YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 09, 2012

Bilang ng sari-saring turista ngayong buwan ng Mayo, tumaas


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mahigit limang libong dayuhang turista mula sa iba’t-ibang bansa sa mundo ang itinaas ang bilang na naitala ng Municipal Tourism Office ngayong buong buwan ng Mayo na dumayo sa isla ng Boracay kung ikukumpara ito sa taong 2011.

Sa naitala ng MTO, ang Koreans pa rin ang nanguna sa listahan sa kasalukuyan kung saan katulad noong Mayo ng 2011 umabot sa mahigit sa siyam na libo ang naitala.

Sa kabuuan ngayong buwan ng Mayo, umabot sa tatlumpung libong dayuhang turista ang naitala gayong noong 2011 ng katulad na buwan ay mahigit sa dalawampu’t limang libo lamang.

Bahagyang tumaas naman ng dalawang libo ang bilang ngayong taon ang Taiwanese, samantalang ang mga Chinese ay tumaas din ng mahigit isang libo.

Mga magulang, walang dapat ikabahala sa K+12 program


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong may bagong curriculum na K+12 program para sa mga mag-aaral, wala na umanong lugar pa ang tinatawag na “high school graduate lang ang tinapos ko” kapag paghahanap ng trabaho ang pag-uusapan.

Sapagkat ngayong may 5th year na, inaasahang kasama na ayon kay Director Jessie Gomez, Division Supt. ng Dep-Ed Aklan, na ituturo sa mga mga-aaral sa senior high school ang basic na mga kaalaman na itinuturo sa Kolehiyo.

Gayong sa dagdag na taong ito ng pagbabago ng Curriculum ay magkakaroon umano ng specialization katulad ng mga pagpipilian ng mga mag-aaral na entrepreneurship o pagnenegosyo at maging teknikal man.

Ito ay upang pagka-graduate ay pwede nang maisalang agad sa trabaho. Binigyang diin pa ni Gomez na mismong ang CHED at TESDA umano ang kasama sa pagdesinyo ng bagong programang ito.

Kaya ayon kay Gomez walang adapat ikabahala ang magulang kung madagdagan man ang taon ng pag-aaralan ng mga estudyante.

Cadastral survey results, hindi pa aprubado ng DENR Region 6


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Katulad sa panalangin ng mga claimants o lot owners sa Boracay na huwag munang aprubahan ang cadastral survey sa lahat ng lupain sa isla nitong nagdaang taon ng 2011, naka-pending pa ngayon sa DENR Region 6 office ang resulta ng nasabing pagsisiyasat.

Ayon kay PENRO Officer Ivene Reyes ng DENR Regional Office 6, hindi pa naaprubahan ang kadastrong ito dahil may nakita pang problema tulad ng maraming claimants at lalo pang nagpapabagal sa pag-aapruba ay ang protesta ng mga lot owners o stake holders sa Boracay.

Kaya sa kasalukuyan, ayon sa PENRO, hindi pa nila malaman kung kailan ito aaprubahan.

Gayon pa man, naniniwala ito na hindi na magatagal at maaayos na din ang mga suliranin, at upang mapadali ito, kailangan anya ng kooperasyon ng bawat isa sa ganitong sitwasyon.

Kung matatandaan, taong 2011 hanggang unang bahagi ng 2012 ay nagkaroon ng cadastral survey sa isla ngunit kinuwestiyon at marami ang umapela upang hilingin na planstahin muna ang resulta ng kadastro lalo na ang mga lot numbers at pagpapangalan sa mga lote kaya naka-pending pa ito ngayon.

Friday, June 08, 2012

Travel Ban na inilatag ng bansang China papuntang Boracay, hindi inalintana ng mga Tsino


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

May travel advisory mang ibinaba ang Chinese government laban sa Pilipinas na nagresulta sa pagkakakansela ng ilang flights sa bansa mula china, tila hindi naman apektado ng travel advisory na ito ang ilang Chinese nationals na dumadayo pa rin sa Boracay hanggang sa ngayon.

Sapagkat kung inaasahang magiging zero ang tourist arrivals ng Chinese nationals sa bawat araw papuntang Boracay araw-araw, kabaliktaran naman ang nangyari ngayon.

Dahil tumaas pa nga ang bilang ng mga Tsino na pumunta sa Boracay ngayong buwan ng Mayo ng taong 2012 kung ikukumpara noong buwan ng Mayo noong nakaraang taon.

Batay sa naitala ng Municipal Tourism Office ng Malay noong nagdaang taon ng 2011, nakapaglista sila ng mahigit tatlong libo at dalawang daang Chinese national, pero ngayong 2012 kahit nagbaba pa ng travel ban at nagkansela ng ibang tourist travel package sa bansa, nakapag-tala pa rin ng mahigit na apat na libo at apatnadaan na mas mataas kung ikukumpara noong nagdaang taon.

Ngunit ayon kay Edralin Piluton, ng Municipal Tourism Office, ang pinagkaiba lamang ngayon maliban sa tumaas ang bilang ay paisa-isa ang pagsidatingan ng mga Tsino, hindi katulad ng dati na grupo-grupo.

Brgy. Balabag, binalaan ng DENR


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi lang pala Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang may isyung namamagitan kung ang lawa na makikita sa isang malaking pamilihan ang pag-uusapan sapagkat maging ang Brgy. Balabag ay sinita na rin ng DENR ayon kay PENRO Officer-Aklan Ivene Reyes.

Katunayan, pinadalhan na din nila umano ng sulat ang pamunuan o opisyal ng barangay na ito dahil sa pagbibigay umano o pagpayag na matambakan ang gilid na bahagi ng lawa gayong bawal ito sapagkat bahagi ito ng wetlands na kailangang protektahan at ipreserba ng denr sa isla.

Anya, ang sulat ay naglalaman ng kautusan sa pagpapahinto sa anumang istraktura sa lawa na ito lalo pa ang ginagawang pagtatambak o reklamasyon sa lugar na natukoy.

Kung saan ang barangay di umano ang nagbigay at nag-apruba ng permit para sa giawang istrakrura o pagtatabak na ginawa sa lawa.

Nguit hanggang sa ngayon ay wala pa umano silang impormasyon kung anong reaksyon ng barangay.

Circumferential road, wala pang linaw kung kalian muling makaka-usad


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hanggang wala pang environmental compliance certificate (ECC) ang proyektong circumferential road sa Boracay mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ito ang paninidigan ni PENRO Officer-Aklan Ivene Reyes.

Sa panayam dito kahapon, sinabi ni Reyes na dalawang taon na ang nakakalipas bago pa man ipatupad ang proyektong ito ay sinabihan na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kumuha ng ECC.

Subalit tila ang nangyari anya ay pinasa din ito sa contractor ng proyekto para sila na ang magproseso ng ECC kaya mistulang napabayaan hanggang mababaan umano ng DENR ng demand letter na nagpapatigil sa ginagawang konstraksyon ng kalsada.

Katunayan, maliban sa walang ECC ay may kaso din umanong hinaharap ang contractor dahil sa pagtapiyas nila sa ilang bahagi ng bundok sa Manoc-manoc lamang mapaglatagan ng kanilang proyekto gayundin sa pagputol ng mga punongkahoy.

Nguit dahil sa hindi na makausad ang proyekto ngayon lalo pa at tatamaan ng ginagawang circumferential road na ito ang bahagi ng lawa na deklaradong wet land.

Ihinayag ng PENRO Officer na ang namumuno na umano sa bawat departamentong ito ang nag-uusap, patrikular na tinukoy nito ang kalihim ng DPWH at DENR, para sila na ang mag-usap sa bagay na ito.

Pero sa kasalukuyan anya ay hindi pa nito masasabi sa ngayon kung kalian pagkakalooban ng ECC ang DPWH o kontraktor para maipagpatuloy ang proyekto.

Tabon Port, walang K9!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pag-aaralan pa umano ngayon ng Caticlan Coast Guard ang paglalagay ng K9 sa Tabon Port, kasunod ng pagbago ng ruta ng beyahe ng mga bangka sa Boracay ngayong Habagat Season na.

Nabatid mula kay Chief PT Officer, Ronnie Hiponia ng Caticlan Coast Guard na sa ngayon ay wala pa umano silang inilagay na naka-standby na K9 sa Tabon Port.

Dahil dadalawa lamang ang K9 dito at ginagamit din para sa Caticlan Jetty Port, partikular sa pantalan ng RORO.

Pero ayon kay Hiponia, kahit papano ay dinadala din umano nila sa Tabon Port ang K9 na ito, para makatulong sa pag-check ng mga bagahe ng pasahero, gayon din sa Cargo Port.

Subalit para sa seguridad sa pantalang ito, araw-araw ay nagpapadala naman aniya sila ng mga Special Operation Group ng Coast Guard upang magbantay sa mga pantalang ito.

Kung mapupuna, ang Tabon Port ay ginagamit lamang kapag malakas ang alon sa regular na ruta ng bangka, kaya wala x-ray machine at metal detector para masiyasat ang mga gamit ng mga turistang papunta ng Boracay, di katulad sa Caticlan Jetty Port. 

LGUs, dapat ang deklara kung may pasok o wala ang mag-aaral ayon sa Dep. Ed Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi na dapat i-asa pa sa Department of Education Dep. Ed ang pagdidisisyon sa pagkakasuspende ng klase kapag may bagyo o sakuna sa isang lokalidad.

Sapagkat ayon kay Dr. Jessie Gomez Division School Superintendent ng Aklan, dapat mismo ang lokal na pamahalaan na, na kinabibilangang ng mga opisyal ng bayan at probinsiya ang dapat magdeklara.

Gayong ang namumuno sa Provincial at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ay ipinasa na sa mga Local Government Unit LGU habang ang Dep. Ed ay isang miyembro lamang aniya PDRRMC at MDRRMC at ang Chairman ay ang gobernador at mga Alkalde.

Kaya kung nakita umano ng mga opisyal na ito na delikado na sa mga mag-aaral ang panahon may bagyo man o wala ay maaaring LGU’s na mismo ang magdeklara at sumagot kaugnay sa mga katanungan ng mga magulang kung may pasok o wala.

Samantala, kapag nakaramdam naman umano ng hindi kagandahang sitwasyon ang paaralan katulad sa mga pagbaha, sunog o ano mang kalamidad, pwede rin umano na mismo ang mga Punong Guro na ang magdeklara.   

“No Sticker, No Biyahe Policy”, ipapatupad na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

 “No-sticker, No Biyahe Policy”.

Ito ang inaasahang magyayari sa darating na ika-labin lima ng Hunyo, kung saan kaugnay sa ipapatupad ng Color Coding Scheme sa mga tricycle sa Boracay.

Ang bagay na ito ang mariing ipinapaintindi ngayon ng lokal na pamahalaan ng Malay upang masugpo na ang pagdami at pagpasada ng mga kulurom na tricycle sa isla.

Kaya lahat ng mga pampasadang tricycle sa isla na nakarehistro sa Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) ayon kay Cezar Oczon Municipal Transportation Officer ng Malay ay didikitan nila ng sticker na nagpapatunay na lahat ay requirement para sa operasyon nila ay na-comply na sa LGU Malay.

Pero ng mga tricycle na walang pintura na naaayon sa hinihingi ng batas dito ay hindi rin umano nila palalampasin gayon di ang hindi pa nakapagre-new, sapagkat hindi nila bibigayan ng sticker.

Bunsod nito ang sino man aniyang mahuli na bumabayahe ng walang sticker ay huhulihin at mapapatawan ng kaukulang penalidad base sa batas.

Samantala, dahil sa ang a-kinse ng Hunyo na ay natapat umano sa pagdiriwang ng Malay Day, at ang araw na iyon at ideniklarang walang pasok ang mga tanggapn ng LGU, titingnan umano ani ni Oczon kung maipapatupad nila sa araw na iyon ang Scheme na ito.

Ang hakbang na ito ng LGU ay upang ma-kontrol ang mga sasakyan sa main road araw-araw at maiwasan ang mabigat na trapiko.

Storage Fee, ipapataw sa nahuling sasakyang lumabag sa ordinansa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bibigyang ng sampung araw ang lahat ng mga sasakyang nahuling lumabag sa ordinansang ipinapatupad dito sa isla ng Boracay para ayusin at bayaran ang penalidad na ipinataw sa mga ito.

Dahil kapag hindi pa umano ito settle sa loob ng sampung araw, susunod na araw ay itatapon din ito palabas ng isla at dadalhin ito sa mainland Malay.

Ito ang nilinaw ni Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer ng Malay sa panayam dito.

Aniya sa oras na magampanan na ng may-ari ng motorsiklo o ano mang sasakyan ang kanilang obligasyon sa nilabag na batas ay agad naman nila ito ibabalik.

Pero kapag lumpas aniya sa itinakdang panahon ay bawat araw papatawan nila ng dalawang daang na storage fee batay ito sa ordinansang ipinapatupad kaugnay sa mga transportasyon sa isla.

Kaya habang lumilipas ang araw na hindi pa kinukuha ang motorsiklo, dalawang daang piso naman ang madadag sa penalidad.
Samantala gayong naniningil aniya sila ng storage fee, ang mga na-impound o nahuling sasakyan ay sisikapin nilang mailagay ito sa ligtas at ma-ayos na lugar.

Samantala ang mga walang permit to transport naman, ay ibabalik na talaga sa mainland. 

Wednesday, June 06, 2012

MAP at pulis sa Boracay at Mainland Malay, balak i-deputize ng LTO


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Isasailalim na sa isang araw na seminar ang lahat ng miyembro ng Municipal Auxiliary Police (MAP) sa Boracay at Mainland Malay ng Land Transportation Office (LTO) - Aklan sa darating na Lunes, Hunyo 11, ayon kay Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer ng Malay.

Aniya, matapos ang seminar na ito, aasahanag isusunod na rin ang pagsasanay upang ma-deputize na rin ng LTO ang MAP at maging ang pulis sa Boracay upang hindi puro citation ticket ng ordinansa lamang ang kanilang ipinapatupad at binabantayan sa kalye.

Katunayan, may slot na umanong inihanda ang LTO para sa mga ito.

Pero nilinaw ni Oczon na hindi naman lahat ng MAP at pulis sa Boracay at Mainland ay idi-deputize ng LTO kundi pipiliin lamang ang mga kwalipikado.

Siyam na slot para sa MAP at siyam din sa pulis sa Boracay at tag-anim din sa Pulis at MAP sa mainland Malay. 

Mga sasakyang kolorum at walang permit to transport, ipapatapon sa Mainland


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ipapatapon na palabas ng Boracay ang lahat ng sasakayang mahuling walang Permit to Transport at maging ang mga kolorum na tricycle kasabay ng ginagawang paghihigpit ngayon sa implementasyon ng lokal na pamahalaan ng Malay sa ordinansa hinggil dito sa layuning nabawasan din ang bigat ng trapiko sa isla.

Ito ay kasunod na rin ng Memorandum  Order ni Malay Mayor John Yap na ipinatinatigil na nito pansamantala ang pagbibigay ng Permit to Transport sa lahat ng uri ng sasakyan maliban na lamang kung replacement ito.

Sa panayam kay Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer, kasabay ng pagpapatupad ng  Color Coding Scheme sa isla sa akinse ng buwang ito ay makikita na rin umano ang mga kolorum na tricycle.

Nabatid din mula kay Oczon na anumang sasakyan ang mahuli na walang permit to transport ay dadalhin din nila balik sa mainland, at hindi na pababalikin pa gayong pinatigil na ng Punong Ehekutibo ang pagbibigay ng permit.

Ito ay hanggang sa may bisa pa ang m emorandum order ng Alkalde kaugnay sa Moratorium sa pagbibigay ng permit to transport.

Samantala, ang LGU ang gagawa ng paraan ng para maitapon pabalik ng mainland ang mga sasakyang ito.

Kapag wala umanong pangbayad ang may-ari ng sasakyan sa transportasyon pabalik ng mainland, pansamantala ay ang LGU muna ang gagastos at kapag kinuha na ng may-ari ay doon nalang din nila sisingilin bago ibigay ang na-impound na sasakyan.

Samantala, para malaman naman ang mga lehitimong tricycle mula sa kulurom ay lalagyan aniya nila sticker para maiwasan ang duplication at masigurong iisang unit lamang ang nag-o-operate sa isang prangkisa.

Bukas umano nila sisimulan ang paglalagay ng sticker sa mga tricycle na ito.

Dagdag pa ni Oczon, sa pagkakataong ito hindi rin umano makakaligtas ang mga habal-habal at sisikapin nilang mahuli din ang mga ito. 

Pulis para sa liblib na lugar sa Boracay, hiniling


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hiniling ngayon ng Vice Mayor Ceceron Cawaling sa bagong hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na si P/Insp. Al Loraine Bigay na pag-tuunan din ng pansin at maglatag din pulisya sa mga kritikal at hindi mataong lugar isla.

Ito ay dahil kadalasang nangyayari ang karumaldumal na krimen sa Boracay sa mga liblib na lugar lalo na sa likod na bahagi ng isla, tulad na lang ng Sitio Lapus-lapus, area ng Yapak at ilan pang bahagi ng isla, at para hindi na maulit pa ang nagyari kung saan may ilang pagpatay o krimen na nangyari sa mga lugar na ito.

Paliwanag ni Cawaling, batay umano sa nakikita nito, naka-pokus ang otoridad sa harap na bahagi ng isla lalo na sa front beach, malalaking pamilihan at main road, samantala ang sa liblib na lugar na may malaking tiyansa na anumang oras ay pwedeng mangyari ang krimen at walang pulisya na nakabantay doon.

Hindi rin pinalampas ng Bise Alkalde ang kakulangan ng streetlight sa mga lugar na katulad nito.

Ang mga kahilingang ito ni Cawaling ay isinatinig nito sa pormal na pagpapakilala o courtesy call ng baong hepe ng BTAC na si Bigay sa sesyon ng konseho kahapon. 

Pagsasaayos sa drainage system ng Boracay, nakalutang pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong tag-ulan na at nakalutang na sa tubig baha ang ilang bahagi ng Boracay dahil sa umano’y palpak na drainage system sa isla, nanatiling nakalutang din ang skedyul ng pagsasaayos sa proyektong ito hanggang sa ngayon.

Ito ay sa kabila ng pag-aakalang mabibigayang linaw na at makakakuha na ng kasagutan kaugnay sa estado ng drainage system dito sa isla mula sa ipinadalang representante ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay kahapon.

Pero, bigo pa rin ang konseho na mabatid kung anong saktong petsa at kailan talaga sisimulan ang pagsasaayos sa drainage ng isla.

Nang matanong ng miyembro ng SB Malay si Atty. Guiller B. Asido, Corporate Secretary at OIC ng Office of the Corporate Legal Counsel, kaugnay sa totoong estado at balak ng TIEZA sa proyektong ito lalo pa at ang lokal na pamahalaan umano ng Malay ang binubweltahan ng publiko sa dalang problema ng drainage, hindi pa rin malinaw at hindi din masasabi ni Asido kung kailan talaga ito uumpisahan.

Ngunit sa pagkakaalam aniya nito, nakapagsagawa na ng bidding para sa proyekto at anumang araw ay maaari nang i-poste kung sinong kontraktor ang nakakuha at nanalo sa bidding na siyang gagawa ng drainage na ito sa Boracay.

Humingi naman ng pag-unawa sa publiko ang abogado para sa bahagi ng TIEZA, gayong batid naman umano nila ang sitwasyon ng drainage sa Boracay ngayon.

Bagamat dumalo ang TIEZA kahapon sa sesyon, nakatuon kasi sa hinihingin endorsement ng Boracay Tubi para pasukin na ang operasyon ng sewer at siphoning sa Boracay, pero dahil kailangan pang ikunsulta ito sa TIEZA ipinatawag ang ahensiyang  ito sa konseho.

Financial support ng BTAC, naging bato


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Walang gatol na inamin ng bagong Hepe ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na si P/Insp. Al Loraine T. Bigay na wala nang natatangap pa na financial support mula sa nasyonal o higher headquarters ang himpilang ng pulisya sa isla simula pa noong Disyembre 2011.

Ayon sa hepe, sa kasalukuyan ay hindi pa nila alam kung ano talaga ang estado ng buwanang suporta na ito para sana sa gastusin sa operasyon ng BTAC, kung ibibigay pa ba ito o hindi na.

Gayon pa man, sinabi nito na ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) mula sa Regional Office at lokal na pamahalaan ng Malay ang ginagamit nila sa ngayon.

Ang natatanggap umano nilang pinansiyal na tulong na ito ay siyang pinagkakasya naman sa bawat araw na gastusin ng BTAC.

Bunsod nito, apektado ayon kay Bigay ang transportasyon kapag nagdadala sila ng suspek sa Prosecutors Office sa bayan ng Kalibo para pormal na masampahan ng kaso.

Kaya minsan ay personal na umano nilang pera ang ginagamit nila lamang magampanan nila ang kanuilang tungkulin.

Si Bigay simula ng maging hepe ito ng BTAC kapalit ni C/Insp. Christopher Pangan epektibo nitong Mayo 25, ay noong Martes ng umaga lang nakapag-courtesy call sa Sangguniang Bayan ng Malay kasabay ng isinagawang regular session ng konseho.

Mga nakaraan ng Boracay Tubi at BIWC, nakalkal


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakalkal ang mga dating nangyari sa pagitan ng Boracay Tubi at Boracay Water and Sewerage System (BWSS) na ngayon ay kilala na bilang Boracay Island Water Company (BIWC) sa pagharap sa Sangguniang Bayan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kahapon.

Ito ay makaraang ihayag ng TIEZA ang kanilang posisyon na hindi pagsang-ayon sa proposiyong pasukin din ng Boracay Tubi ang sewerage system at siphoning sa Boracay.

Subalit sa presentasyon ng representante ng TIEZA na si Atty. Guiller B. Asido TIEAZA, Corporate Secretary at Officer-In-Charge Office of the Corporate Legal Counsel, sa konseho kahapon, kinuwestiyon ng TIEZA ang National Water Resources Board (NWRB) dahil sa pagbigay nila ng permiso na makapagserbisyo ang Boracay Tubi gayong may umiiral na batas na isang water company lamang umano ang dapat na mag-bigay serbisyo sa isla.

Nakasampa din umano ngayon ang kasong ito sa Department of Justice (DOJ) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Dahil dito, ang miyembro ng konseho ay nagulat din sa isiniwalat na ito ng TIEZA lalo pa nang mabatid mula kay Boracay Department of Tourism Officer Judith Icutanim na ang operasyon lamang diumano ng Boracay Tubi ay temporary o pansamantala lamang at may kondisyon pa na kapag maaayos at masolusyunan na ng dating TIEZA na dating kilala bilang Philippine Tourism Authority (PTA) ang water supply at sewerage sa Boracay ay tapos na rin ang serbisyo ng Boracay Tubi.

Subalit ng tanungin ang TIEZA kaugnay sa kasunduang ito, maging si Atty. Asido ay hindi batid ang katulad na mga kondisyon.

At ang resulta: tila nagpantig ang tainga ng ilang miyembro ng Sanggunian dahil sa argumentong ito.

Bunsod nito, inawat na lamang ni Vice Mayor Ceceron Cawaling ang usapin kasabay ng paghiling na kung maaari ay huwag nang mag-ipitan at pagbigyan na lang sana ang Boracay Tubi sa kanilang operasyon at serbisyo sa isla, dahil gumastos din ang mga ito para sa nasabing negosyo.

Dagdag pa nito, wala naman sanang ganitong isyu sa Boracay kung inayos lang din ng isang water company at sewerage operator ang kanilang serbisyo dito.

Hindi rin naiwasan ni SB Member Wilbec Gelito na sabihin na kung may pagkukulang man sa pagkakataong ito kung bakit patuloy pa rin ang serbisyo ng Boracay Tubi sa isla, ito ay dahil may kakulangan at hinayaan naman din ng TIEZA o PTA ang nangyari, lalo na at matagal na ang operasyon ng nasabing water company sa Boracay.

Boracay Tubi, binigo ng TIEZA

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Binigo ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang Boracay Tubi Systems Inc. (BTSI) sa plano nilang pasukin din ang serbisyo ng sewerages system/siphoning sa Boracay at gayon din ang paglatag ng karagdagang mga tubo para sa gagawing pagpapaunlad sa kanilang sistema na nakapaloob sa proposisyon nilang isinumite sa konseho.

Sa ginanap na SB session kahapon, nanindigan si Atty. Guiller B. Asido, TIEZA Corporate Secretary at Officer-In-Charge Office of the Corporate Legal Counsel, na hindi ito maaari dahil sa tinatawag na “natural monopoly” at batay na rin sa Executive Order na ang TIEZA ay may kapangyarihan din sa pagkontrol sa ilang imprastraktura o ano mang development sa Boracay kasabay sa pagkakadeklara sa isla na Special Tourism Zone.

Mariin din ang kanyang paninindigan na hindi sang-ayon ang TIEZA sa nasabing proposisyon ng Boracay Tubi.

Ayon sa abugado, sa Boracay umano ay kailangang isang kumpaniya lang ng tubig at sewerages ang mag-o-operate dahil sa maraming rason na inilatag nito, kabilang na ang pangangalaga sa pinagkukunan ng tubig, pangangalaga sa Boracay, aberya na dala sa trapiko, at ang disposal ng tubig sa baybayin ng Boracay.

Subalit tila hindi naman nakuntento ang konseho sa sagot na ito TIEZA, lalo pa at napunta sa hurisdiksiyon at karapatan ng lokal na pamahalaan ng Boracay at pati na ang kapangyarihang hawak din ng nasabing ahensya.

Ang TIEZA ay inimbitahan ng Sangguniang Bayan ng Malay para dingging at idaan sa konsultasyon ng hinihinging pag-endorso ng Boracay Tubi upang mapalapad ang kanilang serbisyo sa isla.

Samantala, hindi pa ngayon nakakapagdesisyon ang konseho sa hinihinging pag-endorso ng Boracay Tubi kahit nakaglatag na ng kanilang posisyo sa TIEZA, at aasahang idadaan pa ito sa ilang pagdinig ng konseho.  

School uniform, hindi sapilitan; Paniningil sa mga magulang, bawal! --- DepEd


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Laking pasalamat ngayon ng Department of Education (DepEd) – Aklan dahil wala silang reklamong natatanggap dahil tumalima naman ang mga guro kaugnay sa “No Collection Policy” o pagbabawal sa anumang singilin o bayarin sa mga estudyante at magulang sa pagbubukas ng klase at kahit sa enrolment pa lamang.

Ayon kay Division Superintendent Dep. Ed Aklan Dr. Jesse Gomez, mariing ipinagbabawal ng departamento ang panininggil ng mga guro ng anumang bayarin simula nitong pasukan hanggang sa buwan ng Agosto.

Nilinaw din nito na ang school uniform ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan ay hindi compulsory.

Kaya hindi rin aniya pwedeng pilitin ang mga magulang na ibili ng uniporme ang kanilang mga estudyante, maliban na lamang umano kung mismo ang magulang na ang boluntaryong bumili at magpasuot ng uniporme sa kani-kanilang mga pinag-aaral.

Maging sa school ID, kung meron man, ay wala pa rin umanong dapat bayaran ang magulang dahil saklaw na ito ng mga paaralan.

Samantala, huminggi naman ng pag-unawa sa publiko ang DepEd dahil sa ilang suliraning nararanasan ngayong pagbubukas ng klase, kasunod umano ng limitado lang din na pondo ng departamentong ito.

Pero sinabi ni Gomez, na paunti-unti ay gagawan nila ng paraan upang na mabigyan ng solusyon ang katulad na problema sa mga eskwelahan sa Boracay. 

Migration, sanhi ng kakulangan ng mga silid aralan sa Boracay; Bagong K-12 program ng DepEd, walang kinalaman

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Nanindigan ang Department of Education (DepEd) – Aklan na hindi dahil sa K-12 program ang rason kung bakit kinulang ang mga silid aralan sa Boracay, kundi dahil sa paglobo ng mga nag-enroll ngayon taon.

Sa panayam kahapon kay Dr. Jesse Gomez, School Division Superintendent ng DepEd Aklan, mariin nitong ihinayag na tila hindi na ito nagulat sa sitwasyon sa Boracay na kinulang ang mga silid aralan, sapagkat noon pa man umano ay problema na umano ito.

Sinabi nito na hindi dahil sa K-12 program ang rason kung bakit kinukulang ang classroom, at sa halip ay dala aniya ng migration sa isla kasabay ng paglago ng turismo sa Boracay na nagresulta naman sa pagdami din ng populasyon dito.

Bagamat hindi pa aniya nakakarating sa kanilang tanggapan ang kasalukuyang sitwasyon ng mga paaralan sa Boracay, nasa priyoridad naman ayon kay Gomez ng departemento ang pagbibigay solusyon sa mga suliranin dito, kung ikukumpara sa ibang bayan.

Kaya aasahan aniya na ngayong taon ay madaragdagan ang mga classroom sa mga paaralan sa isla.

Dagdag pa ng huli, anumang oras ay darating na rin aniya ang karagdang guro para sa mga paaralan sa Boracay.

Hinggil naman sa kakulangan ng silid aralan, hindi pa naman aniya kailangan sa ngayon na biglaang magkaroon ng karagdgang classroom dahil sa may bagong curriculum at nadagdagan na rin ang taon sa pag-aaral.

Ito ay dahil mararamdaman pa aniya ang karagdagang taon sa bagong curriculum sa susunod pang mga taon katulad ng karagdagang pang-limang taon sa high school at Grade 7 sa elementary na hindi pa naman biglaang ipapatupad ngayon, maliban sa Kindergarten at pagbago ng ilang module na itinuturo sa mga mag-aaralan.

Kaya may pagkakataon pa aniya na mapaghandaan ng kakulangang ito sa susunod pang mga taon.

Hindi rin nito nakitaan ng masama kung maging tatlong shifting ang klase sa kindergarten katulad ng sa Balabag Elementary School sapagkat inaasahang dalawa at kalahating oras lang naman ayon dito ang klase ng mga estudyante sa level na ito.

Samantala, binigyang diin naman ni Gomez na hindi lamang ayon dito lahat ng suporta sa pag-aaralan ay dapat magmula sa DepEd.

Ayon dito, ang edukasyon ay dapat umanong pinagtutulungan ng lahat at buong komunidad, lokal na pamahalaan, barangay, pribadong sector at iba pa, gayon ang komunidad din umano ang makikinabang sa mga kabataang ito sa bandang huli kapag naging maganda ang edukasyon na ibinibigay sa mga estudyante. 

Tuesday, June 05, 2012

LTO, dismayado sa pag-kuwestiyon sa kanilang Mobile Smoke Emission Testing sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi na naitago pa ni Land Transportation Office (LTO) – Aklan Director Valtimor Conanan ang kaniyang pagkadismaya sa ginawang pagkwestiyon ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay sa isinagawang mobile smoke emission testing sa Boracay kamakailan lamang.

Ito ay makaraang isama sa privilege Speech ni SB Member Jonathan Cabrera sa sesyon ng konseho ang diumano’y hindi pag-i-isyu ng resibo at mahal na singil ng nasabing pribadong mobile smoke emission testing na dinala ng LTO sa Boracay.

Subalit ang nasabing alegasyon ay pinanindigan naman ni Conanan, kasabay ng pahayag na kung hindi man aniya nakuha ng mga kostumer nila ang kani-kanilang resibo dito sa Boracay, ito ay maaari naman nilang kunin sa bayan ng Kalibo kapag nagsagawa ng transaksyon sa LTO.

Dagdag pa dito na naka-online naman ang lahat ng kanilang transaksiyon kaya madali din itong malalaman.

Nilinaw din ng director na may basbas mula sa tanggapan nito ang pagpunta at pagdala ng LTO ng mobile smoke emission testing sa Boracay, gayon din ang pagsingil ng medyo may kamahalan kung ikukumpara sa singil nila kapag nasa bayan ng Kalibo.

Paliwanag ni Conanan, natural lamang ito dahil gumagastos din sila para sa transportasyon at paghahakot ng gamit para sa kanilang serbisyo.

Binigyang diin pa ng huli na nagsagawa sila ng mobile smoke emission testing sa isla batay na rin sa hiling ng lokal na pamahalaan ng Malay nang sa gayon ay hindi na kailangan pang dalhin sa Kalibo ang mga sasakyan kapag nagrenew ng kanilang rehistro.

Kaya dismayado ito dahil sa may katulad pa pala umanong isyu.

Matatandaang nitong nagdaang sesyon ng konseho, Mayo 29 ng kasalukuyang taon, naging mainit ang usapin may kaugnayan dito.

Sa nasabing pulong ay nasabi ni Cabrera na baka pagsimulan pa umano ito ng kurapsiyon sa nasabing ahensiya.

Sa kabilang banda, may ilang miyembro naman ng Sanggunian ay nagsasabing positibo at naging maganda naman ang resulta ng mobile smoke emission testing sa Boracay dahil nakatulong din ito. 

Monday, June 04, 2012

Unang araw ng pasukan sa mga pampublikong eskwelahan sa Boracay, tuloy kahit maulan


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Bagama’t sinalubong ng ulan at problema ang unang araw ng pasukan sa mga pampublikong eskwelahan sa Boracay, kampante namang inihayag ng pamunuan ng mga paaralang ito na walang naging hadlang sa pagbubukas ng klase kanina.

Ayon kay Manoc-manoc Elementary School Principal Democrito Barrientos II, normal lang na naging abala ang kanilang pagbubukas kanina, dahil sa mga huli nang nagsipag-enroll.

Marami din umano kasi sa mga ito ang walang mga birth certificate, kung kaya’t naantala ang kanilang pagtatala.

Aminado rin si Barrientos na kulang ang kanilang mga upuan at silid-aralan, dahil sa ratio nilang one- sixty five, na ang ibig sabihin, isang guro lamang ang haharap sa mahigit animnapung mag-aaral.

Magkaganon paman, sinabi nito na tinatanggap nila ang mga late enrollees kanina.

Samantala, ayon naman kay Lamberto H. Tirol National High School Officer In Charge Felix De Los Santos.

Natural lamang din ang pagdagsa ng mga huling nagpatalang mag-aaral na kanilang naranasan kanina, dahil sa bente singko porsiyentong itinaas ng mga bagong mag-aaral.

Ang paaralan naman sa baranggay Balabag ay nauna nang napaulat kaninang umaga, na nakaranas ng masaklap na first day of school, dahil sa pagbahang sinapit nito bunsod ng malakas at mahabang oras na pag-ulan kahapon.

Boracay, lulusubin ng mga Board Members mula sa iba't-ibang lugar sa bansa


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Lulusubin ng mga lokal na mamambabatas mula sa iba’t ibat lalawigan sa bansa ang isla ng Boracay sa darating na ika anim hanggang ika walo ng Hunyo.

Ito ay kaugnaya sa isasagawang 22nd Provincial Board Member National Convention na ikinasa ng Provincial Board Member League of the Philippines/PBMLP na may temang “Reinforcing Partnership Towards the Straight Path in Local Governance”.

Bunsod nito, inaasahang  darating din sa Boracay para maging bahagi ng convention na ito ang ilang matataas na opisyal ng Departemento sa bansa upang makibahagi bilang taga pagsalita sa aktibidad na ito.

Batay sa Memorandum Order 2012-86 na nilagdaan ni DILG Secretary Jesse Robredo na nagpapahintulot sa PBMLP, nakalatag ang mga topikong at isyung pagtutounan ng pansin ng mga lokal na mambabatas na ito.

Kabilang ang may kaugnayan sa modernisasyon ng agrikultura, kung papano masolusyunan ang kahirapan at gayon din ang hinggil  sa gaganaping eleksyon sa taong 2013.

Inaasahang daan-daang partisipante na mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan mula sa iba’t ibang probinsiya ang tutungo sa Boracay para sa gaganaping convention na ito sa isang resort sa Station 2 ng islang ito sa darating na Miyerkules hanggang Biyernes.