ctto |
Boracay Island – Mas paiigtingin ngayon ng Office of the
Provincial Veterinarian ang pagbantay sa pantalan at paliparan sa buong Aklan
para maiwasan ang kaso ng African Swine Fever sa probinsya.
Ayon kay Dr. Ma. Cyrosa Leen Mabel Siñel, patuloy ang
pagkumpiska nila sa Kalibo International Airport ng mga bagaheng naglalaman ng
mga meat products na bitbit ng mga turista mula China at Korea.
Paliwanag nito, pwedeng manatili ng 140-days ang virus ng
ASF o African Swine Fever sa mga canned goods at mga processed foods.
Ang virus na ito ay walang direktang epekto sa tao
subalit paliwanag ng mga eksperto, kapag nakainin ng alagang baboy ang mga
kontaminadong produkto na ito ay magkakaroon ang mga ito ng ASF.
Kaya panawagan ngayon ng Department of Agriculture sa
publiko at mga may restaurant, huwag pakainin ng kaning-baboy o “damog” ang mga
baboy at sa halip ay feeds lang muna para maiwasan ang kaso ng ASF.
Sa rekord ng probinsiya, sa mahigit 120,000 na baboy, 90%
dito ay “backyard raising hogs” rason na kailangan na maiwasan na magkaroon ng
kaso dito.
Samantala, naglagay ng mga quarantine check points sa
bayan ng Altavas, Nabas, at Buruanga para masiguro na nasuri at nabigyan ng
Meat Inspection Certificate ng NMIS ang mga binabiyahe at ibebentang karne ng
baboy sa mga palengke.
Sa isla ng Boracay, nanawagan ang Office of the
Provincial Veterinarian sa mga stakeholders na tulungan silang i-kampanya na
huwag ipakain sa baboy ang mga left-overs o tirang pagkain mula sa mga
restaurants.
Sa mga susunod na araw ay susuyurin din nila ang mga
Korean at Chinese stores para ma-inspeksyon ang mga panindang galing sa
kanilang lugar lalo na ang mga produktong karne.