YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 29, 2014

ABS-CBN News Chief, ninakawan ng pera at gadget sa Boracay

Posted March 29, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Maaga pa lang kanina nang sumugod sa Boracay PNP Station si ABS-CBN Bacolod News Chief Harold Limbo.

Hindi upang kumuha ng police report kundi upang magpa-blotter.

Ninakaw umano kasi ang kanilang pera at gamit sa loob mismo ng kanilang kwarto sa tinutuluyang resort sa So. Manggayad Barangay Balabag Boracay.

Base sa report ng Boracay PNP, iniwan ng mga biktima ang kanilang gamit sa kwarto ng tinutuluyang hotel at nag-dinner sa labas.

Subalit nang bumalik na umano ang mag-asawa at nang suriin ang mga gamit, ay doon na nalaman na nawawala ang kanilang pera na nagkakahalaga ng limang libong piso, at tablet na nagkakahalaga ng 15 thousand pesos.

Naniniwala naman si Limbo na inside job ang nangyaring pagnanakaw at dismayado rin ito dahil sa kawalan ng CCTV at kaukulang seguridad sa nasabing hotel.

Nabatid na napiling magbakasyon sa Boracay ng mag-asawa para ipagdiwang sana ang kanilang wedding enniversary.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station.

Earth Hour 2014 ngayong gabi, suportado ng mga establisyemento sa Boracay

Posted March 29, 2014 as of 2:00pm
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Gaganapin ngayong gabi ang taunang Earth Hour.

Kaya naman naghahanda na rin ang mga establisyemento sa Boracay para sumuporta sa nasabing aktibidad.

Kaugnay nito, mahigpit rin ang ipatutupad na seguridad mamayang gabi ng mga taga Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) lalo na’t magpapatay ng mga ilaw at iba pang kagamitan na gumagamit ng kuryente ang publiko.

Samantala, maaalalang hinihikayat ng Department of Natural Resources (DENR) ang mga Pilipino na makiisa sa isang oras na pagpatay ng ilaw mula alas-8:30 hanggang alas-9:30.

Ito’y dahil sa makatutulong umano ito upang labanan ang climate change na sanhi ng mga kalamidad.

Inaasahang namang makikiisa sa Earth Hour 2014 ang 153 bansa kabilang ang Pilipinas.

Nabatid na ito na ang pang-anim na beses na aktibong nakilahok ang Pilipinas sa Earth Hour simula nang sumali ito noong taong 2008.

Mga gumagamit sa mga menor de edad para mamalimos sa Boracay, kakasuhan ng MSWD

Posted March 29, 2014 as of 12:00nn
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

child protection -Hindi naman araw ng Pasko, pero nagkalat ang mga batang namamalimos sa front beach ng Boracay.

Kaugnay nito, hindi isinasantabi ng Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ang posibilidad na inuutusan ng mga mas nakakatanda ang mga bata upang mamalimos.

Ayon kay MSWDO Head Magdalena Prado, maaaring kasuhan ang mga gumagamit sa mga menor de edad sa ilalim ng Republic Act No. 7610 na nagbibigay proteksyon sa mga kabataan laban sa pangaabuso at pangbubugaw.

Gayunpaman, sinabi ng Department of Social Welfare and Development na bumabalangkas na sila ngayon ng mga programa upang maisaayos ang kapakanan ng mga kabataan.

Humihingi din ang MSWD ng agarang kooperasyon sa publiko kaugnay sa mga pagala-galang namamalimos sa isla para mabigyan ng aksyon.

MSWD, aminado sa mga problema na may kaugnayan sa mga katutubong namamalimos sa Boracay

Posted March 29, 2014 as of 7:00am
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa komplikadong mga bagay na may kinalaman sa mga katutubong namamalimos sa Boracay.

Aminado ngayon ang Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO) ng Malay na hirap sila at maingat sa mga ginagawang hakbang.

Ipinaliwanag ni MSWD Officer Magdalena Prado na dahil sa mga batas na nagpo-protekta sa mga katutubong sangkot sa ganitong gawain, nahihirapan din ang tanggapan nila sa pagbigay sulosyon sa bagay na ito.

Samantala, inihayag din ni Prado na kapag piniliit nila ang nais nilang mangyari, maaaring malabag ng MSWDO ang batas, katulad na lamang ng pagtataboy at hindi pagpapapasok sa Boracay ng mga katutubo, na labag naman sa karapatang pantao.

Katunayan, napag-usapan na rin umano ito kasama ang Commission on Human Rights at National Commission for Indigenous People (NCIP), subalit wala pa ring malinaw na solusyon.

Mga mag O-OJT sa Boracay, pinaalalahan ng DOLE Aklan

Posted March 29, 2014 as of 7:00am
Ni Jay-ar  Arante, YES FM Boracay

Pinaalalahanan ngayon ng Department of Labor and Employment (DOLE) Aklan ang mga nagbabalak na mag On The Job Training (OJT) sa isla ng Boracay.

Ito’y sa kabila ng pagdami ng mga nag O-OJT sa isla na nagmumula pa sa ibat-ibang kolehiyo o Unibersidad sa bansa.Ayon kay DOLE Aklan Provincial Director,Bediolo Salvacion.

May lumabas na umanong OJT manual na magiging guide nila kung ano ang dapat nilang pasukang trabaho na sakto sa kanilang kinuhang kurso.

Samantala, sinabi pa ni Bediolo na ayos lang umano ang mga nag O-OJT sa Boracay dahil ang kanilang trabaho ay kuniktado naman sa kanilang kurso kagaya ng sa hotel at restaurant.

Nilinaw pa nito na sadyang mayroon aniyang mga OJTs na sila pa ang nagbabayad para lamang makapagtrabaho sa kanilang training ground.

Ang nasabing OJT ay isang requirement sa mga graduating student, kung saan may kaugnayan ito sa kanilang kinuhang kurso at bilang paghahanda sa kanilang magiging trabaho sa kasalukuyan.