YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 28, 2012

MOA ng “Roots for Boracay Project”, nalagdaan na


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Naging matagumapay at makulay ang aktibidad kung saan pormal nang isinagawa ang Signing of Memorandum of Agreement (MOA)  sa gitna ng Lokal na pamahalaan ng Malay, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at Tan Yankee Foundation bilang financer ng “Roots for Boracay Program”.

Isang seryosong hakbang umano ito upang maaayos ang kapaligiran, maalagaan ang isla at maibalik ang mga nawalang yaman sa Boracay.

Ito ang laman ng mga mensaheng ipina-abot ng halos bawat kampo na bahagi ng programang ito nitong hapon.

Sa proyektong ito ng Tan Yankee Foundation at Tanduay sa pangunguna ng kanilang Chairman na si Dr. Lucio Tan, ang isla ng Boracay ang makikinabang dahil isang ektarya ng coastal area sa Lugutan sa Sitio Tulubhan Manoc-manoc ang tataniman ng mangroves, sapagkat malaking tulong ito laban sa sand erosion na nararanasan sa isla at pati na rin sa Climate Change.

Labis-labis na pasasalamat naman ang ipinakita ni Malay Mayor John Yap sa mga nakibahagi sa proyektong ito.

Sa kabila nito, malaking hamon umano para sa Boracay ang mapanatili ang ganda ng isla lalo pa at hinirang ito na “2012 Best Beach in the World”.

Sa bahagi naman ng DENR, na isa sa lumagda at bahagi ng MOA, bagamat hindi nakadalo si DENR Sec. Ramon Paje, inilahad naman ni Dir. Miguel Cuna ng Environmental Management Bureau (EMB-DENR) ang mesahe nito, kung saan bagamat over develop na  aniya ang Boracay, oras na rin umano para itama kung ano ang mga mayroon dito at ang “Root for Boracay” ang isa sa magandang hakbang.

Maliban sa mga nabanggit na personalidad, dumalo din sa Signing of MOA si DENR Region 6 Director Julian Amador, BCCI President Ariel Abriam,  Presidential Adviser for Climate Change Sec. Elisea Gozun, at  Ms. Earth 2012 Stephany Stefanowitz. 

MAP at Pulis sa Boracay, maaari nang mag-isyu ng LTO TOP


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi na dapat ikagulat pa sa Boracay kung mag-isyu man ng Land Transportation Office o LTO Temporary Operator's Permit (TOP) ang isang miyembro ng Malay Auxiliary Police MAP at Pulis dahil sa paglabag sa batas trapiko sa isla.

Ito ay dahil na-deputize na ang ibang miyembro ng MAP at pulis kaya anumang oras ay maaari na nilang ipatupad ang nasyonal na batas sa kalye o trapiko sa paraan ng paghuli sa lumalabag.

Kinumpirma din ni Island Administrator Glenn Sacapaño, na anumang oras oras ay pwede nang mag-isyu ng violation ticket  o TOP ng LTO ang MAP at pulis dito, lalo na ang pagkumpiska sa mga drivers license.

Subalit nilinaw ni Sacapaño na ang drivers license na makukumpiska ay ipinapadala sa bayan ng Kalibo at doon dapat bayaran ang violation na nagawa maging ang pag-release sa mga lisensiyang ito.

Hiniling naman si Sacapaño na ngayong deputize na ng LTO ang pulis at MAP sa isla, dapat ay mainitindihan din ng publiko sa Boracay ang batas trapiko at sundin ito upang wala nang argumento kapag nahuli. 

Mala-kaldero at hard hat na helmet, mababawasan sa kakalsadahan ng Aklan


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahang mababawasan na ang malakaldero at tila hard hat na helmet na ginagamit ang mga motorista sa kalye sa Aklan.

Ito ay sa oras na isang daang pursiyento nang makapasa sa gagawing inspeksiyon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga helmet dito.

Ito ang sinabi ni DTI-Aklan Director Diosdado Cadena sa panayam dito kahapon, kasunod ng pagsisiyasat nilang ginagawa sa mga Helmet.

Kapag makapasa sa standard para sa safety, tinatatakan ito ng DTI ng Import Commodity Certificate o ICC Sticker.

Ngunit aniya ang usaping ito ay nakadepende sa kung gaano ka strikto ang Land Transportation Office o LTO sa pagpatupad sa “No Travel, No Helmet” Policy.

Umaasa naman si Cadena na mangyayari ito, dahil para sa kaligtasan naman ito ng mga motorista at kanilang mga angkas.

Sa ginagawa umano nilang pagsusuri na ito, maliban sa brand ng mga helmet, tinitingnan din nila kung pwede pa ba itong gamitin, at kapag nakitang hindi makakapasa sa assessment, ay hindi na tinatatakan pa ng ICC stricker ang mga helmet na wala nang strap at may mga crack o sira na.

Layunin umano ng DTI ay masigurong kapaki-pakinabang pa ang mga gamit na ito ng motorista upang mabawasan ang bilang ng aksidente na napuputukan ng ulo. 

Pontoon para sa Cargo Area, malabo pa


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa patuloy na nararanasan ang malalaking alon sa baybayin ng Boracay at Caticlan, nahihirapan naman ngayon ang mga bangkang pang-cargo na maisakay ang mga karga na dinadala sa Boracay.

Bunsod nito, ang kooperatiba ng bangka sa cargo area ay umaapela ngayon sa lokal na pamahalaan ng Malay na sana ay mapansin din ang kanilang sitwasyon.

Kasabay nito ay humiling ang kooperatiba ng kahit isang pontoon o nakautang na pantalan lamang na siyang magsisilbing tulay para daanan papunta sa bangka na hindi din sila nababasa.

Ang apela ng kooperatiba ng cargoes na ito ay ipina-abot na rin sa Sangguniang Bayan ng Malay, at humingi ng atensiyon kapalit din umano ng kanilang binabayaran na buwis sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Subalit nang ilatag palang ito sa konseho, tila kabiguan na agad ang tugon dito.

Dahil sa pinansiyal kondisyon umano ng LGU Malay, na di umano ay wala pang pondo na paghuhugutan para sa pontoon na ito.

Kaya sa ngayon ay mistulang malabo pa ang pagkakataon na mapagbibigyan ito, pero hindi naman lubusan pang ibinasura ng konseho ang bagay.

LGU Malay, ipinagpasalamat at ipinarada ang “Best Beach in the World” award


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Ipinarada kahapon ng hapon ang pinakamataas na award na natanggap ng Boracay na “Best Beach in the World” mula sa pagkilala ng mga turista sa ginawang survey ng Travel + Leisure Magazine.

Tinanggap ang nasabing award ni Malay Mayor John Yap na si Abigail Yap nitong ika-19 ng Hulyo sa New York City.

Nabatid mula kay Chief Tourism Operation Officer Felix Delos Santos Jr. na pinangunahan  ni Mayor Yap ang okasyon kahapon at inumpisahan ito sa isang misa sa Holy Rosary Parish Church  at doon din mismo nagpaabot ng kaniya pasasalamat ng nakamit ang award na ito ng Boracay.   

Pagkatapos ng misa ay isinunod naman ang isang “merry making” o sadsad mula Station 1 hanggang Station 2 sa Front Beach, habang bitbit ang parangal na ito upang maibahagi din sa publiko sa Boracay.

Ayon din kay Delos Santos, ang mga Boracaynon at Malaynon, gayon din ang mga stakeholder isla ay may malaking kontribusyon para makamit ang pinakamataas na parangal na nakuha ng isla.

Isa dun umano sa mga naging batayan sa pagkakapili sa Boracay bilang “Best Beach in the World” ay ang mapuputi at malinis na buhangin kung saan ang publiko ay may malaking naitulong umano para mapanatili ito.

Dinaluhan naman ang sadsad ng mga taga-lokal na pamahalaan ng Malay, kasali ang mga  Non-Government Organization, mga grupo ng mga stakeholders gaya ng  Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI),  Boracay Foundation Incorporated (BFI), mga miyembro Boracay Alliance Group (BAG) , Task Force Moratorium  at iba pa.

Dumating din ang tatlong tanyag na tribu mula sa bayan ng Kalibo na nanalo sa Ati-atihan para maki-isa at bigyang kulay ang aktibidad maliban pa sa dalawang tribu mula dito sa Boracay. 

Friday, July 27, 2012

Daloy ng turista sa KIA, masigla pa rin


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Naging masigla parin ang daloy ng turista sa Kalibo International Airport o KIA hanggang sa ngayon kahit maituturing na hindi na buwan ng peak season sa Boracay dahil sa madalas na pag-ulan.

Ito ang inihayag ni KIA Manager Engr. Percy Malonesio sa panayam dito kahapon, kung saan aniya malaki ang kontribusyon sa pagdagsa ng mga turistang ito ang karagdagang flight sa mula at papunta sa ibang lalawigan o probinsiya.

Aniya, sa ngayon may biyahe na mula KIA papuntang Cebu at Davao.

Pero sa ngayon tila wala pa umano silang naririnig na kahit proposisyon na magkaroon ng flight mula KIA papuntang Palawan vice versa.

Subalit sinabi nitong ang international ay nadagdag din ang beyahe dahil sa may direct flight din papunta at mula sa Hongkong.

Maliban dito tumaas na rin aniya ang bilang ng beyahe ng eroplano sa paliparang ito lalo pa at 24-oras ang operasyon ng KIA.

Samantala nanatili naman ayon kay Malonesio ang biyahe papuntang Taiwan at ibang bahagi ng China.

Ikinatuwa rin nitong ibalita na sa susunod na buwan ay babalik ang biyehe ng eroplanong may rutang Shanghai, China papunta KIA vice versa.

Matatandaang tatlong buwan na ang nakalipas nang pangsamantalang itinigil ng Airline company ang biyahe nila sa Shanghai China, kasunod ng Travel Advisory ng China laban sa Pilipinas. 

260-milyong utang ng probinsiya para sa reklamasyon sa Caticlan, pinuproblema na ng SP


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat pinunduhan na ng pamahalaang probinsiya ng Aklan ang pambayad sa 260 milyong Bond Floatation para sa reklamasyon sa Caticlan at pasok ito sa 2011 at 2012 buget.

Pinoproblema parin ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang bagay na ito sapagkat, malaking halaga umano ang binabayaran quarterly ng probinsiya na umaabot sa mahigit pitong milyong piso, pero wala manlang umanong kinita ang investment na ito.

Kung saan ang tinutukoy ng SP ang pagkasuspende sa ginagawang reklamasyon sa Caticlan kaya hindi makausad ang proyekto kaya walang kita ang probinsiya na makukuha mula dito ayon kay SP Member Sylwin Ibaretta.

Sapagkat makaraang ma-aprobahan ang bond floatation noong huling bahagi ng 2010.

Nitong taong 2011, buwan ng Hulyo ay sinimulan na itong bayaran ng mahigit pitong milyon ng probinsiya sa bangkong pinagkaka-utangan.

Sa kasalukuyan ay may mahigit 231.1 milyon pa umanong utang ang probinsiya na dapat mabayaran hanggang sa taong 2020.

Sa kabilang banda dismayado naman ang SP sa pangyaring ito.

Pero naniniwala ang mga ito na sa oras na matanggap na ng Supreme Court ang mosyon ng probinsiya kasama ang ang resulosyon ng Boracay Foundation Incorporated/BFI na pumapayag na sa 2.6 hectar na reklamasyon sa Caticla, may posibilidad na matuloy umano ang proyektong ito. 

Mga katutubong pakalat-kalat sa Station 3, aaksiyunan ng LGU Boracay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nangako si Island Administrator Glenn Sacapaño na a-aksiyunan nila ngayong araw ang reklamo ng isang resort sa Station 3 na umano ay isang grupo ng mga katutubo ang umaakupa sa harap ng isang bankante lote sa front beach, at doon na naglatag ng kanilang barong-barong.

Ayon kay Sacapaño, ang bagay na ito ay pagtutulungan nilang ayusin ng Municipal Social Worker ng Malay.

Sapagkat wala naman aniyang batas na nagbabawal sa mga katutubo na magpunta sa Boracay at basta lamang itaboy.

Subalit ang pinagtataka ngayon ng administrador kung at papano nangyari na nakapaglatag ang mga ito ng kanilang pansamantalang barong-barong sa front beach.

Sa ulat, di umano ay nagkakalat at nagdudumi ang mga katutubong ito sa area na tinutukoy na di umano ay nakikita rin ng mga turista ang kanilang ginagawa sa araw araw at maging ang mga dayuhan ay nagbabahala na rin para sa mga ito.  

“2012 Best Beach in the World” award ng Boracay, natanggap na


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Pormal na ngang napasakamay ng lokal na pamahalaan ng Malay ang parangal na nagpapatunay na ang Boracay ang napili bilang “2012 Best Beach in the World” ng Travel Leisure Magazine.

Ang parangal na ito ay tinangap mismo ng butihing may bahay ni Malay Mayor John Yap na si Abigail Yap nitong nagdaang ika-labin siyam ng Hulyo sa New York City.

Kung saan, dalawa ang naging representante ng Boracay sa nasabing okasyon, dahil kasama ni Gng. Yap na tumangap sa award na ito ang representante din ng Department of Tourism.

Kaugnay nito naghahanda na rin sa kasalukuyan ang Municipal Tourism Office ng Malay ng isang salo-salo para masilayan din ng publiko ang award na natangap ng Boracay, at upang mapasalamatan na rin ang mga stakeholder sa isla na siyang isa sa may malaking kontribusyon upang makamit ito titulo na “2012 Best Beach in the World”.

Samantala, sa sesyon naman ng Sangguniang Bayan ng Malay kamakalawa, iminungkahi ni SB Member Jonathan Cabrera sa paraan ng panukala na magpasa ng resolusyon na nagpapakikita ng pagkagiliw sa pagkilalang ginawa ng Travel Leisure Magazine sa isla bilang pinakamagandang Beach sa buong mundo ngayon taon.

Pagtaas ng terminal fee sa Kalibo International Airport, paunti-unti lang


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mariing pinabulaanan ni Kalibo International Airport Manager Engr. Percy Malonesio na ipinatupad na nila ang dagdag singil sa Terminal Fee doon.

Aniya kung may balita mang lumalabas na nagsimula na silang magpatupad ng mataas na singil, wala umanong itong katotohanan.

Sapagkat hanggang sa ngayon ay wala pang abiso sa kanila ang Civil Aviation Authority of the Philippines/CAAP kung kaylan ipapatupad.

Pero naniniwala itong positibo ang magiging tugon ng CAAP sa kanilang isinusulong na planong paniningil.

Kaya , nananatili parin umano sa apatnapung piso ang terminal fee ng domestic flight mula sa balak nilang itaas ito ng hanggang dalawang daang piso.

Samantala limang daang piso parin aniya ang singil nila ngayon sa may international flight gayong pitong daang piso ang proposisyon nila.

Subalit inihayag nitong, kung matutuloy man ito, hindi aniya isang bagsakan lamang, dahil gagawin umano itong paunti-unti at baka isang daang piso muna ang idadagdag at makaraan ang ilang buwan ay saka nila muling hihilingin ang dalawang daan para sa domestic at pitong daang piso sa international flight. 

Municipal Agriculture Office ng Malay, dumaranas ng hirap


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Municipal Agriculture Officer Anery Solano na pansamantalang nilang itinigil ang paghuhuli sa mga asong pagala-gala sa kalsa sa buong bayan ng Malay dahil sa nararanasang kakulangan sa gamit ng kanilang tanggapan.

Sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay, kasabay ng pag-amin nito, nagpaliwanag si Solano sa mga konsehal kung bakit itinigil nila ang operasyon ng dog catcher.

Kaugnay nito, inilatag din niya ang mga problema nila sa kaniyang tangapan kabilang na ang, di umano ay hindi ka nais-nais na sitwasyon ng dog found o selda na pinaglalagyan ng mga nahuling galang aso, sira at walang driver na nagmimentina sa  sasakyan gayon din hindi aniya maayos ang daan patungo sa dog found.

Bunsod nito nagpahayag naman ng kahandaan ang konseho na tumulong sa mga suliraning dinaranas ng Municipal Agriculture Office.

Si Solano ay pinatawag sa sesyon ng SB dahil na rin sa reklamo ng ilang Barangay na umano ay marami paring mga aso ang gumagala na siyang kalimitang pinagmumulan ng aksidente sa kalye, madalas na nagkakalat ng dumi sa kung saan  at naghahabol at nanga-ngagat pa. 

Enclosure ng mga bar sa Boracay, ipapatupad na simula ngayong Agosto


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Isang linggo na lang at ipapatupad na ang enclosure sa lahat ng Bar sa Boracay, bilang pagpapatibay sa pagbabawal at implementasyon may kinalaman sa Ordinansang Noise Pollution sa isla.

Ayon kay Island Administrator Glenn Sacapaño, ngayong a-uno ng Agosto ng kasalukuyang taon ay ipapatupad na nila ang bagay na napagkasunduan ng LGU Malay at mga Bar operator at owners.

Ito ay gawing sarado o sound prop na ang gusali ng kanilang establishsmento para makaiwas sa subrang lakas na tugtog na nakakapagbulahaw sa mga nagmamahingang turista.

Ayon kay Sacapaño, nakita naman nito ngayon na ginagawa naman ng may-ari ng bar sa Boracay ang kanilang bahagi para tumalima sa kanilang pangako sa lokal na pamahalaan ng Malay na walang na halos ingay na lalabas sa kanilang establishsmento lalo na sa hating gabi.

Kung hindi naman aniya natupad ng mga ito na isarado ang gusali ng kanilang bar, mapipilitan na umano ang LGU Malay, na ipatupad na hanggang alas dose lang ang operasyon ng mga bar na ito.

Samantala, ang mga tumalima sa kasunduan ay kahit magdamag aniya ang operasyon, ang mahalaga ay walang ingay na madadala sa mga nagpapahinga nang indibidwal.

Kaugnay nito, inihayag naman ng Administrador na napadalhan na rin nila ng sulat upang paalalahanan ang mga bar operator at owners hinggil sa implementasyong ito.