Posted March 3, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
|
Credit to Rb Bachiller |
Hindi na nailigtas ng mga doktor ang suspek na kinilalang
si Dr. Rudolf Wilhelm Stolz, 66-anyos isang German national at kasalukuyang
nakatira sa Sitio. Sugod, Manocmanoc, Boracay, Malay, Aklan.
Ito’y makaraang barilin niya ang isang taga Bureau of Immigration Agent at tumalon sa isang bangin kaninang alas 12:40 ng hapon sa nasabing
lugar.
Sa report ng Boracay PNP Station, nagtungo umano ang
biktimang si Rodrigo Oamil, 49-anyos sa bahay ng suspek sa naturang lugar kasama
ang tatlo pang agent ng BI at ilang kapulisan para silbihan ito ng warrant of
deportation at summary deportation order.
Ngunit dahil dito ay binaril naman ng suspek ang biktima
na tumama sa kanyang kanang dibdib na agad ding isinugod sa isang klinika sa
isla pero inilipat naman sa isang hospital sa bayan ng Kalibo para sa karampatang
medikasyon.
Dahil dito, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation
ang mga pulis laban sa suspek ngunit mabilis itong tumakas papalayo sa bahagi
ng bangin.
Sa pag-aakala umanong makakatakas sa mga pulis ay agad itong
tumalon kung saan sinasabing bumagsak naman ito sa mga matutulis na bato sa
may dagat.
Agad ding nakuha ang katawan nito ng mga rumespondeng Coastguard
at dinala sa Alert Medical Clinic sa isla ngunit habang ginagamot ay agad ding binawiaan ng buhay dahil sa malakas na pagbagsak at mga tinamong sugat.
Nabatid na madami umanong kinakaharap na kaso ang suspek
sa Bureau of Immigration (BI).