YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 20, 2014

Mahigit 20,000 hotel room bookings ng Chinese tourists sa Boracay, nakinansila dahil sa umiiral na travel ban

Posted September 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mahigit 20,000 hotel room bookings ng Chinese tourists ang nakinsala simula September 13, 2014 hanggang sa March 2015 sa Boracay.

Ito’y matapos na nagpalabas ng travel advisory ang China noong September 12, 2014 sa lahat ng Chinese na iwasan muna ang pagbisita sa Pilipinas dahil sa banta ng seguridad sa bansa.

Nabatid na patuloy ang cancellation ng room bookings sa Boracay at cancellation ng International flights mula China papuntang Kalibo International Airport kung saan apektado dito ang tourism industry sa isla.

Samantala, isang sulat na naglalaman ng pagkabahala ang ipinadala ni DOT Reg. Dir. Helen J. Catalbas kay Cong. Teodorico Haresco, Gov. Florencio Miraflores, Malay Mayor John Yap, at lahat ng provincial at municipal officials ng Aklan maging ang tourism stakeholders, resorts at hotels sa Boracay dahil dito.

Sa kabilang banda nag-suggest naman ang DOT official ng short term solution sa Boracay para sa room bookings cancellation kung saan ang pagbibigay ng discounted room rates sa Filipino tourists.

Napag-alaman na mayroong 100 million Filipino at kung kalahating porsyento sa kanila ang mag babakasyon sa Boracay ay muling mapupuno ang mga binakanting kwarto ng Chinese tourists.

Naglabas ang China ng travel advisory laban sa Pilipinas dahil umano sa nanganganib na seguridad sa bansa kung saan nabahala rin sila sa balitang pag-atake ng isang grupo sa Chinese embassy sa Pilipinas gayundin sa ilang Chinese establishments gaya ng mga mall kaya agad nilang inilabas ang travel advisory. 

Isang hotel service boat sa Boracay tumaob, limang pasahero nailigtas

Posted September 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nailigtas ng Philippine Coastguard Caticlan ang limang pasahero ng bangkang tumaob sa Boracay kahapon ng umaga na pagmamay-ari ng isang hotel sa isla.

Ayon kay PO1st Jose Gayuba ng PCG Caticlan nangyari ang insidente dakong alas-9 ng umaga kahapon kung saan sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin dulot ng epekto ng bagyong Mario sa bansa.

Aniya, nanggaling ang nasabing bangka sa Tabon Port patawid ng Tambisaan sa Boracay ng hampasin ito ng malakas na alon dahilan para ito ay tumaob.

Napag-alaman na sakay nito ang dalawang turista na kinabibilangan ng isang Australian National na kinilalang si Richard Allan, 51, kasama ang isang Pinay na si Jenelyn Lobo, 21 na magbabakasyon sana sa isla ng Boracay.

Nabatid na nailigtas din ng mga rumisponding otoridad ang tatlong crew kasama ang boat captain na si Richard Timbas, 34 at ang kasamang nito na sina Andy Garcia at Sammy Holis na parehong residente ng isla ng Boracay.

Samantala, agad namang dinala ng mga rumispondi ang dalawang turista sa kanilang tinutuluyang hotel sa station 2 Boracay.

International Coastal Cleanup day normal na lang para kay Mayor John Yap

Posted September 20, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Normal na lang para kay Mayor John Yap ang International Coastal Cleanup day.

Ayon kay Mayor John, parang naging habit o ugali na ng kumunidad sa isla ang paglilinis ng dalampasigan.

Maliban dito, dumadami na rin umano ang mga grupong nagpapakita ng concern o pagmamalasakit sa isla dahil sa programa ng Boracay Day.

Samantala, pansamantala munang kinansila ng Boracay Foundation Inc.( BFI) ang nasabing coastal cleanup na gaganapin sana ngayong araw dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyong Mario.

Sa kabilang banda kampante namang sinabi ni Mayor John na marami ang makikilahok na mga volunteers at organisasyon sa susunod na beach cleanup sa isla.

Nabatid na taun-taong ginaganap ang international coastal cleanup para mapangalagaan ang mga karagatan sa buong mundo.

Ati-Atihan 2015, inaasahang dadayuhin ng maraming turista ayon sa KASAFI

Posted September 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi lang umano mga deboto ng Senior Santo Niño mula sa probinsya ng Aklan ang inaasahang dadayo sa Ati-Atihan Festival 2015.

Ito ang naging pananaw ng Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Foundation, Inc. (Kasafi) kung saan inaasahan din nilang maraming mga turistang balikabayan ang dadayo sa probinsya para saksihan ang nasabing Kapistahan.

Nabatid rin na kahit mahigit tatlong buwan pa bago ang Ati-Atihan Festival ay marami ng mga turista ang nag pa-book sa ilang hotel sa bayan ng Kalibo.

Ayon naman kay KASAFI Chairman Albert Menez, ang kapistahan umano ng Sto. Niño ay kakaiba kumpara sa ibang festival sa rehiyon kung kayat dinadayo ito ng maraming deboto.

Sa kabilang banda inaasahan din KASAFI na maraming mga tribo ang lalahok sa Festival ngayong 2015 mula sa ibat-ibang lugar sa probinsya ng Aklan.

Friday, September 19, 2014

Bagong APPO Chief PSSupt.Iver Apellido, maaaring dumalo sa susunod na meeting BAG

Posted September 19, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Pormal nang umupo bilang hepe ng Aklan Police Provincial Office si PSSupt.Iver Apellido nitong nakaraang Biyernes.

Kasunod nito, kaagad pinulong ni Apellido ang mga hepe sa probinsya kaugnay ng mga programang nais nitong ipatupad sa pagsugpo ng kriminalidad.

Kaya naman ayon kay Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo, ipagbibigay alam niya rin kay Apellido ang susunod na meeting BAG o Boracay Action Group upang makaharap niya rin ang iba’t-ibang grupong nagtutulungan para sa seguridad ng Boracay.

Si Apellido ang pumalit kay APPO OIC PSSupt. Samuel Nacion na sinibak sa pwesto nitong nakaraang linggo.

Samantala, ginaganap naman ang meeting ng BAG pagkatapos ng Joint Flag Raising Ceremony sa Balabag Plaza tuwing ikalawang Lunes ng buwan.

Department of Tourism nagpalabas ng Official Statement hinggil sa travel advisory ng China

Posted September 19, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Nagpalabas na ng official statement ang Department of Tourism kasunod ng travel advisory ng China sa kanilang mamamayan na ipagliban muna ang pag-biyahe sa Pilipinas.

Ayon kay DOT Under Secretary Atty. Maria Victoria Jasmin, isang isolated case ang nangyaring pagdukot sa isang Chinese teenager sa Zamboanga.

Dagdag pa nito na ang mga otoridad ay gumagawa na ng paraan para sa ikadarakip ng mga kidnappers.

Bagamat responsibilidad ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na paalalahanan ang kanilang mga mamamayan, wala naman umanong malalaking insidente o krimen na sangkot ang mga Chinese sa ibang panig ng bansa.

Pinasiguro din ng Department of Tourism na mapayapa at ligtas pa ring bumiyahe sa Pilipinas sabay sa pagkumpirma na mahalagang market pa rin sa turismo ang bansang China.

Dahil sa travel advisory, humihingi ngayon ang DOT ng patuloy na suporta mula sa mga kaakibat sa industriya ng turismo.

Isa ang Boracay sa mga apektado ng travel advisory pagkatapos na magkansela ng bookings ang ilan sa mga turistang Chinese nitong mga nakaraang araw.

Resolusyon para sa pagkilala sa Boracay Action Group ikinakasa ng SB Malay

Posted September 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinakasa ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang resolusyon para sa pagkilala sa Boracay Action Group (BAG).

Ito’y matapos silang parangalan ng Philippine National Police (PNP) bilang Best Performing NGO sa isla ng Boracay.

Ayon kay SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre epektibo umano bilang NGO ang BAG dahil sa kanilang hangarin at pagtulong sa gawain ng PNP.

Nabatid na ang resolusyong ito ay tinalakay ni Aguirre sa kanyang committee report sa ginanap na 28th Regular Session ng Malay nitong Martes.

Maliban dito ang Boracay Action Group ay isang organisayson sa isla na mayroong Fire truck unit at ambulansya na tumutulong para rumispondi sa mga nagaganap na insidente sa isla.

Sa kabilang banda itinakda naman ni Aguirre sa calendar para sa second at final reading sa susunod na session ang nasabing resolusyon.

Samantala, nabatid na nakatanggap din ng award mula sa Police Regional Office 6 ang Boracay Action Group bilang supportive NGO for the year 2013.

Thursday, September 18, 2014

Pagpapaigting sa peace and order, ipinag-utos ng bagong APPO Chief

Posted September 18, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ipinag-utos na ng bagong APPO Chief ang pagpapaigting sa peace and order sa lalawigan.

Sa kanyang unang command conference, inatasan ni PSSupt. Iver Apellido ang mga chief sa Aklan na tutukan ang mga crime prone-areas sa kanilang nasasakupan at pag-ibayuhin ang kampanya laban sa kriminalidad.

Isa din sa tututukan umano ni Appellido ang pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) integrated PATROL system.

Aminado naman ang bagong APPO Chief na kailangan nito ang kooperasyon ng kumunidad para sa nasabing kampanya.

Nabatid na umupo bilang hepe ng Aklan Police Provincial Office nitong nakaraang Biyernes si Apellido kapalit ng na-relieve na si APPO OIC PSSupt. Samuel Nacion.

Mungkahing discounted room rates para sa mga turistang Pinoy, ‘Ok’ sa BFI

Posted September 18, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

“Ok” sa BFI o Boracay Foundation Incorporated ang mungkahing discounted room rates para sa mga turistang Pinoy.

Ayon kay BFI President Jony Salme, maganda ang naging hakbang ng DOT Region 6 para mapunan ang mga kinanselang room bookings ng mga turistang Chinese sa Boracay matapos magbaba ng travel ban ang China sa Pilipinas.

Aminado rin kasi si Salme na malaking bahagi ng tourist arrival sa isla ang mga Chinese.

Subali’t paniwala ni Salme, nakadepende na sa mga resort kung magkano ang ibibigay nilang diskwento.

Samantala, kinumpirma naman ni Salme na hindi gaanong apektado ng bookings cancellation ang mga maliliit na resort sa isla kungdi ang mga tumatanggap lamang ng mga group tours.

Magugunitang iminungkahi ng DOT 6 ang nasabing hakbang bilang panandaliang solusyon sa mga bookings cancellation dulot ng travel ban ng China sa bansa.

Boracay at Coron, Palawan, pinaglapit ng Air Juan Aviation Company

Posted September 18, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay


Magandang balita sa mga gustong makatipid at umiwas sa mahabang biyahe para makapunta ng Palawan mula sa isla ng Boracay o vice-versa.

Pinaglapit na ng Air Juan Aviation Company ang dalawang nangungunang tourist destination sa Pilipinas-ang Boracay at Coron, Palawan.

Sa pamamagitan ito ng pormal na pagbubukas kahapon ng Air Juan ng ugnayan sa pagitan ng Busuanga (BUSWANGGA)-Coron Airport at Godofredo Ramos International Airport sa Caticlan.

Ayon kay Coron Mayor Clara Reyes, magastos at mahabang biyahe ang kailangan upang makapunta sa isla ng Boracay kung galing ka ng Coron, Palawan.

Kaya naman panahon na rin umanong magkaroon ng inter-island connection para sa mga nabanggit na tourist destination.

Samantala, nabatid na ang nine-seater Grand Caravan EX na eroplano ng Air Juan ang magdadala ng mga pasahero mula Boracay papuntang Busuanga-Coron Airport sa pamamagitan ng 45 minute charter flight.

Magkasintahang turista sa Boracay, binantaan ng bouncer ng isang disco bar

Posted September 18, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Maliban sa security guard, bouncer ang isa sa inaasahang mangangalaga sa kaligtasan ng mga customer ng isang disco bar.

Subali’t sa nangyaring pambabastos umano kaninang madaling araw, bouncer pa ang naging dahilan upang umalis na lang ang kanilang customer.

Ayon sa report ng Boracay PNP, aksidenteng nabitawan ng lalaking customer ang kanyang basong may alak at nabasag.

Kaagad umano itong nilapitan at itinulak ng bouncer kung kaya’t nagkasagutan ang mga ito.

Lumapit naman ang kasintahang babae upang awatin ang dalawa at yayaing umalis ang kanyang nobyo, subali’t hinabol pa umano sila ng tatlong bouncer, sinigawan at binantaang bubugbugin.

Dismayado namang nagreport sa presento ng Boracay PNP ang mga naagrabyadong turista.

Operasyon ng Boracay hospital ikinabahala ng Sangguniang Bayan ng Malay

Posted September 18, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tila nababahala parin ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay sa operasyon ng Boracay Hospital.

Ito’y dahil sa mabagal na construction para sa renovation kung saan higit umanong apektado rito ang indigent family.

Maliban dito nalalapit na rin ang Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit 2015 sa isla.

Sa ginanap na SB Session ng Malay nitong Martes muling tinalakay ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre ang kanyang resolusyon para sa pag fast track ng nasabing pagamutan.

Sa resolusyon nito hinihiling niya sa Department Of Health (DOH) ang pag fast track nito na siyang may hawak ng proyekto.

Samantala, sinabi pa ni Aguirre na hindi umano kaya ng Municipal Health Unit ng Boracay ang mga pasyenteng dinadala doon imbes na sa hospital dahil sa kakulangan din ng pasilidad.

Dahil dito minamadali na rin ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagpasa ng nasabing resolusyon kung saan muli itong tatalakayin sa second at final reading ng SB Session.

Batang kawatan sa Boracay, isa sa mga tinututukan ng DSWD

Posted September 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa ipinakitang talaan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), ilang operasyon na ang kanilang ginawa kaugnay sa mga menor de edad na nagnanakaw sa Boracay.

Ayon na rin sa BTAC, dahil sa umiiral na batas kaugnay sa problemang sangkot ang mga menor de edad, kanilang isinasailalim sa poder ng Malay Municipal Social Welfare and Development (MSWD) sa ang mga batang lansangan.

Ito’y upang magawan ng angkop at tamang ugnayan sa mga magulang at kamag-anak ng mga ito.

Samantala, sinabi naman ni Malay MSWD Head Magdalena Prado na isa na ito sa kanilang mga tinututukan.

Subali’t dahil sa kakulangan din umano ng tauhan, nanawagan naman ng kooperasyon ang MSWD sa mga residente at opisyales ng barangay tungkol dito.

Sobrang singil ng ilang traysikel driver sa Caticlan, sisilipin ng Malay Transportation Office

Posted September 18, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Aminado ngayon ang MTRO o Malay Transportation Office na hindi dapat maningil ng sobra ang mga traysikel drayber sa Caticlan.

Ayon kay MTRO Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr, dapat sundin ng mga drayber ang kanilang taripa maging sa paghatid nila ng pasahero mula sa Caticlan papuntang Tabon port.

Konsiderasyon o depende na lang umano kasi sa drayber at pasahero kung magkakasundo ang mga ito sa pamasahe lalo na sa gabi.

Magkaganon paman, tiniyak din ni Oczon na kanilang sisilipin at aaksyunan ang nasabing problema.

Napag-alamang may ilang traysikel drayber sa Caticlan ang naniningil ng sobra sa mga pasaherong nagpapahatid sa Tabon port kapag doon ang iskedyul ng bangka kung saan madalas nabibiktima ang mga pasahero ng bus.

Wednesday, September 17, 2014

Mayor John Yap, aminadong apektado ng travel ban ng China ang turismo ng Boracay

Posted September 17, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay   

Aminado mismo si Mayor John Yap na apektado ng travel ban ng China ang turismo ng Boracay.

Ayon kay Mayor John, may mga resort na rin umanong nagkumpirma na may mga grupo ng Chinese tourist ang nagkansela ng kanilang bookings sa Boracay.

Magkaganon paman, umaasa umano ang alkalde na kaagad matapos ang nasabing travel ban upang bumalik sa normal ang Chinese tourist arrival sa isla.

Samantala, nabatid na gumagawa na rin ngayon ng hakbang ang DOT Region 6 upang matapatan ang epekto ng bookings cancellation ng mga turistang Chinese sa isla matapos magbaba ng travel ban advisory ang China sa Pilipinas nitong nakaraang linggo.

Bookings cancellation sa Boracay dulot ng travel ban ng China sa Pilipinas, tatapatan ng DOT Region 6

Posted September 17, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Tatapatan ngayon ng DOT Region 6 ang bookings cancellation sa Boracay dulot ng travel ban ng China sa Pilipinas.

Sa sulat ni DOT Regional Director Atty.Helen Catalbas sa mga stakeholders, resorts at hotels sa Boracay, iminungkahi nito ang pagbibigay ng diskwento sa mga Pilipinong turista sa isla upang mapunan ang mga binakanteng kwarto ng mga turistang Chinese.

Maliban sa mga discounted room rates na ipapaanunsyo umano nito sa National Media, hinimok din ni Catalbas ang mga tourist transport na bigyan ng diskuwento sa pamasahe ang mga turistang Pinoy na pupunta ng Boracay.

Umapela din ito sa lahat ng mga Aklanon at sa mga netizens na mag-post ng magagandang larawan ng Boracay kasama ang detalye tungkol sa iniaalok na diskwento.

Nabatid na naalarma ang DOT 6 sa pagkansela ng room bookings sa Boracay kasabay ng pagkansela ng international flights mula sa China sa Kalibo International Airport dulot ng travel ban ng China sa Pilipinas.