Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Maglalabas ng kautusan ang Department of Education (DepEd)-Aklan na ipagbabawal ang pangungulekta ng mga kontribusyon o paghingg ng halaga para sa mga gaganaping Christmas party ng mga mag-aaral sa nasabing probinsya.
Ayon kay Dr. Jessie M. Gomez, School Division Superintendent ng DepEd-Aklan, kakatanggap lang umano niya lang ng instraksiyon mula kay Dep-Ed Regional Director Mildred L. Garay na nag-uutos na maglabas ito ng memorandum na magbibigay-paalala sa mga guro ukol sa kampaniyang ito ng nasabing departemento.
Kaugnay nito, hinikayat ni Gomez ang mga paaralan sa Aklan na kung maaari ay iwasan na lang ang pagkakaroon ng “exchange gifts”, at sa halip ay magkaroon na lang ng Christmas party na may mga palaro sa mga bata at salo-salo na walang palitan ng regalo.
Hihimukin din umano nito ang mga guro na kung pwede ay maging “bring-your-own-baon”na lang din sa Christmas party para wala nang kotribusyon sa pagkain, gayong naniniwala ito na ang mga guro ay malikhain din naman kapag dumating na ang ganitong aktibidad.
Kaugnay nito, inihayag ni Gomez na mariing nilang ipapatupad ang kautusang ito ngunit nilinaw ng supervisor na hindi bawal ang pagkakaroon ng Christmas party sa mga paaralan basta’t walang kontribusyon o perang involve katulad sa pag-hiling sa mga mag-aaral ng halagang dapat sundin para sa exchange gift.