YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 20, 2015

LGU Malay nagtalaga ng relocation site sa mga nasunugang vendors sa Talipapa Bukid

Posted June 20, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagkaroon ng pagpupulong ang Lokal na Pamahalaan ng Malay matapos ang nangyaring malaking trahedya sa naganap na sunog sa Talipapa Bukid nitong Miyerkules.

Ito ay sa pangunguna ni SB Member at Incident Commander Jupiter Gallenero, na dinaluhan naman ni Fire Insp. Stephen Jardeleza ng Boracay Fire Department, Dr. Adrian Salaver ng Municipal Health Office at Engr. John Paul Nogra mula sa Office of the Civil Defense.

Dumalo rin dito ang ilang representatives mula sa LGU-Malay, Boracay Island Water Company (BIWC), AKELCO at pati na ang mga nasunugang vendors ng Talipapa bukid.

Dito napag-usapan ang tungkol sa propose o temporaryong relocation site ng mga vendors sa Sitio Kipot ng Brgy. Manoc-manoc.

Sa ginanap na pagpupulong tutulungan umano ng municipal government ang mga vendors na magtayo ng kanilang stalls sa 1,000 square meter private property sa Sitio Kipot ng nasabing Brgy.

Sinabi naman ni Gallenero na ang relocation site ay maaaring gamitin ng mga vendors sa loob ng tatlong buwan kung saan binabalak din ng LGU Malay na magtayo ng public market sa nasabing area.

Samantala napag-usapan rin dito ang pagbibigay ayuda sa mga biktima ng sunog kasama na ang pagpaplano kung paano ito maiiwasan katulad ng nangyari nitong Miyerkules na itinuturing na pinakamalaking fire history sa Boracay na lumamon ng mahigit isang daang kabahayan at mahigit dalawampung establisyemento.

Tambisaan at Tabon Port binuksan na para sa Habagat Season sa Boracay

Posted June 20, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for habagat seasonUnti-unti na ngayong nararamdaman ang Habagat Season sa isla ng Boracay dahil sa sunod-sunod na araw na paglakas ng alon sa area ng front beach kasabay ng pagbuhos ng ulan.

Ito’y kahit hindi pa pormal na nagdedeklara ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng pagpasok ng Habagat o Southwest monsoon sa bansa.

Dahil dito nagpalabas ngayong umaga ng abiso ang Philippine Coastguard (PCG) Caticlan na ang biyahe ng mga bangka papunta at palabas ng Boracay ay inilipat na sa Tambisaan at Tabon Port dala ng lakas ng alon sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Sakali namang pormal ng maideklara ng PAGASA ang Habagat ay tuluyan ng ililipat ang biyahe sa Tabon at Tambisaan hanggang sa Oktobre ngayong taon.

Kaugnay nito tuloy parin ang operasyon sa Cagban at Caticlan Jetty Port para sa mga fast craft at Roro-Vessel na may biyaheng Boracay, Mindoro at Batanggas.

DOH Region 6 tiniyak ang kahandaan ng Kalibo International Airport sa Mers-CoV

Posted June 20, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tniyak ngayon ng Department of Health (DOH) Region 6 na nakahanda na ang Kalibo International Airport sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV).

Ayon kay Dir. Marilyn Convocar ng DOH Region 6 nitong mga nakaraang araw umano ay nagsimulang maghigpit ang Bureau of Quarantine sa pagbabantay sa Kalibo International Airport na siyang pinakaabalang paliparan sa Rehiyon.

Maliban dito naglagay din umano sila ng thermal scanners sa nasabing paliparan kabilang na rito ang Iloilo International Airport at Sagay sa Negros Occidental na siyang mahigpit din umano nilang binabantayan.

Kaugnay nito nakipag-ugnayan na rin umano sila sa mga ospital at health center sa probinsya sakaling magkaroon ng kaso ng MERS-CoV sa lalawigan.

Nabatid na ang Kalibo International Airport ay siyang main gateway ng mga Koreano na pumupunta sa isla ng Boracay kung saan mayroong araw-araw na flights mula sa Incheon, South Korea na ngayon ay patuloy na tumataas ang kaso ng Mers-CoV sa nasabing lugar.

Friday, June 19, 2015

Mga vendors na nasunugan sa Talipapa Bukid pansamantalang sa gilid ng kalsada nagbibinta

Posted June 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pansamantala muna ngayong nasa gilid ng kalsada ng Manoc-manoc nagbibinta ang mga nasunugang vendors sa Talipapa Bukid nitong Miyerkules.

Kung saan kanya-kanya ang mga itong naglatag ng kanilang tent at lamesa para sa kanilang mga ibinibintang karne ng manok,baka, baboy at isda kabilang na ang mga gulay at ilang panindang pagkain.

Nabatid na halos mahigit dalawampung mga stalls ang nasunog sa wet market ng Talipapa Bukid kung saan karamihan rito ay mga grocery stores, gulay at tindahan ng mga gamit sa bahay.

Kaugnay nito kanya-kanyang linis ng kanilang mga nasunog na bahay at pwesto sa tindahan ang mga biktima ng sunog na kung saan ay tinatayang nasa P20 milyong peso ang naging danyos nito.

Kaugnay nito pinulong naman ng Lokal na Pamahalaan ng Malay at ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) ang mga biktima ng sunog kaninang umaga para mabigyan ng agarang ayuda o plano sa panibagong kahaharapin.

BFPU Boracay, iginiit na walang nasawi sa nangyaring sunog sa Barangay Manoc-manoc nitong Miyerkules

Posted June 19, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Iginiit ngayon ng Bureau of Fire Protection Unit Boracay (BFPU) na walang nasawi sa nangyaring sunog sa Barangay Manoc-manoc nitong Miyerkules.

Kasunod ito ng mga kumakalat na impormasyon ngayon at katanungan ng publiko tungkol sa kung may bata at matanda nga bang namatay sa kasagsagan ng sunog.

Ayon kay BFPU Chief Stephen Jardeleza, wala silang naitalang casualty o namatay sa nasabing trahedya na tumupok din sa sa mga stalls sa Talipapa-Bukid at mga boarding houses doon.

Ayon pa kay Jardeleza, tinatayang nasa 20 million pesos ang halaga ng mga ari-arian ang kinain ng apoy.

Samantala, maliban sa sinasabing bata at matandang nasawi sa sunog, may kumakalat ding impormasyon ngayon na sinadya ang nasabing trahedya.

Bilang ng mga nasunugang nagpapalista sa MSWDO, tumataas pa

Posted June 19, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Tumataas pa ang bilang ng mga nasunugang nagpapalista sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Kinumpirma din ng MSWDO na nagpapatuloy ang bilang na kanilang naitala kagabi sa Barangay Manoc-manoc Covered Court.

Base kasi sa datus ng MSWDO, umabot na sa 185 households ang kanilang nailista kung saan 196 dito ang mga bata at 684 ang matatanda o adult, 14 ang senior citizens,habang apat ang buntis.

Kaugnay nito, nabatid na may kabuuang 880 na ang bilang ng mga dapat mabigyan ng tulong ng LGU Malay.

Samantala, kinumpirma din ng MSWDO na mga boarders o nangungupahan lamang ang karamihan sa mga nabiktima ng sunog nitong Miyerkules.

Nabatid na karamihan din sa mga ito ang pansamantalang nakituloy sa kani-kanilang mga kakilala o kaibigan sa halip na sumilong sa inilaang evacuation center sa Manoc-manoc Covered Court na inilaan ng LGU Malay.

Boracay All Star Dragon Boat Team tinanghal na grand slam champion sa Malaysia

Posted June 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muli na namang nakapag-uwi ng karangalan sa bansa ang Boracay All Star Dragon Boat Team sa ginanap na 2nd Sabah FCAS International Dragon Boat Race 2015.

Ito’y matapos silang tanghalin bilang Grand Slam Champion kung saan nakakuha  sila ng tatlong Gold at isang Silver.

Nabatid na ang unang nakuhang gold ay sa mix 1 200 meters na sinundan naman ng silver na mix 2 200 meters at muling nasungkit ang dalawang gold na mix 800 meters at mens 800 meters.

Ang nasabing Dragon Boat Race ay ginanap nito lamang buwan ng Hunyo sa Likas Bay Kuta Kinabalu, Malaysia kung saan nilahukan din ito ng iba pang grupo mula sa ibat-ibang bansa.

Samantala, nitong nakaraang Hunyo rin ng nakaraang taon ay nanalo ang nasabing koponan ng Gold sa kaparehong kumpitisyon at lugar sa Malaysia.

YES FM patuloy ang pagtanggap ng mga relief goods para sa mga nasunugan sa Boracay

Posted June 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ang pagtanggap ng YES FM Boracay ng mga relief goods para sa mga nasunugan nitong Miyerkules sa Talipapa Bukid Manoc-manoc.

Patunay rito ang pag-bigay ng ilang mga business establishment sa himpilang ito ng mga donasyon katulad ng bigas at mga pinaglumaang damit para sa mga biktima ng sunog.

Nabatid na daan-daang individual ang halos walang naisalbang gamit sa malagim na sunog na nangyari nitong Miyerkules kung saan tumupok ng halos isang daang kabahayan at mahigit dalawampung mga establisyemento sa wet market Talipapa.

Sa ngayon pansamantala paring nasa covered court ng Brgy. Manoc-manoc ang mga nabiktima ng sunog kung saan patuloy naman ang ibinibigay sa kanilang ayuda ng Lokal na Pamahalaan ng Malay.

Samantala patuloy namang huminghi ng dasal ang mga nabiktima ng sunog na agad silang makabangon sa kanilang sinapit lalo na ang mga negosyante na nalugi ng milyon at daan-daang libong kapital sa itinuturing na biggest fire history sa Boracay.

(Update) Halaga ng sunog na nangyari sa Boracay nitong Miyerkules umabot sa P20-M

Posted June 19, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinataya ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Boracay na umabot sa P20 million ang pinsala sa nangyaring sunog sa Talipapa Bukid Manoc-manoc nitong Miyerkules ng hapon.

Ayon kay (BFP)-Boracay chief Fire Inspector Stephen Jardeleza, umabot sa halos isang daang kabahayan at mga boarding house kasama na ang ilang business establishment ang tinupok ng apoy sa itinuturing na pinakamalaking sunog sa Boracay.

Aniya naidiklara nilang fire control ang sunog bandang alas-4:50 ng hapon kung saan inabot din ang kanilang mopping up operation ng alas-7 ng gabi.

Sinabi din nito na kinaumagahan ng Huwebes ay mayroon paring kunting baga sa mga nasusunog na bahay at establisyemento kung kayat alas-7:10 na nila ito ng umaga  naideklarang fireout.

Nabatid na halos umabot sa mahigit tatlong daang indibidwal ang naapektuhan ng sunog kung saan karamihan rito ay mga empleyado ng hotel sa Boracay.

Kaugnay nito ilang residente sa lugar ang nagtamo ng sugat sa ibat-ibang parti ng kanilang katawan kabilang na rito ang 48-anyos na ginang na nagtamo ng first-degree burn na ngayon ay patuloy na nagpapagaling sa hospital.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang pag-ayuda ng Lokal na Pamahalaan ng Malay at ng ilang concern agencies para sa mga biktima ng sunog.

Thursday, June 18, 2015

Ilan sa mga nabiktima ng sunog kahapon sa Manoc-manoc, ikinuwento ang sinapit

Posted June 18, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Mahigit 24 oras na ang nakalipas nang mangyari ang mala-impyernong sunog kahapon sa Manoc-manoc Boracay.

May mga nabiktima na maluwag na tinanggap ang kanilang sinapit, habang may mga na-trauma at nanlumo sa nangyari.

Ilan sa mga biktima ng sunog kahapon ang aming nakausap kanina at nagkuwento tungkol sa nangyari.

Ilan lamang sa mga ito sina ‘Sha’, hindi totoong pangalan at Aling Madilyn, ang nasimot umano ang kanilang mga pinaghirapan.

Kuwento ni ‘Sha’, naging mabilis ang sunog kahapon na tumupok sa kanilang tinutuluyang boarding house, habang tumakbo umano sa tubig sina Aling Madilyn upang makaligtas.

Samantala, ilan naman sa mga boarders doon na aming nakausap ang nadismaya matapos pagnakawan pa umano ng kanilang mga kagamitan.

Nagsimula ang sunog dakung alas 2:00 ng kahapon ng hapon at tumagal ng halos tatlong oras.

Isang bahay din sa lugar ang itinuturong pinagmulan ng sunog na tumupok sa mga establisemyento, boarding house at mga tindahan sa Talipapa-Bukid. 

Mga gusali at istrakturang wala sa ayos, itinuturong dahilan sa malaking sunog kahapon sa Manoc-manoc, Boracay

Posted June 18, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ikinalungkot umano ng LGU Malay ang nangyaring sunog sa isla ng Boracay kahapon.

Subali’t hindi naiwasang magpahayag ng pagkadismaya si Vice Mayor Wilbec Gelito sa mga itinayong gusali at istraktura doon na wala sa ayos.

Sang-ayon kasi ito na naging pahirapan para sa mga taga Bureau of Fire at fire volunteers ang pagsugpo sa sunog dahil sa masikip ang lugar dulot ng mga nasabing istraktura.

Kaugnay nito, sinabi ni Gelito na hindi masisisi ng mga nagpapatayo ng gusali sa isla kung bakit mahigpit sa pagpapatupad ng mga building requirements ang LGU Malay.

Pinasarigan din ng bise-alkalde ang mga nagnanakaw umano sa pagpapatayo ng gusali sa isla.

Samantala, napag-alaman na halos gawa sa light materials ang karamihan sa mga boarding houses na nasunog doon kung kaya’t mabilis na lumaki ang apoy na tumupok din sa halos buong bahagi ng Talipapa Bukid.

SSS naglagay na ng satellite office sa Boracay

Posted June 18, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for sss satellite officesItinuturing na isa ang isla ng Boracay sa may pinakamaraming mangagawa sa Western Visayas dahil sa dami ng negosyo o business establishment sa isla.

Kaya naman naglagay na ng satellite office rito ang Social Security System (SSS) na makikita sa Manoc-manoc Brgy. Hall.

Kaugnay nito sinabi naman ni Malay Liga President at Manoc-manoc Brgy. Captain Abram Sualog na nais niyang magkaroon ng ordinansa ang SB Malay na bago mag-renew ng business permit ang isang kumpanya o negosyo ay kailangan muna nilang iparehistro ang kanilang mga tauhan sa SSS.

Ito umano ay para ma-avail naman ng mga mangagawa sa Boracay ang serbisyong inihahandog ng Social Security System para sa kanilang mga nagtratrabaho.

Dahil dito nakatakdang pag-usapan sa SB Session ng Malay ang hiling ni Sualog na kung saan ay nais rin nitong magkaroon ng Memorandum of Agreement (MoA) sa pagitan ng office of the Mayor tungkol sa nasabing usapin.

Samantala, patuloy naman ang ginagagawang pag-iikot ng mga tauhan ng nasabing ahensya sa mga business establishment sa Boracay para magdikit ng kanilang service sticker announcement at ipaabot na sila ay bukas na para sa pagbibigay serbisyo sa mga Boracaynon at kalapit na lugar.

Lalaki sa Boracay, tinaga sa ulo ng kainuman

Posted June 18, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isang lalaki ang tinaga ng kainuman sa Sitio Cabanbanan, Manoc-manoc, Boracay kagabi.

Ayon sa police report ng Boracay PNP, sugatan sa ulo ang 25 anyos na biktimang si Rafael Ibon ng Cabuyan, Buruanga, Aklan nang tagain umano ng 58 anyos na suspek na si Danilo Cordero.

Pawang residente ng Barangay Manoc-manoc, Boracay ang biktima at ang suspek.

Nabatid na nagtalo at nagsuntukan ang dalawa sa gitna ng kanilang pag-iinuman.

Kaagad naawat ng ilang residente sa lugar ang dalawa kung kaya’t pumunta sa basketball court ang biktima.

Subali’t hinabol umano ito doon ng suspek na may dalang itak at tinaga sa ulo.

Nakahingi naman ng saklolo ang biktima at naisugod sa pagamutan, habang umuwi na parang walang nangyari ang suspek.

Samantala, sa kulungan parin ng Boracay PNP ang kanyang bagsak matapos madakip ng mga pulis sa isang follow up operation.

Batang lalaki sa Ambolong, Manoc-manoc, nabangga ng club car

Posted June 18, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isinugod sa ospital ang isang batang lalaki sa Sitio Ambolong,Manoc-manoc Boracay kahapon matapos mabangga ng club car.

Ayon sa report ng Boracay PNP, tumatawid ang limang taong gulang na biktima kasama ang nakatatandang kapatid nang aksidenteng mabangga ng club car na minamaneho ng Korean National na si Jinsun Lee, manager ng isang resort sa Barangay Balabag.

Nag-over take umano kasi ito sa isang trisekel kung kaya’t nasapol nito ang bata dahilan upang magtamo ito ng sugat sa katawan.

Isinugod naman sa pagamutan ang biktima, habang nagpahayag din umano ang Koreano na kanyang babalikatin ang gastusin-medikal ng kanyang nabangga.