Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Pinagpaliwanag na umano ng lokal na pamahalaan ng Malay ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) kamakalwa kaugnay sa sunud-sunod na insidente ng pagkaka-kuryente sa isla ng Boracay.
Ito ang nabatid mula kay Island Administrator Glenn Sacapaño sa isang panayam.
Ayon sa administrador, ang Akleco naman aniya ay nangakong aayusin ang mga kawad ng kuryente para hindi na maka-disgrasya pa.
Katunayan, may mga naka-iskedyul na rin silang paglilipat sa mga kawad ng kuryente sa mas mataas na poste.
Sa paghaharap ng Akelco at ni Sacapaño ay pinuna ng administrador ang mga matagal nang naka-laylay na kable ng kuryente ng nasabing kumpanya.
Subalit nang matanong kung ano ang maitutulong ng LGU Malay sa problema ng Akelco gayong ang dahilan ng kooperatiba kung bakit hindi nailipat lahat ng kable sa mataas na poste ay dahil sa walang road right of way o ligtas para paglagyan ng mga poste na hindi makakaapekto sa publiko at maiwasan na ang sakuna.
Ngunit sagot dito ni Sacapaño, papaano matutulungan ng LGU o barangay ang Akelco gayong hindi naman sila humihingi ng tulong.
Kaugnay nito, kinuwestiyon din ni Sacapaño kung bakit pinapahintulutan ng kooperatiba na ikunekta ang linya ng mga business establishments na nakitaan ng problema, lalo na ang mga malalapit nang umabot sa linya ng Akleco.
Bilang tugon, inihayag ni Engr. Arnaldo Arboleda ng Akelco Boracay, na may mga pagkakataon na mas nauna pa aniya ang posteng maitayo bago ang gusali.
Subalit, kahit alam naman aniya na dapat ay may dalawang metrong gap ang gusali mula sa main line ng Akelco, ay tila hinahabol din ng taas ng gusali ang taas ng poste nila.
Dahil dito, umaasa ang Arboleda na ang mga usapin katulad nito ay maupuan na ng Akelco at LGU Malay partikular ng Municipal Engineers Office.