YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 12, 2014

Beach Garbage Bins sa Boracay, tinitingnan pa kung dadagdagan ng LGU Malay

Posted April 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Para mapanatili ang kalinisan sa front beach ng Boracay.

Tinitingnan na rin sa ngayon ng local ng pamahalaan ng Malay kung dadagdagan ang mga beach garbage bins sa isla.

Ayon kay Island Administrator Glenn SacapaƱo.

Makikipag-ugnayan pa sila sa Material Recovery Facilities (MRF) kung may mga garbage bins pa doon na maaaring maidagdag sa mga nailagay nang basurahan sa front beach ng isla.

Aminado rin kasi si SacapaƱo na may mga residente at turista parin talagang pasaway na kung saan-saan lang itinatapon ang kanilang basura.

Samantala, kaugnay rito, nanawagan din si SacapaƱo ng suporta mula sa mga establisyemento para sa kalinisan ng isla ngayon Semana Santa.

Paalala din nito na mahigpit na ipinagbabawal ang pagkakalat ng basura sa front beach at kung sino man ang mahuhuli rito ay maaaring pagmultahin o bigyan ng penalidad.

Paliwanag pa ni SacapaƱo na ang ginagawang paghihigpit ng local na pamalaan ay hindi lamang para sa mga mamamayan kundi para narin sa mga turista at sa isla ng Boracay.

Yapak Barangay Captain Hector Casidsid, nakabalik na sa puwesto matapos masuspendi

Posted April 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakabalik na sa puwesto si Yapak Brgy. Captain Hector Casidsid matapos itong masuspendi ng dalawang buwan dahil sa umano’y misconduct.

Naging emosyonal ito sa kaniyang pagbabalik kahapon kung saan mainit siyang sinalubong ng ilan nitong konsehales at mga brgy. Officials.

Nabatid na sinabi ng Kapitan na ipagpapatuloy umano nito ang kaniyang mga nasimulan para sa mas ikakaganda at ikakaunlad pa ng kanilang brgy.

Matatandaan na naghain ang office of the mayor ng Malay ng isang suspension order na nilagdaan ni mismong Mayor John Yap laban kay Kap Hector nitong nakaraang buwan ng Pebrero.

Matapos umano nitong nilabag ang solid waste management laws matapos nitong gawing open dumpsite o tambakan ng basura ang isang lote na pagmamay-ari ni Leo Tirol.

Naghain naman ng pormal na reklamo noong 2012 si Tirol tungkol dito, dahilan upang ipinag-utos ng Office of the Ombudsman Visayas kay Mayor John Yap na ipatupad ang nasabing penalidad.

Si Casidsid ay nasuspendi noog buwan ng Pebrero a-10 hanggang April 10 ng taong kasalukuyan.

Philippine Red Cross Boracay, sang-ayon sa pagiging life savers by night ng mga taga Maboven

Posted April 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sang-ayon ang Philippine Red Cross Boracay sa pagiging life savers by night ng mga taga Maboven.

Katunayan, sinabi ni PRC Malay-Boracay Chapter Deputy Administrator John Patrick Moreno na patuloy ang kanilang pagtanggap ng mga volunteers at pagbibigay ng mga trainings sa first aid at life saving.
Maliban dito, sang-ayon din si Moreno na makakatulong sa pagligtas ng buhay lalo na sa gabi, kung sasanayin ang mga masahista ng MABOVEN o Malay –Boracay Vendors Peddlers Ambulant Masseurs & Manicurist Association, Inc.

Aminado rin kasi ito na kulang talaga sila sa work force kung kaya’t hindi rin nila marerespondehan ang insidente ng pagkalunod sa gabi.


Samantala, sinabi pa ni Moreno na maglalagay sila ng mga first aid stations sa Boracay para sa Holy Week.

Nabatid naman na ang mga taga MABOVEN ang asosasyon na natitira sa beach front kung gabi hanggang madaling araw na maaaring makaresponde sa mga insidente ng pagkalunod sa gabi.

BFI, magpapadala ng position letter sa SP Aklan upang tutulan ang bagong proposed Base Market Values para sa Boracay

Posted April 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Masyadong mataas ang nasa mahigit 200 porsyento na itataas sa bayarin ng buwis para sa isla ng Boracay.

Ito ang saloobin ng mga real property owners sa Boracay hinggil sa bagong panu
kalang Base Market Values para sa Malay, Caticlan at Boracay.

Kaya naman sinabi ngayon ni Boracay Foundation Inc. (BFI) President Jony Salme, na magpapadala ng position letter ang BFI upang ipaabot sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang kanilang mga suhestiyon.

Ayon kay Salme, sa ngayon ay dina-draft palang nila ang nasabing sulat at balak ipadala sa Aklan Provincial Government sa lalong madaling panahon.

Samantala, nabatid sa isinagawang Public Hearing ng SP Aklan nitong April 4 sa isla na kinuwestiyon ng mga real property owners ang itinaas ng kanilang babayarang buwis sa taong 2015.

Subalit, nabatid naman sa paliwanag ng Provincial Assessor na kaya umabot sa 200 hanggang 300 porsiyento ang buwis na babayaran ng mga real property owners sa Boracay at Malay ay dahil pansamantalang isinantabi ng pamahalaang probinsyal sa loob ng siyam na taon ang General Revision ng Base Market Values, sanhi ng mga nagdaang kalamidad sa Aklan.

Malay PNP, pinaigting ang seguridad sa Caticlan Jetty Port ngayong Semana Santa

Posted April 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasabay ng pagdagsa ng pasahero sa Caticlan Jetty Port ngayong Semana Santa, mas pinaigting naman ng Malay PNP ang kanilang seguridad.

Ayon kay SPO1 Ben Estuya ng Malay PNP, 24/7 umano ang kanilang ipapatupad na seguridad simula sa araw ng Lunes hanggang sa matapos ang araw ng Semana Santa sa susunod na linggo.

Katuwang naman ng Malay PNP ang Philippine Coastguard, Bantay Dagat, Municipal Auxiliary Police, Philippine Army at mga Brgy. Tanod.

Samantala, magkakaroon din umano sila ng mga karagdagang pulis para sa lalong pagpapaigting ng seguridad sa Jetty Port maging sa Hi-Way ng Brgy. Caticlan dahil sa posibleng  pagsulputan ng maraming sasakyan.

Maglalagay naman ng police assistance desk ang Malay PNP para sa lahat ng mga pasaherong nangangailangan ng kanilang tulong.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Estuya ang lahat ng mga maglalakbay ngayong Semana Santa ang ibayong pag-iingat lalo na sa kanilang mga kagamitan.

Caticlan Jetty Port, all out na sa pagdagsa ng mga turista ngayong Semana Santa

Posted April 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

www.goggle.com
All-out na ang Caticlan Jetty Port para sa pagdagsa ng maraming turista sa Boracay ngayong Semana Santa.

Katunayan nakahanda na ang lahat ng mga pasilidad sa nasabing pantalan kabilang na ang mga security assistance desk, inquiry guest at one stop shop sa labas ng pantalan.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, muli na rin umano nilang binuksan ang isang x-ray machine matapos itong magkaaberya nitong mga nakaraang araw.
Sa kabilang banda dumarami na rin ngayon ang mga turistang dumarayo sa isla ng Boracay kung saan nitong pagpasok ng buwan ng Abril ay nakapagtala sila ng 54, 772 tourist arrival sa loob lamang ng sampung araw.

Inaasahan naman ng Jetty Port Administration na ngayong Lunes ay tiyak na tataas pa ang volume ng mga pasaherong magbabakasyon sa isla ng Boracay lalo na sa araw ng Holy Week.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Pontero ang lahat ng mga pasahero na sundin ang lahat ng mga paalala ng kanilang pantalan at ang ibayong pag-iingat.

Friday, April 11, 2014

Mga “party” sa Semana Santa, tinututukan din ng DOT Boracay

Posted April 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bagamat may ordinansang nagre-regulate sa mga kasiyahan at events tuwing Semana Santa sa isla ng Boracay.

Sinabi ngayon ni Department of Tourism (DOT) Officer In Charge Tim Ticar na isa ang mga “party” sa isla na kanilang tinututukan sa panahon ng kwaresma.

Ito’y bilang pagsuporta din sa panawagan ng LGU Malay at Simbahang Katoliko sa Boracay na bigyang daan ang pagninilay-nilay sa Semana Santa.

Samantala, nabatid naman na nitong Martes ay napag-usapan sa Malay SB Regular Session na bawal muna ang pag-iingay sa Boracay pagsapit ng Good Friday o Biyernes Santo.

Ang pansamantalang pagpapatigil ng lahat ng mga nagpapatugtog ng musika sa isla ay upang bigyang daan ang pagninilay-nilay ng mga katoliko.

Dinadayo ng mga turista sa Boracay ang kaliwa’t kanang beach party sa isla kapag summer season lalo na kahit pagsapit ng Holy Week.

Babaeng Korean national, umano’y ninakawan ng 100 US Dollars at gamit sa Boracay

Posted April 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Huwag basta-basta magtitiwala lalo na’t hindi pa familiar sa lugar”

Matatandaang ito ang palaging paalala ng Department of Tourism (DOT) Boracay sa mga dayuhang turista na bumibisita sa isla ng Boracay.

Subali’t kahapon, isa na namang babaeng Korean national ang umano’y ninakawan ng pera na nagkakahalaga ng 100 US Dollars o nasa mahigit apat na libong piso, ipad at isang LSR na camera.

Ayon sa pahayag ng 25- anyos na babaeng Korean national na si Seon Myeong Baek sa Boracay PNP.

Bumili umano ito ng sombrero sa isang hindi nakilalang lalaki na nagtitinda sa Station 2, Balabag Boracay, subalit dahil sa marami umano ang pinamili nito ay nakiusap muna syang ipahawak ang kanyang mga gamit sa kasama ng nasabing tindero.

Ngunit, ilang sandali pa ay agad umanong itinakabo ng nasabing lalaki ang kanyang mga gamit at hindi na nakita pa.

Samantala, kasalukuyan pa rin sa ngayong iniimbestigahan ng Boracay PNP Station ang nasabing kaso.

Sekyong napikon sa biro, nanampal ng babae sa Boracay

Posted April 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dahil sa hindi nagustuhang “Joke”, isang security guard ang nanakit ng babae sa Sitio. Tulubhan Brgy. Monoc-Manoc isla ng Boracay kahapon.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, isang ginang umano ang dumulog sa kanilang tanggapan para ireklamo ang isang security guard na nanakit ng kaniyang pamangking babae.

Kinilala ang biktimang si Karina Joy Salminao, 22-anyos housekeeping staff sa isang resort sa isla ng Boracay at tubong Brgy. Alimbo Baybay, Nabas, Aklan.

Basi sa salaysay ng biktima, nakuha umano niyang makipagbiruan sa suspek na kinilalang si Rommel Saplit, 30-anyos at security guard din sa resort na pinagtratrabahuhan nito.

Ikinagulat na lamang umano nito ng bigla siyang sampalin ng suspek sa mukha matapos na hindi nito nagustuhan ang kaniyang pagbibiro kung saan nasundan pa ito ng batok sa ulo.

Dahil dito agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan, kung saan ang nasabing kaso ay ini-referred na lamang sa Brgy. Justice System ng Brgy. Manoc-Mnoc Boracay para sa proper disposition.

BIWC, maglalaan ng “Free drinking water”sa publiko sa Boracay ngayong Semana Santa

Posted April 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Free drinking water”.

Ito ang pantapat ng Boracay Island Water Company (BIWC) sa uhaw ng publiko ngayong Semana Santa sa isla.

Ayon kay Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba.

Maglalagay umano sila ng free drinking water station sa beach front ng Station 1 hanggang Station 3 Boracay sa darating na araw ng Huwebes Santo hanggang sa araw ng Linggo simula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Nais umano kasing makatulong ng BIWC sa mga turista na nahihirapang humanap ng mabibilhan ng tubig at sa mga nais magtipid.

Napag-alamang ang nasabing kumpanya ay kalimitang naglalagay ng libreng tubig para sa publiko sa tuwing may mga malalaking event sa isla.

samantala, inaasahan naman ang pagdagsa ng napakaraming turista sa isla ng Boracay ngayong Semana Santa.

Thursday, April 10, 2014

Presyo ng prutas sa Boracay ngayong summer, hindi tataas

Posted April 10, 2014 as of 6:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi tataas ang presyo ng mga prutas sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ng ilan sa mga nagtitinda sa isla sa kabila ng pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista para magbakasyon.

Ayon sa fruit vendor na si “nonoy”, ganoon parin ang presyo ng kanilang mga tinitindang prutas at wala namang balak na itaas ang presyo nito.

Samantala, aminado rin ang mga nagtitinda ng prutas sa Boracay na mas malakas ang kanilang kita ngayon kumpara sa mga nakaraang buwan dahil sa mainit ang panahon at marami ang mga gumagawa ng fruit shakes.

Nabatid na patok sa mga turista dito ang banana shake, mango with papaya-shake, avocado, at water melon with milk shakes.

Ang fruit shake ay isa naman sa mga lokal ngunit sikat na palamig sa Boracay na karaniwang mabenta sa mga turista.