YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 23, 2013

Pagpatay sa Ati spokesman Dexter Condez, may suspek na!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

May suspek na sa pamamaril at pagpatay sa Ati spokesman na si Dexter Condez.

Ito ang kinumpirma ni Boracay PNP Chief PS/Inspector Jeoffer Cabural, matapos ang isinagawang follow up operation sa nasabing insidente.

Pasado alas-7 kasi kaninang umaga, nang magsagawa ang mga otoridad ng follow up operation para sa posibleng pagkakadakip ng salarin.

Kasama si Cabural, pinangunahan ni mismong Aklan Police Provincial Director PS/Supt. Pedrito Escarilla ang nasabing operasyon.

Samantal,a sa pakikipanayam ng himpilang ito nitong hapon kay Cabural, minarapat muna nitong huwag ibigay ang pagkakakilanlan ng suspek para matiyak ang matagumpay na resulta ng imbistigasyon.

Matatandaang nangyari ang pagpatay kay Condez dakung alas-8:48 kagabi, habang naglalakad ito pauwi sa kanilang Village sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc, kasama ang dalawang babae na kapwa nito katutubong Ati. #022013

Paghahanda sa pagdating ng MS Columbus bukas, all set na


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

All set na ang paghahanda para sa pagdating ng MS Columbus bukas.

Ito ang kinumpirma ni Department of Tourism officer in charge Tim Ticar, matapos ang kanilang penal na pagpupulong kahapon, kaugnay sa pagdating ng nasabing  barko.

Base sa kanilang napagkasunduan, sinabi ni Ticar na ang mga taga Philippine Coastguard at Navy ang in charge para sa seguridad ng barko, habang ang mga taga BTAC o Boracay Tourist Assistance Center ang nakatoka para sa mga bababang pasahero nito.

Maghihintay naman sa Cagban port ang mga Ati-atihan dancers ng pamahalaang probinsya, habang nakahanda na rin ang mga Leis na isasabit ng mga taga LGU Malay.

Ang mga taga DOT o Department of Tourism naman, ay naghanda rin umano ng mga streamers na ilalagay sa nasabing pantalan.

Ang pangkalahatang paghahanda ayon pa kay Ticar ay iniatang na sa port administrator, habang ang pagsundo’t-hatid naman sa mga pasahero sa Cagban ay sa isang transport service na ipinagkatiwala.

Inaasahang darating bukas ng alas-12 ng tanghali ang MS Columbus, na may tinatayang 500 pasahero at 300 crews. #022013

Spokesperson ng Ati Community sa Boracay, pinagbabaril kagabi, patay

 Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagluluksa ngayon ang buong Ati Community sa Boracay, dahil sa pagkakapatay sa kanilang 26-anyos na Spokesperson na si Dexter Condez.

Sa imbestigayon ng Boracay Pulis, nangyari ang pagpatay habang naglalakad ito sa kalsada kasama ang dalawa babae na kapwa katutubong Ati din pauwi sa kanilang Village Sitio Lugutan Manoc-manoc mula sa isang pulong, kagabi.

Kung saan, napansin agad naman agad umano ng mga kasama ng biktima na may sumusunod na isang lalaki sa kanila.

At nang ilang metro na lamang ang layo sa kanilang Village, sa madilim na bahagi kalsada doon pinagbabaril ito ng suspek, na hanggang sa ngayon ay hindi pa nakikilala.

Nagtamo ang biktima ng hindi pa mabilang na tama ng baril sa katawan, na siyang sanhi ng ikinamatay nito.

Kagabi ng bandang 8:45 nang mangyari ang pamamaril, agad pa sana itong isinugod sa Boracay Hospital, subalit idineklara itong Dead on Arrival/DOA.

Kinordon naman agad ng SOCO ang Crime Scene, para sa masinsinang imbetigasyon.

Habang ang labi naman ng biktima ay isasailalim sa post mortem investigation.

Samantala, naka-recover naman ang 6 na cartrage ng 9mm na baril sa lugar ng pinagyarihan.

Sa ngayon ay patuloy namang ina-alam ng Boracay Pulis sa pangu-nguna ni S/Insp.  Jeoffer Cabural ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo ng pagpatay.

 Naniniwala naman si Rev. Fr. Arnold Crisostomo, Kura Paruko ng Holy Parish Church sa Boracay, na posibleng awayan sa lupa ang motibo ng pamamaslang.

Kung maaalala, si Condez ay tumatayo ding guro ng mga kabataang katutong Ati, event coordinator kapag mayroong mga aktibidad, at siyang din isa sa tumatayong representante ng Ati Community, lalo na sa mga isyu may kaugnayan sa agawan lupa na siyang kinatitirikan ng kanilang kumunidad sa ngayon. 

Reef Buds ng Sangkalikasan Cooperative sa Boracay, pina-iimbestigahan ng SB

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Balak ipasilip ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang estado ng mga reef buds ng Sangkalikasan Cooperative sa Boracay.

Ito ang isinatinig ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron.

Kaugnay sa napababalita umanong, nasira ang ilan sa mga artificial reef sa tatlong area sa Boracay, kung saan inilagak ng kooperatibang ito ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng limampung milyong piso.

Dahil dito nais ngayon ng konsehal na ipatawag ang Malay Agricultures Office o MAO, na siyang pinapaniwalang nakakita at mayroong access sa mga proyektong ito sa ilalim ng dagat sa Boracay.

Dahil sa pagkakaalam umano ni Pagsugiron, may problema ang mga reef buds na ito, at sa kaniyang panghihinayang, gusto nito ngayong ipasilip o makita ang totoong estado ng proyekto.

Matatandaang may mga ulat na rin dati na umano’y nabiyak ang ilan sa mga reef buds na ito, habang ang iba naman ay tumaob.

Kung maaalala, una nang ipinagmalaki ng Sangkalikasan na ang reef buds nilang ito na may “secret formula” na makakatulong sa pagdami at pagtubo ng mga korales sa dagat, para pandagdag atraksiyon sa mga turista.

Ang pundo na P50-milyong piso ay donasyon ni Sen. Loren Legarda sa Boracay, na siyang inimplementa naman ng Sangkalikasan Cooperative. #022013

Pampublikong palikuran sa terminal ng Caticlan, dapat LGU Malay na ang sumagot! --- Aklan Provoncial Government

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tila nagtuturuan na.

Sapagka’t itinuro ngayon ng pamahalaang probinsiya ng Aklan sa lokal na pamahalaan ng Malay, na dapat sila na ang maglagay ng pampublikong palikuran sa Caticlan.

Ito’y bilang tugon na rin sa pangangailangan ng publiko, lalo na ng mga pasahero, vendors at drivers ng mga pampulikong transportasyon sa Caticlan Jetty Port.

Gayong ang mga turista at ibang pasahero naman umano ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, ay doon gumagamit ng palikuran sa loob ng gusali o holding area.

Subali’t ang mga vendor, driver at maging ang ibang pasahero ng mga tricycle doon ay walang matatakbuhang pampublikong palikuran sa labas.

Ito’y sa kabila umano na nagbabayad din ang mga ito ng permit sa lokal na pamahalaan ng Malay, kaya nararapat lamang din na LGU na ang gumawa ng hakbang para maibigay ang kanilang mga pangangailangan.

Ang pahayag na itong binitiwan ng Jetty Port Administrator sa panayam dito kahapon, ay kasunod ng pag-usisa ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay sa 15% share ng probinsiya mula sa Environmental Fee, gayon din ang alokasyong pundo ng Jetty Port kung saan ginagamit.

Gayong ayon sa mga konsehal ng SB, halos ang pasilidad at development sa loob ng Jetty Port ay kinuha lang mula sa 15% share nila, na galing sa koleksiyon ng Malay sa Environmental Fee. #022013

Friday, February 22, 2013

Detalye sa pagdating ng MS Columbus sa Linggo, pag-uusapan ngayong araw


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong araw nakatakdang pag-usapan ang siguridad at iba pang detalye sa pagdating ng MS Columbus cruise ship sa Linggo sa Boracay.

Kasama ang mga otoridad, pamunuan ng Cagban Port, Department of Tourism at marami pang iba.

Paplantsahin ang mga mahahalagang bagay upang maibigay ang maganda at maayos na pagbisita ng mga turistang sakay ng ikalawang cruise ship na ito na pupunta sa isla.

Pero ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, wala na umano silang espesyal na paghahandang gagawin, kundi gagayahin lamang nila kung ano ang paghahandang ginawa nang dumating ang Caribbean Cruise noong Oktubre.

Naniniwala kasi ito sa pagdating MS Columbus sa Linggo ika-24 sa buwan ng Pebrero ay hindi na sila matataranta pa kapag dumating na ang araw na iyon.

Dahil sa alam na rin umano ng lahat ng mga sector na may papel kung ano ang kanilang gagawin sa Linggo.

Samantala, dahil sa ngayon pa lang may mga nakalista na agad na cruise ship na nakatakdang darating sa Boracay sa susunod na taon hanggang 2015 ay asahang masasanay na rin umano ang isla sa pagdating ng mga barkong panturista. #022013

Kita ng Jetty port at 15% share sa Environmental Fee, ipinaliwanag kung saan ginastos

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi lamang sa Caticlan at Cagban Jetty Port napupunta lahat ng 15% share ng pamahalaang probinsiya mula sa koleksiyon ng Malay sa Environmental Fee.

Ito ang nilinaw ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang sa panayam dito kahapon.

Kaugnay ito sa pahayag ng Sangguniang Bayan ng Malay nitong Martes na halos umano ang mga ipinambili ng pasilidad at ilang development sa loob ng terminal ng Cagban at Caticlan Port ay nagmula sa Environmental Fee.

Kaya nasundan ito ng tanong kung saan dinadala o ginagamit ang pundo ng probinsiya na inilaan para sa dalawang pantalan na ito.

Bilang tugon dito ng Administrator, inihayag ni Maquirang na ang alokasyon o pondo umano para dito ay siyang ginagamit sa araw-araw na operasyon ng pantalan, pasahod sa mga empleyado, mga guwardiya, pambayad sa tubig, kuryente at iba pa.

Habang ang kita naman umano ng Jetty Port ay siyang ginagamit para i-pundo sa operasyon ng provincial hospital at iba pa.

Gayon din bilang pambayad sa Bond Flotation at interest sa utang ng probinsiya na siyang ginamit sa proyektong reklamasyon sa Caticlan na umaabot umano sa P9-milyon bawat buwan.

Dagdag pa nito, hindi lamang sa Jetty port napunta ang 15% share ng probinsiya dahil ibinigay din ito ng probinsiya para ipundo sa ibang proyekto gaya ng idinagdag sa covered court sa Manoc-manoc at iba pang proyekto at programa ng probinsiya sa mga Barangay sa Boracay at Caticlan.

Kaya publiko pa rin umano at mga turista ang makakagamit nito at makikita naman ang proyekto na iyon. #022013

Pag-renew ng mga Business Permit sa Boracay, extended muli hanggang a-uno ng Marso!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Extended na hanggang Marso a-uno ang deadline sa pagre-renew ng business permit sa buong bayan ng Malay.

Ito ang nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa, gayong kahapon ang deadline sa pagrerenew ng  mga business permit sa bayan.

Kasunod ito ng aksiyong ginawa ng konseho na kahit wala pa umanong hiling ang Punong Ehekutibo na i-extend.

Ginawa umano ito ng konseho dahil sa nakita nila na marami paring empleyado sa Boracay ang hindi nakakompleto ng requirements na hinihingi ng LGU.

Kaya hindi na masasayang ang resolusyon na ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Malay na muling nagpa-papalawig sa araw ng deadline na ibinigay sa mga establishemento lalo na sa Boracay, gaya ng pangamba ng mga konsehal na baka hindi ipatupad  ng Alkalde ang kanilang resolusyon.

Sa panayam kay Sadiasa, sinabi nitong sa oras na hindi pa makapagpa-asses sa babayarang business tax o buwis ang isang establishment bago ang deadline, aasahang papatawan na umano ng penalidad ang mga ito.

Pero nilinaw naman nito ngayon, na mahalaga ang pagpapa-assess muna at kahit isunod naman umano ang mga requirement na hiningi sa mga employer at empleyado ng establishmento upang maka-iwas sa penalty.

Ganoon pa man bagamat OK lang na wala muna ang mga requirements na ito sa pagpapa-assess.

Nilinaw naman ni Sadiasa na hindi nila ipo-proseso ang mga Mayor’s Permit ng establishemento kung hindi makokompleto ang mga requirements.

Kung maaalala, una nang nagbigay ng isang buwang extension ang konseho nitong Enero, na kahapon nagtapos ika-20 ng Pebrero.

Subalit nitong Martes ay muling nagpasa ng resulosyon ang SB para ma-extent ng hanggang a-uno ng Marso ang deadline.

Ito na umano ang huling extension na ibibigay nila para sa taong ito, bilang tugon naman sa mabagal na proseso sa pagkuha palang mga requirement ng libo-libong empleyado sa Boracay. #022013

Thursday, February 21, 2013

Mga tanggapan sa Aklan sa Lunes, bukas kahit special holiday; mga estudyante, walang pasok

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mga paaralan lamang ang apektado o walang pasok sa Lunes ika-25 ng Pebrero.

Ito ang nabatid mula sa Department of Labor and Employment o DOLE Aklan kaugnay sa selebrasyon ng EDSA People Power Revolution Anniversary sa Lunes.

Ayon sa DOLE tanging mga ekwelahan lamang ang walang pasok sa araw na iyon.

Paglilinaw ng ahensiya ang tanggapan ng pamahalaan sa buong probinsiya sa Lunes ay bukas para sa kani-kanilang serbisyo.

Ang ika-25 ng Pebrero ay idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III na special holiday para sa lahat ng mga paaralan sa buong bansa. #022013

Cagban at Caticlan Jetty Port, halos pag-aari na umano ng LGU Malay dahil sa environmental fee

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nasa P36-milyon na ang natanggap na share ng probinsiya mula sa kinokolektang environmental fee ng LGU Malay.

Ito ang nabatid ng konseho nang hingin ng Sannguniang Bayan ng Malay ang inventory report ng probinsiya, kung saan ginamit ang 15% share na nakuha nila mula sa Environmental Fee sa Cagban at Caticlan Jetty Port.

Ito’y bilang tugon na rin sa paulit-ulit na tanong ng Sangguniang Bayan kung saan napunta ang share ng probinsiya.

Gayong nakasaad umano sa kasunduan ng LGU Malay at probinsiya na dapat ay ibalik din sa Boracay ang halaga ng nakolekta mula sa Environmental Fee sa paaraan ng proyekto.

Subalit, nang mabatid ng mga ito na umabot na sa mahigit P36-milyon ang naibigay ng Malay sa probinsiya, at nakita ng mga ito sa project inventory ng probinsiya na halos ang lahat pala ng pinaglaanan ng kita mula dito ay napunta sa pagpapa-ayos at idinagdag sa mga pasilidad ng Cagban at Cagban Jetty Port.

Bagamat pabiro, nagpahayag ang mga konsehal sa sisyon nila kahapon na pwede na rin pala umanong masabi na ang Jetty Port ay pag-aari na ng LGU Malay.

Kaya ngayon ay napatanong naman ang konseho kung saan napupunta ang pundo ng probinsiya para sa Jetty Port.

Gayong kita naman umano sa inventory report simula pa noong 2010 na halos ang share nila mula sa environmental fee ay siyang ginamit para sa pagpapa-ayos ng pantalan.

Kaya kung titingnan umano ay halos mula din sa koleksiyon ng Malay ang ginastos sa Port, gayong pag-aari ito ng pamahalaang probinsiya.

Ang nakukolektang Environmental Fee sa bawat turista na pumapasok at lumalabas sa Boracay ay napupunta ang 75% sa LGU Malay habang ang 15% naman ay sa probinsiya. #022013

Disposisyon para sa mga lumang tricycle sa Boracay, isinasapenal na ng Adhoc Committee on E-Trike

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nasa estado na ng pagsasa-pinal ngayon kung ano ang mangyayari at gagawin sa mga tradisyunal na tricycle sa Boracay.

Ito’y sakaling simulan na ang implemantasyon ng electric tricycle sa isla.

Sa panayam kay Malay Transportation Officer Cezar Oczon kahapon hinggil sa nalalapit nang pagdating ng 100 unit ng e-trike sa isla.

Sinabi nito na ang LGU Malay ay may binuong adhoc committee, na kinabibilangan ng Transportation Office, Sangguniang Bayan ng Malay, BLTMPC at iba pa.

Upang siyang tututok, hahawak, at aaksiyun sa mga problema o mga tanong hinggil sa implementasyon ng e-trike sa Boracay.

At isa umano sa binibigyan nila ng atensiyon ngayon ay ang pagbuo ng alituntunin, kung ano benipesyo ng driver/operator na unang tatanggap ng mga e-trike na ito ng LGU, ganon din ang seguridad gayong nakataya ang kanilang kabuhayan dito.

Masinsinang pinag-uusapan din umano ng committee kung ano ang mangyayari sa mga lumang unit ng tricycle sa Boracay, gayong replacement sa tradisyunal na unit lamang ang iba sa mga e-trike na ito.

Dahil kung may papasok aniyang e-trike, kailangang bawasan na rin ang mga tradisyunal na tricycle upang hindi na dumami pa ang sasakyan sa Boracay.

Isinasapinal na rin umano nila ngayon ay kung bibigyan pa ba ng anim na buwang palugit ang mga operator ng tricycle na ito, na ipasada ang kanilang mga lumang unit, gayong may e-trike nang lalagari sa kalye ng isla. #022013 

Wednesday, February 20, 2013

Pagpapakabit ng CCTV camera, requirement na sa business permit sa susunod na taon

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Magiging requirement na ang pagkakaroon ng CCTV camera sa mga malalaking establishemiyento komersiyal sa Boracay sa susunod na taon.

Sapagkat kahapon, sa ika-anim na sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay, pinuna ng konseho ang umano ay hindi pagpapatupad sa ordinansa hinggil dito.

Ito ay ang pag-require na dapat ay mayroong kinakabit na closed-circuit television camera o CCTV camera ang mga establishemiyento sa Boracay.

Tinutukoy ng SB ay kung bakit sa pag-renew ng mga business permit ngayon ay hindi ito ipinatupad sa mga aplikante para sa permit.

Matatandaang nitong nagdaang taon ay nagpasa ng ordinansa hinggil dito ang mga mambabatas ng bayan, ito ay bilang tugon sa madalas na nakawan na nangyayari sa isla at upang mabigyang seguridad ang mga establishemiyento at bisita.

e-Trike ng LGU Malay, ilalarga na sa Boracay sa buwan ng Marso o Abril

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Buwan ng Marso o kaya ay Abril, inaasahang lalarga ang mga e-trike sa Boracay.

Ito ang inihayag ni Malay Transportation Officer Cesar Oczon sa panayam dito kahapon, kaugnay sa minamadaling implementasyon ng e-trike sa isla.

Bunsod nito, nagkukumahog na rin ngayon ang lokal na pamahalaan ng Malay sa pangunguna ni SB Member Dante Pagsugiron sa pangungumbisi sa mga tricycle operator sa Boracay na palitan na ang kanilang mga lumang unit.

Kaya nanawagan na rin ito sa mga operator na nais maka-avail sa unang isang daang unit na ito e-trike ng LGU na makipag-ugnayan na sa kanya.

Nabatid kasi na maliban sa may garantiya o tulong na maibibigay ang LGU Malay sa mga unang maka-avail ng e-trike na ito na isa sa mga programa ng lokal na pamahalaan ng bayan.

Magbibigay din ang LGU ng insentibo sa mga operator.

Kahapon ng umaga, inihayag din ni Pagsugiron na target nito na mai-deliver na ang isang daang unit ng e-trike ng LGU Malay bago paman matapos ang kaniyang termino, dahil mayroon nang eleksiyon sa Mayo. 

Tuesday, February 19, 2013

Panibagong extension sa pagpo-proseso ng business permit sa Malay, ikinasa ng SB!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa nakakalito at maraming requirements na hinihiling sa mga empleyado sa Boracay, hiniling ngayon ni SB Member Rowen Aguirre na bigyan ng panibagong extension sa pagre-renew ng business permit ang mga establishimiyento sa buong bayan ng Malay.

Sa resolusyon na inaprubahan nila, sa halip na magtatapos na bukas ang deadline ng unang extension nila, palalawigin na ang extension na ito hanggang sa a-uno ng Marso ng taong ito.

Ang pagpasa ng resolusyom sa panibagong extension na ito ay ginawa ng mga konsehal kahit na walang request galing sa tanggapan ng punong ehekutibo.

Ayon kay Aguirre, ginawa nila ito para mabigyan pa ng pagkakataon ang mga nagtatrabaho sa isla na makumpleto ang marami at nakakalitong hinihingi na mga requirements.

Pero depende na umano ito sa punong ehekutibo kung tatanggapin o ipapatupad ang resolusyong ito ng SB.

Agad namang sinang-ayunan ni SB Member Dante Pagsuguiron ang resolusyon nila, dahil sa na-a-abala naman umano ang mga empleyado kahit sa pagpapa-x-ray pa lang.

Kaugnay nito, nagpanukala si Aguirre na matapos ang pagpo-proseso sa pagre-renew ng business permit na ito, oras na rin umanong balikan na nila ang mga ordinansa na nag-uutos sa pagpapatupad ng mga requirements na ito para makuha na ang mga hindi na kailangan at matingnan kung sino lang ang dapat na hingan.

Kung maaalala, dapat hanggang ika-dalawampu ng Enero ng taong kasalukuyan lamang dapat ang deadline na nakasaad sa batas, ngunit in-extend ito hanggang bukas ng Sangguniang Bayan.

Pero muli nila itong pinalawig nitong umaga sa isinagawang session.

Pakipag-bangayan ng turista sa taga kolekta ng ticket sa Caticlan Jetty Port , nahanapan na ng paraan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Ngayon lang ito nangyari, ng dumami na ang turista sa Boracay”.

Ito ang nilinaw ni Marce Bernabe Technical Staff/Public Information Officer ng Caticlan Jetty Port sa panayam dito kahapon.

Kaugnay sa ilang eksina kung saan nakikipag-argumento o bangayan ang ilang turista sa taga kolekta ng mga ticket sa Caticlan Jetty Port dahil sa kulang ang kanilang pinapakitang ticket sa pagpasok sa terminal.

Ayon kay Bernabe, ngayon lang ito nangyayari nang dumami na ang turista sa isla at naging abala ang jetty port.

Ganoon pa man naaksiyunan na rin umano nila ang bagay na ito sa paraan ng palaging nilang pagpapa-alala sa mga turista gamit ang kanilang mikropono o pag-pi-page.

Ito ay upang ipabatid sa mga turista na dapat ay magkaroon muna ng tatlong ticket bago makapasok sa isla, at iyon ay ang Environmental Fee, terminal fee at ticket sa bangka o fastcraft man ang bawat turista.

Maliban dito, naglagay na rin umano sila ng mga taga suri ng ticket para masilip kung kompleto na ba, upang maiwasan na ang argumento hinggil dito. 

Cruise Ship na MS Columbus 2, sa Linggo na ang dating sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tuloy na sa Linggo, ika-24 ng Pebrero ang ikalawang cruise ship na bibisita sa isla ng Boracay, ang MS Columbus 2 ng Hapag Lloyd Cruises.

Inaasahang dadaong ito sa gitna ng Boracay at Caticlan sa Linggo sa oras na alas-dose ng tanghali at magtatagal ito sa loob ng pitong oras bago tumulak sa susunod nilang destinasyon.

Napag-alaman mula kay Marce Bernabe, Technical Staff/Public Information Officer ng Caticlan Jetty Port inaasahang mahigit kumulang walong daang katao ang inaasahang baba mula sa cruise ship.

Kung saan mahigit 600 sa mga ito ay turista at nasa dalawang daan naman dito ay staff ng barko.

Bagamat sa Linggo na ito na darating at nagkaroon na rin umano ng mga naunang pulong sa gitna ng shipping company para sa ruta at ibang detalye ng pagbisita ng mga turistang ito na sakay ng barko.

Habang nalalapit ang pagdaong ng MS Columbus 2, aasahang magkakaroon parin ng pag-uusap ang pamunuan ng pantalan, gayon din ng mga mahahalagang tao para sa seguridad ng mga bisita na ito sa susunod na mga araw.

Samantala, inaasahang may dalawa o higit pang-cruise ship na darating sa Boracay sa taong ito.

Ngunit hindi lamang doon nagtatapos, dahil para sa taong 2014 ay mayroon na agad umanong nagpahayag na dadaong dito, maging sa 2015 ay may dalawa na rin ayon kay Bernabe.

Sa Marso naman ng ika-19 ay dadaong ang ika-tatlong pang-turistang barko na bibista sa isla, na ikalawa naman ngayong taon, ang MS Europa ng Hapag Lloyd Cruises din. 

LGU Malay, hindi na magbibigay ng extension sa mga magre-renew ng business permits


Dalawang araw na lamang mula ngayon ay deadline na ng extension sa pagre-renew ng business permit sa buong bayan ng Malay.

Kung saan batay sa isang buwang extension na inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Malay na nagsimula noong ika-21 ng Enero ng taong ito, magtatapos na ang extension ito sa araw ng Miyerkules, ika-20 ng Pebrero.

Dahil dito, wala na umanong extension pang ibibigay ang lokal na pamahalaan ng Malay, ayon kay Malay Licensing Officer Jen Salsona.

Paglilinaw nito, hindi naman problema sa ngayon kung  may mga requirements pa na hindi natapos ang mga empleyado sa Boracay na kailangan sa pagre-renew dahil ang importante umano ay makapagpa-assess at makabayad muna ang mga employer ng kanilang mga obligasyon o buwis bago ang itinakdang deadline.

Gayong maaari naman isunod ang iba pang requirement na isusumite.

Pero ang hindi umano makapagpa-assess sa Miyerkules, epektibo ika-21 ng Pebrero o araw Huwebes, ay papatawan na ng “penalty” batay sa nakasaad sa batas.

Ayon naman kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa, mahalaga umano dito ay ang petsa ng pagpapa-assess na dapat magawa ito bago ang deadline.

Sa batas ng pagbubuwis, nakasaad na ang deadline sa pag-renew ng business permit ng mga establishemento ay hanggang ika-20 lamang ng Enero. #ecm022013

Monday, February 18, 2013

Peace covenant, nilagdaan ng mga nagpapahalal sa bayan ng Malay kahapon

Nilagdaan na ng mga kumakandidato para sa 2013 midterm election sa bayan ng Malay ang peace covenant kahapon.

Ang kasunduan para sa mapayapang eleksyon ay isinagawa pagkatapos ng santos na misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Anthony Jizmundo na siya ring nanguna para sa pagpapasumpa sa mga kandidato.

Sa kabuuang 19 na kumakandidato, si Mayon John Yap na walang katungggali at ang sampung nagpapapili sa pagkakonsehal ang bumuo sa labing isang dumalo.

Sa mensahe ng alkalde, sinabi nito na ang malaking hamon sa ngayon ay hindi ang eleksyon.

Bagkus ang pagsasaayos sa mga problema sa Isla ng Boracay ang nakikita niyang malaking hamon sa bayan ng Malay na patuloy naman umano nitong tinututukan sa ngayon.

Samantala, ang panatilihing “friendly rivalry” naman ang hiningi ni Malay COMELEC Election Officer 2 Elma Cahilig sa mga nasabing kandidato, sabay ang kahilingan na gawing Honest, Orderly at Peaceful ang eleksyon sa darating na halalan.

Pagkatapos ng aktibidad, namahagi si Cahilig sa mga kumakandidato ng mga dukumento ng pamantayan sa pangangampanya na naglalaman ng common poster area salahat ng mga barangay sa Malay at pamantayan sa mga campaign materials na gagamitin sa eleksyon.

Samantala, dumalo din sa nasabing peace covenant kahapon ang mga miyembro ng COMELEC, PNP, Philippine Army, Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV at ang YES! FM Boracay. #acpsr022013

3 araw bago ang extension sa pag-renew ng business permit, daan-daang emplyado sa Boracay, pila-pila pa rin para sa Health Card


Bago mag-alas-sais ng umaga ay may mga nakapila na sa Rural Health Center sa Boracay.

Ganito pa rin ang eksenang makikita sa Municipal Health Center o RHU sa isla, tatlong araw bago matapos ang extension na ibinigay ng Sangguniang Bayan ng Malay para makapag-renew ng kani-kanilang business permit ang mga establishemento.

Ang maaga at maha-habang pila na ito sa RHU tuwing umaga, simula nitong unang linggo ng Enero ay upang makompleto ng mga empleyado at trabahador sa Boracay ang hinihinging requirement ng batas at ordinansa ng bayan bago makakuha ng Health Card.

Bagama’t ilang araw na lamang ang nalalabi sa ibinigay na extension ng SB sa mga magre-renew, daan-daang empleyado pa rin ngayon sa isla ang nagkukumahog para makapasok sa schedule ng pagpapasuri sa RHU.

Maliban dito, pahirapan pa rin hanggang sa ngayon ang pagpapa-X-ray, gayon din pagkuha ng resulta nito na isa din sa requirement sa Health Card dahil sa isang linggo pa ang hihintayin bago maibigay ang resulta sapagkat dinadala pa ito sa bayan ng Kalibo.

Kung saan sa isla may dalawang X-ray machine lamang at limitado lamang din ang kakayanan para makapabigay serbisyo sa halos sampung libong empleyado sa Boracay.

Maaalala na una nang sinabi ng SB Malay na hindi na nila pahahabain pa ang petsa ng pagre-renew ng mga business permit sa Malay lalo na sa Boracay.

Ito’y makarang nagbigay sila ng extension na magtatapos na sa ika-20 ng Pebrero, kasunod ng pagpuna nila na mabagal ang pagproseso ng mga nagre-renew dahil sa dami din ng requirements na hinihingi sa mga empleyado sa Boracay. #ecm022013