Posted October 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay
“Wala umanong pinag-kaiba ang problemang natatanggap sa
nakaraang Administrasyon sa kasalukuyan”
Ito ang sinabi ni Malay Mayor Ceciron Cawaling sa
himpilang ito kaugnay sa kanyang panayam sa unang isang daang araw na pag-upo
bilang nagbabalik na alkalde ng bayan ng Malay.
Isinalaysay ni Mayor Cawaling ang mga pagbabagong gagawin
niya sa mga proyektong kanyang ipagpapatuloy at sisimulan palang.
Isa umano sa kanyang pinagtutuunan ng pansin ngayon ay
ang Solid Waste Management partikular na ang problema sa mga basura na siyang
kinakaharap ngayon ng Boracay.
Nabatid kasi, na maraming natatanggap na reklamo ang
Solid Waste Management dahil umano sa mga basurang hindi nahahakot at na
si-segregate kung kaya’t nakatambak na lamang ito dahilan na bumabaho.
Ayon kay Cawaling, gagawin niyang centralized ang MRF
kung saan dapat umano i-segregate ang lahat ng mga basura ng sa gayon ay maging
maayos at hindi narin mahirapan ang mga basurero sa paghakot nito.
Habang inaantay pa umano ang limang garbage truck na
binili ng LGU, pansamantalang ginagamit ngayon ang apat na dump truck ng
Provincial Government para mapabilis umano ang paghakot ng basura.
Sa ibang usapin naman, pinulong ni Cawaling ang Municipal
Peace and Order Council upang tulong-tulong na mapag-usapan kung paano
mapanatili ang kaayusan at seguridad sa isla at sa bayan ng Malay.
Samantala, magkakaroon naman ng Memorandum of Agreement
(MOA) signing ang LGU-Malay at Boracay PNP, may kinalaman naman sa ipinapatupad
na curfew sa mga kabataan kung saan may kaugnayan rin ito sa kampanya laban sa
iligal na droga ng administrasyong Duterte.