Posted April 12, 2017
Ni Danita Jean A.
Pelayo, YES FM Boracay
“Kooperasyon ng lahat at ang pagiging mapagmatyag”.
Ito ang naging pahayag ni LGU-Malay Executive Assistant IV
Rowen Aguirre sa panayam ng himpilang ito bilang preparasyon sa papalapit na “Semana
Santa”.
Bilang paghahanda ng Lokal na Pamahalaan ng Malay, ayon
kay Aguirre naka-activate na ang kanilang Incident Management Team para sa
Caticlan sa Mainland Malay at Boracay.
Ang tinutukoy ni Aguirre ay ang command post sa Station 2 sa Boracay at ang bagong
activated na Command Post sa Caticlan na magsisilbing coordination area ng mga
miyembro ng Boracay PNP, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Philippine
Army, Task Group Boracay at ang mga Force Multiplier.
Inaasahan din na sisikip ang trapiko lalo na sa araw na
may malalaking events subalit wala pa umano silang natatanggap na request mula
sa BLTMPC na temporaryong i-hold ang implementasyon ng color coding ng mga
traysikel.
Aniya, sakaling kakailanganin ay gagawa sila ng
adjustments sa susunod na mga araw para sa benepisyo ng mga pasahero at mga
turistang mananakay.
Maliban dito, nakaplan –out na rin ang preparasyon sa
oras na magkaroon ng kalamidad o insidente kung kaya’t inayos na umano nila ang
mga hakbang lalo na sa seguridad sa kasagsagan ng Holy Week.
Nabatid na istrikto ring ipapatupad ang “No Party on Good
Friday” na mahigpit na ipinagbabawal ang ano mang klaseng ingay sa araw ng
Biyernes Santo hanggang sumapit ang alas-sais ng umaga ng Sabado de Gloria.
Samantala, hinihingi ni Aguirre ang kooperasyon ng lahat
para sa isasagawang paggunita ng Semana Santa at ang pagiging mapagmatyag sa paligid
na sakaling may mapansing hindi pangkaraniwan ay huwag mag-atubili na i-report sa
mga kapulisan at mga security agencies.