation Inc. bukas ng umaga.

Sa panayam kay Jee Ann Bolina ng National Auxilliary Chaplian Philippine Incorporated (NACPHIL), ang gagawin nilang programa ay kakaiba kung ikukumpara sa mga ordinaryong rally, dahil mapupuno umano ito ng dasal.

Ito ay dahil hindi na nila maatim pa na magkaroon ng casino sa Boracay, gayong sumikat aniya ito ng dahil sa regalo ng Poong Maykapal.

Hinihiling din nito n asana ay hindi mangyaring makilala ang nsabing tourist desination dahil sa sugal.

Ito ang rason ng kanilang matibay na paninindigan kaya nila isasagawa ang nasabing malakang rally.

Samantala, maliban sa prayer rally ay nag-aayuno o nagpa-fasting na umano sila at ipinagdarasal na sana ay matapos na ito at hindi na matuloy ang Casino.

Moralidad ng isla, nais i-angat


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ituloy ng Boracay Uplift Movement Foundation Incorporated ang kanilang prayer rally kontra sa casino, ayon kay Jee Ann Bolina, sapagkat nakahanda na ang lahat para sa pagtitpong ito kasama ang permiso nila mula sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon dito, hindi pwedeng manahimik na lamang sila kung sugal ang pag-uusapan, dahil ang kanilang paninindigan ay protektahan ang susunod na henerasyon sa isla dahil sa takot na maging sugarol ang mga ito.

Nais din umano nilang i-angat ang antas ng moralidad sa Boracay sa kanilang sariling paraan, kung kaya’t “righteousness” o kabanalan ang tema ng programa nila bukas.

Nilinaw din ni Bolina na lang hindi dito magtatapos ang lahat, para sa pagsupil sa mga masama, lalo na kung sa pera at sugal ito mag-u-ugat.

Kaugnay pa rin sa nasabing isyu, sinabi din ni Bolina na inaasahan ang pagdalo ng mga kabataan sa nasabing aktibidad, gayon din ng mga Kristiyanong Katoliko mula sa ibang bayan maliban sa Evangelical-Christian Church.

Idinepensa din nito ang hindi nila pag-sali sa unang prayer rally na ikinasa ng simbahang Katoliko nitong ika-tatlumpu ng Hulyo.

Ayon dito, mayroon talaga silang sariling paghahanda para maipahayag din nila ang kanilang paninindigan sa usapin.

Samantala, nabatid din mula dito na dadalo ang ilang mamahayag mula sa nasyonal na pahayagan.