Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Hindi malayong mangyari na maghabla pabalik ang pamahaalang probinsya ng Aklan laban sa Boracay Foundation Incorporated (BFI), para sa danyos perwisyo na likha ng mga ito, dahil sa naantala ang pagpapatupad ng proyektong reklamasyon sa Caticlan makaraang sampahan ito ng kaso ng BFI.
Ito ngayon ang inihayag ni Atty. Allen Quimpo dating kongresista ng Aklan at tumatayong tagapag-payo ng pamahalaang probinsya batay sa paniniwala nito lalo pa at pinilit umano ng BFI na magsampa ng kaso kahit batid na ng mga ito na walang masamang epekto ang proyekto sa kapaligiran.
Ayon dito, ang ganitong bagay, kung legalidad ang pag-uusapan, ay hindi imposible.
Pero ang hindi umano nito alam ngayon kung gagawin ito ni Aklan Governor Marquez, ang pagsampa ng kaso laban sa BFI, kung mapapatunayan ng probinsya na walang basehan ang alegasyon ng mga negosyanteng ito.
Naniniwala siya na marami ang apektado ng pagkaka-antalang ito ng proyekto lalo na sa kontraktor at mga turistang nakaranas ng kahirapan sa kakadaan umano sa Tabon Port.
Ngunit sa kabila ng pahayag na ito ni Quimpo, nilinaw niyang, nasa kay Gobernor Marquez parin ang disisyong kung kakasuhan pa nila ang BFI, kung sakaling sila ang palarin sa kasong isinampa laban sa kanila.
Samantala, dahil sa mga isyung namamagitan ngayon sa BFI at pamahalaan probinsya ng Aklan, hiniling naman ni Atty. Quimpo sa BFI na sana ay hindi na nila pag-awayan pa ang mga bagay na katulad nito, sa halip ay magka-isa at magtulungan nalang sa pagpapa-unlad ng Boracay.
Kasabay ng kahilingang ito ng abogado, sinabi niyang ipinagmamalaki at masaya ang pamahalaang probinsya sa mga nagawa ng BFI lalo na sa pagpapaganda ng mga pasilidad at serbisyo nila sa mga turista.