YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, October 26, 2013

PCCI Boracay tumanggap ng 2013 Most Outstanding Chamber Award

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tumanggap ng 2013 Most Outstanding Chamber Award ang PCCI Boracay.

Ito ang masayang ibinalita ni Philippine Chamber of Commerce & Industry-Boracay (PCCI- Boracay) President Ariel Abriam, kung saan nakatanggap ng nasabing award ang organisasyon sa 39th Philippine Conference and Expo na ginanap sa Manila noong October 24, 2013.

Kinilala ng PCCI National ang PCCI Boracay dahil sa aktibong pakikibahagi ng mga myembro nito sa mga iba’t-ibang kaganapan at programa na nakatulong sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng estado ng turismo sa isla.

Nakatanggap ng special citation ang grupo dahil sa matagumpay na berdeng kasanayang ipinatupad, kabilang na ang pag-upgrade sa imprastraktura ng  Boracay Island Water, tree planting program sa Mandala Spa, vertical garden sa Patio Pacific, rainwater drainage system sa Pinjalo Resorts, at ang sand recycling procedures sa Tides Hotel.

Samantala, nagpapasalamat naman si Abriam, sa lahat ng mga Committee Chairs na walang humpay sa pagsisikap at nagsusulong ng positibong pagbabago sa isla, sa kabila ng mga napakaraming negosyo at mga pagsubok sa environmental at socio-economic na kinakaharap sa Boracay.

Aniya, inaasahan nila na makakapagbuo pa ng mga bagong programa at mangunguna ang organisasyon sa mga bagong proyekto kung saan, magkakaroon ng positibong pang-matagalang epekto sa mga local na negosyo sa isla at komunidad.

Ang Most Outstanding Chamber Award ay kumikilala sa mga local chambers na ang pamumuno at dynamism ay naka-ambag sa paglago ng negosyo at pag-unlad ng komunidad kung saan ito naglilingkod.

Comelec Malay, patuloy ang pagbaklas ng mga poster ng pasaway na kandidato

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy parin ang ginagawang pagbaklas ng Comelec Malay kasama ang PNP at MAP ng mga poster ng kandidatong pasaway.

Ayon kay Malay Comelec Officer Elma Cahilig, nagsagawa sila ng operation baklas kahapon sa Boracay kung saan maraming mga kandidato sa baranggay election ang hindi sumusunod ng tamang sukat at lugar ng poster na kanilang ginamit.

Sa pakikipag-tulungan naman ng Comelec Malay sa BTAC police ay agad silang nagsagawa ng pagbaklas kahapon.

Sa kabilang banda nagpalabas ang Comelec ng common poster area sa mga lugar sa Malay na dapat paglagyan o pagdikitan ng mga campaign materials.

Kabilang sa common poster area ay ang public plaza sa bawat baranggay ng nasabing bayan at sa mga mismong bahay ng mga kandidato.

Nagpaalala naman ang Comelec Malay na bawal ang paglagay ng mga poster o streamer sa mga puno lalo na’t walang pahintulot ng may-ari nito.

Mga election paraphernalia, nasa tanggapan na ng LGU Malay

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Nasa tanggapan na ngayon ng LGU Malay ang mga gagamiting paraphernalia para sa idadaos na halalan sa bansa sa lunes.

Ito ang kinumpirma ng COMELEC Aklan, matapos na mapabilang sila sa maagang pinadalhan ng tanggapan ng COMELEC ng mga gagamitin sa darating na eleksyon.

Ayon naman sa COMELEC Malay hawak na ngayon ng treasurer ng nasabing bayan ang mga paraphernalias kabilang na ang election forms at iba pang supplies.

Inaasahan din na bukas o sa lunes ng madaling araw ay maipamamahagi na ang mga ito sa mga malalayong lugar sa bansa kabilang na ang probinsya ng Aklan.

Samantala, mahigpit naman sa ngayon ang ginagawang seguridad ng mga kapulisan sa pagbabantay ng election supplies para maiwasan ang dayaan at anumang problema pagdating ng halalan.

Sa ngayon, buong suporta ang ipinapakitang pagtulong ng mga otoridad para sa idadaos na Barangay Election.

Friday, October 25, 2013

Mga street lights at poste sa main road Boracay, sinimulan ng ayusin

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sinisimulan na ngayong ayusin ang mga Street Lights at poste sa main road Boracay.

Katunayan, ilan sa mga tauhan ng local na pamahalaan ng Malay ang kinuha para palitan ng mga bago at ayusin ang mga sirang poste.

Ayon kay Island Administrator Glenn SacapaƱo, all set na ang mga bago at karagdagang street lights para sa isla pero kailangan muna umanong alisin ang mga sirang poste at ilan pang mga nakakasagabal para sa pagpapatayo ng mga bago.

Aniya, delikado na kasi ang mga ito para sa mga dumadaan at kailangan pa umano muna nilang siguraduhin kung ano ang mga deperensya sa kalsada at saka ipapatayo ang mga bagong street lights.

Samantala, plano ngayon ng local na pamahalaan na lagyan ng mga ilaw ang ilan pang mga madidilim na bahagi sa Boracay at hindi lamang sa main road.

Serbisyong ibinibigay ng MAP sa isla ng Boracay, umangat pa

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Sa kabila ng maraming nagrereklamo sa uri ng trabaho ng Malay Auxiliary Police o MAP sa isla ng Boracay.

Ipinagmamalaki naman ngayon ni Pocholo Morillo, Consultant at Adviser ng MAP, na ibang level na sa kasalukuyan ang demographic profile ng mga miyembro ng MAP sa isla, kung saan nasa walumpung porsyento umano ng MAP ang nakapag-tapos o umabot sa kolehiyo.

Ayon pa kay Morillo, ito aniya ay malaking tulong din sa serbisyong kanilang ginagawa dahil bukod sa sila ay punong-puno ng enerhiya sa paglilingkod.

Sila umano ay nagkaroon din ng matinding pagsasanay, na hindi aniya basta-basta dahil lahat umano ng mga ordinansang ipinapatupad sa isla ay kanila din umanong pinag-aralan.

Tulad na lamang ng mga land, sea and traffic regulations.

Ipinagmamalaki din nito na mayroon ding kaayusan ang MAP, kung saan tinawag niya pa ang mga ito na “faces of  the government’ sa kalsada.

Kasabay nito, naki-usap din si Morillo sa lahat na kung sakali mang may nasagasan at na-apektuhan sa naging pagkilos na ginawa ng miyembro ng MAP ay sana huwag naman aniyang magdamdam dahil ang ginagawa ng mga ito ay para naman umano sa kapakanan ng lahat.

Bukod dito, nabanggit din ni Morillo na sa kasalukuyan ay mayroon silang tatlo hanggang apat na amendments na isinusulong sa Sangguniang Bayan para mas lalo pang maayos ang pagpapatupad ng ordinansa at maging angkop ito sa sitwasyong mayroon sa isla ng Boracay.

Umano'y diskriminasyong nararanasan ng mga Ita sa Boracay, pinayuhan ng DOLE

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

  
Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan ang mga Ita sa Boracay kung saan nakakaranas umano ng diskriminasyon ang ilan sa mga ito sa isla.

Ayon sa DOLE lahat ay may karapatan at kung dahil sa pisikal na anyo nila ang tinitingan ng iba ay huwag na daw pansinin ang mga bagay na ito, ang importante ay marangal ang kanilang trabaho.
  
Sa ngayon kasi ay marami ng mga Ita sa isla ang nakakapagtrabaho sa ilang mga resort at establisyemento, kung saan napipilitang ding umalis agad sa pinagtatrabahuhan dahil sa pangungutya ng ilang mga tao.

Ayon pa sa DOLE maaaring makapagsumbong sa Commission on Human Rights at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang mga Itang nakakaranas ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
  
Samantala, nagpapasalamat naman ang mga Ita sa mga natatanggap na suporta galing sa mga iba’t-ibang mga ahensya at organisasyon sa isla.

Thursday, October 24, 2013

"Oplan Kandado" ipinatupad ng BIR sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ipinatupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kamakailan ang "Oplan Kandado" sa Boracay sa pamamagitan ng pansamantalang pagkakandado ng ilang establisyemento sa isla.

Anim na establisyemento ang naipasara matapos hindi sumunod sa ipinaguutos ng BIR tungkol sa pagbabayad ng buwis at pagbibigay ng resibo sa ilalim ng seksyon 115 ng Tax Code of 1997.

Ayon sa BIR – Aklan, kabilang sa mga ipinasara nila ang dalawang Chinese Restaurant, samantala apat naman ang ipinasara ng BIR-Region 6 na kinabibilangan ng ilang hotel at Chinese Sea Food Restaurant.

Anila mahirap magpasara ng mga establisyemento sa kadahilanan na magdudulot ito ng pagtigil ng negosyo at kawalan ng trabaho subalit kailangan ipatupad ang batas.

Dagdag pa nila na ang ginawang pansamantalang pagpapasara ng mga establisyemento ay maging isang babala sa lahat ng mga negosyonte na dapat sumunod sa alintuntunin ng batas tungkol sa pagbabayad ng buwis kung ayaw nilang sapitin ang parehas na kaparusahan.

Ang 'Oplan Kandado' ay isang programa ng pamahalaan na humahabol at nagpaparusa sa mga negosyante na hindi nagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagsasara ng kanilang mga negosyo.

Samantala, sa ngayon ay patuloy parin sa pag-iikot ang BIR sa isla para suriin ang ilan pang mga establishments na hindi sumusunod sa mga batas na kanilang ipinapatupad lalo na ang mga walang sanitation permit.

Lalaki, patay matapos mag suicide sa Caticlan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patay ang isang lalaki matapos magpatiwakal sa tower ng isang Telecommunications Company sa Caticlan.

Ayon sa report ng Malay PNP, nakita ang lalaki bandang alas saes ng umaga kahapon sa So. Airport Caticlan, Malay, Aklan at agad na dinala sa ospital pero ideneklarang wala ng buhay.

Batay sa kanilang imbestigasyon, nakilala ito kay Julrey Jabin Cusio, 23, ng Punta Silong Mantikas Misamis Oriental at sinasabing laging nagtatangkang magpakamatay tuwing nalalasing.

Katunayan, ayon umano sa mga kasama nitong construction worker ay nagawa na rin nitong magpakamatay sa Palawan pero agad namang natutulungan ng mga tao.

Hindi naman malaman ng kanyang mga kasamahan sa trabaho kung bakit lagi nalang umano itong nagtatangkang magpakamatay dahil sa tahimik lamang daw ito.

Nagpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagbigti gamit ang safety belt harness na ginagamit nila sa trabaho.

Dinala ang nasabing lalaki sa isang funeral homes bagamat tumanggi naman ang pamilya na e-autopsy ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang bangkay ng biktima.

Isinusulong na ordinansa ni Vice Governor Calizo-Quimpo sa SP nasa 3rd at final reading na

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa 3rd at final reading na ang isinusulong na ordinansa ni Vice Governor Gabrielle V. Calizo-Quimpo sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan.

Ito ay may kaugnayan sa paggamit ng alternatibo at mga eco-friendly na packaging materials sa lalawigan, kasama na ang bayan ng Kalibo at isla ng Boracay.

Samantala, sa ginanap naman na 16th Regular Session napagkasunduan nang isulong ang nasabing ordinansa at nakatakdang ma-esapinal ang magiging desisyon sa 17th Regular Session sa November 6, 2013.

Sa kabilang banda, sa pahayag ng bise gobernador sa ginanap na pagpupulong nitong myerkules.

Sinabi nitong makakatulong umano ang nasabing ordinansa hindi lamang sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran, kundi magkakaroon din ng disiplina ang mga tao sa tamang pagtatapon ng basura kung saan isa sa mga nagiging dahilan ng pagbaha.

Sangguniang kabataan, hanggang Nobyembre a-trenta na lang

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hanggang Nobyembre a-trenta nalang ang pananatili ng mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa buong bansa.

Ito ang paalala ng Commission on Elections kung saan nabatid na wala ding magaganap na holdover dahil suspendido ang halalan.

Pag-tiyak naman ni Malay Sk Federation President Cristina Daguno, tuloy naman ang gagawing SK elections sa buwan ng Oktobre sa susunod na taon.

Nabatid naman na kung hindi ito matutuloy sa susunod na taon ay maaring idaos nalang ito sa buwan ng Pebrero sa taong 2015.

Ayon naman kay Aklan Sk Provincial Federation at Regional Director for Western Visayas President Bob Augusto F. Legaspi.

Tanggap nila na magtatapos na ang kanilang termino ngayong taon pero hindi nila matatanggap na tuluyang ma-abolish ang Sk election sa bansa.

Samantala, tiniyak naman ni Comelec spokesman, Executive Director James Jimenez na inaasahan nilang sa naturang petsa ay mayroon ng nagawang amendment ang Kongreso sa SK law.

MDRRMC ng Malay balak ipatawag hinggil sa kahandaan sa kalamidad

Ni Alan Palma, YES FM Boracay

“Handa ba tayo sa kalamidad katulad ng lindol?”

Ito ang katanungan ni SB Member Rowen Aguirre sa mga kapwa konsehal kung kahandaan sa kalamidad ang pag-uusapan.

Nais kasi nitong alamin kung ano ang istraktura at komposisyon ng MDRRMC sa bayan ng Malay para matukoy ang dapat ayusin para na rin sa kaligtasan ng lahat lalo na sa isla ng Boracay.

Ani Aguirre, huwag basta isawalang-bahala ang mga kalamidad tulad ng lindol lalo pa at kapakanan ng mga turista ang nakasalalay.

Ang mga pagsasanay tulad ng earthquake drill kasama na ang protocol at set-up ng mga rescuers ay dapat na ring ihanda sakaling may tumamang kalamidad.

Kailangan na ring malaman kung may mga nakahandang gamit at kung sino ang dapat mangasiwa sa mga nabanggit na sitwasyon.

Plano ipatawag ngayong linggo ang MDRRMC-Malay para sa isang pulong.

Magugunita na niyanig ng malakas na lindol ang Central Visayas nitong nakaraang linggo kung saan marami ang nasirang mga bahay at ari-arian kasama na ang humigit isang-daan at walumpong kataong nasawi.

Wednesday, October 23, 2013

SB Malay, magbabalangkas ng resolusyon para sa mabilisang pag-upgrade ng Boracay hospital

Ni Alan C. Palma, YES FM Boracay

Hinling ngayon ni SB Member Frolibar Bautista ang pag-balangakas ng isang resolusyon para igiit sa pamahalaang probinsya ng Aklan ang mabilisang pagsasaayos at paglagak ng makabagong gamit-medikal para sa Boracay Hospital.

Ito ang nilalaman ng privilege speech ni Bautista sa ginanap na 14th Regular Session ng SB Malay kahapon.

Partikular na inihalimbawa nito ang nangyaring pagkamatay ng isang pasahero ng MS Superstar Gemini dahil sa stroke.

Aniya,bagamat namatay ito sa sakit ay mas makakabuti di-umano na handa ang ating ospital sakaling may kahalintulad na insidente na pwede pang maagapan.

Iginigiit ito ni Bautista dahil marami naman daw pondo ang probinsya mula sa mga koleksyon na umaabot ng milyon at marami pang cruiseship ang darating para bumisita sa isla kaya oras na para i-fast track ang paglagay ng mga kakailanganing medical equiptment dito.

Ayon naman kay SB Member Aguirre , may mga gamit naman daw ang ospital subalit walang personnel na nangangasiwa ,kaya sinang-ayunan din nito ang hiniling na resolusyon.

Samantala , naisingit naman sa privilege hour na mukhang hindi na umano matutuloy ang planong ospital sa area ng Mt. Luho na pinundohan ng probinsya at TIEZA na umano ang magsasagawa ng proyektong medical na ito.

Pag-upgrade ng NAIA ngayong araw, biyahe ng eroplano sa Caticlan at Kalibo Airport kanselado

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kanselado ngayon ang ilang byahe ng eroplano sa Caticlan at Kalibo International Airport dahil sa pag-upgrade ng CAAP sa NAIA.

Kung saan, halos umabot sa isang daang domestic flights ang kanselado ngayong araw ng dalawang major air carrier sa bansa.

Ito ay para bigyang daan ang preventive maintenance ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Nabatid na planong e-upgrade ng CAAP ang radar system ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagsimula ang radar maintenance ala-una kaninang madaling araw hanggang alas siyete ng umaga bukas.

2 Chinese National, sugatan sa banggaan ng Jet Ski sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan ang dalawang Chinese National matapos makabanggaan ang kanilang sinasakyang Jet Ski sa Boracay.

Ayon sa report ng Philippine Coastguard-Boracay, sakay umano sa isang Jet Ski ang dalawang Chinese nationals na sina Ms. Liu Ye, 24 at Ms. Xu Rongjun nang bigla silang mabangga ng isa ring Jet Ski na minamaneho ni Mr. Alis M. Mleitan, 25, isang Libyan National.

Sa lakas ng salpukan nabali ang tadyang ni Ye at nabali rin ang kanang braso ni Xu gayundin ang kaliwang bukung-bukong nito.

Samantala, pinalad namang minor injuries lang ang natamo ni Mleitan.

Base sa imbestigasyon ng PCG, nangyari ang aksidente nitong nakalipas na araw sa tinatayang 300 meters Southwest ng Angol point Brgy. Manoc-Manoc Boracay bandang alas 5:20 ng hapon.

Patuloy naman ngayong ginagamot sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo ang dalawang Chinese National at nakatakdang bumalik sa kanilang bansa sa susunod na araw.

Sa kabilang banda, ipina-alala naman ng Philippine Coastguard na mag-ingat ang mga gagamit ng Jet Ski lalo na’t malakas ang alon.

SB Malay, pa-iimbestigahan ang operasyon ng LTO sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pa-iimbestigahan ng SB Malay ang operasyon ng Land Transportation office (LTO) sa isla ng Boracay.

Magugunitang sa ginanap na sesyon kahapon sa bayan ng Malay, sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na nagkaroon ng smoke emission testing ang LTO para sa mga sasakyan sa isla.

Aniya, bahagi ito ng requirements nila bago ang sasakyan na ma-registered o ma-renewed.

Pero lumipas na umano ang tatlong buwan at hindi parin naipapalabas ng LTO ang mga resulta ng mga kumuha ng renewal permit.

Bukod dito, wala naman umanong naging paliwanag ang LTO kung bakit hindi pa sila nagpapalabas ng resulta hanggang ngayon.

Dagdag pa ni Gallenero na marami ang nagtatanong kung kailan pa lalabas ang resulta ng ginawang testing sa Boracay dahil kumpleto naman anila ang kanilang mga kaukulang requirements ng LTO.

Dahil dito magpapadala ang SB Malay ng sulat sa nabanggit na tanggapan sa bayan ng Kalibo para maipaliwanag kung ano ang dahilan at hanggang ngayon ay wala pa ang nasabing resulta.

Tuesday, October 22, 2013

Mga tricycle sa Boracay patuloy paring magbabyahe sa kabila ng pamamasada ng mga E-trike

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy paring magbabyahe ang mga tricycle sa kabila ng pagdami ng mga Electric Tricycle (E-trike) sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi, normal parin ang byahe ng mga tricycle sa isla at hindi rin ipinagbabawal ang pagbyahe ng mga E-trike sa Cagban Jetty Port.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Tubi na mag-wawalong oras bago malobat ang battery ng E-Trike pero aantayin parin umano nila na matapos ang ibinigay na 15 days trial at saka doon malalaman kung garantisado ba ang mga ito.

Aniya, may mga nakalaan naman silang charging station tulad ng Solar at maliban pa doon ay meron ding kasamang mga charger ang mga bagong unit ng E-Trike.

Samantala, ang mga bagong E-Trike ng BLTMPC ay kasalukuyang pumapasada ngayon sa Boracay.

Ilang poster ng pasaway na kandidato, binaklas ng Comelec Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Binaklas ng Comelec Malay ang mga poster ng mga kandidatong hindi sumunod sa tamang batas na ipinapatupad nila.

Katunayan pinagunahan ni Malay COMELEC Election Officer II Elma Cahilig ang pagbabaklas nito lamang Sabado sa baranggay Manoc-manoc.

Aniya, tinawagan naman niya ang kandidatong nag-mamay ari ng poster para-ipaalala ang paglabag nito sa kanilang batas.

Agad naman umanong nag-comply ang nasabing kandidato sa pinag-utos ng Comelec at binaklas ang sarili niyang campaign materials.

Dagdag pa ni Cahilig, kung hindi sila susunod ay maari silang ma-obligang mag padala ng notice letter sa mga kandidatong hindi sumunod dito.

Ipinaalala naman nito sa mga kandidato na dapat ay limang peso lamang ang kanilang magagastos sa pangangampanya sa bawat isang botante.

Samantala, ngayong hapon ay magkakaroon naman ng inspeksyon ang Comelec sa mga baranggay sa Malay kasama ang PNP para magbaklas ng mga poster sa ipinag-babawal na lugar.

Babaeng napagtripan ng apat na lasing, nanawagan dahil sa kawalan ng street light sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

May trauma pa ako hanggang ngayon dahil sa nangyari.

Ito ang sinabi ng isang babaeng empleyado sa Boracay, matapos umanong mapagtripan ng apat na lasing sa So. Pinaungon Ibaba, Balabag nitong nagdaang linggo.

Si Janet, hindi totoong pangalan, mahigit siyam na taon nang nagtatrabaho sa Boracay.

Madalas, alas dos o alas tres na ng madaling araw umuwi galing sa trabaho nang mag-isa.

Maliban sa pagod at antok, natatakot na rin sya sa tuwing dumadaan sa madilim na bahagi ng Pinaungon Ibaba, dahil sa kawalan ng ilaw doon.

Narinig umano kasi nito na ang sabi ng mga lasing na titirahin siya ng mga ito, dahilan upang kumaripas siya ng takbo sa sobrang takot.

Kaugnay nito, nanawagan si Janet sa mga kinauukulan na sana’y magkaroon ng ilaw ang kanilang lugar para sa kaligtasan ng mga residente doon.

Umaasa naman ito na mabibigyang pansin ang siguridad ang mga katulad niyang babae at panggabi ang trabaho.

Samantala, sinabi na rin noon ng LGU Malay na may program of works na para sa mga street lights sa Boracay.

Mahigit kumulang 50 libong peso na halaga ng shabu, nasabat sa isang drug pusher sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Todo ang pagsisisi ng isang lalaki at halos humahagulgol sa pag-iyak matapos matiklo sa isang buy-bust operation.

Katunayan, humihingi pa ito ng pari para makausap at makahingi umano ng tawad sa kanyang nagawa.

Sa pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Branch Operatives (PIBO), Aklan Police Provincial Office, Aklan Provincial Public Safety Company (APPSC), Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAIDSOTG), Police Regional Office Six (PRO6) at Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) natimbog ang suspek na si Jose Maria Antonio Agustin Kilayko alyas “Jack”, 41, ng Mountain View Subdivision, Mandalagan Bacolod City.

Isinagawa ang buy-bust operation sa Room No. 5, ng isang guest house sa So. Bolabog Barangay Balabag Boracay sa pagitan ng suspek at ng isang police asset.

Nasabat mula sa suspek ang isang sachet ng shabu, 1 libong piso na ginamit sa buy bust, dalawang plastic sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 50, 000 pesos, ilang drug paraphernalias, at dalawang cell phones na ginamit umano sa illegal drug transactions.

Kaagad inaresto at ikinostodiya sa Boracay PNP ang suspek na nakatakdang kasuhan ng pagtutulak ng droga.

Monday, October 21, 2013

Mga pasaway na kandito sa brgy. election, hindi palalampasin ng Comelec Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Hindi palalampasin ng Comelec Malay ang mga pasaway na kandidato para sa brgy. Election sa Lunes.

Ayon kay Malay COMELEC Election Officer II Elma Cahilig, hindi nila hahayaan ang mga kandidatong basta na lamang nangangampanya at hindi marunong sumunod sa batas ng Comelec.

Katunayan magkakaroon umano sila ng inspeksyon sa mga baranggay sa Malay bago matapos ang campaign period nitong Sabado.

Aniya, kapag napansin nilang mali ang mga sukat ng poster o mga campaign materials ng mga kandidato ay maaari nilang tawagan o padalhan ng written notice ang mga ito.

Nananawagan naman si Cahilig sa mga mamamayan na kung may makikita silang mga nakalagay na poster ng kandidato sa mga lugar na hindi dapat paglagyan ng campaign materials ay agad umanong ipagbigay alam ito sa kanila.

Samantala, paalala naman nito sa mga botante na piliing mabuti ang mga kandidatong responsable at karapat dapat na mamuno sa baranggay.

Publiko, pinag-iingat sa mga kandilang may halong lead

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpalabas ngayon ng babala sa publiko ang waste at pollution watchdog kaugnay sa lason na nagmumula sa usok ng kandila.

Ito ay may kinalaman sa nalalapit na undas ngayong Nobyembre a uno at a-dos kung saan talamak ang paggamit at pagbinta ng mga kandilang ito para ialay sa mga yumaong mahal sa buhay.

Basi sa pag-iimbistiga ng watchdog napag-alaman nilang may mataas na level ng lead ang mga kandila lalo na ang galing China.

Ayon naman sa mga taga-Balabag Health Center, nagdudulot nga ito ng masamang epekto sa kalusugan ng mga tao lalo na kung usok ang pinag-uusapan.

Higit nga anilang nakaka-apekto ang mga usok na nagmumula sa kandila at sigarilyo dahil sa na- kakasama ito sa kalagayan ng mga buntis at bata na maaaring maka-apekto sa kanilang respiratory system.

Samantala, ipinagdirawang naman ngayong Linggo ang International Lead Poisoning prevention week.