Ang pagbuo ng “Boracay Management Authority” ang
nakikitang direksyon ng House Committee on Natural Resources kapag natapos na
ang ginagawang congressional inquiry patungkol sa Boracay closure.
“Hindi ito pwedeng ipamahala sa mga kapitan o kaya sa
local government unit, kailangan may nagma-manage ng Boracay” ito ang paliwanag
ni Rep. Arnel Ty kung saan ihahalintulad
umano sa Subic Bay Development Authority ang istilo pamamahala.
Sa ibabalangkas na panukala, bubuo sila ng mangangasiwa
na magmumula sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno katuwang ang pribadong sektor.
Hindi pa binabanggit ng kongresista kung ano ang magiging
papel ng Lokal na Pamahalaan ng Malay sa
hakbangin na ito dahil dedepende ang lahat sa resulta ng imbestigasyon.
Sa pag-iikot at site inspection ng komite, hindi
kumbinsido ang mga ito na kakayin ng dalawang water utility provider ang volume
ng wastewater na umaabot sa 19,000 cubic liter dahil sa ngayon ay nasa 11,000
cubic liter lang ang kayang linisin.
Kahit na may inilabas na memorandum ang DENR na kailangang
magkaroon ng sariling STP ang mga resort na may 50 rooms pataas, pangamba ng
mambabatas, wala itong garantiya na ma-monitor kaya mas mainam na komunekta pa
rin sa sewerline.
Sa kabuuan, ang panukala na “Boracay Management
Authority” ay long-term na hakbang para mapangalagaan ang Boracay at para hindi
na maulit ang mga nangyaring pang-aabuso sa kalikasan.