Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay
Tila ramdam na rin ng lokal na pahalaan ng Malay sa Boracay ang problema sa basura sa Talipapa Bukid.
Maliban kasi sa hindi maayos ang pagkakadispatsa ng mga hinugsang tubig na ginamit sa paglilinis ng isda, karne at gulay sa palengke na ito.
Problema din sa mga Boarding House ang isa pang nakitang suliranin na siyang nakakapagdala din ng basura.
Katunayan ay marami na umano silang nabigyan ng citation ticket sa area na ito ayon kay Island Administrator at Solid Waste Management Manager Glenn Sacapaño.
Ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin talaga umano ang pasaway na mga residente at vendors sa nasabing lugar na madalas na alibi ay hindi parin alam ang ordinansa gayong ilang taon na nakatira ang mga ito doon.
Ito ay kaugnay sana sa tamang paghihiwalay ng basura at ordinasang nagbabawal na magtapon ng basura kahit saan lang.
Sa panayam ng himpilang ito sa administrator, inihayag nitong ilang beses na rin silang nakipag-diyalogo sa mga tao sa Bukid Talipapa upang ipaliwanag sa mga ito ang ordinansa at ilatag ang mga dapat gawin upang hindi bumaho at mabalot ng basura ang nasabing lugar.
Subalit, tuwing bumabalik umano ang monitoring team ng LGU doon ay maroon pa rin silang nakikitang hindi sumusunod at nagtuturuan pa.
Ganoon pa man, ang sitwasyon doon ngayon ayon dito ay tila naging maayos na rin kung ikukumpara sa dati.
Bilang sagot na rin nito sa ilang residente doon kaugnay sa pagsisiga sa nasabing lugar ng mga basura.
Paliwanag nito, pwede naman iyon kung puro dahon o damo lamang umano sinisigaan.
Pero mahigpit na paalala nito na huwag isama ang mga plastic sapagkat mariin umano nila itong ipinagbabawal dahil nakakasira sa kapaligiran at maaaring makapagdala ng sakit kapag nalanghap ng mga indibidwal doon.
Sa halip ay ihiwalay na lamang at ilagay sa isang lalagyan para makuha din ng mga garbage collector na umiikot tuwing umaga.
Sa kabila ng mga pahayag na ito ni Sacapaño, nilinaw nito na muli nilang gagalugarin ang area na ito at ayusin ang mga problema doon pagkatapos nitong May 2013 Elections.