YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, April 23, 2012

2.6 hec. reklamasyon sa Caticlan, pinayagan na pero hindi ii-endorso ng BFI

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinasinungalingan ng Pangulo ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang inihayag ni Atty. Allen Quimpo, isa sa taga payong legal ng probinsya na ang BFI, sa paraan ng pagpasa ng Board Resolution ay nag-endorso na rin ng proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Subali’t ayon sa Pangulo ng BFI na si Dionesio “Jony” Salme, wala silang ginawang pag-endorso para sa proyektong ito, taliwas sa inihayag ni Quimpo.

Paliwanag ni Salme, kung gagawa sila ng pag-endorso, maaaring maka-apekto pa ito sa kasong isanampa nila laban sa pamahalaang probinsya na siyang may proposisyon ng reklamasyon.

Gayon pa man, kasabay ng paglilinaw na ito ng Pangulo ng BFI, sinabi din ni Salme na nagbigay sila ng posisyon nila na hindi na sila tututol sa proyektong ito.

Ito ay kung sisiguruhin ng probinsiya na hanggang 2.6 hectar lamang ang tatambakan, at kung itutuloy parin nila ang hinihingi ng grupo ng mga negosyanteng ito na magkaroong ng masusing pag-aaral sa epekto ng proyekto. 

Boracay Island Paddlers Association, may nilinaw tungkol sa kanilang aktibidad

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nilinaw ngayon ni Neneth Graf, Pangulo ng Boracay Island Paddlers Association na iba ang aktibidad na ikininasa nilang 6th Boracay International Dragon Boat Festival.

Sinabi na walang kinalaman dito ang Philippine Kanoe Kayak Federation at Philippine Dragon Boat Federation (PDBF).

Kung saan layunin umano nilang mga lokal na magsasagwan na mapakilala din ang Boracay bilang Sporting events maliban sa ibang maipagmamalaki ng Boracay katulad ng mapuputing buhangin dito.

Ginawa ni Graf ang pahayag na ito kasunod ng isyung pumapagitna sa Philippine Kanoe Kayak Federation at Philippine Dragon Boat Federation o (PDBF) na kapwa naman inimbitahan sana ng BIPA para pumagitna sa kanilang aktibidad.

Samantala, suportado naman ng Aklan Tourism Council ang aktibidad na ito, kung saan mismo ang taga Tourism din ang nagpadala ng mga Tribu ng Ati-ati upang magbigay kulay din para sa pagbubukas ng nsabing aktibidad. 

Ordinansa sa pagkakaroon ng CCTV camera sa mga establishments sa Boracay, aprubado na ng SP

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagama’t may ilang katanungan si Vice Governor Gabrille Calizo-Quimpo at Presiding Officer ng Sangguniang Panlalawigan at SP Member Rodson Mayor kung papaano nalang umano ang mga maliit na establisemyento komersyal sa Boracay na hindi kakayanin ang pagbili ng CCTV Camera para sa kanilang mga establisemyento, nailusot at pribado pa rin ng SP ang ordinansa sa Boracay na nag-uutos sa mga stake holders sa isla na dapat ay maglagay ng kani-kanilang CCTV camera para sa seguridad ng lahat lalo na ng mga bisita.

Maliban dito, kinatigan din ng SP ang isinulong na batas ng Sangguniang Bayan ng Malay na naglalayong maglagay ng CCTV sa mga High Risk na lugar sa Boracay.

Ito ay dahil naniniwala ang mga miyembro ng SP na malaki ang maitutulong nito para maiwasan ang mga masasamang loob sa kanilang mga balakin.

Matatandaang ang ordinansang ito ay ipinasa ng SB Malay kung saan sa pag-rebyu naman ng SP ay inaprobahan ang ordinansang ito kaya maaari nang ipatupad.

Ilaw sa Boracay, patay-sindi

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dalawang araw nang nagsasakripisyo ang mga kunsyumidor ng Akelco sa Boracay dahil sa patay-sinding suplay ng kuryente dito.

Ayon kay Ansing Samson, Lineman ng Akelco Boracay, nangyayari ito dahil sa nagkaroon ng problema ang linya ng National Grid Corporation of the Philippines na siyang daluyan ng suplay ng kuryente mula sa supplier at ang resulta ay panay din ang kurap ng kuryente.

Kung kaya’t nararanasan ang katulad na pangyayari at nasira ang ilang de kuryenteng kagamitan ng mga kunsyumidor.

Bagay na kinumpirma ni Engr. Arnaldo Arboleda ng Akelco Boracay sub-station ang bagay na ito.

Drainage sa Lugutan, maaari nang masimulan anumang oras

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tapos at dumaan na sa mga kamay ang Municipal Planning Office ang Program of Works na inihanda ng Engineering Department ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa drainage system sa sitio Lugutan Manoc-manoc.

Katunayan, ayon Alma Beliherdo Municipal Planning Officer ng Malay, tatlong araw umano matapos silang isalang sa pangungusisa o imbestigasyon ng Sangguniang Bayan kaugnay sa proyektong ito.

Isinumite din umano agad ng Engineering Department sa kanila ang nanawawalang program of works na noong una ay pinaniniwalang naipit umano sa di malamang tanggapan ng departamento ng LGU Malay.

Kaya kaagad din itong ginawan ng Municipal Planning officer ng resulosyon, upang masimulan ang proyekto anumang oras.

Pero sa kasalukuyan, wala aniyang alam si Beliherdo kung kung kelan ito sisimulan ng Engineering Department, dahil naibalik na umano sa kanila ang program of works kasama ang resolusyon at may nakahanda naman aniyang pondo para sa implementasyon ng proyekto.

900 rowers, magtatagisan sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang mahigit 900 paddlers ang magtatagisan ng lakas sa pagsagwan sa 6th Boracay International Dragon Boat Festival ngayon Abril 26-28.

Ito ay para sa karera upang masungkit at maiuwi ang ginto sa apat na kategorayang paglalabanan na kinabibilangan ng Men, Women, Mix at mga paddlers na nasa edad na apat napu.

Nabatid mula kay Neneth Graf Pangulo ng Boracay Island Paddlers Association (BIPA), na dalawangput limang pangkat na ang nakapag-parehistro para sumali sa aktibidad na ito.

Kung saan walo dito ay nangaling pa sa iba’t ibang bansa katulad ng China, Taiwan, Hongkong, US at iba pa.

Samantala, 10 dito ang nag mula sa Manila at pito ang pangkat na sasali mula dito sa Boracay.

Bunsod nito inaasahang mahigit siyam na daang mga padlers ang lalahok at mahigit anim na daan ang nagmula sa iba’t ibang lugar ssa Pilipinas at labas ng bansa. 

6th Boracay International Dragon Boat Festival, “all set” na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“All set” na ngayon ang 6th Boracay International Dragon Boat Festival na isasagawa sa isla ng Boracay sa darating na ika dalawangput anim hanggang ika dalawangput walo ng Abril.

Sa panayam kay Neneth Graf, Pangulo ng Boracay Island Paddlers Association (BIPA), inihayag nito na plansado na ang lahat at tuloy na tuloy na ang karerang ito.

Ito ay sa kabila nang maging isyu kamakailan nang nagpahayag din ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) na nagkakaroon din sila ng aktibidad sa Boracay kasabay sa petsa at lugar na pagdarausan ng nilutong event ng mga lokal padlers na ito sa isla.

Kaya maging ang Alkalde ng Bayan ay naging maingat din sa pagbigay ng permiso dahil maaaring maging komplekado ang dalawang aktibidad kung saka-sakali.

Tiwala ngayon si Graf na hindi na problema pa sa bahagi ng BIPA ang pagkuha ng permit, sa kabila na hindi pa nila hawak ngayon ang permisong ito dahil sa may kulang pang isang requirements.

Ngunit kampante ito na wala nang hadlang at sigurado na ang lahat.

Samantala, wala namang komento muna ang huli kaugnay sa aplikasyon ng PDBF upang magkroon din ng Permit o kung matutuloy din ang event na ito ng ibang grupo kasabay sa aktibidad ng Boracay Island Paddlers Association.

Kumpul-kumpol na sea urchin, namataan sa front beach ng Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Namataan ang kumpul-kumpul na mga sea urchin sa front beach noong Huwebes, kung saan marami ang natinik sa mga bisitang naliligo sa baybayin ng isla.

Subalit nilinaw ng Bantay Dagat Boracay na walang dapat ikabahala ang publiko, sapagkat umaga ng Biyernes, kasabay ng Clean Up drive na isasagawa, ay kukunin din umano nila ito ayon kay Felix Balquin, Marine Biologist ng Municipal Agricultures Office at Bantay Dagat Boracay.

Dahil dito, may paalala si Balquin sa publiko lalo na sa mga turista, na kung maari mag-ingat sa paliligo sa dagat.

Ganoon pa man imo-monitor naman umano nila ang baybayin ng Boracay upang kunin ang mga sea urchin na ito.

Samantala, nabatid mula sa marine biologist na dahil sa presensiya ng lumot sa baybayin na siyang nagsisilbing kagkain ng lamang dagat na ito ay dumami ang sea urchin.

Ngunit nilinaw nito na hindi umano nangangahulugang madumi na ang tubig sa Boracay taliwas sa paniniwala ng iba. 

Task Force Moratorium sa Boracay, hinihintay pa ang Action Plan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hinihintay nalang umano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay ang Action Plan ng Engineering Department para pormal nang masimulan ang  pagsasatama sa lahat ng sistima, inprastraktura at iba pa straktura at batas sa Boracay, upang sa sulosyunan ang mga suliranin sa isla.

Kung saan ito ay bahagi ng “Task Force Moratorium” ng ikinasa ng LGU para sa Boracay.

Ayon kay Alma Beliherdo, Municipal Planning Officer ng Malay, ang Barangay Level na binubuo ng tatlong Barangay sa Boracay ay nakapagsimula at nakapag sumite na ng kani-kanila Action Plan, gayong ang mga ito ay may malaking bahagi ding gagampanan dito.

Subalit ayon kay Beliherdo sa ngayon sa bahagi ng municipal level, hinihintay pa nila ang binalangkas na Action Plan ng Engineering Department bilang Action Officer ng Task Force. 

Mga opisyal ng DENR na isinangkot sa kasong administratibo dahil sa lupain sa Boracay, dumidepensa pa lang


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hanggang sa ngayon ay nasa estado pa rin ng pagdepensa ang siyam na opisyal ng Department of Natural Resources o DENR na napasama sa administrative case.

Ito’y may kaugnayan sa isyu ng may tatlumpu’t isang lupain sa Boracay na sinasabing nabigyan ng maling titulo.

Ito ang nabatid mula kay Merlyn Aborka, Forester 3 ng DENR-Aklan at head ng Executive assistant ng Provincial Environment and Natural Resources o PENRO at isa din sa mga napasama sa kaso.

Aniya, sa kasalukuyan ay nasa pagdinig na sila ng kaso at tapos na ang imbestigasyon dito.

Pero inihayag ni Aborka na hindi na nila nalalaman talaga kung kailan magbababa ng desisyon ang Central office ng DENR ukol sa admistrative case.

Matatandaang Marso ng taong 2011, siyam sa mga opisyal ng DENR mula sa Regional, pababa sa PENRO-Aklan at CENRO-Boracay na si Merlene Aborka ay sinampahan ng kasong administratibo, dahil sa kasama ang mga ito sa lumagda ng at naging daan sa pagbibigay ng titulo sa 31 lupain sa Boracay.

Ngunit 18 sa mga lupaing ito ay napatunayan naman umano na walang problema, kaya ang 18 ngayon ang idinedepensa nila.

CENRO Boracay, makiki-isa sa Earth Day Celebration


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay


Kahit sa simpleng paraan tuloy ang pakikiisa at ipagdiriwang parin ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO-Boracay ang Earth day celebration.

Ayon kay Johnny Adaniel, Public Information Officer ng CENRO Boracay, magiging bahagi ng selebrasyon na ito ay ang pagkakaroon ng Clean Up Drive sa front beach na pangu-ngunahan ng Boracay Foundation Inc.  (BFI) at Boracay Beach Management Program (BBMP) sa darating na Biyernes.

Maliban dito, sa nasabing araw din umano, mismong magsisimula sa tanggapan ng CENRO Boracay ang pagsubok nila na iwasan  na ang pag-gamit ng supot o plastic bag para makita nila kung ano ang epekto nito sa pang-araw araw at sa isang araw na obserbasyon lang nila, saka na lamang umano nila ito isulong para ipatupad kung sakali.

Dagdag pa nito, aasahan din ayon kay Adaniel na magkakaroon sila ng information drive sa mga piling delegado mula sa iba’t ibang sector  upang ipaabot ang mga mahahalagang bagay ukol sa Climate Change.

Ang Earth Day Celebration ay pinagtibay ng Presidential Proclamation no. 1481 ng Abril 22.

Canadian National, kalaboso dahil sa umano’y pagbili ng marijuana

Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Naudlot ang bakasyon ng isang bakasyunistang Canadian National sa isla ng Boracay.

Sa halip na magandang isla ang pupuno sa bakasyon nito, rehas sa presento ng Police Boracay ang kinasadlakan ito.

Nahulihan umano kasi ito kaninang madaling araw ng marijuana mula sa hindi nakilalang Pinoy.

Sa report ng Boracay Police, nabatid na 24-anyos ang suspek na bakasyonista.

Sinasabing napansin ng isang sekyu doon sa kanyang kinaroroonang bar ang kanyang umano’y pagbili ng marijuana kung kaya’t nagsumbong ito sa mga pulis.

Nang komprontahin umano ito ng sekyu ay itinapon naman nito ang marijuana.

Wala namang nagawa ang nasabing bakasyonista kundi ang sumama sa mga pulis upang harapin ang kinasangkutang kaso.

Dalawang lalaki sa Boracay, timbog sa Buy-Bust Operation

Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Sa presinto na ng Boracay PNP natulog ang dalawang lalaki, matapos matimbog ng mga otoridad sa isang buy-bust operation.

Sa report ng Boracay Police nakilala ang mga suspek na sina Aquilino Calawag ng Tibiao Antique at Eric Dizon ng Oriental Mindoro.

Nabatid na mag-aala una ng madaling araw kanina nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga otoridad sa barangay Balabag na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Narekober naman sa mga ito ang dalawang transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nakatakdang ipasuri sa crime laboratory.

Kasalukuyang nasa kostodiya ng Boracay PNP ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.

BIR, nagpaalala sa mga tax payers sa kanilang obligasyon sa buwis

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat malaki ang tax target collection para sa ng distrito ng Aklan ngayong taon na isang daang at pitong milyong piso, kampante si District Revenue Officer Ricardo Osorio ng Bureau of Internal Revenue – Aklan (BIR-Aklan) na maaabot nila ang target na ito.

Ito ay dahil nitong Marso ay nalampasan nga nila ang target para sa nasabing buwan, kaya umaasa at nakikita naman umano nila na positibo ang tugon ng mga tax payer.

Gayon pa man, nanawagan at humihiling pa rin si Osorio sa mga tax payer na sana ay ideklara ang tamang kita o revenue nila at magbayad ng tamang buwis.

Pina-alalahanan din nito ang may mga tax payer na mag sumite o ayusin kaagad ang kanilang mga obligasyon bago pa man ang itinakdang deadline dahil sa natapos na ang deadline sa pagsumite ng Income Tax Return o ITR.

Noong Abril 20 naman ang deadline sa pagsumite ng para sa VAT at non-VAT.

Samantala, sa kabila nito na abala aniya ang kanilang kawanihan ngayong buwan ng Abril dahil sa pangungulekta ng mga buwis, tila nabawi naman aniya ito, sapagkat pinarangalan ang BIR-Aklan dahil sa pagkakasungkit ng probinsiya ng pagkilala bilang No. 1 sa Collection Performance sa buong rehiyon ng Panay ngayong unang bahagi ng taon 2012. 

Hindi magandang relasyon ng mga department heads ng LGU Malay, nakaka-apekto sa mga proyekto ng bayan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Isiniwalat ni SB Member Welbec Gelito sa sisyon kahapon na may problema talaga ang ilang department heads ng LGU Malay dahil hindi maganda ang kanilang relasyon sa bawat isa, batay sa napag-alaman nito.

Kaugnay nito, hiniling ni Gelito na kung maaari ay magpatawag sila sa konseho ng Committee Hearing, at imbitahan ang mga namumuno sa mga departamento  na sangkot sa pagpapatupad ng proyekto upang maayos ang anumang sigalot na namamagitan sa mga ito kung mayroon man, dahil nakakaapekto aniya ang hindi magandang relasyon ng mga ito sa kani-kanilang obligasyon o trabaho.

Ang pahayag na ito ni Gelito ay kasunod ng napansin nilang problema sa ilang departamentong sangkot sa implementasyon at paghahanda ng proyekto, sa kabila aniya na nagkaroon naman ng MANCOM at pulong ang mga ito, pero tila hindi parin naaayos. 

Problema sa mga departamento ng LGU Malay, ipapaubaya sa Alkade

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sinopla ni Vice Mayor Ceciron Cawaling ang mungkahi ni SB Member Wilbec Gelito na ipatawag ng konseho ang mga department heads ng LGU Malay para malutas ang anumang problemang namamagitan sa mga ito na nakaka-apekto naman sa paghahanda at implementasyon ng proyekto sa bayan at Boracay.

Ayon kay Cawaling, ang usaping kagaya nito ay dapat na ipaubaya nalang sa Punong Ehekutibo dahil sa ilalim umano ito ng kaniyang kapangyarihan lalo pa at ang sangkot ay mga namumuno sa departamento.

Gayon pa man, ang magagawa aniya nila sa pagkakataon ito ay paalalahanan si Mayor Jhon Yap kaugnay sa problemang ito para siya na ang bahala na magpatawag sa mga sangkot sa paraan ng isang Executive Meeting.

Pero hihilingin aniya nila sa Alkalde na kung maaari ay dapat ang ito mismo ang manguna at pumagitna sa Executive meeting na ito at hindi kung sino-sino lang.

Gayon pa man, ayon sa bise alkalde, kasama sa hihilingin nila kay Mayor Yap ay imbitahan din ang konseho sa nasabing pulong, nang sa ganon ay malaman din nila kung ano na ang nangyayari sa mga departamentong ito at maipa-abot din nila ang kanilang problemang nararanasan sa mga ito. 

Ultimatum sa Alkalde ng Malay upang ayusin ang problema ng mga departamento, hiniling ng SB

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mariing inihayag ni SB Member Jonathan Cabrera Chairman Committee on Infrastructure na ayaw nitong madamay sa kapalpakan ng departamento ng LGU Malay lalo na sa Engineering Department.

Sapagka’t aniya, ang kawalan ng aksiyon ng departamentong ito sa mga suliranin sa Boracay, ay naapapakita umano na pina-ikot lamang sila.

Lalo na nang ipatawag si Malay Municipal Engineer Elezer Casidsid sa pagdinig sa konseho at sinabihin nito na may inihanda nang program of Works para sa Drainage sa Lugutan sa Barangay Manoc-manoc.

Nguni’t nang usasain nila ayon kay Cabrera, wala naman talaga umanong program of works na ipina-ikot si Casidsid sa mga departemento, taliwas sa sinabi nito sa konseho na nawala dahil naipit sa ibang departemento.

Ayon pa sa konsehal, tila sila pa ngayon sa lokal na pamahalaan ng Malay ang nahihiya sa mga private utilities company at national agency, dahil ang nangyayari ay madalas na sinisingil nila sa kapalpakang nangyayari sa isla.

Ngunit may kasalanan din umano dito ang LGU dahil hindi nila nagampanan ang kanilang obligasyon.

Paliwanag kasi nito, may mga pondo naman ang proyekto, pero ganon nalang ang pagtataka nila kung bakit napakaliit ng problema at inaabot na ng taon pero hindi parin nasusulosyunan.
Bunsod nito, nagmosyon si Cabrera na kung kinakailangan na talagang bigyan na ng ultimatum si Mayor John Yap para ayusin ang mga departmentong ito lamang mapabilis ang pag-aksiyon sa mga problema na saklaw ng kani-kanilang trabaho.

Samantala, bilang tugon naman ni Vice Mayor Cesiron Cawaling, Presiding Officer ng konseho, sinabi nito na kung maaari manlang na paalalahahan nalang ang Alkalde ng bayan upang ito na ang bahala sa nasabing departamentong mag-martilyo upang umaksiyon na hindi na kailangan pa ng ultimatum. 

BIWC, nagpaliwanag sa SB Malay ukol sa pag over-flow ng mga manhole ng sewer sa Manoc-manoc

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpaliwanag na kahapon sa Sangguniang Bayan ng Malay ang Boracay Island Water Company kaugnay sa pag-overflow ng mga manhole ng sewer sa Manoc-manoc.

Nangyari ang insidente simula nitong Marso 30 at sa kasagsagan ng Mahal na Araw.

Dahil dito, inilatag ni Engr. Eduardo Dela Cruz In charge sa Water Waste ng BIWC ang mga rason kung bakit nangyayari ito gayon din ang pag-apaw ng manhole kahit walang ulan.

Mula sa presentasyon nito nabatid na dahil sa mga illegal connection, pag-pump ng mga establisemyento at pagpasok ng tubig-ulan sa linya ng sewer ang umano’y rason kung bakit ito nagaganap.

Bilang solusyon, humingi ngayon ng tulong ang BIWC sa lokal na pamahalaan ng Malay na kung maaari ay alalayan sana ang mga ito kung magkaroon ng inspeksiyon  lalo na sa mga establishementong pinaghihinalaang gumagawa ng illegal na koneksiyon sa drainage at iba pa.

Samantala, maliban sa balak na ito ng BIWC, inihayag din ni Dela Cruz na may iba pang alternatibong solusyon ngayon ang kumpaniya nila para mapaganda pa ang kanilang serbisyo sa sewerage system, katulad ng karagdagang mga tubo upang hindi na maulit ang pangyayari.

Naipangako din nito na sa taong 2018, ay maaabot na nila ang kanilang target na lahat ng establisemyento sa Boracay ay makapag konekta na sa sewerage.

Matatandaang ipinatawag talaga ng konseho ang BIWC para magpaliwanag kung bakit umaapaw ang mabahong amoy ng laman ng mga nasabing manhole, na nakakahiya umano para sa imahe ng Boracay. 

Dahil sa kabagalan ng aksyon, SB Malay, naririndi na sa Engineering Department

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagtataka ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay kung bakit mabagal ang implementasyon ng engineering Department ng Malay sa mga proyekto at pagbibigay sulosyon sa mga problema sa isla, gayong may nag-gagalaiti na sa galit ang iba dahil sa perwesyong hatid nag suliraning ito.

Ito ang isiniwalat ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero sa kaniyang privilege speech nitong umaga sa session ng konseho.

Batay aniya sa naobserbahan nito, tila hindi naman gumagawa ng aksiyon ang engineering department sa kabila ng ilang beses na rin umano nilang ipinatawag at ipa-abot sa departamentong ito ang mga suliranin sa isla.

Ayon sa konsehal nakakahiya na ang ilang sitwasyon na ito sa Boracay, at hirap na silang magpaliwanag sa publiko ukol sa estado ng drainage sa Manoc-manoc, at maging sa estado ng  street lights.

Dagdag pa umano sa ikinahihiya nito ay tatlo na nga silang miyembro ng konseho at maging ang alkalde ng bayan ang nakatira sa nasabing barangay sa Manoc-manoc, ay hindi parin na a-aksiyunan kahit pansamantalang sulosyon lang sa mga suliranin dito.

Dahil dito, napatanong na si Gallenero sa kapwa nito konsehal kung ano na ang dapat nilang gawin sa Engineering Department, lalo pa ng ihayag ni SB Member Rowen Agguire na may pondo na para sa proyektong ito.

Mga Ati sa Boracay, inokupa na ang lupain na ipinagkaloob ng gobyerno

Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Sa pangambang maubusan na at maunahan sa lupang ipinagkaloob sa kanila, eksakto alas 6 ng umaga noong Abril 17, sumugod at inukupa ng mahigit 45 pamilya o mga nasa dalawaang daang mga ati ang ang lupain na ipinagkaloob ng gobyerno sa bisa ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT) noong Enero 21 ng nakaraang taon.

Subalit sa mga nakabinbin na mga kaso hinggil sa lupain na sakop ng Brgy. Manoc-monoc na may sukat na mahigit dalawang hektarya dahil sa ibang claimants ay hindi muan nila ito ginalaw.

Sinorpresa ng mga Ati kasama ang kanilang supporters na mga madre at pari kasama ang ilang taga Boracay ang tagabantay ng lupa at binakuran ito agad-agad.

Bagamat wala namang tensyong nangyari, naghanapan naman ng dokumento ang magkabilang panig para sa maayos at tahimik na pakikipag-usap.

Matatandaan na nakaraang taon pa sana lilipat ang mga ati sa nabanggit na lupain pero dahil sa mga kasong nakabinbin sa Kalibo RTC Branch 5 at NCIP (Nationbal Comission on Indigenous People) en banc, nababahala sila na baka tumagal pa ito at patatayuan ng ilang claimants ang kanilang lupa dahil sa patuloy na pagsikip ng Boracay baka wala na silang matitirhan na espasyo ng lupa.

Sa kabilang banda, may hawak naman di-umano na tax decleration ang kampo ni Rudy Banico, rason na hindi rin nila basta-basta lilisanin ang lupain.

Patuloy ang paglalagay ng mga bakod sa mahigit na dalawang ektarya na lupain ng mga ati at nagdaos din kanina ng misa sina Father Adlay at Father Boy doon din mismo sa area para ipakita ang kanilang supurta sa mga katutubong mga ati dito sa Boracay.

Boracay, bukas sa pakikialam ng pamahalaang nasyonal --- Sacapaño

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung concerned ang iba sa Boracay, mas lalo na umano ang mga tao sa isla na dito na nakatira at naghahanapbuhay.

Ito ang reaksyon ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, kasunod ng pagkasa ng pamahalaang nasyonal ng Task Force para sa Boracay, na siyang magrerekomenda kay pangulong Noynoy Aquino kung ano ang dapat gawin sa Boracay.

Subalit ayon sa administrador, sino ba naman ang nagging pangulo ng bansa na hindi concerned sa Boracay.

Pero kapag sabihin umano ng pamahalaang nasyunal na sila ang magaling, ay wala aniyang mangyayari sa Boracay.

Dahil dati ay hinawakan na umano nila ang isla nguni’t naging problema pa ito dahil hindi dumaan sa tamang proseso.

Gayunpaman, sinabi nito na kung may maitutulong ang national level sa isla ay tumulong na lang sila, dahil may ginagawa at malaking papel na ginagampanan naman aniya ang lokal na pamahalaan at barangay level dito.

Samantala, nangyari umano ang lahat ng suliraing ito sa Boracay, dahil naniniwala si Sacapaño na halos lahat ng tao dito ay may kontribusyon.

At dahil na rin sa hindi sumusunod ng tama sa batas, kaya kailangang ang mga tao muna dito ang dapat ayusin bago ang development.

Sinabi din nito na kung nangingi-alam man sa Boracay ngayon ang national government, iyon ay dahil sa may nakita silang hindi ginagawa sa Boracay, kaya bakit umano magagalit ang mga tao dito, kung totoo naman ang pagpuna na ginagawa ng pamahalaang nasyonal at maging ng media. 

Turuan at pagsasawalang bahala sa ordinansa, ugat ng problema sa Boracay --- Sacapaño

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ang mahirap sa mga kapwa natin Pilipino, alam na ang batas, pero nagkukunwari pang hindi.”

Ito ang tahasang sinabi ni Island administrator Glenn Sacapaño sa panayam dito kahapon, kaugnay sa mga ordinansang ipinapatupad sa Boracay, na sa kabila umano ng mahigpit nilang implementasyon ay may mga lumalabag pa rin.

Kung saan dahil umano sa ugaling pagtuturuan at pagkukunwari na hindi alam ang batas ay siyang nagpapahirap din umano sa pagpapatupad nila ng mga ordinansa dito.

Partikular dito ay ang usapin sa paglalatag ng mga istraktura sa vegetation area.

Ipinagtataka kasi umano nito kung bakit batid naman ng lahat na bawal ito, pero bakit ginagawa pa rin.

Dahil dito, nahihirapan umano silang tanggalin din ang iba dahil sa katulad na reklamo.

Naniniwala din si Sacapaño na kapag nangingi-alam na ang pamahalaang nasyunal sa mga suliraning ito sa isla ay magagalit naman ang karamihan sa Boracay, pero ang totoo aniya ay nangyari ito sapagka’t ang iba ay wala ring disiplina.

Gayon pa man, darating din aniya ang panahon na maaayos din ito sa tulong ng lahat, pati na rin kung kinakailangan tanggalin ang lahat ng istraktura sa vegetation area.

Granada, natagpuan sa Boracay!

Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Isang granada ang natagpuan sa Cagban, Manoc-manoc Boracay.

Ito’y isang M67 Fragmentation Grenade na minarapat isuko sa mga otoridad ng dalawang nangangahoy sa bundok ng nasabing lugar.

Sa report ng Boracay PNP, nabatid na ipinagbigay-alam ng isang ginang sa dalawang nabanggit na lalaki ang natagpuan nitong granada.

Nang ipagkatiwala naman ng mga pulis Boracay sa Explosive Ordinance Division ng Philippine Army.

Saka naman nakumpirma, na ito pala’y isang M67 Fragmentation Grenade.

Bagama’t kinakalawang na, nakatakda parin itong pasabugin sa ligtas na lugar, lalo pa’t natagpuan ito malapit sa isang paaralan doon.

Kasalukuyan namang iniimbistigahan ng mga otoridad, kung kanino at paanong napunta doon ang nasabing granada.

Paglalagay ng ipinagbabawal na istraktura sa vegetation area ng Boracay, kinunsinte ng LGU Malay?

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa kabila ng ordinansang ipinapatupad na nagbabawal sa paglalatag o paglalagay ng anumang mga istraktura sa vegetation area ng Boracay, inamin ngayon ni Island administrator Glenn Sacapaño, na may verbal na kasunduan o usapan sila ng mga resort na nagmamay-ari ng mga istraktura o tent dito.

Paliwanag ni Sacapaño, maaari din naman umano kasing mapakinabangan ng mga turista ang mga tent na ito kapag umuulan at mainit ang panahon.

Nagsisilbi din umano ito bilang silungan sa umaga at sa gabi ay restorant at kung anumang serbisyong pang entertainment na inilalatag ng mga establisemyentong ito.

Subali’t klaro naman aniya sa napag-usapan nila na hindi gagamitin ang vegetation area na ito sa araw o lagyan ng mga mesa at bangko, at tanging kapag gabi lamang para sa kani-kanilang aktibidad.

Gayon pa man, sinabi nito na walang permit na ibinibigay sa mga resort na may tent sa sa front beach o binabayaran sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Dagdag pa nito na kung nanaisin naman sana nila bilang taga pagpatupad ng ordinansa na tanggalin ang mga tent na ito ay maaari naman aniya, pero sa hindi naman umano ikabibigla ang lahat.

Pagiging “Party Island of Asia” ng Boracay, hindi apektado sa ordinansa ukol sa noise pollution

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi magiging konplekto sa ordinansa at pangalan ng isla ang pagkakadeklara ng Department of Tourism sa Boracay na “Party Island of Asia”.

Ito ang paniniwala ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapano, sa kabila ng ipinapatupad ditong ordinansa.

Partikular na tinukoy nito ang ordinansang nagsasabi na pagdating ng alas dose ng hating gabi, ang lahat ng bar ay dapat bawasan na ang lakas ng tugtog.

Sa panayam dito, sinabi nito na hindi naman ito problema kung sakali, dahil tuloy parin ang mga party o event.

Basta ang mahalaga ay hindi lang makalikha ng ingay at makakaisturbo sa ilang namamahinga na.
Samantala, para matapos na ang problemang ito sa ingay o noise pullotion sa Boracay, sa darating na buwan ng Agusto ng kasalukuyang taon ay mahigpit na umano nilang ipapatupad ang batas na dapat ang mga bar dito ay sarado na ang gusali habang nagsasagawa ng operasyon ang isang bar o enclosed space.

Ito’y upang ang malakas na tugtug mula sa mga establishemento katulad nito ay hindi na makapag-istorbo sa mga nagrerelax o natutulog na bakasyunista.

Inihayag din nito na ang lahat aniya ng mga may ari ng bar sa Boracay ay nagpaabot na ng kanilang pangako na tutupad sa batas na ito sa isla.

Bagong X-ray Machine ng Caticlan Jetty Port, dumating na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dumating na ang karagdagan at bagong X-ray machine para sa Caticlan Jetty Port.

Ito ang kinumpirma ni Marz Bernabe, technical staff ng Jetty Port.

Ayon dito, aasahang ngayong linggong ito o sa susunod ay maaari nang magamit ang bagong teknolohiyang ito.

Sapagka’t sa kasalukuyan ay inilalatag na umano nila ang mga wiring na gagamitin para dito.

Bunsod nito, bubuksan na ang dalawang pinto o entrance ng holding area ng pantalan at ang lumang X-ray Machine ay ilalaan para sa mga pumapasok na lokal na residente at mga nagtatrabaho sa Boracay.

Samantala, ang bago naman ay siyang ilalagay din sa isa pang pinto na para sa mga turista lamang.

Nabatid din mula kay Bernabe na ang bagong X-ray machine na ito ay siyang latest model na katulad sa ginagamit sa mga paliparan.  

BIR Aklan, umapela sa mga taxpayers tungkol sa deadine sa pagsumite ng ITR

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kasabay ng deadline sa pagsumite ng income tax return o ITR ngayong araw sa Bureau of Iternal Revenue, umapela ngayon si BIR-Aklan RDO Chief Ricardo Osorio sa mga tax payers sa buong probinsya at buong isla ng Boracay, na sadyain ang tanggapan ng BIR habang maaga pa at huwag nang hintayin ang deadline o mamayang hapon.

Sapagkat ayon kay Osorio, hindi pa nila mapapasiguro ngayon kung magbibigay ng extension sa pag-file ng ITR ang BIR.

Subalit nilinaw nitong hangga’t may mga nakikita pa silang nakapila para magsumite, ay pipilitin umano nilang mapagserbisyuhan ang mga ito.

Hinikayat din ni Osorio ang mga taxpayers na magbayad ang mga ito sa bangko dito sa Boracay na tumatanggap ng bayad para sa ITR para mapabilis ang pagproseso nila.

Samantala, sa mga hindi naman makahabol sa deadine, sinabi nito na bagama’t sila sa kawanihan ay ayaw sanang mapatawan ng penalidad ang mga taxpayers.

Subalit mariin aniya nila itong ipapatupad kapag hindi makapagsumite agad ang mga ito.

International movie na gagawin sa Boracay, tuloy pa rin kahit may problema

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma ni Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) President Ariel Abriam na matutuloy pa rin ang niluluto nilang international movie na gagawin dito sa isla.

Sa panayam kay Abriam, bagamat marami umano ang interesadong makiisa sa kaniya at may balak na mamuhunan sa nasabing pelikula, na pagbibidahan ng isang Hollywood actor, problema umano nila ngayon ay ang desisyon ng ilan sa mga ito, na nais lang din umanong makasiguro na kikita din ang nasabing pelikula.

Sa kasalukuyan, bagama’t balak pa rin nila itong ituloy anuman ang magiging kahihinatnan, hindi pa aniya nila alam kung kailan talaga sisimulan.

Pero nanindigan si Abriam na ito’y matutuloy pa rin at inaasahang sa susunod na mga buwan pa.

Samantala, nilinaw din ni Abriam, na ang layunin nila sa pagkasa ng pelikulang ito ay upang maipakilala at maipakita sa ibang lugar o mundo ang Boracay.

Ito ay dahil marami pa aniya ang nagsasabi sa mga bisita nito sa kaniyang resort na hindi pa talaga nila kilala ang Boracay.

Napunta lamang umano ang mga ito dito sa isla, dahil na rin sa panghihikayat at kuwento ng kanilang mga kaibigang nagawi lang din sa isla.

Matatandaang kamakailan lamang sa sesyon ng Sangguniang Bayan, inihayag ni Abriam na ngayong Abril ay balak na nilang simulan ang naturang pelikula na siya mismo ang nag-produce.