Inna Carol
Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT
Napagkasunduan ng Sangguniang Bayan ng Malay na dadalhin
sa committee hearing ang posibleng pag-amyenda ng batas trapiko o
transportation code para masawata ang mga abusadong driver sa isla.
Nitong Huwebes, pinasaringan ng mga konsehal ang mga
driver na matigas parin ang ulo na hindi nagpapasakay at minsan ay namimili pa
ng pasahero.
Inihalimbawa ni SB Member Nickie Boy Cahilig ang hindi
pagpasakay sa isang batang estudyante ng Balabag Elementary School na pauwi
sana sa Barangay Yapak.
Nais nitong maaksyunan dahil matagal at paulit-ulit
nalang itong problema ng mga mananakay sa Boracay.
Dito pumasok ang suhestyon ni SB Pagsuguiron na
amyendahan ang ordinansa na taasan ang penalidad na ipapataw sa mga drivers
upang magtanda.
Maliban sa babaguhing probisyon sa penalidad ay ang
istriktong pagkansela ng akreditasyon at prangkisa kapag paulit-ulit itong
lumabag.
Nabatid kasi na P 2,500 lang ang penalidad sa hindi
nagpapasakay ng pasahero.
Samantala, ayon sa BLTMPC susunod sila kung ano man ang
mapagkasunduan at ipapatupad na batas trapiko lamang madisiplina ang mga
driver.