YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 12, 2014

Mga dayuhang tour guide sa Boracay, nagsumbong sa BRTF dahil sa umano’y pangha-harass

Posted July 12, 2014 
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Minarapat na magsumbong sa BRTF ang mga dayuhang tour guide dahil sa umano’y pangha-harass sa kanila sa Boracay.

Sa isang pagpupulong kahapon, hindi nakapagpigil ang mga nasabing tour guide na maglabas ng hinaing at reklamo sa BRTF o Boracay Redevelopment Task Force.

Base sa kanilang nilagdaang reklamo, paulit-ulit umano silang nakakaranas ng pangha-harass at maling pagtrato sa kabila ng kanilang pagsunod sa mga batas sa isla.

Kinukumpiska kasi ang kanilang Barangay ID at Immigration ID sakaling hindi sila makabayad ng kanilang violation o penalidad.

Maliban dito, naantala din ang kanilang island activities kasama ang kanilang tour group dahil pinipigilan silang sumakay ng bangka dahil lamang sa citation ticket.

Ikinadismaya din ng mga nasabing tour guide ang napakatagal na pagproseso ng working permit kahit nakumpleto at nakapagsumite na sila ng kanilang requirements.

Kaya naman natatakot a rin umano ang ibang mga Koreanong tour guide na magtrabaho bilang tour guide sa Boracay dahil kanilang naging karanasan.

Kaugnay nito, kaagad namang tinanggap at masusing pinag-aralan ng BRTF at maging ng DOT o Department of Tourism Boracay ang kanilang reklamo.

Mga Helmet Diving Operator ,binalaan ng BRTF patungkol sa mga komisyoner

Posted July 12, 2014
Ni Alan C. Palma Sr.

Kinokonsidera ng Boracay Redevelopment Task Force na illegal ang lahat ng mga nag-ooperate ng helmet diving pagkatapos na ang lahat sa kanila ay umamin na may mga komisyoner na naglalako ng kanilang helmet diving activity.

Nag-ugat ang usapin nag maghain ng reklamo ang ilang grupo na nagsasagawa ng kahalintulad na water activity sa opisina ng BRTF.

Sumbong ng mga ito na hindi nagkakapareho ang rate ng bawat diving establishment at minsan ay may nagbabagsak ng presyo.

Iginiit din ng ilan na hindi patas ang labanan dahil sa pag-gamit ng komisyoner.

Imunungkahi ni BRTF Secretary Mabel Bacani na dapat pag-usapan muna ito ng mga miyembro ng asosasyon para matiyak ang fix rate na iaalok sa turista.

Nagbabala naman si Island Administrator Glenn Sacapano na huwag ng magnegosyo kung gagamit ng komisyoner dahil bawal ito sa batas.

Ipapasara at kakasuhan ang establisyementong mahulihan at napatunayan na may komisyoner.

Sakit sa ulo na ng LGU-Malay ang mga iligal na tour coordinator at komisyoner na minsan ay nambibiktima at nagsasamantala sa mga dayuhang turista.

Lalaking lango sa alak, nambato ng bahay sa Boracay, kalaboso

Posted July 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kalaboso ang isang Lalaki matapos na maaresto ng pulis dahil sa pambabato ng bahay sa Boracay kaninang hapon.

Basi sa report ng Boracay PNP, inaresto ang suspek na kinilalang si Agapito Cahilo, 38-anyos ng Sitio. Angol ng nasabing lugar matapos itong aktong makita ng isang pulis na nanggugulo sa naturang bahay.

Kinilala naman ng mga kapulisan ang nagrereklamong si Jomer Padernal 33, anyos ng Brgy. Agtambo, Passi, Iloilo City.

Nabatid na habang nasa kaniyang bahay itong si Padernal kasama ang kaniyang ilang kaibigan ay bigla nalang sumugod itong inirereklamong si Cahilo at nanghahamon ng away kasabay ng panghahagis ng bato na tumama naman sa bahay ni Padernal.

Napag-alaman rin na nasa ilalim ng nakakalasing na inumin ang inirereklamo kung saan sa walang kadahilanan ay bigla itong nanggulo.

Sa ngayon pansamantala muna itong nakakustudiya sa Boracay PNP hanggang sa siya'y mahimasmasan.

DOT Sec. Ramon Jimenez, tutulong para sa pagpapagawa ng Pumping station sa Boracay

Posted July 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tutulong umano sa pagpapagawa ng karagdagang pumping station si Department of Tourism Secretary Ramon Jimenez.

Ito’y para maibsan ang nararanasang pag-baha sa Boracay dulot ng baradong mga drainage sa ilang lugar sa isla.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, magbibigay umano ng karagdagang tulong sa Local Government Unit (LGU) ng Malay si Jimenez para maibsan ang naturang problema.

Isa umano sa nakikita ng LGU Malay na paglalagyan ng pumping station sa Boracay ay ang area sa PCTV Sitio. Manggayad, Brgy. Balabag.

Sinabi pa ni Ticar na malaki umano itong tulong para maibsan ang pagbabaha sa isla katulad ng naranasan nitong mga nakaraang araw dulot ng malakas na pag-ulan.

Napag-alaman na iisa palang ang pumping station sa Boracay na proyekto ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) na inaasahang magbubukas ngayong mga susunod na araw matapos ang pagdating ng pump.

Friday, July 11, 2014

DENR, makikipagpulong sa LGU Malay at TIEZA hinggil sa nararanasang pagbaha sa Boracay

Posted July 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Makikipagpulong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR)  sa lokal na pamahalaan at TIEZA hinggil sa nararanasang pagbaha sa isla ng Boracay.

Ayon kay Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer In Charge Jonne Adaniel.

Inaalam pa nya ngayon ang resulta sa isinagawang inspeksyon ng DENR sa mga binahang lugar dito.

Kaya naman tikom muna ang bibig ni Adaniel sa kung ano ang magiging epekto ng tubig-baha na umano’y inilabas ng ilang establisemyento sa dagat.

Kaugnay naman ito sa pangamba at paniniwala ng publiko na hindi lang tubig-ulan, kungdi marumi at may amoy na tubig ang napasama sa inilabas sa dagat ng establisemyentong binaha.

Sinabi pa ni Adaniel na dapat kailangan munang kumpirmahin ang ganitong isyu para mabigyan ng kaukulang aksyon.

Nabatid na maraming establisemyento sa isla ang naapektuhan ng pagbaha nitong mga nakaraaang araw nang manalasa ang bagyong Florita.

Lalaking Ita sa Malay, sugatan matapos saksakin ng biyanan

Posted July 11, 2014
Ni Jay-ar M.  Arante, YES FM Boracay

www.google.com
Sugatan ang isang lalaking Ita matapos saksakin ng ama ng kaniyang asawa na isa ring Ita sa Brgy. Cogon, Malay, Aklan kagabi.

Ang biktima ay kinilalang si Ruel Calawod, 41-anyos ng nasabi ring lugar habang ang suspek ay pansamantala munang hindi pinangalanan ng Pulisya.

Basi sa report ng Malay PNP, nagyari ang insidente dakong alas-11: 45 kagabi kung saan agad  naman nila itong nirespondihan para magsagawa ng pursuit operation.

Nabatid na isinugod sa Malay Hospital ang biktima na nagtamo ng saksak sa kaniyang tagilirang tiyan na muntikan na ring naabot ang bituka nito.

Sa nakuhang record ng Hospital sa biktima, mismong ang biyanan umano nito ang sumaksak sa kaniya habang sila’y nag-iinuman kagabi.

Dahil sa tinamo nitong sugat mas minarapat ng nasabing pagamutan na ilipat nalang ito sa isang hospital sa bayan ng Kalibo para sa karampatang medikasyon.

Sa ngayon patuloy parin ang ginagawang embistigasyon ng Malay PNP kung ano ang naging dahilan ng pananaksak ng suspek sa biktima na hanggang ngayon ay at large parin.

Pump para sa flood control project ng TIEZA, ready for set up na

Posted July 11, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ready for set up na ang pump para sa flood control project ng TIEZA.

Katunayan, ininspekyon na rin kanina ng BIWC o Boracay Island Water Company ang pumping station ng TIEZA para sa pagdating ng nasabing pump.

Nakatakda naman itong i-testing o ikondisyon sa susunod na linggo para sa operasyon ng pumping station.

Samantala, isang ocular inspection nitong umaga, nabatid na nagtitiis parin sa baha ang mga establisemyento at mga motorista sa mainroad ng station 3 Manoc-manoc, partikular ang sa sitio Ambolong.

Hindi parin kasi humuhupa ang baha doon dahil sa wala namang mapuntahan ang  tubig-ulan na naiipon doon.

Kaugnay nito, muli namang nilinaw ng BIWC na para lamang sa phase 1 ng drainage project ang pumping station kung kaya’t hindi nito sakop ang mga lugar na apektado ng pagbaha sa station 3.

E-Golf Cart, binangga ang isang E-Car sa Boracay; driver, pinagbayad ng danyos

Posted July 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi na nagsampa ng kaso ang driver ng isang E-Car sa Boracay matapos na banggain ng isang E-Golf Cart.

Nagkasundo na lamang kasi ang mga ito na bayaran ng huli ang pinsalang idinulot ng insidente.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, binabaybay ni Joel Bamba, 39 anyos, driver ng E-Car ng isang resort ang main road Balabag Boracay nang huminto ito dahil sa nararanasang traffic.

Ilang sandali pa ay nagulat na lamang di umano ito nang may bumangga sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan na isang E-Golf Cart na minamaneho naman ni Regie Boy Obamos, 30 anyos at driver ng isang minimart sa isla.

Dahil sa nangyaring pagkakabangga, bahagyang nayupi at nasira ang likurang bahagi ng nasabing E-Car.

Samantala, nang magkausap sa himpilan ng Boracay PNP station, hindi na nagsampa ng kaso si Bamba at sa halip ay pinagbabayad na lamang ng danyos si Obamos, kung saan malugod naman nitong tinanggap.

Lalaking may warrant of arrest, boluntaryong sumuko sa Boracay PNP

Posted July 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kung may wanted o pinaghahanap ng batas, meron din palang kusang sumusuko.

Katunayan isang wanted person ang minarapat sumuko sa Boracay PNP kaninang umaga.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang akusadong si Marlon Rosette, 25-anyos ng Sitio. Hagdan, Yapak, Boracay, Malay, Aklan.

Nabatid na ito ay inakusahan ng paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9262 o  mas kilala sa tawag na "Anti-Violence Against Women and their children (VAWC) Act of 2004 sa ilalim ng criminal case # 11708.

Mayroon namang piyansang itinalaga ang RTC 6th Judicial Regional Branch 3 Kalibo, Aklan na nagkakalahalaga ng 12 libong piso para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Napag-alaman na matapos itong sumuko sa Boracay PNP, ay agad din itong dinala sa RTC Kalibo Aklan para sa karampatang disposisyon.

Boracay Hospital, patuloy pa ang pagtanggap ng pasyente sa kabila ng ginagawang construction

Posted July 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy pa umano ngayong tumatanggap ng mga pasyente ang Boracay Hospital o Don Ciriasco S. Tirol Hospital sa kabila ng ginagawang construction dito.

Ito ang sinabi ni Malay SB Secretary Concordia Alcantara matapos na ipinaabot ni SB Pater Sacapañio sa kaniyang privilege speech nitong nakaraang linggo ang tungkol sa temporaryong pagpapasara ng nasabing hospital.

Aniya, nakikipag-ugnayan pa sila sa Health Board para sila umano ang gumawa ng sulat o request sa Provincial Health Office sa pagkakaroon ng temporaryong lugar o kwarto na paglalagyan ng mga pasyente sakaling maipasara na ito.

Samantala, napag-alaman rin na iilang kwatro nalang ngayon ang ginagamit sa nasabing hospital para sa mga pasyenteng idinadala dito dahil sa patuloy ang ginagawang construction.

Inaasahan namang ngayong darating na buwan ng Agusto ay totally closed na ito para sa mas mabilis na pagpapaayos ng hospital.

Nabatid na malaking tulong para sa mga pasyente ang gagawing pagpapabago para sa hospital dahil sa pagdadag ng gamit, doktor at karagdagang kwatro para sa mas mabilis na operasyon.

Thursday, July 10, 2014

Pagkakaroon ng Aklan ng dalawang distrito, minamadali na ng SP

Posted July 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga myembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan na mahati ang probinsya ng Aklan sa dalawang distrito.

Sa resolusyon na ini-akda ni SP Member Emmanuel Soviet Russia Dela Cruz, desidido itong ipaabot ang sentimyento ng mga Aklanon na gawing “two legislative district” ang probinsya.

Ayon kay Dela Cruz, matagal nang kwalipikado ang Aklan para gawin itong dalawang distrito.

Base kasi sa pinakahuling census ng National Statistics Office (NSO), nabatid na mahigit kalahating milyon na ang populasyon sa Aklan.

Kung maaalala, nakapasa na sa House of Representative ang panukalang ito ni dating Aklan Congressman Florencio Miraflores sa pamamagitan ng House Bill No. 3860.

Nabatid na hinihintay nalang sana ang pag-aproba ng Senado, subalit sumablay nitong nagdaang buwan ng Agosto 2013.

Samantala, sakaling maipasa at maging dalawang distrito, hahatiin umano ang Aklan sa Western at Eastern District, kung saan bubuuin ang Eastern District ng Kalibo, New Washington, Banga, Balete, Altavas, Batan, Libacao at Madalag.

Mapapabilang naman sa Western District ang Ibajay, Buruanga, Nabas, Tangalan, Makato, Lezo, Malinao, Numancia at bayan ng Malay kung saan makikita ang Boracay.