YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 06, 2014

Clearing operation sa mainroad ng Boracay pinangunahan ng BAG

Posted December 6, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinangunahan ng Boracay Action Group (BAG) ang clearing operation sa mainroad ng Boracay bilang paghahanda sa bagyong Ruby.

Pinutol ng mga ito ang mga sanga ng punong kahoy sa gilid ng kalsada sakaling magkaroon ng malakas na hangin upang hindi ito magdulot ng epekto sa kalsadahin.

Nabatid na noong manalasa ang bagyong Yolanda kung saan sa naapektuhan ang Boracay ay maraming mga punong kahoy ang nagtumbahan at mga nabaling sanga na humarang sa daan na naging abala sa mga dumaraang motorista.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang pagkilos ng ibat-ibang grupo sa Boracay katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Malay sakaling maapektuhan ang isla ng bagyong Ruby.

Nakahanda na rin ang mga evacuation center sa tatlong Brgy. sa isla sakaling manalasa ang nasabing bagyo na ngayon ay patuloy na tinatahak ang Eastern Visayas na nakaapekto naman sa Panay Island.

Ang BAG ay isang epektibong NGO sa isla dahil sa kanilang ipinapakitang tulong at suporta sa lahat ng programa ng LGU Malay sa Boracay.

Pagpapatupad ng closure order sa Kalibo dumpsite, pinarerepaso na ng SP Aklan

Posted December 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinatigan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang sulat ni Kalibo Save The Mangroves Association (KASAMA) Chairman Atty. Allen Quimpo na ipatupad na ang closure order sa Kalibo dumpsite.

Ito’y dahil sa matindi na umanong polusyon na naidudulot nito lalo na sa Sooc River na malapit sa open dump site na makikita sa Bakhaw Sur Kalibo.

Unang ipinahayag ni Quimpo sa SP Aklan na nakasaad sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act ang pagbabawal na mag-operate pa ang isang dumpsite kapag nakakapekto na sa kalusugan ng mamamayan.

Nabatid naman na matagal na ring nagpatupad ng closure order” ang DENR tungkol sa nasabing open dump site.

Natuklasan din dito batay sa sa isinagawang pagsusuri ng DENR na highly pollutant na ang nasabing dumpsite, kung saan nakitaan na rin ito ng coliform bacteria.

Isang establisyemento sa Boracay, inereklamo ng paglabag sa Consumer Act

Posted December 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dumulog sa himpilan ng BTAC ang isang 37 anyos na lalaki matapos na bumili ito ng tablet na gadget sa isang establisyemento sa Manoc-Manoc Boracay.

Ayon sa blotter report ng BTAC, nagreklamo ng paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act ang kostumer na itinago sa pangalang “Jose” dahil sa umano’y hindi pinalitan ng nasabing establisyemento ang kanyang biniling tablet gayong mayroon pa itong one year warranty.

Sumbong ng biktima, binili nya umano sa halagang 3, 099 pesos ang nasabing tablet at nagpapasa umano ito ng larawan sa kanyang pamangkin gamit ang Bluetooth subalit nalamang hindi pala pwede at walang blue tooth device ang nasabing tablet.

Dahil dito, bumalik umano si “Jose” sa nasabing establisyemento at pinapapalitan na lamang ng ibang unit ang nasabing tablet, subalit ayaw na umano itong palitan at sa halip sinabihan umano ito ng staff doon na pumunta na lamang sa Roxas City at doon bumili ng bagong wireless device.

Bagay na ikinadismaya ni “Jose” at idinulog nalang ang nasabing kaso sa BTAC.

Samantala, ine-refer naman ngayon ng BTAC ang nasabing kaso sa Department of Trade and Industry (DTI).

Biyahe ng mga bangka sa Caticlan at Cagban vice versa, nag-resume na

Posted December 6, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sa kabila ng nakataas na signal number 1 sa lalawigan ng Aklan muling nag-resume ngayon ang biyahe ng mga bangka sa Caticlan at Cagban vice versa hanggang mamayang alas-11 ng tanghali.

Ayon kay Philippine Coast Guard Station Commandant Lt. Senior Grade Jimmy Oliver Vingno ng Caticlan Sub-Station Office.

Muli umano nilang ibinalik ang biyahe ng mga bangka sa nasabing mga pantalan maliban sa biyahe ng mga Cargo at Roro vessel dahil sa maayos pa naman umano ang lagay ng panahon sa karagatan.

Nabatid na itinigil ng Coastguard ang mga biyahe ng mga bangka alas-6 kagabe para sa seguridad ng mga turistang tatawid ng mainland at isla ng Boracay.

Samantala, kahapon rin ay nagpalabas ng kautusan si Aklan Governor Florecio Miraflores hinggil sa pagpapatigil ng mga sasakyang pandagat sa probinsya dahil sa maaaring pananalasa ng bagyong Ruby.

PRC-Boracay Malay, inihanda na ang buong rescuers para sa bagyong Ruby

Posted December 6, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Prepare NorCal: Bay Area Disaster Preparedness Resources | abc7news ...Inihanda na ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter ang kanilang buong rescuers para sa bagyong Ruby.

Ayon kay Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, magtatalaga umano sila ng volunteers sa bawat evacuation center sa tatlong Brgy. sa Boracay sa pakikipagtulungan sa Kabalikat Civicom na siya namang nakatalaga sa paggamit ng radio communication.

Maglalagay din umano sila ng nurse sa mainland Malay at mga volunteers sa Caticlan Jetty Port dahil sa inaasahang pagkakaroon ng stranded na pasahero.

Sinabi pa ni Schoenenberger na nakahanda na ang kanilang mga gagamiting first aid kit at transport health facilities.

Tiniyak naman nito na kung anong paghahanda ang kanilang ginawa noong manalasa ang super typhoon Yolanda sa isla ay ganon din ang kanilang gagawin ngayon sakaling maapektuhan ng lakas ng bagyong Ruby ang Boracay.

Samantala, nakahanda na rin ang mga gagamiting evacuation center sa isla ng Boracay maging ang mga relief goods sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

NGCP, nagpahiwatig ng kahandaan para sa paparating na bagyo

Posted December 6, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpalabas ng kalatas ang National Grid Corporation (NGCP) para sa kanilang paghahanda sa papasok na bagyong Ruby sa Western at Eastern Visayas.

Nakasaad dito na pinaghahandaan na nila ngayon ang kanilang mga communication equipments at hardware materials para sa posibleng pananalasa ng nasabing bagyo.

Kasama rin sa tinitutukan ng NGCP ay ang standby generators sets, sasakyan at ilang pang suplay na gagamitin para sa agarang pagsasaayos ng mga pasilidad na maaaring masira sa pagpasok ng kalamidad.

Samantala, nakahanda na rin ang kanilang mga line crew at helicopter para sa mga strategic areas na na matatamaan ng naturang bagyo.

Sa ngayon nakatutok na ang NGCP sa lugar na tutumbukin nito kung saan ang grid operator ay patuloy namang makikipag-ugnayan sa kanilang mga kustumer para sa balance system load at voltage kasama na ang mga LGU, Air Force of the Philippines at Philippine National Police sa mga areas na inaasahang maapektuhan ng weather disturbance.

Paghahanda para sa Pasko ng 3 barangay sa Boracay, kitang-kita pa rin sa kabila ng bagyong Ruby

Posted December 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ilang araw na lang ay Pasko na, at sa kabila nito ay mayroong pinangangambahang bagyong Ruby sa bansa.

Subalit marami pa rin sa isla ng Boracay ang abala sa paghahanda sa araw na ito, kung saan kitang-kita ang mga nag-gagandahang dekorasyon sa bahay man o establisyemento.

Kabilang na rin sa mga naghahanda na ng mga programa ay ang mga pinuno ng tatlong barangay sa isla na kinabibilangan ng Balabag, Manoc-Manoc at Yapak.

Gayunpaman, kasabay ng pagiging abala ng ilan sa pag-iisip at maagang pamimili ng kanilang mga pan-regalo ay abala din ang mga ito sa paghahanda at pagpaplano sa pananalasa ng bagyong Ruby sa isla.

Samantala, kampante naman ang mga residente sa isla ng Boracay sa mga ginagawang hakbang at kahandaan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) at lokal na pamahalaan sa nasabing bagyo.

Dagdag pa rito ay todo na rin ang paghahanda ng ilang mga pribadong sektor at iba’t-ibang establisyemento sa isla sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ruby.

Friday, December 05, 2014

DOT Region 6 naglabas ng advisory hinggil sa papasok na bagyo

Posted December 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpalabas ngayon ng advisory ang Department of Tourism (DOT) Region 6 hinggil sa papasok ng bagyong Ruby sa Eastern at Western Visayas. 

Nakasaad dito na ang lahat ng stranded na foreign at domestic tourist na kailangan ng assistance kaugnay sa kansilasyon ng biyahe ng mga sasakyang pangkaragatan ay kailangan lamang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan.

Kaugnay nito, sinabi naman ni DOT Regional Director Helen Catalbas sa mga hotel at resort owners sa Boracay na kung ang kanilang mga guest ay nakapag-check out sa oras na manalasa ang bagyong Ruby ay bigyan muna nila ito ng kunsiderasyon na makapag-stay hanggang sa oras na mawala ang bagyo.

Pag-aalala ni Catalbas hindi rin ang mga ito makakatawid sa mainland dahil na rin sa pagkansila ng biyahe ng sasakyan pandagat at pang-himpapawid.

Sa kabilang banda inabisuhan din ng nasabing ahensya na ikansila muna ang lahat ng mga island hopping activities hanggang sa makapag-bigay na ang Philippine Coast Guard ng signal kung kaylan ito muling ibabalik.

Malay Mayor John Yap, naglatag ng kahandaan ng Malay MDRRMC

Posted December 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

 Todo na rin ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Malay sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ruby.

Kaugnay nito, nagpalabas ng kalatas si Malay Mayor John Yap para sa iba’t-ibang mga establisyemento sa isla ng Boracay.

Batay sa kalatas na ipinadala ng alkalde, kailangan agad abisuhan ng mga resort at hotel  owner ang kanilang mga guest kapag ideneklara nang signal number ang Aklan.

Pinayuhan din nito ang pananatiling nakatutok sa mga travel advisory na ipinapadala ng MDRRMC at Coast Guard para sa ibayong pag-iingat.

Para maiwasan naman ang pagkakaroon ng stranded sa mga pantalan, hiniling din ni Yap sa mga resort at hotel owner na bigyan na lamang muna ng konsiderasyon ang kanilang  mga guest na nakatakda nang mag-check out hanggang sa matapos ang bagyo.

Dahil narin sa inaasahang kanselasyon sa mga flight ng mga ito dulot ng nasabing bagyo ay humihingi ng pag-unawa ang alkalde sa mga resort at hotel owner na pagbigyan ang kanyang kahilingan.

Ito’y bahagi na rin umano ng pagtulong sa mga turista na bumibisita sa isla ng Boracay at para maiwasan ang pagdagsa ng mga stranded na turista sa pantalan ng Caticlan at Boracay.

Klase sa Aklan, suspendido na ngayong Biyernes dahil kay 'Ruby'

Posted December 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Suspendido na ang mga klase sa iba't ibang paaralan sa Aklan dahil sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Ruby.

Batay sa ipinadalang kalatas ng Department of Education (DepEd) Aklan Schools Division Superintendent Dr. Jesse Gomez.

Ang nasabing kautusan ay base na rin sa ipinadala ng gobyerno sa ahensya ng DepEd sa iba’t-ibang mga lalawigan sa bansa.

Samantala, batay naman sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), 18 lugar ang nasa ilalim ng storm signal number 2 habang nakataas ang signal number 1 sa 16 lugar.

Nabatid na sa panuntunan ng DepEd, awtomatikong suspensyon ng pasok sa kindergarten kapag signal no. 1, walang pasok sa kindergarten, elementary at high school kapag signal no. 2 at lahat naman ng antas kapag nasa signal no. 3 na ang babala ng bagyo.