YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, September 30, 2019

Guest Relation Officer o (GRO) kalaboso sa pagbebenta ng ilegal na droga

Posted September 27, 2019

Kalaboso sa pagbebenta ng sinasabing iligal na droga ang isang Guest Relation Officer o GRO kaninang umaga sa Sitio Lugutan, Brgy. Manoc-manoc, Boracay.

Ang suspek ay si Keziah Ann Mikaela Villanueve, 21-anyos, native ng Sta. Fe, Zarraga, Ilo-Ilo at pansamantalang nakatira sa Sitio Malabunot ng nasabi ring Brgy.

Nahuli si Villanueva ng kapulisan matapos itong mabilhan ng apat na sachet ng pinaniniwalang shabu kapalit ng P 2, 200.

Samantala sa isinagawa pang body search nakuhaan pa ito ng lima pang sachet ng droga.

Pansamantalang ikinustodiya ang suspek sa Malay PNP at mahaharap ito sa kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Water Activity sa Boracay tuloy sa kabila ng nangyaring insidente sa Dragon Boat

Posted September 26,  2019

Image may contain: ocean, water and outdoor
photo credit:
“Walang kanselasyon ng mga water activity sa isla”.

Ito ang sinabi ni Lieutenant Commander Marlowe Acevedo, PCG-Aklan station commander, sa kabila ng nangyaring pagkalunod ng pitong miyembro ng Boracay Dragon Force Team matapos tumaob ang kanilang sinasakyang 20-seater dragon boat habang binabaybay kahapon ang area ng Tulubhan Bay, Brgy. Manocmanoc.

Aniya, tuloy parin at regular ang operasyon ng mga water sports at ibang mga aktibidad na ginagawa sa baybayin ng isla ng Boracay.

Sa ginanap na Incident Management Conference kahapon, napag-alaman na alon at hangin ang dahilan ng paglubog ng dragon boat at walang suot na lifevest ang mga atleta.

Inirekomenda rin ni Acevedo na magdagdag pa ng mga kagamitan sa rescue operation dahil hindi pa umano sapat.

Dahil sa pangyayari, payo nito sa iba pang dragon boat teams na nagsasanay ngayon, kailangan isipin ang seguridad ng bawat isa, alamin ang lagay ng panahon bago puntahan ang lugar, at makipag ugnayan sa mga concern agency.

Samantala, sa pitong namatay, dalawang bangkay pa ang hindi nakukuha ng kanilang pamilya at nasa pangangasiwa ngayon ng Malay Health Office at MSWDO.





Posted September 25, 2019

UPDATE:

Image may contain: 3 people, people standing, crowd and outdoorPito ang idineklarang patay sa nangyaring paglubog ng dragon boat sa Tulubhan Bay, Manocmanoc kaninang umaga.

Ang mga biktima ay kinilalang sina:

1. Arcob Comar
2. John Vincent Natividad
3. Mark Vincent Navarrete
4. Johann Tan
5. Maricel Tan
6. Rachel Montoya
7. Antonette Supranes

Sa labing-apat na survivors, nasa hospital pa rin ngayon si Von Navarrosa.

Ayon sa isang survivor, nasa layong 300 meters mula sa dalampasigan ng Tulubhan ng pasukin ng tubig dagat ang kanilang 20-seater na dragon boat.

Ang ilan sa kanila ay kumapit sa lumubog na dragon boat habang ang iba ay pinilit na lumangoy pabalik sa dalampasigan.

Ang grupo na Dragon Force ay magsasanay sana para sa parating na international competition.



Mag-ina sa boracay, binaril ng guwardiya

September 23, 2019
Teresa Iguid, YES THE BEST BORACAY NEWS

Isinugod sa ospital ang mag-inang biktima ng pamamaril matapos pasukin at putukan ng baril ang mga ito sa loob ng kanilang bahay sa Tapus Compound, Sitio Pinaungon Ibabaw, Balabag kagabi.

No photo description available.
photo credit:
 Kinilala ang mga biktima na sina Liberty Asuncion, 50 anyos at ang anak nitong si Edwin Asuncion 22 anyos ng naturang lugar.

Batay sa blotter report, bandang 8:30 kagabi habang naghahanda ng hapunan sa kusina ang mag ina nang bigla na lamang silang pinasok ng suspek na kinilala kay Generoso Andongan 54 anyos, isang security guard at pinutukan gamit ang “shotgun”.

Sa salaysay ng biktimang si Edwin, maliban kay Andongan ay may kasama pa itong guwardiya na sina Sanny Boy Andol na nagsilbi umanong “back-up gunman” at Romeo Villarias Jr.

Nagtamo ng tama ng shotgun sa ibat-ibang parte ng katawan ang mga biktima kung saan ang nanay na biktima ay ini-refer sa Kalibo para sa karagdagang atensyong medikal.

Matapos ang pamamaril, kumasa ng hot-pursuit operation ang pulisya at nadakip ang tatlong suspek subalit at-large pa ang isang alyas “Tatang” na umanoy kasama rin ng mangyari ang pamamaril.