YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 20, 2016

Outpost ng Boracay Action Group (BAG) sa Yapak, binuksan na!

Posted August 20, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Photo Credit: Boracay Action Group
Bukas na ngayon ang Outpost ng Boracay Action Group (BAG) sa Barangay Yapak, Boracay para sa mas lalong pagpapa-igting sa pagbabantay ng seguridad sa isla.

Ito ay binuksan kahapon sa pangunguna ni Mayor Ceciron Cawaling, Brgy. Chairman Hector Casidsid, Commodore Leonard Tirol BAG adviser/Consultant at Executive Assistant IV Rowen Agguire kasama ang Boracay at Malay PNP, Maritime Group, Boracay Fire Rescue Ambulance Volunteers (BFRAV), Bureau of Fire, Kabalikat Civicom, Coast Guard at MAP.

Dahil dito nagpapasalamat naman si Tirol sa mga Stakeholders at sa LGU Malay para sa matagumpay na papapatayo ng ginawang Outpost.

 Nabatid na matatalaga rito ang miyembro ng Maritime Police, Boracay, PNP at iba pang security forces kung saan 24-oras itong bukas para sa pagbabantay ng seguridad sa buong isla.

Samantala, ito naman ang kauna-unahang Outpost ng Boracay Action Group (BAG) sa tulong ng Brgy. Yapak.

MSWDO may pakiusap sa mga resort owners kaugnay sa child sex tourism

Posted August 20, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for child sex tourism“Isumbong sa mga kinauukulan.”

Ito ang panawagan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Malay sa mga resorts owners kaugnay sa child sex tourism.

Ayon kay MSWDO Officer Magdalena Prado, may naging kaso umano kasi ng child sex tourism noon sa Boracay kung saan ginagamit ang mga bata sa trafficking (pagkakalakal) ng mga banyagang turista.

Nais nito na magsumbong umano sa mga pulis o MSWDO ang mga resort o hotel sa sandaling mayroong nag check-in sa kanilang dayuhan na may kasamang menor de-edad na Pilipino na kahina-hinala upang maiwasan ang masamang gawaing ito sa Boracay.

Nabatid na dinadala umano ang mga batang ito sa isla ng Boracay ngunit nito umanong huli ay may aligasyon na mismong galing na sa isla ang kasama sa child sex tourism.

Ang child sex tourism ay karaniwang ginagawa sa mga kilalang tourist destination sa buong mundo kung saan ng ilang mga banyaga na naghahanap ang mga ito ng mga batang kanilang maabuso.

Sewerage Treatment plant ng BIWC sa Manoc-manoc sumailalim na sa testing

Posted August 20, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Manoc-manoc sewage treatment plant
Sunod-sunod na umano ang ginagawang testing sa bagong Sewerage Treatment Plant (STP) ng Boracay Island Water Company (BIWC) sa Tambisaan Manoc-manoc.

Sa panayam kay BIWC Business Operations Head Acs Aldaba, sinabi nito na inihahanda na ang bagong STP sa gaganaping Inauguration nito sa Setyembre 26, 2016.

Ito umano ay may capacity na 1 million liters per day o 5MLPD na tumatanggap ng mga waste water sa isla ng Boracay.

Ayon pa dito magdedesisyon silang buksan sa mga kliyente ang kanilang linya para sa mga waste water matapos ang magaganap na Inauguration.

Samantala, wala naman umano silang nakitang problema sa ginawang mga testing kung saan pinaiikot-ikot pa lamang umano nila sa ngayon tubig sa loob dahil sa hindi pa sila nagbubukas ng operasyon. 

Friday, August 19, 2016

Permit para sa Docking Facility sa Punta Bunga Boracay, muling tinalakay SA SP Session

Posted August 19, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Muli na naman ngayong tinalakay sa 6th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang request ng SMI Development Corporation kay Aklan Governor Joeben Miraflores.

Ang kahilingan ay para  sa bigay ng permit para sa construction ng Docking Facility sa Punta Bunga sa isla ng Boracay.

Samantala, ine-refer na ito sa Committee on Laws, Rules and Ordinances, Committee on Environmental Protection, Committee on Tourism, Trade, Industry and Commerce, and Committee on Energy, Public Utilities, Transportation and Communication.

Nabatid, na tinalakay na ito noon kasama ang Jetty Port Administrator para tingnan ang mga dokumento at mga requirements ng SMI bago nila ito bigyan  ng permit kung saan ito naman ay ibinalik upang pag-aralan pa nito ang pagkuha at pag-proseso sa kanilang request.

Nais ng SMI na aprobahan at payagan  ang direktang pag-transport ng kanilang mga bisitang magbabakasyon sa isla ng Boracay.

Samantala, hinihintay naman ngayon ng SP Aklan na magbigay ng kaukulang dokumento ang SMI Development Corporation para muling talakayin at mapag-desisyunan kung nararapat ba na katigan ang hiling nito.

Pagpapaigting sa kampanya kontra druga at krimenalidad pagtutuunan ng bagong Chief of Police ng BTAC

Posted August 19, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa ikatlong araw palang ngayong nanunungkulan bilang bagong Chief of Police ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) si Senior Inspector Jess Baylon.

Si Baylon na 29-anyos ang siyang pumalit kay Chief Inspector Nilo Murallos, na ngayon ay nakatalaga na sa Calabarzon.

Sa panayam sa bagong hepe, magiging prayoridad umano nito sa Boracay ang lalong pagpapaigting sa kampanya laban sa illegal na druga at krimenalidad.

Malaki umanong hamon sa kanya ang matalaga sa kilalang tourist destination kung saan dagsa ang maraming bisita at ibat-ibang tao ang pumapasok sa isla araw-araw.

Samantala, nanawagan naman si Baylon sa publiko na magtulungan umano na maipatupad ang kaayusan at katahimikan sa Boracay at iwasan na umano ang paggawa ng mga bagay na mali at hindi nararapat.

Nabatid na ang bagong hepe ng BTAC ay nauna ng natalaga sa Davao region sa loob ng mahigit limang taon hanggang sa nalipat ito sa Police Regional Office (PRO-6) Human Resource and Doctrine Development (HRDD) Office sa Camp Martin Delgado sa siyudad ng Iloilo.

Bill Man, sinaksak ng Commissioner sa Boracay

Posted August 19, 2016
Ni Inna carol L. Zambrona,YES FM Boracay

Image result for sinaksakDuguang isinugod sa isang pagamutan sa Boracay ang isang lalaki matapos itong saksakin ng sinasabing Commissioner sa harap ng isang fast food chain sa Station 2 Balabag kahapon.

Base sa blotter report ng Boracay PNP, nakilala ang biktima na si Jholan Asne, 31-anyos, isang Concierge/Billman ng isang resort sa isla.

Salaysay ng biktima sa mga pulis nilapitan niya umano ang sinasabing Commissioner na nakahiga sa upuan ng kanilang waiting area na para sa mga guest at pinag-sabihan niya umano ito na bawal ang tumambay doon dahil para lamang ito sa kanilang mga bisita.

Ngunit ikinagalit umano ito ng suspek hanggang sa nagkasuntukan umano sila kung saan may lumapit pa na tatlong Commissioner sa kanila at doon ay pinagtulungan ang biktima na bugbugin at mabilis siyang inundayan ng saksak ng isang Commissioner gamit ang isang kutsilyo na tumama naman sa kaliwang braso at sa kaliwang ulo ng biktima.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang paghahanap ng mga pulis sa mga sinasabing Commissioner na tumakas din pagkatapos ng insidente kung saan kasalukuyan namang nagpapagaling ang biktima sa isang ospital sa bayan ng Kalibo.

Kabayahang itinayo sa gilid ng ilog sa Caticlan sinita ni SB Bautista

Posted August 19, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for caticlan ilogMahigpit umano na ipinagbabawal ang pagpapatayo ng mga bahay o anumang imprastraktura  sa gilid ng mga ilog sa bayan ng Malay.

Ito ang nabatid kay SB member Frolibar Bautista sa kanyang privilege speech sa SB Session nitong Martes ukol sa mga itinayong kabahayan ngayon sa gilid ng ilog sa Caticlan.

Ayon kay Bautista tila insulto umano ito sa gobyerno ng Malay dahil parang wala umano ang mga itong kinakatakutan kung saan matapos gibain ang kanilang mga imprastraktura ay ngayon ay bumalik na naman umano ang mga ito.

Sinabi pa nito na wala umanong programa ang ginawa para maiangat at maprotektahan ang ilog sa Malay.

Samantala, hilining naman ni SB Bautista sa Committee on Environment na e-inventory kung ano na ang mga nangyayari sa ilog sa nasabing bayan. 

Thursday, August 18, 2016

Botante sa Malay, umabot na sa 34 na libo !

Posted August 18, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for Comelec OfficerMahigit 34, 320 na ngayon ang kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa bayan ng Malay para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Election ngayong Oktubre.

Ayon kay Malay Comelec Officer II Elma Cahilig, ito ang datos ng Comelec Malay sa katatapos na registration noong nakaraang buwan ng Hulyo.

Nabatid na kabilang sa mga binalido nilang botante dito ay ang re-activation at correction sa kanilang pangalan kung saan ang iba naman dito na kanilang tinggal ay yaong patay na at nagtransfer na sa pagboto sa ibang lugar.

Kaugnay nito, ang bilang naman ng mga botante sa Sangguniang Kabataan sa edad na 15-16 ay 940 habang ang 18-30 ay umabot sa 13, 574.

Maliban dito, dalawa ang pagbobotohan ng edad na 18-30 kung saan sila ay boboto sa Sangguniang Kabataan at Barangay.

Samantala, ang Comelec Malay ang pumapangalawa sa may pinakamaraming rehistradong botante sa probinsya ng Aklan.

170 violators sa sewerage noong 2013 sa Boracay pinapasiyasat

Posted August 18, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for sewerage system
Pinapasiyasat ni SB member Frolibar Bautista ang 170 violators na ilegal na nag-kokonekta sa sewerage system sa isla ng Boracay noong 2013.


Ito’y kaugnay sa pahayag ni SB member Nenette Aguire-Graf na meron umanong mga establisyemento ngayon ang ilegal na naka-tap sa sewerage ng Boracay Island Water Company (BIWC).

Ayon kay Baustista, noong 2013 umano ay isang task force ang binuo ng nakaraang administrasyon na nag-iinspeksyon sa koneksyon ng sewerage sa Boracay.

Doon din umano lumabas na merong 170 violators kung kayat nais nitong malaman kung nakapag-konekta naba ang mga ito sa BIWC o hindi pa at kung nadagdagan pa ang mga lumabag.

Samantala, ayon naman kay Vice Mayor Abram Sualog, kung may violation umano at may nag-tap ay kailangan umano itong putulin agad at sampahan ng kaso dahil sa may sinusunod umanong ordinansa.

Maliban dito sinabi pa ng Bise-Alkalde na kung may nag-isyu umano ng permit ay dapat pati ang ito ay kasuhan. Nais din nito na magpadala sila ng komunikasyon sa Municipal Engineer o sa Office of the Mayor para aksyonan ang problema.

Base, sa rekord ng BIWC nasa 981 ngayon ang legal na establisyemento ang konektado sa sewer line ng nasabing kumpanya.

Nakasaad din sa Ordinance 267 ng LGU Malay na dapat lahat ng mga establisyemento sa isla ay konektado sa sewer line na isa ring requirements sa pagkuha ng mayors permit.

Petro wind project sa Napaan Malay papasukin ng SB Officials

Posted August 18, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Napaan windmillPinaplanong pasukin ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Petro Wind project sa Brgy. Napaan kung saan nakatayo ang pitong windmill.

Ito ang hiniling ng konseho sa ginanap na Session nitong Martes kay Engr. Jose Vilena Jr. Senior Project Manager ng Petrowind na isa sa mga dumalo sa nasabing session matapos silang ipatawag tungkol sa problema ng Napaan river.

Ayon naman kay Vilena bukas naman silang tanggapin ang konseho sa kabila ng mahigpit umano nilang seguridad sa ginawang proyekto.

Nabatid na nais makita ng mga opisyales ng Malay kung gaano naapektuhan ang Napaan river ng mga itinayong windmill na ngayon ay nagresulta ng discoloration ng tubig o kulay putik na dumadaloy sa ilog.

Ayon naman kay Vilena patuloy ang kanilang ginagawang paraan upang ng sa ganon ay muling mapakinabangan ng mga residente sa lugar ang nasabing ilog na kanilang pinagkukunan ng tubig.

Matatandaang ipinatawag ni SB member Dante Pagsuguiron ang naturang kumpanya dahil sa pagkabahala nito sa mga residente sa Napaan at ang epekto sa kalikasan.

Ang Windmill project ng Petro wind ay isang kumpanya na pinagkukunan ng suplay ng kuryente.

Wednesday, August 17, 2016

Commissioner, muling nambiktima ng turista sa Boracay

Posted August 18, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for estafaIsang Commissioner ngayon ang pinaghahanap ng mga pulis matapos na takasan ang turistang Chinese National na kumuha sa kanya ng water sports activity sa Balabag kahapon.  

Reklamo ni Xiaofei Zhao, 45-anyos sa Boracay PNP, humingi umano ng paunang bayad ang hindi nakilalang Commissioner sa kanya na nagkakahalaga ng P 4, 000 para sa kanilang kinuhang Water Sports activity.

Subali’t sa pagkikita na umano nila kahapon para gawin ang mga Sports activity ay bigong magpakita sa kanila ang suspek.

Dahil dito, patuloy na ini-imbestigahan ng Boracay PNP ang naturang reklamo kung saan nakikipag-ugnayan na sila ngayon sa mga may-ari ng Water Sports activity para makilala ang isa na namang manlolokong Commissioner.

Nabatid na mahigpit na ipinagbabawal ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang mga commissioner sa Boracay dahil sa kanilang illegal na gawain at panloloko sa mga turista.

“Oplan Hawan” sinuyod ang Vegetation Area ng Boracay

Posted August 18, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Nagsimula na ang pagpapatupad ng clearing operation o “Oplan Hawan” sa vegetation area pasado alas nuwebe kaninang umaga na nag-umpisa sa Station 3 Boracay.

Katuwang ni Executive Assistant 1V Rowen Aguirre ang Malay Auxiliary Police, Street Cleaner, Boracay Beach Guard, Malay at Boracay PNP, Philippine Army, Coast Guard, Public Assistance for Rescue, Disaster and Support Services o (PARDSS) empleyado ng LGU Malay kagaya ng Tourism, Licensing, Zoning, at Engineering Office.

Nabatid na bago sinimulan ang clearing operation ay pinulong muna ni Aguirre ang mga ito para sa kanilang gagawin pagpapaalis sa mga illegal vendors, pag-kuha ng mga pangalan ng commissioners, pag-kumpiska sa mga gamit ng mga establisyemento sa front beach kagaya ng lamesa, tent, upuan at straktura.

Kaugnay nito, kabilang sa apektado ay ang mga maliliit na tindahan na lumagpas sa 25+5 meter easement rule at sumakop sa walk-way kung saan pati ang mga ito ay tinibag.

Samantala, sinabi naman ni Aguirre na tatapusin nila ngayong araw ang naturang clearing operation kung saan pagkatapos naman umano nito ay magkakaroon sila ng maping kung saang lugar ang mga ito ilalagay.

Mga asong pagala-gala sa Boracay pinuna ni SB member Pagsuguiron

Posted August 17, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for aso sa boracay
Hindi maikakailang maraming mga asong pagala-gala sa isla ng Boracay lalo na sa beach area na tila parang mga tao rin na namamasyal sa dagat.

Dahil dito pinuna ni SB member Dante Pagsuguiron sa Session ng Sangguniang Bayan ng Malay kahapon ang umanoy problemang ito sa Boracay na nakaka-apekto sa mga turista.

Ayon kay Pagsuguiron ang Malay umano ay deneklara noong nakaraang taon ng Department of Health (DOH) na rabies free ngunit madami umanong mga street dogs na pagala-gala samahan pa ng dumi ng mga ito.

Ngunit isa sa mga ipinagtataka ng konsehal kung bakit walang nanghuhuli sa mga ito o mga dog catcher para masugpo na ang mga asong ito na nagdadala ng piligro sa mga turista.

Dahil dito ang Committee on Health at Committee on Environment ay pangunguhan ang pagtatakay nito kung saan makikipag-ugnayan rin sila sa opisina ng Executive Office.

Clearing operation sa vegetation sa Boracay uumpisahan na ngayong araw

Posted August 17, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Boracay front beachHandang handa na ang Lokal na Pamahalaan ng Malay para sa ipapatupad na clearing operation o Oplan Hawan sa vegetation area sa Boracay ngayong araw.

Ito ay pangungunahan mismo ni Executive Assistant 1V Rowen Aguirre katuwang ang Boracay PNP at Municipal Auxiliary Police at iba pang force multipliers sa isla.

Nabatid na huhulihin ng mga ito ang ambulant vendors na wala sa tamang lugar, lahat ng commissioners at pag-kumpiska sa mga gamit ng mga establisyemento sa front beach kagaya ng lamesa, tent, upuan at iba pang straktura.

Kaugnay nito nilinaw naman ni Aguirre na tuwing day-time lang nila ipinagbabawal sa mga estalisyemento ang paglalagay ng mga nabanggit na gamit at maaari naman itong ibalik ala-6 ng gabi hanggang ala-6 ng umaga.

Ayon kay Aguirre lahat ng mga nakalatag o mga vendors sa walkway sa front beach ay tatanggalin mula station 3 hanggang station 1 kung saan ilalagay naman ang mga ito sa iisang lugar.

Samantala, ang mga hindi susunod sa ordinansang ito ng LGU ay mahaharap sa ibat-ibang penalidad o pagkumpiska sa kanilang mga ibinibinta o mga gamit.

Lalaki sa Boracay, pinagbabaril ng hindi nakilalang suspek

Posted August 17, 2016
Ni Inna Craol L. Zambrona, YES FM Boracay

Duguan na isinugod sa isang pagamutan sa Boracay ang isang lalaki matapos pag-babarilin ng hindi nakilalang suspek sa isang KTV Bar sa Sitio Tulubhan, Brgy. Manoc-manoc kaninang madaling araw.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, lumapit umano ang lalaking suspek sa biktima na bitbit ang maliit na kalibre ng baril na itinutok sa kanyang mukha.

Dahil dito, denepensahan naman ng biktima ang kanyang sarili kung saan iniwas nito ang  kanyang mukha sa baril at agad na tumakbo para magtago ngunit pinagbabaril parin umano ito ng suspek hanggang sa matamaan ang biktima sa kanyang kaliwang dibdib, kanang kamay at kaliwang balikat.

Matapos nito ay agad umanong tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo habang mabilis namang naisugod sa pagamutan ang biktima ng mga tao sa lugar.

Subalit sa malubhang mga sugat na tinamo ng biktima ay minabuti ng doktor na sumuri rito na dalhin nalang ito sa ospital sa bayan ng Kalibo para mabigyan ng mas nakakabuting medikasyon.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Boracay PNP station tungkol sa nangyaring insidente kung saan hanggang ngayon ay hindi parin nila matukoy ang responsable sa pamamaril.

Tuesday, August 16, 2016

Basura sa Boracay hakutin na ! - Cawaling

Posted August 16, 2016
Ni Alan C. Palma Sr., YES FM Boracay

Ipinamamadali ngayon ni Malay Mayor Ceciron Cawaling ang paghakot ng mga basura sa Boracay.

Ito ang utos ng alkalde sa lumalalang sitwasyon ng mga MRF sa isla kung saan tone-toneladang mga basura ang naka-tingga at di-umano’y nangangamoy ngayon lalo na sa Baranggay Manoc-manoc.

Ayon kay Solid Waste In-charge Engr. Arnold Solano, nakahanda na raw ang mga dump truck ng mga miyembro ng haulers na hahakot at magtatawid sa Malay sa darating na weekend.

Subalit nais ni Cawaling na bilisan ito dahil ayaw nito na mangamoy ang isla na posibleng makasira raw sa turismo.

Dagdag pa nito na dapat unahin ang mga matagal ng nakaimbak at nabubulok.

Balak din ng Lokal na Pamahalaan ng Malay na pansamantalang gawing holding area ng mga nahuhuling sasakyan na walang permit ang MRF Yapak sakaling ito ay malinis na at magkakaroon na ng espasyo.

Samantala, aalamin pa umano nila ang kasunduan sa pagitan ni dating Island Administrator Glenn Sacapano at may ari ng lupa sa MRF Balabag bago sila magsagawa ng susunod na hakbang hinggil sa paghakot ng mga nakatambak na basura doon.

Sa ngayon ay umaabot sa 20-25 truck ng basura ang nahahakot araw-araw dulot ng dumaraming turista at lumalaking populasyon sa isla.

Dahil sa nararanasang Power Interruption, PCCI Boracay may panawagan rin sa AKELCO

Posted August 16, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for PCCI BORACAY
Naglabas din ngayon ng saloobin ang isa sa malaking Stakeholder Group sa Boracay na Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI dahil sa patay-sinding kuryente nitong nakalipas na mga linggo.

Sinabi ni Djila Winebrenner, PCCI Board Member na dapat ituloy-tuloy ng AKELCO o Aklan Electric Cooperative ang kanilang serbisyo sa isla ng Boracay dahil naapektuhan ang mga negosyante.

Aniya, dati ay tanggap nila ang katwiran ng AKELCO sa power interruption dahil umano sa malayo ang isla ng Boracay para mabigyan ng suplay ng kuryente.

Mabuti umano ang ibang mga malalaking negosyante na merong generator na agad masusulusyunan ang brownout ngunit paano umano silang mga maliit na negosyante na gagastos pa sila ng malaking pera bago makabili ng generator para lang makapagbigay ng magandang serbisyo sa mga turista.

Kaya naman nais nitong ipa-abot sa AKELCO na ayusin nila ang kanilang sistema sa pagbibigay ng suplay at ang ibinabayad ng mga konsumedor sa kanila ay ibili ng gamit para sa tulo-tuloy na paggamit ng kuryente.