YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 24, 2013

Pagpapatayo ng Boracay Tourist Police Training School, inaantay nalang ng BTAC

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaantay nalang ngayon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) kung kailan mauumpisahan ang pagpapagawa ng Tourist Police Training School sa Bantud Manoc-Manoc.

Ayon kay Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural, signal nalang din ang kanilang inaanatay mula sa mataas na tanggapan ng Philippine National Police (PNP) para dito.

Sa ngayon isa rin umano sa mga inaantay nila ay ang pondo para maumpisahan nang maipagawa ang nasabing paaralan.

Nilinaw naman ni P/Insp. Kennan Ruiz ng Boracay PNP, na magiging bukas para sa lahat ng Tourist Police ang itatayong Training School sa isla ng Boracay.

Aniya, ang mga tourist police mula sa ibat-ibang lugar sa bansa ay maaaring magtungo rito upang matutunan ang tamang pakikisalamuha sa mga turista.

Matatandaang isinagawa ang ceremonial groundbreaking para sa training school nitong nagdaang Hulyo na pinagunahan mismo ni Philippine National Police Director General Alan La Madrid Purisima.

Mga MAP sa Boracay, dadagdagan na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Boracay Slideshow Photo 1 of 70Dadagdagan na ang MAP o Municipal Auxiliary Police sa Boracay.

Ayon kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, ang mismong pamahalaang probinsya na ng Aklan ang tutulong upang madagdagan ang manpower ng mga MAP sa Boracay.

Ang kagandahan pa umano nito ayon kay Sacapaño, ay bente kuwatro oras na ang trabaho ng mga MAP.

Tinatayang nasa limampung personnel ang idadagdag ng provincial government na ikinatuwa naman ng administrador.

Samantala, kinumpirma din ni Sacapaño na ang mga karagdagang MAP na ito ay magtatrabaho sa Boracay, sa ilalim ng LGU Malay.

Sa kasalukuyan, nasa mahigit limampu lamang ang mga miyembro ng MAP sa isla.

Comelec Malay, naging problema ang ilang mga nagparehistrong botante

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging problema umano ng Comelec Malay ang ilang mga nagparehistrong botante nitong mga nakaraang linggo para sa Baranggay at Sk election sa Oktobre bente-otso.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig, ilan sa mga naging problema nila ay ang mga nagparehistrong kabataan na hindi pa tama ang edad para bomoto.

Sa kanila umanong rekord nakita din nila ang ilang mga nagparehistro ay rehistrado na rin sa pala sa ibang lugar.

Aniya, mabusisi nila itong pinag-tutuunan ng pansin para maiwasan ang anumang dayaan sa oras ng eleksyon at reklamo mula sa ilang botante na nagpaparehistro ng tama.

Dagdag pa ni Cahilig, hindi nila papayagan na mangyari ang ganitong mga bagay sa kanilang tanggapan lalo na’t mainit ang nasabing halalan sa bansa.

Maari din umanong invalidate ang mga nagparehistrong botante na hindi sumusunod sa tamang regulasyon ng Comelec.

Samantala, pinaghahandaan naman ngayon ng Comelec Malay ang filing of candidacy ng mga tatakbong kandidato sa barangay at SK elections na gaganapin mula Oktobre a-kinse hanggang dise-siyete ng taong kasalukuyan. 

PS/INSP. Cabural, ikinatuwa ang bagong natanggap na parangal ng BTAC

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Masaya ngayon ang Boracay tourist assistance center (BTAC) dahil sa pagkapanalo nila bilang best Baranggay peace action team sa buong Region 6.

Ayon kay Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural, Ikinatuwa niya ang bagong karangalang ito ng BTAC dahil sa kabila umano ng mga nangyaring krimen at insedinte ay napapanatili parin nila ang kaayusan sa isla.

Pina-pili din umano sila ng isang Brgy. na magiging representanti sa naturang parangal at dito ay napili nila ang Brgy. ng Manoc-manoc.

Nitong lunes ay nagtungo sa probinsya ng Iloilo si Cabural at si Brgy. Captain Abram Sualog para tanggapin ang nasabing parangal.

Sinabi naman ni Police Community Relation Officer PO3 Cristopher Mendoza, na sa kanila umanong ginawang dokumentasyon ay idinetalye nila ang mga kaganapan sa Boracay.

Dagdag pa ni Cabural, ang nakuha nilang parangal ay hindi lamang umano para sa Brgy. Manoc-manoc kundi para na rin sa buong isla ng Boracay.

Samantala, masaya din nitong ibinalita na nominado ang BTAC sa National friendly police community sa bansa.

Silid Aralan sa ASU Banga, natupok ng apoy kaninang madaling araw

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Natupok ng apoy ang isang silid aralan sa Aklan State University Banga Campus pati na ang isang opisina ng production kaninag madaling araw.

Ayon kay Ginoong Teoddy Teodosio taga-pamahala ng nasunog na opisina at isang guro sa nasabing paaralan.

Ilan umano sa mga natupok ng apoy ay mga upuan, grass cater at iba pang mga plastik na bagay na ginagamit sa mga production sa tuwing may programa ang unibersidad.

Aniya, basi sa mga rumisponding bombero mula sa kalibo fire station pinaniniwalaan umano nilang nagmula ang sunog sa linya ng kuryente.

Nagpapasalamat naman si Teodosio, dahil hindi gaanong nadamay ang kanilang opisina lalo na ang mga computer at iba pa nilang mahahalagang gamit sa loob nito.

Sa ngayon wala pang ideya ang pamunuan ng Unibersidad kung ilan ang kabuuong halaga na natupok sa sunog.

Friday, August 23, 2013

Dahil sa hindi maganda ang kundisyon ng dagat, Boya hindi muna ilalagay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dahil sa hindi maganda ang kundisyon ng karagatan hindi muna ilalagay ng Life guard Boracay ang mga boya na ginagamit sa dagat bilang palatandaan na pweding maligo sa nilalagyan nito.

Ayon kay Boracay Life Guard Supervisor Miguel “Mike” Labatiao, hanggat hindi parin maganda ang kundisyon ng karagatan ay hindi parin nila ito ibabalik sa ngayon.

Aniya, may mga nilagay naman silang signage na no swimming sa ilang lugar sa front beach upang maging alerto ang mga turista dito.

May mga life guard naman umano sila ng Red Cross at ng lokal na pamahalaan ng Malay na nakaantabay para magbantay kung sakaling may mga maliligo parin.

Dagdag pa ni Labatiao, Ibabalik naman nila ang nasabing Boya pag medyo naging maganda na ang panahon at ang karagatan.

Samantala, nanawagan naman ito na kung maari ay wala munang maliligo ngayong tanghali dahil simula nitong alas-dose ay may pagtaas ang tubig sa dagat o high tide at may paglaki ang mga alon.

BTAC, kasado na sa gagawing siguridad para sa Baranggay at Sk election

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kasado na umano sa gagawing siguridad ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) para sa nalalapit na Brgy. at Sk election sa Oktobre.

Ayon kay Police Community Relation Officer PO3 Cristopher Mendoza, may mga preperasyon na rin silang ginagawa para dito katulad noong nagdaang National election nitong buwan ng Mayo.

May mga mag-aantabay naman umanong mga kapulisan sa ilang paaralan dito sa isla ng Boracay na pagdadarausan ng eleksyon.

Aniya, mas lalo naman umano nilang paiigtingin ang kanilang gagawing siguradad lalo na at hindi naman PCOS machine ang gagamitin.

Dagdag pa ni Mendoza, pagtutuunan din nila ng pansin ang ipinatutupad ng Comelec na gun ban tatlumpung araw bago sumapit ang eleksyon.

Nauna namang sinabi ng Comelec na magiging mano-mano nalang muna ang eleksyon ngayon dahil sa kakulangan nila ng oras at pondo para dito.

Samantala, sinabi naman ng Comelec Malay na kasado na rin sila sa darating na eleksyon at nakipag-pulong na rin umano sila sa mga kapulisan para sa siguridad sa bayan ng Malay at sa isla ng Boracay.

Boluntaryong pagbaklas ng mga establisemyentong tatamaan ng 25+5 meter easement, hiniling ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante and Bert Dalida, YES FM Boracay

Hiniling ngayon ng SB Malay ang boluntaryong pagbaklas ng mga establisemyentong tatamaan ng 25+5 easement sa isla ng Boracay.

Ayon kay SB Member Rowen Aguirre, Committee Chairman on laws, Ordinances, Rules and Privileges, mas makakabuting ang mga establisemyentong ito ang kusang magtanggal ng kanilang mga istraktura na tatamaan ng 25+5 meter easement.

Ang mga gamit umano kasi nilang matatanggal ay puwede pa nilang magamit sa mga lugar na hindi bawal kesa naman kumpiskahin lamang ng LGU Malay.

Dapat na huwag din umano nilang hintayin ang pitong araw na ibinigay sa kanila para magbaklas ng kanilang mga istraktura.

Iginiit pa ni Aguirre na kailangang maipatupad ito sa lalong madaling panahon upang hindi naman maapektuhan ang indudtriya ng turismo sa isla.

Ilan umano sa mga pinapatanggal ng Boracay Re-development Task Force ay ang mga tent, beach hut, stage structures at iba pang istrakturang pasok sa 25+5 meter easement.

Hinaing ng BLTMPC sa mga habal-habal sa isla, tinutugunan ng LGU Malay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tinutugunan ng LGU Malay ang matagal nang hinaing ng BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-purpose Cooperative sa mga habal-habal sa isla.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño. ginagawan nila ng paraan upang maipatupad ang mga batas sa isla para sa kapakanan ng lahat.

Katunayan, linggo-linggo umano ay marami na ang kanilang nahuhuling habal-habal at mga kulorum sa Boracay.

Bagay na ayon pa kay Sacapaño, saludo ito sa komitidong pagpapatupad ng mga ordinansa ng mga taga MAP o municipal auxiliary police.

Ang pahayag na ito ni administrator Sacapaño ay may kaugnayan sa hinihinging assistance ng BLTMPC na sugpuin at i-regulate ang mga tinaguriang illegal transport operation sa buong isla ng Boracay.

Life guard, nag-paalala sa mga naliligo sa Boracay Rock

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nag-paalala ngayon ang life guard tungkol sa mga naliligo sa Boracay rock o mas kilala bilang Willy’s rock.

Ito’y may kaugnayan sa naging pahayag kahapon ng isang life guard na mismong nakakasaksi sa mga pangyayari doon.

Ayon kay Boracay Life Guard Supervisor Miguel “Mike” Labatiao, pinagtutuunan nila ito ng atensyon at may mga itinalaga narin silang mag-babantay dito kabilang na ang mga trainee na rescuer para e-monitor ang mga taong pumupunta doon.

Malimit umano kasi ang nangyayaring aksidente sa nasabing lugar dahil sa kung malakas ang alon ay hinuhukay ng tubig ang buhagin sa ilalim ng napakalaking bato, dahilan para mas lumalim pa ito at malunod ang ilang mga naliligo doon.

Ang nasabing Willy’s rock ay tanyag at tinaguriang land mark ng isla dahil sa magandang formation ng malaking bato at may nakalagay na grotto ng imahe ni Birheng Maria na dinadayo ng mga turista para magpakuha ng litrato.

Samantala, pinaalalahanan naman nito na maging maingat ang lahat ng mga pumupunta doon lalo na kung may kataasan ang tubig at malakas ang alon para maiwasan ang disgrasya.

Thursday, August 22, 2013

Korean national, nasagip mula sa pagkalunod ng Life Guard at Coast Guard Boracay

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Matagumpay na nailigtas ng mga miyembro ng Boracay Life Guard at Coast Guard ang isang Korean national na nabiktima ng lunod sa isang bahagi ng boat station 2 dito sa isla ng Boracay.

Kaninang alas 3:55 ng hapon nang masagip ang Korean national na kinilalang si Lee Sung Jin, 24 anyos.

Sa pahayag ni PO2nd Alan Herbero ng Coast Guard Boracay, hindi umano kinaya ng Koreano ang dalawang magkasunod na malalakas at malalaking alon kaya’t natangay umano ito ng water current.

Sa kabutihang palad ay may mga malapit na miyembro ng Life Guard sa nasabing area, sa katauhan nina Mark Ortega at Gregorio Maming, na agad namang rumesponde.

Nadala naman agad ang biktima sa ospital sa tulong ng mga miyembro ng Coast Guard na si PO2nd Chris Roldan at isang komisyuner na si Albert Pardo.

Ayon sa kumpirmasyon mula sa Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital,4:10 ng hapon nang dinala sa pagamutan ang nasabing Koreano.

May malay tao na ito at nasa maayos na kalagayan na, ngunit isasailalim pa rin sa obserbasyon sa loob ng 46 na oras.

Samantala, nagpaalala naman si Herbero sa mga maliligo sa dagat na dapat ay magkaroon ng ibayong pag-iingat lalo na at malakas ang alon.

Anya, dapat ay huwag maligo ng mag-isa.

Huwag ding lalayo ng masyado mula sa dalampasigan, at kung maaari ay huwag nang lumusong kung lampas baywang na ang tubig dahil maaaring tangayin ng daloy ng tubig.

Mga flights sa Kalibo International Airport, bumabalik na sa normal

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Bagama’t wala umanong natanggap na advisory mula sa mga airline companies.

Kinumpirma ngayon ni Kalibo International Airport manager Percy Malonesio na unti-unti nang bumabalik sa normal ang mga flights sa nasabing paliparan.

Ito’y matapos maging ang Kalibo sa probinsya ng Aklan ay nakaranas din ng sama ng panahon dulot ng bagyong si Maring.
Ayon pa kay Malonesio, may mga eroplano na rin ng iba’t-ibang airline companies ang muli nang lumalapag sa Kalibo Airport.

Samantala, bagama’t kinumpirma nito na marami pa ang mga nakapilang pasahero doon kaninang hapon dahil sa mga delayed flights.

Tiniyak naman ni Malonesio ang siguridad at maayos na pasilidad ng airport para sa mga pasahero.

Renobasyon ng mga silid-aralan, hinihintay pa ng Boracay National High School

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Hinihintay pa ngayon ng Boracay National High School ang renobasyon ng kanilang mga silid-aralan na patuloy paring pinapasok ng tubig-baha.

Ayon kay Boracay National High School Prinicipal II Jose Niro Nillasca, may pondo na ang lokal na pamahalaan ng Malay para tuluyan ng masolusyonan ang nasabing problema.

Sa ngayon umano ay patuloy paring pinapasok ng tubig ang kanilang paaralan lalo na’t mababa ang lugar na kinatatayuan nito.

Aniya, nakakatulong naman ang pagpapadala ni Balabag Barangay Captain Lilibeth Sacapaño ng siphoning machine para higupin ang tubig-baha sa nasabing paaralan.

Dagdag pa nito, nakapag-conduct na rin ng inspeksyon ang opisina ng engineering office ng Malay para tingnan ang maaring gawin sa mga silid aralan.

Balak din umanong taasan ang flooring ng mga sahig sa kwarto para kahit papano ay hindi ito mapasok ng tubig.

Nagpapasalamat naman si Nillasca, dahil kahit papano ay naayos na ang daanan sa Bolabog na madalas din ay binabaha at nadadamay ang kanilang paaralan.

Samantala, patuloy naman silang umaasa na tuluyan nang masulosyunan ang problemang ito at bumalik na sa normal ang kanilang klase.

Boracay redevelopment task force, ipinatawag ang mga lumabag na permanent structure sa 25+5 easement

Ni Alan Palma Sr, YES FM Boracay

Naging masinsinan ang talakayan sa pangalawang araw na pagpapatawag ng pulong ng Boracay Redevelopment Task Force, kung saan ang mga permanenteng straktura na lumabag 25+5 easement naman ang inimbitahan.

Sa dayalogo ng mga inimbitahang negosyante at representante na nakitaan ng violation at ng task force na binubuo ng LGU-Engineering Office , Zoning Office , DOT ,DILG at DENR , binigyan ang mga ito ng pitong araw para itama ang mga nakitang paglabag sa kanilang straktura.

Ang pitong araw ayon kay SB Member Rowen Aguirre ay para magpakita ng substantial compliance ang mga nakitaan ng violation.

Pagkatapos ng ibinigay na pitong araw na palugit ay saka magkaroon ng validation ang task force para sa 25+5 para maumpisahan ang redevelopment ng isang establisyementong may violation.

Desisdo ang task force na ipatupad ang ordinansa ng Malay kaakibat ang Memorandum Circular No. 47 ng Pangulong Aquino na nagsasaad na dapat ayusin ang Boracay dahil na rin sa overdevelpment at isyung pangkapaligiran.

Sinabi rin ni Aguirre na kung mahal ng mga negosyante ang Boracay ay dapat magsakripisyo ang mga ito para na rin sa kapakanan ng lahat at sa industriya ng turismo .

Bagamat hiniling ng ilan na unahin ang kontrobersyal na West Cove, may pondo na raw dito para sa gagawing pag demolish.

Ayon naman sa Chairman ng task force na si Engineer Elizer Casidsid, kahit yung may FLAG-T na walang building permit ay kasama rin sa mga gigibain.

Inaasahan na bago matapos ang 2013 ay maayos na rin ang mga dapat ayusin sa Boracay na nakasaad sa ibinalangkas na Inter-Agency Task Force o Technical Working Group ng Pangulong Aquino.

Wednesday, August 21, 2013

Mga insidente ng pagkalunod sa Boracay Rock, ikinuwento ng isang life guard volunteer

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Interview kay Rufino Magallano Jr.
ng Red Cross Boracay
Ano nga ba ang dahilan at marami ang nalulunod sa Boracay Rock?

May hiwaga nga bang nababalot sa likod nito?

Si Rufino Magallano Jr.,mahigit isang taon na bilang life guard volunteer sa isla ng Boracay.

Sa kanyang pagiging rescuer, ay marami na umano itong nailigtas mula sa pagkalunod sa tinaguriang land mark ng islang ito.

Ayon kay Rufino, may mga pagkakataon umanong tila nanghinihigop ang kuryente ng tubig doon partikular sa kaliwang bahagi nito.

Kung kaya’t ang isang naliligo, lalo na ang walang alam sa sitwasyon sa paligid ng Boracay Rock ay nagpa-panic at kinalauna’y nalulunod ng walang kalaban-laban, kapag hindi marespondehan ng isang sertipikadong life saver.

Mabuti na lamang at may mga katulad ni Rufino, na nagbubuluntaryong magbantay doon at hindi nagdadalawang isip na isakripisyo ang sariling buhay, lamang mailigtas ang iba.

Si Rufino Magallano Jr. ay taga Davao at kasalukuyang Red Cross life guard volunteer sa Boracay, na nakapagligtas na umano ng walong nalulunod sa Boracay Rock.

Mga temporary structure sa vegetation area sa Boracay, binigyan ng pitong araw para magbaklas

Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Meeting para sa
Re-development Task Force
sa pagpapatupad ng
25+5 easement sa Boracay. 
Pitong araw lang ang ibinigay ng Boracay Re-development Task Force sa mga naglatag ng illegal na straktura sa vegetation area.

Magsisimula ito ngayon araw Agosto a bente-uno hanggang Agosto bente-otso.

Ito ang hiniling ng task force sa isinagawang pulong ngayong araw kung saan ipinatawag ang mga nakitaan ng paglabag .

Ilan sa mga pinapatanggal ay ang mga tent ,beach hut , stage structure at mga strakturang pasok sa 25+5 easement.

Ayon kay SB Member Rowen Aguirre ng Committee on Laws and Ordinances ,ang tanging pahihintulutan lamang ay ang mga mesa at silya na pwedeng ilatag simula alas singko ng hapon hanggang alas-sais ng umaga.

Sakaling hindi sumunod ang mga lumabag sa itinakdang deadline ,ang task force na mismo ang tatanggal at maaring humantong  sa closure o revocation ng business permit.

Dumalo ang mahigit kumulang limampung negosyante at representante para dinggin ang prosesong gagawin ng Boracay Re-development Task Force.

Ito ay naayon na rin sa kautusan ng palasyo para sa pag-preserba ng Isla ng Boracay.

Mga temporary structure sa vegetation area sa Boracay, binigyan ng pitong araw para magbaklas

Ni Alan Palma, YES FM Boracay

Pitong araw lang ang ibinigay ng Boracay Re-development Task Force sa mga naglatag ng illegal na straktura sa vegetation area.

Magsisimula ito ngayon araw Agosto a bente-uno hanggang Agosto bente-otso.

Ito ang hiniling ng task force sa isinagawang pulong ngayong araw kung saan ipinatawag ang mga nakitaan ng paglabag .

Ilan sa mga pinapatanggal ay ang mga tent ,beach hut , stage structure at mga strakturang pasok sa 25+5 easement.

Ayon kay SB Member Rowen Aguirre ng Committee on Laws and Ordinances ,ang tanging pahihintulutan lamang ay ang mga mesa at silya na pwedeng ilatag simula alas singko ng hapon hanggang alas-sais ng umaga.

Sakaling hindi sumunod ang mga lumabag sa itinakdang deadline ,ang task force na mismo ang tatanggal at maaring humantong  sa closure o revocation ng business permit.

Dumalo ang mahigit kumulang limampung negosyante at representante para dinggin ang prosesong gagawin ng Boracay Re-development Task Force.

Ito ay naayon na rin sa kautusan ng palasyo para sa pag-preserba ng Isla ng Boracay.

Mga front liners sa Boracay, isasailalim sa training para sa APEC

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Matagal-tagal pa bago ganapin ang Asia Pacific Economic Conference (APEC), ngunit ngayon pa lang ay may mga plano na ang Boracay para paghandaan ito.

Isa na dito ay ang pagpapatawag sa mga front liners ng isla para sa isang training.

Ayon kay DOT Boracay Officer in-Charge Tim Ticar, pinaplano na sa ngayon pa lang na ipunin ang mga nasabing front liners tulad ng mga drivers, vendors, at iba pa upang isailalim sa isang training.

Ito’y upang mabigyan sila ng impormasyon kung paano ang tamang pag-handle ng mga guests at ang mga protocol na dapat sundin, sakaling dito idaos ang APEC.

Sa isang pulong kamakailan lang ni Ticar kasama si Malay Mayor John Yap at iba pang mga tourism agencies ay pinag-uusapan na kung paano ito isasagawa.

Samantala, inamin naman ni Ticar na marami pang mga dapat gawin upang maging tuluyang handa ang Boracay para sa nasabing malakihang conference.

Ngunit hindi naman umano nagpapabaya ang pamahalaang probinsyal para sa mga preparasyon ginagawa para dito.

Sa katunayan, marami ang mga nagtutuon ng pansin sa isla para hindi ito masalaula at mapabayaan.

Kasabay nito ay muling nanawagan si Ticar sa lahat na makikipag-tulungan upang mapangalagaan ang isla.

Kung maaalala, ang isla ng Boracay ay isa sa mga lugar sa buong Pilipinas na pinagpipilian na pag-dausan ng APEC 2015.

Inaasahang nasa mahigit 500 mga delegado at media mula sa iba’t-ibang panig ng Asya ang dadalo sa nasabing pagtitipon.

Tuesday, August 20, 2013

MRF Balabag, dinadayo dahil sa basura

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi lang pala ang maputing buhangin sa isla ng Boracay ang dinadayo, kungdi pati na ang Materials Recovery Facilities (MRF).

Ayon kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, natutuwa ito dahil may mga taga-ibang lugar pa na pumupunta sa isla ng Boracay para makita ang MRF Balabag.

Katunayan, kahapon ay bumisita doon ang mga taga-LGU El Nido, Palawan para maglakbay-aral sa MRF.

Kinumpirma din nito na tuwing linggo ay may mga taga iba’t-ibang lugar ang pumupunta doon upang pag-aralan at i-adopt ang mga ideya ng MRF Balabag kaugnay sa proper waste segregation.

Ang kagandahan pa umano nito ay ang lahat ng mga ideyang makakatulong ay ina-adopt din LGU Malay.

Samantala, maliban pa sa MRF Balabag, dinadayo din umano ng mga taga iba’t-ibang lugar ang sanitary landfill ng Malay.

Pagkolekta ng mga basura sa Brgy. Balabag, mas inagahan na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mas inagahan na ang pagkolekta ng basura sa Barangay Balabag.

Ayon kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, mas marami ang establisemyento sa Balabag kumpara sa ibang barangay, kung kaya’t mas marami ang mga basura dito.

Kaugay nito, minarapat umano nilang agahan at unahin na lamang ang garbage collection sa main road kaysa sa beach front.

Ayon pa kay Sacapaño, may mga turista nang dumadaan sa main road kahit alas-5:00 pa lamang ng umaga at nakikita ang mga basurang nakatambay doon.

Kung kaya’t alas-2:00 pa lamang ng madaling araw ay sinisimulan na nila ang garbage collection, para malinis na ang main road paglabas ng mga turista.

Samantala, bagama’t naniniwala umano si Sacapaño na wala namang magiging problema sa basura basta’t maging disiplinado ang lahat, muli pa rin nitong iginiit ang proper garbage segregation o tamang paghihiwalay ng mga basura.

Monday, August 19, 2013

Redevelopment taskforce meeting ng 25+5 meter easement, tuloy na sa Miyerkules

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tuloy na ang gagawing Re-development Task Force Meeting para sa 25+5 meter  easement sa darating na Miyerkules at Huwebes.

Ito’y may kaugnayan sa iniutos na Task Force ni Pangulong Benigno Aquino III para matiyak ang kaayusan sa Boracay.

Ayon kay Malay Municipal Planning Officer Alma Belijerdo, makikipag-pulong na ang LGU Malay sa mga stakeholders sa Boracay para talakayin ang nasabing usapin.

Ilan umano sa mga magiging palsa dito ay ang tungkol sa mga istrakturang yari sa light and movable materials at ang mga permanent structures.

Una nang napag-alamang halos mahigit 300 istraktura ang pinag-aaralang gibain ng Task Force Boracay dahil sa paglabag sa 25+5 meter easement ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa ilalim naman ng 25+5 meter easement, dapat ay 25-metro ang bakanteng lupa para sa mga turista at residente at dagdag na 5-metrong madadaanan ng mga residente at turista sa front beach.

Nananawagan naman si Belijerdo sa mga may-ari ng istrakturang matatamaan nito na dumalo sa nasabing pagpupulong.

Ang Re-development Task Force Meeting ay gaganapin sa Balabag Action Center sa isla ng Boracay.

Aklan at Boracay, iinspeksyonin ng APEC Evaluators ngayong araw

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Iinspeksyunin ng APEC evaluators ngayon ang ilang lugar sa probinsya ng Aklan kabilang na ang isla ng Boracay.

Ito’y may kaugnayan sa paghahanda sa hosting ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) sa 2015.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-Charge Tim Ticar, dumating kaninang umaga ang APEC Evaluators para mag-ikot sa ilang lugar sa Aklan na posibleng puntahan ng mga kalahok nito.

Aniya, kung sakaling may mga kailangan ayusin sa mga lugar na kanilang iinspeksyonin ay gagawan nila ito ng rekomendasyon para maayos.

Ilan naman sa mga pangunahin nilang titingnan ay ang pasilidad ng Kalibo International airport, Caticlan Jetty Port at ang panghuli ay ang isla ng Boracay.

Dagdag pa ni Ticar, hindi pa siya umano sigurado kung kailan naman gaganapin ang meeting para dito sa Boracay dahil naka dependi parin naman umano ito sa pag-iinspeksyon ng APEC.

Ang Asia-Pacific Economic Conference ay isang forum ng dalawampu’t isang bansa na napapaligiran ng Karagatang Pasipiko o mga rehiyon, upang talakayin ang ekonomiyang panrehiyon, kooperasyon, kalakalan at pamumuhunan.

Mga residente at lokal na opisyal ng Yapak, nagtulungan sa paglinis ng mga basura sa baybaying dagat

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Kung matatandaan, ang habagat ang sanhi ng pagdagsa ng mga basura sa baybayin ng Boracay.

Ganito rin inihalintulad ni MRF Monitoring Officer Divy Casidsid ang sitwasyon ng beach sa Barangay Yapak.

Ngunit dahil sa pagtutulungan ng mga beach cleaners, vendors, mga residente ng lugar at ng mga taga MRF ng nasabing barangay ay unti-unti nang nababawasan ang mga basura doon.

Dagdag pa ni Casidsid, isang truck ng basura ang kanilang nahakot noong Sabado at hanggang kahapon patuloy pa rin ang operasyon linis ng mga ito.

Kakaunti lang kasi ang mga tao sa MRF Yapak sa ngayon dahil sa hiniram ni Island Administrator Glenn Sacapaño ang mga ito upang tumulong sa paglilinis sa long beach.

Samantala, nakiusap naman si Casidsid sa iba pang mga residente na tumulong na lang sa paglilinis ng mga basura na dala ng habagat, at huwag na lang sana umanong maliitin ang mga barangay officials.

Magkaganoon pa man, nagpapasalamat din ito sa mga taong nakakaintindi at tumutulong sa kanila.

BTAC, wagi sa Best Barangay Peace Action Team Documentation sa buong Region 6

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Wagi ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa ginawang Baranggay Action Team Documentation sa buong Region 6.

Ayon kay Police Community Relation Officer PO3 Cristopher Mendoza, sa darating na Lunes ay tutungong probinsya ng Iloilo si PNP Chief P/Insp. Joeffer Cabural at ang Punong Barangay ng Manoc-manoc na si Abram Sualog para tanggapin ang nasabing parangal.

Nasungkit nila ang 1st place bilang  Best Barangay Peace Action Rural Category sa buong Region 6.

Sa kanila umanong ginawang dokumentasyon ay idinetalye nila ang mga kaganapan sa Boracay sa kabila ng kanilang pag-seserbisyo sa publiko.

Dagdag pa ni Mendoza, ang nasabing parangal ay para sa lahat ng mga taga-Boracay at sa mga turistang pumupunta dito.

Samantala, sa kabila umano ng mga pangyayaring hindi maganda sa isla ay napapanatili parin nila ang kaayusan lalo na ang pangangalaga sa mga turista.