YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 31, 2015

Artificial Reef ng Boracay Beach Management patuloy ang paglago

Posted January 31, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Masayang ibinalita ng Boracay Beach Management Program (BBMP) ang patuloy na paglago coral sa kanilang mga itinanim na artificial reef sa karagatan ng Boracay.

Ayon kay Al Lumagod, Project Officer at Marine Biologist ng Boracay Beach Management Program (BBMP), apat na taon na umano ang kanilang programa kung saan ang una nilang proyekto ay Coastal Resource Management.

Dito ay nag-deploy umano sila ng artificial reef sa karagatan ng Boracay na kung saan layunin umano nila na maibalak ang mga born organism na nawala at para maging bahay ng mga corals.

Samantala, apat na side umano sa dagat Boracay sila nag-deploy ng reef-dome kung saan dalawa dito sa coral garden, isa regency at isa rin sa Angol.

Isa naman sa tinitingnang rason ni Lumagod sa paglago ng coral sa reef-dome ay dahil sa marami itong nakukuhang nutrient lalo na ang malapit sa shoreline na may lalim lamang ng 15 metro kumpara sa ibang reef-dome na may lalim na 20 metro.

Nabatid na ang BBMP ay pangangalaga ng Boracay Foundation Inc. (BFI) katuwang ang Local Government Unit ng Malay at Petron Foundation para sa muling pagpapatubo ng coral reef sa isla ng Boracay. 

Ika-2 SOPA ni Gov. Miraflores sa February 4 na

Posted January 31, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Photo Credit by Aklan SP
Nalalapit na ang ika-dalawang State of the Province Address (SOPA) ni Aklan Governor Florencio Miraflores.

Ayon sa ipinadalang ulat ng kalihim ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan, ito’y gaganapin sa ika-4 ng Pebrero kasabay ng ika-5th SP Regular Session.

Nabatid mula sa kalihim ng SP na si Odon Bandiola, na sa ngayon ay naghahanda na ang Presiding Officer ng mga Board Members sa Aklan na si Vice Governor Gabrielle Calizo-Quimpo para sa mga i-imbetahan na posibleng dadalong mga bisita sa gagawing SOPA ni Miraflores.

 
Photo Credit by Aklan SP
Aasahan umano na iimbitahan din ang lahat ng mga Alkalde sa iba’t-ibat bayan sa probinsya, mga namumuno sa mga departamento at ahensya sa Aklan, ganon din si Congressman Teodorico Haresco Jr.

Ang gagawing SOPA ng gobernador ay inaasahang magtatalakay sa mga nagawa nito sa taong 2014 at mga plano at programa para sa taong 2015.

Inaasahan din umano na babanggitin ng gobernador sa kanyang talumpati ang P1.2 billion 2015 annual budgets ng Aklan, kung saan pangunahin umanong ikokober nito ang operasyon sa pamahalaang probinsyal sa ilalim ng General Fund t Economic Enterprise Development Department.

Tatalakayin din ng gobernador ang umano’y pangunguna ng Aklan sa local revenue generation sa lahat ng mga probinsya sa bansa batay sa istatistika ng Department of Finance.

Lalaking Libyan national, umano’y binugbog ng Pinoy sa Boracay; pinoy, nag-counter blotter

Posted January 31, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Duguan na nagreklamo sa Boracay PNP Station ang lasing na Libyan national matapos umanong binugbog ng isang pinoy.

Sumbong ng turistang si Mosab Nuri Dow, 25 anyos palabas ito ng isang bar sa Station 2 Balabag Boracay nang bigla umanong binugbog ng mga kalalakihang pinoy sa hindi malamang rason.

Samantala, nang magresponde naman ang mga pulis sa lugar ay naratnan ng mga ito na may nangyayaring isa na namang komosyon doon na kinasasangkutan din ng mga pinoy.

Nang dalhin sa Boracay PNP Station, isa mga magpapa-blotter ang itinuro nang Libyan na nambugbog di umano sa kanya.

Subalit, ikinadismaya ito ng isang pinoy na kinilalang si “Allan” na sya di umanong unang sinuntok ng lasing na Libyan.

Kaugnay nito, naghain ang pinoy ng Estafa at Physical injury laban sa turista.

Pagtatrabaho ng ilang mga kabataan sa Boracay, ikinadismaya ng mga paaralan

Posted January 31, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Maituturing na paglabag sa Republic Act No. 7658 o batas na nagbabawal sa mga kabataang may edad 15 anyos pababa na pagtrabahuhin sila.

Ayon kay Lamberto H. Tirol National High School Teacher-In-Charge Val Casimero, kailangang e-educate talaga ang mga magulang ng mga bata tungkol sa isyu ng “Child Labor” lalo na’t nabatid na mismong mga magulang na rin umano ang nagpapatrabaho sa kanilang mga anak.

Anya, maliban sa magiging malaki ang maidudulot nitong epekto sa pag-aaral ng mga kabataan, maaari din umano itong paglabag sa batas tungkol sa Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Samantala, payo naman nito sa mga magulang na gampanan ang kanilang tungkulin bilang magulang na syang dapat magtrabaho at magtaguyod para kanilang mga anak at hindi ang mga anak na nasa murang edad ang magtataguyod sa kanila.

Nilinaw din ni Casimero na walang masama sa pagtulong ng mga kabataan sa kanilang mga magulang, subalit kailangan pa rin umanong pagtuunan ng pansin ang edukasyon ng mga ito lalo na’t nasa murang edad pa lamang para mas makatulong sa kanilang mga magulang.

Minsan daw kasi ay may mga kabataang pumapasok sa paaralan na pagod na habang ang iba naman ay inaantok dahil sa pagtatrabaho sa gabi.

Nabatid na karamihan sa mga batang ito ang makikitang naglalako ng mga bracelet at iba pa sa mga turista na kadalasang inaabot pa ng dis-oras ng gabi sa beach area ng Boracay.

Phase 1 expansion ng Cagban Jetty Port ihahabol para sa APEC Summit sa Boracay

Posted January 31, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kumpiyansa ngayon ang Jetty Port Administration na mauumpisahan na ngayong Pebrero ang expansion ng phase 1 ng Cagban Jetty Port.

Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015 sa isla ng Boracay ngayong Mayo.

Ayon kay Special Operation Officer III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, napag-planuhan umano ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na maglagay ng separator ng arrival at departure sa pier ng Cagban kasama na ang paglagay ng tourism counter na siyang magsisilbing directory ng mga papasok na turista sa Boracay.

Samantala, ang budget umano nito ay galing sa Provincial Government ng Aklan at sa Department Of Transportation and Communication (DOTC).

Nabatid naman na inihahanda na rin ngayon ng Jetty Port Administration ang Cagban Port sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga pasilidad katulad ng Comport Room.

Mga negatibong komento sa Boracay ng isang blogger, umani ng iba’t-ibang reaksyon

Posted January 31, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Umani ng iba’t-ibang reaksyon ang mga negatibong komento sa Boracay ng isang traveler/blogger na si Anna Lysakowska.

Tinawag kasi nito na “Worst Tourist Trap in the Philippines” ang isla ng Boracay matapos siyang bumisita dito nitong buwan ng Enero.

Unang nagkomento ang mga mismong nakabasa ng komento ng blogger kung saan may mga sumang-ayon sa sinabi nito tungkol sa pagiging overcrowded ng isla, mga naglipanang vendors sa beach at pagkasira nito dahil sa consumerism dulot naman ng mga restaurant.

Maliban dito, may mga sumang-ayon din tungkol sa sinabi ng blogger na may mga tourist destination pa sa Pilipinas na mas dapat o magandang puntahan kaysa sa isla.

Kaya naman sinikap ng himpilang ito na hingan ng komento ang ilan sa mga lehitimong organisasyon sa isla.

Ayon sa ilang taga business sector, nakarating na sa kanilang atensyon ang tungkol sa nasabing blog.

Bagama’t aminado ang ilan sa mga ito tungkol sa mga pasaway na vendor sa beach, nanatili namang tikom ang kanilang bibig at mistulang ipinauubaya nalang sa LGU ang tungkol dito.

Sinubukan din naming kunan ng pahayag ang Malay Tourism Office tungkol sa negatibong komento ng blogger sa serbisyo ng ilang tourism front liners sa isla katulad ng tourist transport at mga porters, subali’t tumanggi muna ang mga itong magbigay ng pahayag.

Sa kabilang banda, patuloy namang tinututukan ng LGU Malay ang mga kahalintulad na problema sa isla lalo pa’t nalalapit na ang APEC Summit hosting ng Boracay.

Bandila sa Boracay PNP naka-half mast bilang pakikiramay sa mga namatay na PNP-SAF

Posted January 31, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpaabot ng pakikiramay ang mga pulis ng Boracay PNP Station sa mga pamilya ng namatay na kasapi ng PNP-Special Action Force na nagdadalamhati sa ngayon.

Bilang pagpapakita ng pakikiramay ay nakiisa ang Boracay PNP sa National Day of Mourning ngayong araw kung saan naka-half mast din ang kanilang bandila.

Maliban dito naglagay naman ng itim na laso ang lahat ng mga kapulisan sa kanilang uniporme na kung tawagin ay morning band.

Kaugnay nito nag-alay naman ng dasal ang lahat ng mga pulis sa pangunguna ni BTAC Police Inspector Kennan Ruiz kung saan nagbigay din ito ng mensahe ng pakikiramay sa mga inulila ng biktima ng Masasapano massacre.

Nabatid na umabot sa 44 na mga pulis ang namatay sa sagupaan na naganap sa Masasapano Maguindanao nitong araw ng Linggo.

Ilang pulis ng BTAC, papalitan para sa nalalapit na APEC Summit sa Boracay

Posted January 31, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Papalitan umano ang ilang police personnel na nakatalaga sa Boracay PNP Station.

Ito’y bilang paghahanda sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa isla ng Boracay ngayong taong 2015.

Ito ang napag-usapan ng pamunuan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) upang ihanda ang mga kapulisan sa nasabing summit.

Nabatid na maiiwan ang mga lalaking pulis na may taas na 5’6 at ang mga hindi umabot dito ay ililipat sa ibang lugar, habang ang sa babae naman ay maiiwan ang may taas na 5’4.

Napag-alaman na nais ng BTAC na maging handa para sa seguridad ng gaganaping APEC Summit na dadaluhan ng mahigit dalawang libong deligado mula sa ibat-ibang bansa.

Para naman sa mga pulis ng BTAC nakahanda sila sa ano mang magiging disisyon ng kanilang pamunuan na para din umano sa kanilang kapakanan.

Friday, January 30, 2015

BFPU Boracay, isasagad ang Fire Safety Inspection tuwing Sabado at Linggo

Posted January 29, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dagsa na ngayon ang mga nag-aasikaso ng kanilang business permit sa Boracay.

May mga pumipila sa barangay at may mga pumipila din para sa police clearance.

Kaya naman para sa mga taga BFPU o Bureau of Fire Protection Unit Boracay, kailangang isagad na nila ang kanilang serbisyo para sa kanilang mga kliyente.

Kaugnay nito, ipanababatid ni mismong BFPU Boracay Chief-Inspector Stephen Jardeleza na magsasagawa sila ng Fire Safety Inspection kahit araw ng Sabado at Linggo.

Subali’t dahil Sabado at Linggo, tiniyak ni Jardeleza na magiging lehitimo ang inspection dahil naka-uniporme at may dalang inspection order, fire safety enforcement section, at certificate of appearance form ang mga fire inspector na kakatok sa inyong mga pintuan.

Samantala, nabatid na isa naman sa mga requirements o mahigpit na kailangan sa pag-apply ng business permit ang Fire Safety Inspection Certificate mula sa Bureau of Fire.

Subali’t kailangan munang ma-inspection ng Bureau of Fire ang isang establisemyento bago mabigyan ng sertipiko at upang matiyak na sumusunod ito sa Fire Code.

2 driver, sugatan sa nagsalpukang motorsiklo sa Boracay

Posted January 30, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Parehong sugatan sa paa at kamay ang driver ng dalawang motorsiklo na nagbanggaan sa Manoc-Manoc Boracay kaninang madaling araw.

Ayon sa inisyal na report ng BTAC, nagkasalubong ang dalawang motorsiklo na isang XRM at SYM sa nasabing lugar nang mangyari ang insidente.

Paliko umano sana ng Tambisaan ang XRM na motor nang mawalan ito ng kontrol at naagaw ang linya ng SYM na papuntang Manoc-Manoc na naging dahilan ng banggaan.

Napag-alaman naman sa imbestigasyon ng mga pulis na nasa ilalim ng nakakalasing na inumin ang driver ng XRM na motorsiklo.

Lalaki, sugatan matapos sinaksak ng 2 kalalakihan

Posted January 30, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan sa dibdib at ulo nang isugod sa ospital ang 22 anyos na lalaki matapos na saksakin kaninang madaling araw ng tatlong mga hindi nakilalang suspek.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang biktima na si Ralph Geraud Pelebello ng Sitio Tubhan Manoc-Manoc Boracay.

Base sa salaysay ng biktima, alas kwatro kaninang madaling araw nang may makita umano itong tatlong hindi nakilalang kalalakihan sa corridor ng kanilang residensya.

Kinompronta niya umano ito, kung saan nagkaroon ng mainit na argumento sa pagitan nila na nag-ugat sa nasabing pananaksak.

Hindi naman matukoy pa sa ngayon ang ginamit na panaksak sa biktima, kung saan nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis. 

Mga nakaimbak na tuyong kahoy at dahon sa Balabag, Boracay, nasunog

Posted January 30, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Makapal na usok.

Ito ang nagpaalarma sa ilang residente ng Sitio Lapus-Lapus, Balabag Boracay kaninang umaga dahilan upang tumawag ang mga ito ng bombero.

Bagay nanagpaalarma din sa mga miyembro ng Boracay Fire upang respondehan ang nasabing lugar.

Ayon kay BFP Chief Investigator F03 Franklin Arubang, nagsimula ang apoy bandang alas 10:00 nang umaga.

Anya, maaring  may nagtapon ng upos ng sigarilyo sa mga nakaimbak na kahoy at dahon sa lugar na naging dahilan ng apoy.

Samantala, bagama’t walang anumang naidulot na pinsala ang nasabing insidente, pinayuhan pa rin nina FO3 Arubang ang mga tao doon na maging maingat sa apoy.

Mga apektado ng road set back sa Boracay, naghain ng petisyon kay Mayor John Yap

Posted January 30, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakipagdayalogo ang BRTF o Boracay Redevelopment Task Force sa mga apektado ng road set back sa Boracay.

Naghain kasi ang mga ito ng petisyon sa office of the mayor upang maliwanagan tungkol sa mga natanggap nilang notice of violation.

Ayon kay BRTF Secretary Mabel Bacani, hihimayin nila ang mga dokumentong hawak ng mga petitioner, kung saan iginigiit ng ilan sa mga ito na legal ang kanilang permit.

Samantala, sinabi pa ni Bacani na may APEC o wala, requirement umano talaga ang road widening sa isla, habang nesisidad naman ang road side beautification para sa APEC at hindi magdi-depende sa road widening.

Napag-alamang umalma din ngayon ang ilang negosyante sa isla dahil hindi umano ang mga ito makapagrenew ng business permit kapag hindi sila sumunod sa road set back.

Zoning Ordinance sa bayan ng Malay, pinag-aaralan na ng SP Aklan

Posted January 30, 3015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinag-aaralan na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Revised Zoning Ordinance mula sa bayan ng Malay.

Sa ginanap na SP Session nitong Myerkules, tinalakay ang nasabing ordinansa, kung saan maaaring magpatawag ng isang pagpupulong ang SP Aklan para mapag-usapan at sa pag-aproba nito.

Kaugnay nito, una namang inoprabahan sa Sangguniang Bayan (SB) Malay ang nasabing ordinansa upang maisaayos ang pagpapatayo ng mga gusali sa Malay at Boracay.

Samantala, ang zoning ordinance ay isang nakasulat na regulasyon o batas na tumutukoy sa kung paano ang tiyak na paggamit ng isang ari-arian sa isang geographic zone.

Tinutukoy din ng nasabing ordinansa kung maaaring gamitin ang isang lupa para sa residential or commercial purposes.

Ilang gadget at pera, tinangay ng kawatan mula sa isang apartment sa Boracay

Posted January 30, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nilimas ng pinaniniwalaang magnanakaw ang mga mamahaling gamit ng isang Finnish National sa loob ng apartment sa Boracay kaninang madaling araw.

Sa blotter report ng Boracay PNP, kinilala ang biktimang si Jokinen Jari Pekka Juhani, 52-anyos at pansamatalang nanunuluyan sa isang apartment sa Station 3, Brgy. Manoc-Manoc.

Nabatid na nadatnan na lamang ng biktima ang kanyang kwarto na wala na ang mga gamit nitong rice cooker, shaver, Cellphone, Loptop at cash na nagkakahalaga ng P3,000.

Hinanap pa niya umano ito ngunit bigo siyang makita ang mga nawawalang gamit kung saan palaisipan din sa biktima kung paano nakapasok ang sinasabing magnanakaw.

Samantala, agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang Boracay PNP ngunit bigo silang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa insidente.

Thursday, January 29, 2015

DA Aklan, tiniyak na sapat ang supply ng mga agricultural products sa Boracay

Posted January 29, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tiniyak ngayon ng Department of Agriculture (DA) Aklan na sapat ang supply ng agricultural products sa isla ng Boracay.

Ito’y sa kabila ng pangamba na baka maubusan ng mga nasabing produkto ang isla dahil sa nag-uumpisa na namang dumagsa ang mga turista lalo na’t may dumadaong din na mga cruisehip dito.

Ayon kay Aklan Provincial Agriculturist William Castillo, nagkakaroon lang ng kaunting problema sa bilang ng mga iniaangkat na isda dahil sa nagpapatuloy na amihan.

Subalit, sinisiguro din umano ng kanilang ahensya na hindi kukulangin ang probinsya sa pagsu-supply ng mga agricultural products lalo na sa isla ng Boracay.

Samantala, nabatid naman na napipilitang sa ibang mga bayan pa kumuha ng mga agricultural products ang ilang mga resort at hotel sa Boracay dahil sa kakulangan minsan ng mga nasabing produkto sa probinsya.