YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 20, 2013

Wild life operation ng isang resort sa Boracay, malabo pa ring bigyan ng permit ng DENR

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Malabo pa ring mabigyan ng permit ng Department of Environmental and Natural Resources Region 6 para muling magbukas ang wild life operation ng isang resort sa Boracay.

Ayon kay CENRO Boracay Protected Areas and Wildlife In charge Nilo Subong, nasa pangangalaga parin ng nasabing resort ang tigre at python na kanilang ginagamit bilang atraksyon sa mga turista.

Dito ay may sarili umano itong beterinaryo na nag-momonitor sa kanilang kalusagan.

Iniinspeksyon din aniya nila ang dalawang hayop at pinagbabawalang i-display sa publiko, kung wala pang nailalabas na permit ang DENR.
Pabor naman si Subong sakaling mabigyan ng permit ang resort dahil nakakatulong naman umano ito bilang dagdag atraksyon sa mga turista.

Sa ngayon ay nag-hihintay pa rin sila ng request mula sa Region 6 kung ano ang magiging desisyon para dito.

Samantala, kung hindi naman umano ito mabibigyan ng permit ay maaaring ibalik na lang ito sa Cebu kung saan mismo nagmula.

DOT Boracay, ipapatawag ang mga members at operators ng KIATA

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ipapatawag ng Department of Tourism Boracay ang mga miyembro at operators ng Kalibo International Airport Transportation Association o KIATA.

Ito’y kaugnay sa reklamo ng mga turistang pasahero ng van ng nasabing asosasyon.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, pag-uusapan sa meeting ang nasabing reklamo at upang mabigyan ng solusyon.

Aniya, dapat ang KIATA mismo ang mag-momonitor nito para maiwasan ang anumang ikakasira ng turismo ng Boracay.

Mayroon naman umano kasing regular rate ang paniningil sa mga pasahero ng van mula sa Kalibo Airport, ganon din ang bangkang sasakyan ng mga turista papuntang Boracay.

Dismayado naman ito na palaging complaint nalang ang natatanggap niya mula sa mga turista, kaya gagawa umano ito ng paraan dahil baka masira ang imahe ng isla ng Boracay.

Samantala, ang KIATA umano ang sumasalo ng mga bisita mula sa airport na pumupunta sa isla kaya dapat maging tapat sila dito.

30 E-Trikes lalarga na sa Boracay sa katapusan ng Agosto

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Lalarga na ang 30 Electric Tricycle (E-Trike) sa isla ng Boracay sa katapusan ng Agosto.

Ayon kay Gerweiss Motors Corporation President and CEO Sean Gerard Villoria, inaasahan na itong mai-di-deliver sa katapusan ng buwan ng Agosto at uumpisahan nang ipapasada ng mga masuwerting operator nito.

Aniya, target din nilang makapag-deliver ng tig-30 e-trikes kada buwan bago matapos ang taon 2013.

Ngayon naman umanong buwan ng Hulyo ay magkakaroon sila ng demonstration para sa mga operator nito, kung saan dito sila tuturuan ng basic training katulad ng paano makitungo sa mga pasahero nito lalo na sa mga turista.

Masaya naman ito na mababawasan na ang polusyon sa isla ng Boracay at ang ingay na dulot ng mga bumibiyaheng traysikel dito.

Ang mga nasabing e-trike ay siyang papalit sa mga tricycle na ipinapasada ngayon sa Boracay.

Mga illegal na koneksyon sa drainage sa Bolabog, wawalisin na sa Lunes

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sa wakas ay manunumbalik na ang kagandahan ng Bolabog Beach.

Maaaring tuluyan na ring mawala ang pagbaha doon at matatapos na ang pagsasakripisyo ng mga residente.

Sa darating na Lunes kasi ay wawalisin na ang mga illegal na koneksyon sa drainage sa nasabing lugar.

Ayon kay Malay Municipal Engineer at Task Force Save Bolabog Chairman Elizer Casidsid, kailangan na talagang simulan ang pagtanggal sa mga koneksyong ito upang maisalba ang Bolabog Beach.

Kaugnay nito, iinspeksyunin at tatanggalin umano ng Task Force ang mga koneksyon ng mga establisemyento doon na hindi nakakonekta sa sewer line.

Base sa report na natanggap ng LGU Malay, ang mga illegal na koneksyon umanong ito ay nakapagdudulot ng sagabal sa pagdaloy ng tubig-ulan sa drainage, na nagiging sanhi naman ng pagbaha.

Ito rin umano ang nagdudulot ng pulosyon sa tubig sa Bolabog Beach, dahil ang duming lumalabas mula sa mga establisemyento doon ay pumupunta sa dagat.

Kaya naman pinatutsadahan ni Casidsid ang mga establisemyentong illegal ang koneksyon sa drainage.

Nabatid na ang nasabing task force na kinabibilangan ng mga LGU Malay, mga stakeholders at iba pang ahensya sa Boracay ay binuo upang tuldukan na ang problema sa Sitio Bolabog.

Kaso ng Dengue sa Aklan, bumaba; Chikungunya, zero

Ni Shelah Casiano, Easy Rock Boracay

Bumaba na ang kaso ng Dengue sa Aklan.

Ayon kay Provincial Health Officer I Dr. Bong Quachon, 15% ang ibinaba ng kaso ng dengue ngayong taon.

Kung saan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay meron lamang naitalang 190 kaso, kumpara Enero hanggang Hunyo ng nagdaang taon, na may 226.

Base naman sa accumulated report mula sa mga rural health, government at pribadong ospital, walang naitalang namatay sa Dengue sa Aklan, habang anim naman nitong nagdaang taon, kung saan karamihan ay mga bata.

Tungkol naman sa balitang ang probinsya ng Antique ay dumanas ng Chikungunya outbreak, kinumpirma din ni Quachon na wala pang naitalang kaso tungkol dito ang probinsya ng Aklan.

Ang Chikungunya din aniya ay mas nakakamatay kumpara sa Dengue, kung saan, karamihan sa mga nabibiktima nito ay ang mga matatanda.

Magkaganoon pa man, muli pa ring nagpaalala ang Provincial Health Office sa publiko na makipagtulungan at sundin ang payo ng Department of Health, lalo pa’t ang kamalayan sa mga advisories at mga programa ng DOH ay malaking bagay upang maiwasan ang mga nasabing sakit. | translated by Bert Dalida

Executive Order para sa Task Force Save Bolabog, nakalutang pa rin

Ni Kate Panaligan, Easy Rock Boracay

Nakalutang pa rin ang Executive Order para sa Task Force Save Bolabog.

Ayon sa Task Force, ang EO o Executive Order number 005 series of 2013 na ito ang magiging implementing arm ng nasabing task force.

Sa pangunguna mismo ni Malay Municipal Engineer Casidsid, babantayan ng Task Force ang kapaligiran laban sa mga aktibidad na makakaapekto sa industriya ng turismo ng Boracay at munisipalidad ng Malay.

Kaugnay nito, nakatakdang inspeksyunin ng task force ang mga establisemyento at mga kabahayang may illegal na koneksyon sa drainage.

Ayon sa Boracay Island Water Company (BIWC) at Tourism Infastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), karamihan sa mga establisemyentong ito ay hindi nakakabit sa sewer line, kungdi sa drainage.

Pinaniniwalaang ang mga illegal connections na ito ay isa rin sa itinuturong dahilan ng pagbara ng drainage na nagreresulta din pag-apaw nito at pagbaha sa mga kalsadahin ng Boracay.

Kaugnay nito, ikinasa ng LGU Malay ang Task Force Mandatory Sewer Connection para matugunan ang nasabing problema, una sa sitio Bolabog barangay Balabag.

Kapag naaprubahan na ang executive order, lalabas na ang Task Force na ito upang ipatupad ang iniatas sa kanilang mandato.

Samantala, dahil sa mga nakikitang konplikto ng pangalan ng task force, minarapat na lamang itong palitan at tawaging Task Force Save Bolabog. | translated by Bert Dalida

Mga kinakalawang na street light sa main road ng Boracay, papalitan na

Ni Rodel Abalus, Easy Rock Boracay

Papalitan na ng posteng mas makakapal at malalaking tubo ang mga kinakalawang na street light sa main road ng Boracay.

Ayon kay Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid, may program of works na para sa mga nasabing street lights na minamadali na ring trabahuin ng mga taga-General Service Office (GSO), isang departamento sa opisina ng alkalde ng Malay.

Aminado naman si Casidsid na delikado na ang mga street lights na ito dahil kinakalawang na, kung kaya’t kinakailangan nang tanggalin at palitan.

Wala na rin umanong kuryente ang mga ito dahil naka-off ang circuit breaker ng mga street lights.

Sinabi pa nito na ang mga bagong street lights na dinisenyo mismo ng LGU Malay ay may mas makakapal at malalaking tubo, kumpara sa kasalukuyang mga poste.

Dagdag pa ni Casidsid, kanilang ilalagay sa tamang lugar ang bawat street lights at titiyaking walang sagabal sa ilaw nito.

Tiniyak din nito na bago matapos ang taong ito ay maitatayo ang mga nasabing street lights, lalung-lalo pa’t kinakailangan. | translated by Bert Dalida

Friday, July 19, 2013

Bagong international flights mula Singapore, ikinatuwa ng DOT Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT) Boracay ang bagong international flights mula Singapore.

Ayon kay DOT Boracay officer In-Charge Tim Ticar, dumating umano ang Singaporean maiden flights ng nasabing airline company bilang karagdagang international flights ng Tiger Airways para sa Singapore at Kalibo.

Aniya, ang biyahe nito ay naka-schedule dalawang beses sa loob ng isang linggo para makapagdala ng Singaporean Tourist sa probinsya ng Aklan lalo na sa isla ng Boracay.

Dagdag pa ni Ticar, maganda ito sa industriya ng turismo ng Boracay, dahil  sa ganito umanong pag-unlad ay maaabot ang 1.5 million tourist arrivals para sa taong 2013.

Samantala, umaasa naman ang DOT na masusundan pa ang mga international flights sa probinsya ng Aklan, lalo na kung matapos na ang ginagawang expansion ng Caticlan Airport.

Governor Miraflores planong ituloy ang reclamation sa Caticlan

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Ang pagpapalaki o pagpapalawak ng Caticlan Jetty Port ang isa sa naka-ambang plano ngayon ni Aklan Governor Joeben Miraflores.

Ito ang mga binitawang salita ng bagong upong lider ng probinsya ng Aklan sa ginanap na Induction of Officers ng BFI noong nakaraang linggo.

Maliban kasi sa paghingi ng tulong ni Miraflores kay Senator Drilon hinggil sa pagsasaayos at pagpapalawak ng Kalibo International Airport, mga proyektong imprastraktura kasama na ang naudlot na Reclamation Project ang kanyang planong tutukan.

Ikinagalak din ni Miraflores ang pagbawi at sa ngayon ay pagsang-ayon ng BFI sa planong reklamasyon sa kondisyong dalawang  hektarya lang at wala ng expansion.

Sa ngayon positibo itong naniniwala na matutuloy na ang proyekto at mapapaaga ang pagbawi ng TRO na nauna ng ibinaba ng Supreme Court dahil sa isyung pangkalikasan.

Samantala, nangako din si Miraflores sa mga stakeholders na mapapadalas ang kanyang pamamalagi sa isla para mas lalo daw nitong matutukan at mabigyang solusyon ang mga isyu sa Boracay.

Registration para sa SK at Brgy. Elections sa Malay, magsisimula na sa Lunes

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Todo paghahanda na ngayon ang Commission on Elections (Comelec) Malay para sa darating na SK at Barangay Elections.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, sa darating na Hulyo 22-31 ay magsisimula na ang registration para sa mga regular voters ng barangay elections, at para sa mga miyembro ng Katipunan ng mga Kabataan.

Sampung araw umano ito, kaya sa mga magpapa-rehistro o magpapa-transfer ng registration at mag-aapply para sa SK Elections ay kailangan lamang na pumunta sa kanilang opisina mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Sinabi nitong ang mga kakailanganing requirements para sa mga magpapa-rehistro ay valid IDs, certificate of live birth, at baptismal certificate.

Kailangan din umanong residente na ng barangay kung saan magpaparehistro, nasa edad kinse, at hindi tutungtong ng disi-otso sa mismong araw ng halalan.

Samantala, inaasahan na rin umano nitong marami ang magpaparehistro kung kaya’t ngayon pa lamang ay nakapag-pa-reproduce na sila ng mga application forms.

Siniguro din nitong bukas sila anumang oras maging sa mga araw ng Sabado, Linggo at holidays para sa sinumang may katanungan o concern para sa nalalapit na halalan.

Ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) naman ay sa darating na Oktubre 15-17, habang ang eleksyon ay sa darating na Oktubre 28.

Presyo ng harina at tinapay, walang paggalaw --- DTI Aklan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Walang paggalaw sa presyo ng harina at tinapay sa bansa.

Ayon kay Aklan DTI Provincial Director Engineer Diosdado Cadena Jr., patuloy nilang minomonitor ang bentahan ng harina sa probinsya ng Aklan gayon din ang presyo ng mga tinapay.

Wala naman umanong basehan ang mga lumalabas na balita na tumaas ang mga presyo nito.

Aniya, may sadya lang talagang gumagawa ng balita para pangunahan na ang pag-iisip ng mga tao tungkol dito at para magkaroon sila ng interes sa presyo ng harina.

Sa kaso naman umano sa isla ng Boracay ay may kakaunting pagkakaiba ang mga presyo ng mga tinapay dahil ito ay nagmumula pa sa mainland Malay.

Dagdag pa ni Cadena, wala silang naitatalang mga bilihin sa merkado na nagpataas ng kanilang mga presyo.

Pagdi-deliver ng mga e-trike sa Boracay sa Agosto, malabo pa rin

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Malabo pa rin sa ngayon kung kailan maidi-deliver ang mga electric tricycle (e-trike) ngayong darating na Agosto sa isla ng Boracay.

Ayon kay Institutional Banking Group Vice President Josaias T. Dela Cruz, pina-process pa rin ng BPI Globe BanKO ang loan applications ng mga aplikante na makaka-avail sa nasabing sasakyan.

Aniya, hindi pa rin nila makontrol ang bilang ng mga application sa ngayon para mai-i-schedule na rin ng fabricators ang pagdi-deliver nito isla ng Boracay.

Una nang sinabi sa launching ng e-trike noong nakaraang buwan ng Hunyo na ngayong darating na Agosto ay inaasahang maidi-deliver na ito para ma umpisahan ng maipasada ng mga operators na nakapag file ng application.

Kung matatandaan, halos isandaang mga masuwerteng mga aplikante na agad ang ang nabigyan ng sertipkasyon para makapag-operate ng e-trike, at ito ay agad pang nasundan ng madaming aplikante.

Sinasabing ang mga e-trikes na ito ang papalit sa mga tricycle na bumibiyahe sa isla ng Boracay para maiwasan ang ingay at polusyong dulot nito.

Thursday, July 18, 2013

Drilon umapela sa mga negosyante na tanggalin ang mga illegal na istraktura sa Boracay

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay


Direktang umapela si Senador Franklin Drilon sa mga stakeholders sa Boracay na tanggalin ng mga ito ang mga illegal na istraktura na maaring makasira sa Isla.

Partikular na tinukoy ni Drilon ang mga strakturang pasok sa dalawampu’t limang metro mula sa dalampasigan.

Ginawa ng senador ang panawagan kasabay sa ginanap na pagtalaga ng mga bagong hanay ng opisyal ng BFI nitong nakaraang araw ng Sabado.

Sa kanyang talumpati, sinabi nitong ito lang di umano ang natatanging paraan para maisalba ang kagandahan ng Boracay para sa mga susunod pang henerasyon.

Samantala, ginawang halimbawa ni Drilon ang pagtanggal niya ng mga establisyemento sa Iloilo River dalawang taon na ang nakakalipas para maisalba ang nasabing ilog.

Kung saan, tahasan nitong sinambit na kung may “political will” ay walang problema na hindi kakayanin.

Sinabi din ng senador na lahat ay gagawin nito kasama na ang pakikipagtulungan sa BFI para maresolba ang ilang suliranin na kinakaharap ngayon ng Boracay.

Dalawang lalaki sa Boracay, kalaboso dahil sa umano’y pagtutulak ng illegal na droga

Ni Jay-ar Arante at Malbert Dalida, YES FM Boracay 

Dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu ang nagbukas sa pintuan ng kulungan para sa dalawang lalaki sa Boracay kahapon ng hapon.

Natimbog kasi ang mga ito sa isang buy-bust operation ng mga taga PIBO o Provincial Intelligence Branch Operatives at Aklan Provincial Police Office sa Sitio Tulubhan, Manoc-manoc.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang mga suspek na sina Joselito Calvario,  drayber ng isang resort sa Boracay at tubong Caloocan, Metro Manila, at si Rafael Briones, ng Numancia, Aklan, pawang nasa legal na edad.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu, dalawang cellphone at perang ginamit sa nasabing drugs transaction.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang suspek.  

Accomplishment Report ng Red Cross Boracay ikinatuwa ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng LGU Malay ang accomplishment report ng Red Cross.

Sa unang parte ng presentasyon ng Red Cross Boracay sa regular SB session nitong Martes, una nilang ibinalita ang tungkol sa kanilang mga aktibidad gaya ng Life Guard training at ibat-ibang pagsasanay.

Ikinatuwa naman ni Vice Mayor Wilbec Gelito ang ibinahaging ito ng Red Cross dahil inspiring umano ang kanilang ginagawa para sa kapwa.

Ayon naman kay Red Cross Boracay Chief Administrator Marlo Schoenenberger, dumarami narin ang mga hotels at ibat-ibang oraganisasyon sa isla ng Boracay na nagre-request sa kanila na maging kapartner ng Blood Donation Program.

Samantala, humihingi naman ng tulong financial at suporta ang Red Cross Boracay para pagtibayin pa ang kanilang mga programa.

Subali’t isasalang pa ito sa Committee Hearing ng SB Malay para mapagbigyan ang kanilang hiling.

Red Cross Boracay, nilinaw na hindi sila naniningil sa mga pasyenteng sinasakay sa ambulansya

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nilinaw ngayon ng Red Cross Boracay-Malay Chapter na hindi sila naniningil sa mga pasyenteng isinasakay sa kanilang ambulansya.

Ayon kay Red Cross Boracay Deputy Administration John Patrick Moreno, mali umano ang nalalaman ng mga residente sa Boracay tungkol dito at kulang lamang sila sa desiminasyon ng impormasyon.

Nilinaw din nito na walang bayad ang mga pasyenteng isinasakay sa nasabing ambulansya kung ito ay mismong residente at empleyado ng Boracay.

Kung ang mga pasyente namang turista ang isasakay dito ay sinisingil nila ng P1,500.00.

Kung hindi din aniya kayang bayaran ng mga turistang pasyente ang nasabing halaga ay kahit magkano nalang ang kanilang ibibigay bilang donasyon sa Red Cross.

Iginiit pa ni Moreno na taos puso pa rin ang kanilang paninirebesyo sa isla ng Boracay lalo na sa mga nangangailangan ng kanilang tulong.

Presidente ng KIATA, pinatawag sa sesyon ng SB Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinatawag kahapon sa sesyon ng SB Malay ang presidente ng Kalibo International Airport Transportation Association (KIATA).

Ito’y matapos makarating sa konseho ang reklamo ng mga pasahero ng Kalibo Airport papuntang Boracay sa mga drayber ng van ng nasabing asosasyon.

Naniningil umano kasi ng mahal ang kanilang mga drayber at nagsasabing wala nang babayaran ang mga pasahero pagdating sa Caticlan Jetty Port.

Taliwas naman ito sa impormasyong nakarating kay SB Member Jupiter Gallenero.

Ayon kay Gallenero, sinisingil pa rin ang mga pasaherong ito pagdating sa Jetty Port. Sa oras umanong hanapin nila ang driver para linawin ang mga bayarin ay agad itong umaalis at tinatakasan ang kanilang naging pasahero.

Kaugnay nito, kaagad nilinaw ni  KIATA President Noemi Panado na P250.00 lamang ang kanilang sinisingil bawat pasahero, kabilang na ang pamasahe sa bangka papuntang Boracay.

Wala din umano siyang ideya sa mga reklamo sa kanilang mga driver kung kaya’t iimbistigahan niya ang nasabing bagay.

Umaasa naman ang LGU Malay na wala na silang matatanggap na reklamo tungkol dito na nakakasira sa ihame ng isla ng Boracay.

Wednesday, July 17, 2013

Motorsiklo, mas kailangan ng Malay PNP kaysa sa mga bisikleta

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Motorsiklo at hindi mga bisikleta ang mas kinakailangan sa ngayon ng Malay PNP.

Ayon kay Police S/Insp. Renante Jomocan, mas kailangan nila ang mga motorsiklong magagamit sa pag-responde sa mga bulubunduking bahagi ng munisipalidad.

Anya, maganda naman talaga kung may mga bisikletang magagamit ang mga kapulisan sa mainland, pero hindi naman ito gaanong applicable doon.

Pero kung magkakaroon man ng mga bisikleta sa mainland ay ilalagay ito sa Caticlan.

Dagdag pa nito, wala naman talaga umanong masyadong problema sa Caticlan, dahil ang 4-wheel na service vehicle nila ay kayang-kayang pasukin ang mga daanan sa nasabing barangay.

Pero mas uunahin pa rin muna nila na makumpleto ang mga bisikletang gamit sa Bicycle Patrol 2013 para sa isla ng Boracay.

LGU Malay, pinag-aaralan na ang tamang pagkakansela ng biyahe ng mga bangka pag may bagyo

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinag-aaralan na ng LGU Malay ang pagkakansela ng mga biyahe ng mga bangka via Caticlan at Boracay pag may bagyo.

Ayon kay Malay SB Member Jupiter Gallenero, gusto nilang malaman kung sa signal number 1 at signal number 2 ay kinakailangang mag-kansela na ng biyahe ang mga bangka.

Aniya, kahit wala naman umanong bagyo ngunit nakakaranas ng hanging habagat katulad ngayon na mas malakas pa sa hangin ng signal number 1 ay hindi naman nagkakasenla ng biyahe.

Ayon kay Gallenero, maraming mga turista ang nai-i-stranded sa Jetty Port ng isang araw sa tuwing pinagbabawalang maglayag ang mga bangka.

Dagdag pa nito, susulatan umano nila ang Department of Science and Technology (DOST) kung ano ang mas nararapat at tamang gawin sa pagkakansela ng mga biyahe ng mga bangka.

Nais ding malaman ni Gallenero kung anong tanggapan sa bayan ng Malay ang otorisadong magkansela ng mga biyahe katulad ng Philippine Coast Guard.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin itong pinag-aaralan ng SB Malay.

Tuesday, July 16, 2013

Mga vendors na tatamaan ng 25+5 meter easement sa Boracay, may pansamantala nang malilipatan

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

May malilipatan na ang mga vendors na tatamaan ng 25+5 meter easement sa Boracay.

Ayon kay Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño, napag-usapan na ang pagkakaroon ng malilipatan ng mga nasabing vendors, subali’t naghintay umano sila, dahil wala pang tiyak na lugar.    

Kung kaya’t bilang Barangay Kapitan ng Barangay Balabag ay gumawa aniya ito ng paraan.

Magkaganoon pa man, nilinaw ni “Kap Lilibeth” na ang tinutukoy nitong designated area ay pansamantala lamang, habang wala pa talagang makitang mapaglilipatan.

Samantala, sinabi pa ni “Kap Lilibeth” na gumagawa din ng paraan si Mayor John Yap upang magkaroon ng malilipatan at magandang puwesto ang mga wawalising vendors ng easement sa isla.

Ang pansamantalang lugar na tinutukoy nito ay ang beach front ng Zone 6, sa Barangay Balabag.

Mga batang sumasama sa Boracay beach clean-up, bida tuwing Sabado

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Mga batang edad tatlo hanggang apat na taong gulang sa Boracay, sumasama sa beach clean up? Why not?

Ito ang masayang ikinuwento ni Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño, kaugnay sa mga batang masayang sumasali sa kanilang beach clean-up sa Boracay tuwing Sabado.

Ayon kay “Kap Lilibeth”, ang environmental awareness program na ito ay base sa Boracay Beach Management Program na kanila namang ipinagpatuloy.

Kung saan ang mga batang ito ay binibigyan nila ng mga T-shirt na kulay dilaw, bilang uniporme.

May mga stakeholders din umanong tumutulong sa kanilang aktibidad, katulad ng pagpapakain sa mga batang environmentalist pagkatapos ng clean up.

Ayon pa kay Sacapaño, minsan ay umaabot sa tatlong daan o mahigit pang mga bata ang sumasama sa clean-up, na wala pa umanong alas sais ng umaga ay naroon na’t naghihintay sa Balabag Plaza.

Samantala, bitbit ang mga lalagyan ng basura, tila nag-uunahan pa umano ang mga nasabing bata sa pagpulot ng basura sa beach front ng Balabag.

Bagay na maging ang mga nakakasalubong nilang mga turista ay hanga rin sa kanila.

Kaugnay nito, nagpaanyaya naman si “Kap Lilibeth” sa mga bata at sa lahat na sumama sa kanilang aktibidad tuwing araw ng Sabado.

Monday, July 15, 2013

Pagsunod sa mga ordinansa ng Malay, iginiit ng TREU sa mga dayuhang komisyoner sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

“Sumunod sila sa mga ordinansang ipinapatupad sa bayan ng Malay.”

Ito ang iginiit ngayon ng Tourism Regulations Enforcement Unit “TREU” sa mga dayuhang komisyoner sa isla ng Boracay.

Ayon kay TREU Head Wilson Enriquez, marami pa rin talaga sa mga dayuhang komisyoner na ito sa isla ng Boracay ang hindi pa rin nagpaparehistro sa munisipyo at wala pang Mayor’s Permit.

Maging ang mga bagong dating na mga komisyoner umanong ito ay nag-ooperate ng patago at naghahanap ng lusot upang makaiwas sa mga ipinapatupad na ordinansa sa isla.

Bagay na pinaiigting umano nina Enriquez ang kanilang magmomonitor sa mga dayuhang komisyoner na ito.

Katunayan, base sa accomplishment ng TREU ngayong buwan ng Hunyo ay marami na silang komisyoner na nabigyan ng citation ticket na karamihan ay galing pa sa Korea at China.

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Enriquez sa mga ito na sumunod na lamang sa mga ipinapatupad na batas dito para maging patas naman sa ibang komisyoner.

Dalawang OJT students sa Boracay, kalaboso matapos manuntok ng pulis

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Maaaring sa kulungan na ipagpapatuloy ng dalawang On the Job Training students ang kanilang pag-o-OJT matapos manuntok ng pulis sa Boracay nitong Linggo.

Ayon sa police report ng Boracay PNP, nasangkot sa isang komosyon sa isang disco bar sa station 2 Boracay ang dalawang suspek na sina Miles Angel Sarmiento, 26-anyos at Belmar Spencer Cosalan, 23-anyos at pawang mga estudyante ng University of Baguio.

Dahil sa tinamong pinsala sa katawan ng mga suspek ay isinugod ang mga ito sa ospital.

Subali’t nang payuhan umano ang mga ito ng mga rumespondeng pulis na sumama sa presento ay nagsisisigaw ang mga ito.

Sinasabing habang ang suspek na si Sarmiento ay nagmumura at nanghahamon ng away sa mga pulis, ay kinukunan naman ito ng video ng kanyang kasamang si Cosalan.

Samantala, hinablot din umano ni Sarmiento ang pulis na si PO1 Mabazza na nakaupo sa likuran ng patrol.

Binalaan naman ni Mabazza ang suspek na tumigil na sa kanyang pagwawala, subali’t sinuntok pa nito ang nasabing pulis.

Nakaiwas naman si Mabazza sa suntok, subali’t itinulak naman ito ni Sarmiento at tumakas kasama ni Cosalan.

Hindi na nakatakas ang dalawa matapos masakote ng iba pang taga-Boracay PNP.

Nahaharap naman sa kasong Direct Assault, Serious Disobedience, Resistance Upon Agent Person in Authority ang mga nasabing estudyante.

Mga palpak na aircon ng mga van patungong Kalibo, aaksyunan ng DOT

Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay

Dismayado ngayon ang DOT o Department of Tourism sa mga bumibiyaheng van mula Caticlan papuntang Kalibo.

Ito’y matapos malaman ni DOT Officer in Charge Tim Ticar na may mga van palang naghahatid ng pasahero sa Kalibo Airport na palpak ang kanilang aircon, dahilan upang magreklamo ang kanilang mga pasaherong turista ng Boracay, maliban pa sa mga pasahero nilang regular na pumupunta ng Kalibo.

Kaugnay nito, sinabi ni Ticar na kanilang titingnan kung hanggang saan ang makakayang maabot ng ahensyang sakop nila tungkol sa problemang ito.

Kailangan pa umano nitong malaman kung ang mga van na inirereklamo ay yaong may mga dilaw na plaka o kulay rainbow.

Ang mga dilaw daw kasi ay sakop na ng mga taga-Land Transportation Office (LTO) at hindi nila pwedeng pakialaman, habang ang mga kulay rainbow ay pang-tourist transport na sakop naman ng DOT.

Kaya naman ayon pa kay Ticar, ipaparating nila sa kinauukulan ang nasabing problema upang maaksyunan, kasabay ng paalalang dapat sumunod sa tamang standard ang mga namamasadang van.

Dayalekto ng Aklanon, kabilang sa idinagdag ng DepEd para sa MTB-MLE

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nagdagdag ng 7 dayalekto ang Department of Education (DepEd) para sa mother tongue-based multi-lingual education (MTB-MLE) program na gagamitin ng mga mga-aaral sa mga rehiyon sa bansa.

Ito ang mga dumagdag sa 12 orihinal na dayalekto ang mga bagong lengguwahe.

Ilan sa mga ito ay ang Ybanag para sa mag-aaral sa Tuguegarao City, Cagayan, at Isabela; Ivatan sa Batanes Group; Sambal sa Zambales; Yakan sa ARMM;0 Surigaonon sa Surigao City kasama na ang lalawigan nito; at Aklanon at Kinaray-a sa Aklan at Capiz.

Ayon naman kay Education Program Supervisor DepEd Aklan Michael Rapiz, inaasahan din nila itong masusunod kung mula ito mismo sa DepEd order na pirmado ni Secretary Armin Luistro.

Aniya, magbibigay din siya ng kaukulan pang impormasyon sa mga susunod na araw tungkol dito, para mas higit pang maunawaan ng mga kabataang mag-aaral sa probinsya ng Aklan.

May mga hawak nadin umano silang mga dokumento tungkol sa Aklanon bilang medium ng instruction.

Samantala, ang layunin naman ng DepEd sa pagpapatupad ng MTB-MLE ay para sa paggamit sa mga nakalimutang mga lengguwahe sa pagtuturo sa mga mga-aaral mula kinder hanggang Grade 3 at upang mas maintindihan ng mga pupils ang mga subject sa paaralan.

Ang paggamit umano ng “mother tongue” sa pag-aaral ay nakakatulong sa mga mag-aaral na maging matalino at madaling matuto sa ibang wika katulad ng Filipino at English.

Mga nakumpiskang diving equipments para sa illegal na pangingisda, nakuha ng Bantay Dagat

Ni Kate Panaligan, Easy Rock Boracay

Nasa kustodiya ng Bantay bDagat ang mga nakumpiskang diving equipments sa nangyaring illegal na pangingisda sa Boracay.

Nabatid mula sa Bantay Dagat na ang apat na suspek ay gumamit umano ng compressor habang sinisisid ang isang dive site sa Station 1.

Inakala umano ng mga otoridad na diving lang talaga ang ginagawa ng mga suspek, subali’t natiyempuhan umano nilang namamana ang mga ito ng isda.

May mga lobster din umanong nakumpiska mula sa mga suspek na napag-alamang pawang mga taga-Batangas.

Nang imbistigahan ay sinabi umano ng mga ito na ang bangkang ginamit nila ay sa isang dive center ng isang resort sa Station 1, at pagmamay-ari ng isang lokal na residente ng Boracay.

Itinanggi naman umano ng nasabing resort ang alegasyon ng mga suspek.

Kaugnay nito, maging ang nasabing bangka ay kinumpiska rin kasama ng mga diving equipments at inisyuhan ng citation tickets, matapos mapatunayang ilegal ang operasyon ng mga ito.

Kaagad namang pinakawalan ang mga nasabing mangingisda matapos bayaran ang kanilang naging bayolasyon. | translated by Bert Dalida