YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 26, 2013

Ika-apat na Cruise Ship na dadaong sa Boracay, nagpaparamdam na


Hindi pa man nakakadaong sa pantalan ng Boracay o Caticlan ang ikalawang at ika-tatlong cruise ship, isang panibagong barkong pang-cruise ship na naman ang nakatakdang dadaong dito na magdadala ng daan-daang turista.

Sapagkat ayon kay Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, panibang barkong pang-cruise na nakabase sa Estados Unidos na naman ngayon ang  nagbabalak na dumaan sa Pilipinas at Boracay ang target na puntahan.

Ganoon pa man, wala pang petsang inilatag ito kung kaylan ito mangyayari.

Sa ngayon ay patuloy naman ayon kay Maquirang ang promosyon nila sa mga shipping company na isa sa mga market ngayon ng Boracay.

Kung sakaling matuloy ito, ito na ang ika-apat na barkong  pang turista na na dadaong sa Boracay.

Matatandaang naka-iskedyul na ang dalawa pang cruise na darating sa ika-24 ng Pebrero at ang isa naman ay sa darating ika-19 ng Marso.

Maaalalang noong Oktubre ng nakalipas na taon ay unang binisita ng cruise ship na Caribbean Cruise ang Boracay. 

Mula 293, DENR, mag-aalis na lang ng 150 structure sa Boracay


Mula sa dating 293 ay nasa 150 na lamang,ang  mga istrakturang aalisin sa buong isla, na siyang itinututring na iligal batay sa pagtalang ginawa ng DENR.

Kaya nagtataka ang Sangguniang Bayan ng Malay lalo na si SB Member Rowen Aguirre kung bakit nasa 150 illegal structure sa Boracay ang tatanggalin.

Gayong una nang sinabi ni Provincial Environment and Natural Resources Officer o PENRO Aklan Iven Reyes na malapit sa tatlong daang istraktura ang aalisin.

Matatandaang inihayag ni Reyes na umabot sa 293 ang nasa listahan nila ng mga illegal structure sa isla at nakatakdang linisin sa susunod na buwan  ng National Task Force  na binuo para magpapatupad nito.

Subalit sa opisyal na listahang ipinadala ni Boracay OIC CENRO Officer Mirza Samillano kay Malay Mayor John Yap, nasa 150 structures lamang ang nakalista doon.

Ang nasabing bilang ng naitala ay lumabag umano sa 25+5 meter easement, at ibinatay sa ginawang pagsisiyasat o survey at inventory noong taon 2010. 

Cagban at Caticlan Jetty Port, may budget na P78M para sa taong 2013


Nasa P78-milyon ang alokasyong pondo para sa operasyon sa taong 2013 ng Caticlan at Cagban Jetty Port.

Sa alokasyong ito na ibinigay ng pamahalaang probinsya, halos nasa P30-milyon ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang ang mapupunta sa pasahod ng mga empleyado, kabilang ang mga security guard at utility ng dalawang pantalan.

Aasahan naman ngayong taon na may mga idadagdag umano sa pasilidad sa pantalang ito gaya ng metal detector o x-ray machine para sa operasyon ng RORO sa Caticlan Port.

Maliban dito may ilang mga konstraksiyon din umanong gagawin doon.

Kaya’t tinaasan na rin umano ang pundo ng Jetty Port mula sa dating pondo noong 2012 na nasa P60-milyon lamang na ginawa na ngayong P78-milyon.

Samantala, gamit ang milyon-milyong pundong ito, umaasa naman ang pamahalaang probinsiya na maaabot nila ang target collection para sa taong 2013 na P260-milyon.

Kung saan noong nakalipas na taon ng 2012 ang target collection ay P118-milyon.

Pero dahil sa noong buwan umano ng Mayo ay tumaas ang singil sa terminal fee, kaya nahigitan nila ito, na umabot pa sa P175M ang surplus sa koleksiyon. #ecm012013

Underwater tunnel wala pang linaw kung maisasalang na sa SB


Nakatakda palang pag-usapan ng tatlong committee sa Sangguniang Bayan ng Malay kung ano ang posisyon nila kaugnay sa underwater tunnel para sa Boracay.

Sa isinagawang sisyon nitong Martes, ika-22 ng Enero, bagamat inaksiyunan ng konseho ang panukalang pag-entertain sa propisisyon ng Pharcos Philippines Inc. na siyang balak na gumawa ng underwater tunnel na magkokonekta sa Boracay at Caticlan.

Mayroong mga bagay pa rin umano na dapat ikonsidera ang konseho pagdating sa proposisyong ito.

Kaya ipinagkatiwala na ng SB sa tatlong komitiba ang diskasyon hinggil dito.

Kung saan, nasa mga committee na ng Tourism, Infrastructure at Environment na ang desisyon kung anong aksiyon at kung ikukonsidera ba ng SB ang proposisyon na ito.

Sa oras naman na maisalang na ito sa committee report, doon na magdidesisyon ang SB kung iimbitahan na ang  Pharcos Philippines Inc. upang ilatag sa konseho ang kaugnay sa Underwater tunnel na ito.

Kung maaalala, ang nasabing kumpaniya ay nagparamdam tatlong linggo na ang nakakalipas sa paraan ng e-mail kay SB Member Dante Pagsugiron at nagpahayag ng kanilang interes na maglalagay ng underwater tunnel sa Caticlan papuntang Boracay. #ecm012013

Friday, January 25, 2013

Cagban at Caticlan Jetty Port, nakapagkolekta ng P206-M noong 2012


Umabot sa P206-milyon ang koleksiyon ng Caticlan at Cagban Jetty Port nitong nakalipas na taon ng 2012. 

Ito ang nabatid mula kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang sa panayam dito. 

Aniya, ang P206-milyon na ito ang kabuoang koleksiyon ng dalawang pantalan mula sa terminal fee, rental sa mga pwesto sa loob terminal ng port, maging sa operasyon ng RORO at iba pa sa loob ng taong 2012. 

Pero kung ibabawas na umano dito ang lahat ng ginastos sa operasyon ng Jetty Port sa taong 2012, kabilang ang share na ibinibigay sa Manoc-manoc at Caticlan kung saan naroroon ang dalawang pantalan at iba pa, kahit papaano ay may kinita rin aniya ang probinsiya. 

Umabot din umano sa mahigit P175-milyon ang kinita ng Jetty Port. 


Reklamasyon sa Caticlan, posibleng umusad na ngayon 2013


Tiwala si Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na ngayon 2013 ay makaka-usad na ang kontrobersiyal na proyektong reklamasyon ng probinsiya.

Sapagkat sa ngayon ay may ilang dukomento lamang umano na dapat isusumite ang Department of Environment and Natural Resources o DENR sa Supreme Court na siyang may hawak na kaso para mapatunayang hindi naman makakapagdala ng problema sa kapaligiran ang proyekto ito.

Kung saan ito na lamang umano ang kulang ngayon.

Kampante din ito na babawiin na rin ng Korte Suprema ang Temporary Environmental Protection Order o TEPO na ibinaba laban sa pamahalaang probinsiya na siyang may proposisyon ng reklamasyon.

Kung maaalala, hiniling ang TEPO ng Boracay Foundation Incorporated o BFI nang magsampa ng kaso sa SC laban sa proyekto.

Kaya pinatigil ang ginagawang pagtatambak sa 2.6 hectar na reklamasyon doon.

Subalit, nitong ika-tatlong bahagi ng 2012 ay nagpahayag na ang BFI ng pagsuporta sa proyekto.

Dagdagan pa ng ginawang pag-endurso ng Sangguniang Bayan ng Malay at Caticlan Barangay Council. 

Aklan, nakapagtala ng isang patay dahil sa pinaghihinalaang kaso ng meningococcemia


Hindi pa rin matukoy ngayon ng Aklan Provincial Health Office o PHO kung meningococcemia nga ang ikinamatay ng isang bata noong ika-17 ng Enero.

Kaya hanggang sa ngayon ay nananatiling suspected o pinaghihinalaang meningococcemia pa rin ang kanilang tawag sa sakit na ikinamatay ng isa’t kalahating taong gulang na bata sa isang pampublikong pagamutan sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Jenoval Taytayon, Disease Surveillance Officer ng probinsiya, hindi pa talaga napatunayan na meningococcemia nga ang sakit na iyon, dahil sa wala namang sapat na eksaminasyon medikal sa Aklan na makatukoy kung ano ang ikinamatay ng bata.

Pero ang mga sintomas umano na nakita ay katulad sa sintomas ng sakit na ito, gaya ng lagnat, sipon at nagkapantal-pantal ang balat.

Bunsod nito, pinuntahan na umano ng Rural Health Unit o RHU ng hindi na binangit na bayan ang pamilya ng bata para mabigyan agad ng gamot ang mga taong nakalapit at nakasalamuha ng bata.

At sa isinagawa din umano nilang pag-monitor, wala naman nang sumunod pang kaso o naitalang nahawa ng sakit.

Kaya maituturing aniyang ligtas ang kumunidad doon sa sakit na ito matapos nilang i-isolate ang lugar.

Nabatid din na hindi naka-travel o nailabas ng probinsiya ang biktima para doon kunin ang nakakahawang sakit na ito.

Kung saang posibleng na-develop o nagmula din ito sa nasabing bata, dala ng maduming kapaligiran at pagbaba ng resistensiya nito.

Kaugnay nito, inihayag ni Taytayon na wala ng dapat ikabahala ang komunidad sa Aklan hinggil dito. 

Thursday, January 24, 2013

Cagban Jetty Port, nasa listahan ng mga illegal structure ng DENR sa Boracay


Pasok sa listahan ng mga illegal na istraktura sa Boracay ng DENR ang Cagban Jetty Port.

Maliban sa pantalang ito sa Cagban, ang tatlong palapag ng Tourist Life Guard, Rescue and Communication Center  sa Front Beach, kasama din na listahan na nasa plano na  ngayon para alisin ng Boracay National Task Force.

Ito ay kasunod ng ipapatupad na paglilinis sa Beach Line ng islang ito alinsunod sa Presidential Declaration o PD 1064 ng Department of Environment and Natural Resources o DENR, partikular ang 25+5 meter easement.  

Kabilang din sa listahan ng tatanggalin ang mga seawall at bakod na inilagay ng mga establishments sa front beach, restaurant at maging mga resort na nakadikit o nakapatong na sa mga bato sa area ng Sitio Diniwid at ilang pamamahay sa Sitio Tulubhan, Manoc-manoc.

Ibig sabihin hindi lamang front beach ang pukos, kundi buong isla na ng Boracay.

Hindi rin umano makakaligtas ang ilang istraktura sa Back Beach o sa Bulabog Area sapagkat maging ang mga cottages doon na pasok sa 25 metro mula sa baybayin ay aalisin na rin.

Kung maaalala, una na ring sinabi ng DENR na mayroong ilang government structure ang mapapasama sa demolisyong gagawin sa mga illegal na straktura sa Boracay.

Layunin dito ay upang hindi maharangan ang daloy ng tubig sa beach line at maprotektahan ang kalikasan sa isla katulad ng mapuputing dalampasigang Boracay at kagubatan.

Nakatakda naman ayon kay PENRO-Aklan Iven Reyes na alisin ang mga illegal na straktura na ito sa susunod na buwan ng Marso.

Ang mga gusali at istrakturang pasok sa 25+5 meters ay siyang kinukonsiderang illegal structure sa Boracay. #ecm012013

Huling SOPA ni Governor Marquez sa February 6 na


Nalalapit na ang huling State of the Province Address o SOPA ni Aklan Governor Carlito Marquez.

Kung saan gagawin ito sa ika-6 ng Pebrero ng taong ito, kasabay ng ika-5 Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan o SP.

Nabatid mula sa kalihim ng SP na si Odon Bandiola, na sa ngayon ay naghahanda na ang Presiding Officer ng mga Board Member sa Aklan na si Vice Governor Gabriele Calizo-Quimpo para sa mga i-imbetahan na posibleng dadalong mga bisita sa gagawing SOPA ni Marquez.

Aasahan umano na iimbitahan din ang lahat ng Alkalde ng mga bayan sa probinsiya, mga namumuno sa mga departemento at ahensiya sa Aklan, ganon din si Congressman Florencio Joeben Miraflores at Ang Kasangga Partylist Representative Teodorico Haresco Jr.

Ang gagawing SOPA na ito ng gobernador ay siyang ika-siyam nitong ulat sa mga Aklanon kaugnay sa mga nagawa at mga pagbabago sa Aklan sa loob ng pamumuno nito sa tatlong termino o siyam na taon simula noong 2004.

Bagamat, ito na ang huling termino ni Marquez at matatapos na ang panunungkulan nito sa Hunyo kapag naideklara na ang bagong gobernador ng Aklan sa gagawing May 13 Midterm elections, sasabak pa rin si Marquez sa pulitiko, dahil ito ngayon ang ipinalit sa pwesto ni Haresco bilang kinatawan ng Kasangga Party list. #ecm012013

Wednesday, January 23, 2013

TRO para mapigilan ang pagtaas sa singil ng tubig ng BIWC, pinagpaplanuhan na


Temporary Restraining Oder o TRO lamang ang makakapigil sa pagmahal ng singgil sa serbisyo ng tubig ng Boracay Island Water Company o BIWC.

Kaya naman balak ngayon ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay na humiling ng TRO sa Korte upang hindi muna maipatupad ang dagdag singil sa tubig ng BIWC.

Kung saan batay sa mga binitiwang mga pahayag ng konsehal sa isinagawang Privilege Speech sa sesyon ng SB kahapon, ito lamang ang nakikita nilang paraan para protektahan ang interes ng mga konsumidor.

Nagtulak sa konseho para sa panukalang paghingi ng TRO ay ang pagduda nila sa proseso o pamamaraan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA na siyang Regulatory Body ng BIWC sa pag-apruba ng bagong taripa ng nasabing kampaniya ng tubig.

Bunsod nito, bago paman umano gumawa ng hakbang ang SB, nais muna nila itong ikonsulta sa abogado para sa legalidad ng binabalak nilang gawin.

Kung maaalala, una nang hinyag ng BIWC na sa susunod ng buwan ay sisimulan na nila ang pagpapatupad sa bagong taripa na inaprobahan ng TIEZA. #ecm012013

Deadline sa pagre-new ng business permit sa Boracay, balak palawigin


Kinunsidera ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay na bigyan na lamang ng extension ang mga stakeholders sa Boracay at Malay sa pag-renew ng business permit.

Ito ay dahil sa mabagal na proseso sa pagkuha ng mga require palang ng isang empleyado para pag-renew ng business permit ng employer.

Isang buwang palugit ang panukalang idagdag sa araw ng pagre-renew, gayong sa Ika-21 sana ng Enero ang deadline na siyang na-aayon sa batas.

Subalit dahil sa nakita ng Sangguniang Bayan ng Malay na may nai-ambag namang problema ang mga departemento ng lokal na pamahalaan ng Malay at mga barangay sa Boracay para maantala ang proseso.

Sa halip na magtapos na ngayong ika-21 ng buawang ito, balak ngayon ng konseho na palawigin ito hanggang sa ika-20 ng Pebrero ng taong kasalukuyan ang deadline sa pagrenew ng business permit. #ecm012013

Mabagal na pagpoproseso ng business permit, pinuproblema ng SB Malay


Mabagal na serbisyo at pag-release ng pampublikong dokumento.

Ito ngayon ang pinuproblema ng Sangguniang Bayan ng Malay dahil sa matagal at nakakairitang pagproseso sa mga dukomento para sa pagrenew ng business permit sa Boracay at Malay.

Sapagkat marami umanong hinihinging requirements sa mga empleyado ang mga departamento ng LGU at Barangay dagdagan pa ng mabagal na serbisyo, rason para maantala ang pag-release mga dokumento.

Kung iisipin umano dapat ang LGU ang humingi ng requirements na ito, kaya dapat maging mabilis din ang serbisyo para hindi maaantala ang kawawang mga empleyado, lalo na sa Boracay.

Unang pinuna ni SB Member Rowen Aguirre na sinang-ayunan naman ng lahat ng konsehal, ang umano ay inaabot ng halos dalawang linggo bago mabigay ang Barangay Clearance sa dami din requirements na hinihingi na wala namang basehan.

Dagdag pa dito ang requirement sa medical ng mga empleyado na minsan ay nagpapalala din umano sa bagal ng pagproseso sa business permit.

Gayong kung titingnan aniya, ang mga empleyado at negosyanteng ito ay lumapit sa sa kanila upang magbayad ng kanilang obligasyon o buwis, pero bakit pinapahirapan pa.

At minsan ay nakakatikim pa ng hindi magandang karansan.

Bunsod nito, nangmunkahi ang konseho na oras na rin umano para rebisahin o siliping muli ang requirements na ito na hinihingi ng LGU Malay para sa pagrenew ng permit, dahil ang iba dito ay tila hindi na rin naman kailangan.

Para hindi naman maaksaya ang panahon ng mga empleyado ay maging ng mga stakeholder sa pagproseso at paghihintay sa dokumento na kailangan para sa business permit, hindi man ngayon kundi para sa susunod na mga taon. #ecm012013

Sangguniang Bayan ng Malay, duda sa kredibilidad ng TIEZA



Mistulang hindi matanggap ng Sangguniang Bayan ng Malay ang aksiyong ginawa ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa pag-aapruba ng bagong taripa ng Boracay Island Water Company o BIWC.

Sapagkat tila pinaglaruan umano ang konseho ng TIEZA, at mistulang nagsinungaling pa sa kanila, kaya duda na sila sa kredibilidad ng ahensiyang ito.

Ito ay makaraang makita ng mga konsehal na noong ika-18 pa pala ng Disyembre ng nakalipas na taon inaprobahan ng TIEZA Board ang bagong taripa ng BIWC sa panininggil sa serbisyo ng tubig.

Subalit, sa sulat na ipinadala ni Atty. Marites Alvares, Officer In-Charge ng Regulatory Office ng TIEZA sa Boracay na may petsang ika-11 ng Enero.

Nakasaad doon na ang taripa ng nasabing kampaniya ang tubig ay hindi pa naa-aprobahan kaya ang mga mayroong suhistiyon, apela o tanong ay kinokonsidera parin ng tanggapan nila.

Subalit nadiskubre ng SB Malay na aprubado na pala ito, kaya malinaw umano itong panlilinlang sa kanila o kaya ay nagpapakita lamang na wala koordinasyon si Alvares sa ibang taga TIEZA Regulatory Board, kung bakit hindi nito alam na aprobado na pala, taliwas sa laman ng kaniya sulat. 

Bunsod nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang mga konsehal sa aksiyon na ito ng TIEZA.

Maliban dito, pinuna ng konseho ang legalidad ng isinagawang Public Hearing ng TIEZA noong Disyembre ng 2012.

Anila, kung bakit ang regulatory body o board pa mismo ang magpi-presenta sa publiko at siyang dumidepensa pa, na sa halip ay ang may proposisyon o ang BIWC ang dapat na gumawa nito.

Dahil dito, balak ngayon ng SB na gumawa ng aksiyon para kuwestiyunin ang legalidad sa pag-aproba ng TIEZA sa bagong taripa ng BIWC na ipapatupad sa susunod na buwan.

Ang mga pahayag na ito ng konseho ay isinagawa sa sesyon ng SB nitong umaga, ika-22 ng Enero sa kanilang privilege hour. #ecm012013

Monday, January 21, 2013

“Black Beauty Boys” napanatili ang kampeonato ngayong 2013 Kalibo Ati-atihan

Tatlong taon nang naging kampiyon ang tribung Black Beauty Boys sa 2013 Kalibo Ati-atihan.

Ngayong taon naman, tumataginting na One Hundred Fifty Thousand Pesos na grand price ang kanilang naiuwi matapos muli nitong masungkit ang kampeonato para sa TRIBAL BIG CATEGORY ng 2013 Kalibo Ati-atihan Festival.

Nakuha naman ng Tribung Kabog  ang 2nd Place na may premyong Eighty Thousand pesos at 3rd Place naman ay nasungkit ng Tribu Bukid Tigayon na may Cash Prize na Fifty Thousand pesos.

Makakatanggap naman ng tig-sampung libong piso ang mga hindi pinalad na tribu sa kategoryang ito.

Kung saan sa apat na kategorya na siyang pinaglabanan ng tatlompu’t isang tribu. Nakuha ng Lilo-anong Ati at si Datu Marikudo ang korona para sa Kategoryang Balik-Ati na may premyong limampung libong piso.

Habang 2nd place naman ay nakuha ng Tribu Ilayanhon na may nai-uwing dalawampu’t limang libong piso.

3rd place ang nakuha ng Tribu Isalacan na may premyong labing-limang libong piso  at ang mga hindi pinalad na limang tribu ay nag-uwi naman ng consolation prize na tig-limang libo.

Sa Modern Category naman, nai-uwi ng Scorpion 11-19 ang unang pwesto na may premyong limampung libong piso.

2nd ang Aeang-aeang na may premyong dalawampu’t limang libong  piso at ikatlo ang Pilgrimage na labing-limang libo at may limang libo na consolation prize sa mga hindi nanalo.

Sa tribal (Small) Category, ang 1st Place ay nakuha ng Tribu Alibangbang na may Cash Prize na Sixty Thousand pesos.

2nd ang Tribu Lezo na may premyong Forty Thousand pesos at ikatlong pwesto ang nakuha naman ng Niño Litos na may Cash Prize din na thirty thousand pesos.

Nakatanggap naman ng consolation Price na walong libo ang tribu na hindi nanalo.

Samantala, mga positibong komento o mga papuri naman ang natanggap ng mga tribung sumali ngayong taon sa 2013 Kalibo Ati-atihan festival pagdating sa kanilang mga costume.

Naging basehan din ang pagiging organisadong parada ng mga tribu nitong nagdaan Sabado at Linggo kaya naging maganda ang kabuoang judging day noong Sabado sa mata ng mga nanunuod at mga hurado. #ecm012013/bcd012013

Dahil sa selebrasyon ng Kalibo Ati-atihan, Boracay, naging “zero crime”


Naging “zero crime” ang isla ng Boracay mula pa kahapon sa kasagsagan ng selebrasyon ng Kalibo Ati-atihan.

Ayon kay PO2 Bobby Abayon ng Boracay Tourist Assistance Center, wala silang anumang naitalang anumang heinous crime simula pa kahapon hanggang ngayong umaga, maliban na lamang sa isang umano’y kaso ng pambabanta dulot ng kalasingan.

Naniniwala si Abayon na naging mapayapa ang isla ng Boracay, dahil sa selebrasyon ng Ati-atihan sa bayan ng Kalibo mula pa nitong Sabado.

Marami umano kasi ang mga tao mula dito sa Boracay, maging lokal na residente at mga turista ang dumayo doon.

Maging ito na dumalo din doon sa bispera ng Ati-atihan nitong Sabado ay nakapansing mas marami ang mga tao ngayong taon kung ikukumpara sa mga nagdaang taon.

Samantala, ikinatuwa naman ng Boracay PNP ang naging sitwasyon ng isla, dahil sa nasabing selebrasyon sa bayan ng Kalibo. #bcd012013