YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 14, 2015

PSA magdiriwang ng Civil Registration Month ngayong Pebrero

Posted February 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Magdiriwang ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng taunang Civil Registration Month ngayong buwan ng Pebrero.

Ayon kay Rodelyn Panadero, Statistician II at kasalukyang Officer-in-charge ng PSA-Aklan, Layunin umano ng selebrasyong ito na himukin ang lahat na maging responsabli sa pagpaparehistro katulad ng mahalaga sa buhay na births, marriages at deaths upang maisaisip nila ang kahalagahan ng civil registration at vital statistics (CRVS).

Tema naman ng selebrasyon ng Civil Registration Month ay “Sama ka sa CRVS Groupie.”

Nabatid na magkaibang munisipalidad sa 17 bayan sa Aklan ang nagparehistro at nagsasagawa rin ng kaparehong okasyon.

Samantala, ang PSA-Aklan ay nakiisa rin sa One Billion Rising activity ng Gender and Development sa Aklan na isinagawa ngayon araw bilang kampanya para sa violence against women.

Pakikiisa ng GAD-Aklan sa “One Billion Rising”, umarangkada na ngayong araw

Posted February 14, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umarangkada na ang pakikiisa ng GAD-Aklan sa “One Billion Rising” ngayong araw ng mga puso.

Ayon kay GAD-Aklan Focal Person Jesebel Vidal, ang pakikiisa ng mga Aklanons sa “One Billion Rising” ay isang napakalaking hakbang para matapos na ang Violence Against Women and Children (VAWC).

Anya, ang nasabing aksyon ay masasabing isang panibagong pamukaw atensyon sa publiko base sa istatistika na  isa sa bawat mga kababaihan sa buong mundo ay sinasaktan o kaya naman ay ginagahasa.

Magpapatunay din umano rito ang ilang mga records na naitatala ng mga pulis, kung saan tumaas ang kaso ng mga sinasaktang babae nitong nakaraang taon at karamihan pa umano dito ay mga kabataan.

Samantala, kasama naman ng Gender and Development Commission (GADC) Aklan na nakisa sa “One Billion Rising” ang buong ahensya ng pamahalaang probinsyal, sektor sa edukasyon at iba pang mga pribadong grupo.

2 lalaki, ikinustodiya sa BTAC matapos magnakaw ng isang tray na boneless bangus

Posted February 14, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotterIkinustodiya sa himpilan ng Boracay PNP Station ang dalawang lalaki matapos na mahuling nagnanakaw ng isang tray ng boneless bangus.

Ayon sa blotter report ng BTAC, alas nueve kagabi nang pumasok di umano ang akusado na si Mark Anthony Echavez, 22 anyos ng Balabag Boracay at tinangay ang isang tray ng boneless bangus, kung saan nagkakahalaga ng apat na libong piso.

Nakita din ang look out di umano nito na si Bon Louie Bazarte na nakatayo sa labas ng resort.

Dahil dito, kaagad namang nahabol si Mark Anthony at naabutan malapit sa isang restaurant sa nasabi ding lugar saka nakuha ang isang tray ng boneless bangus.

Samantala, hindi pa naman batid kung itutuloy ba ang kaso sa dalawa.

Serbisyo para sa mga workers sa Boracay, ibinida ng Jetty Port Administration

Posted January 14, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for jetty portIbinida ng Caticlan Jetty Port Administration ang ibat-ibang serbisyo para sa mga nagtratrabaho sa isla ng Boracay.

Ayon kay Jetty Port Administrator Niven Maquirang, uunahin nilang bigyan ng serbisyo ang mga workers na tatawid sa Boracay.

Kabilang sa kanilang ibinida ay ang paglalaan ng sariling entrance sa mga nagtratrabaho sa isla ng sa gayon ay hindi na sila makipagsiksikan pa sa mahabang pila ng mga turistang magbabakasyon sa Boracay.

Kaugnay nito ang Caticlan Boracay Transportation Multi Purpose Cooperative (CBTMPC) ay nakatakda ring magbigay ng discount fare sa mga Aklanon lalo na sa mga taga Boracay kung saan ang P25 na kanilang binabayaran sa bangka ay magiging P20 nalang sakaling makakuha sila ng discount card.

Samantala, isa pa sa mga plano ng CBTMPC para sa mga residente sa Boracay ay ang P100 na pamasahe mula sa isla papuntang bayan ng Kalibo, kung saan maaari nila itong ma-avail mula sa tanggapan ng nasabing kooperatiba.

Reclamation Project sa Caticlan, muling pinag-usapan ng provincial government

Posted February 13, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muling pinag-usapan nitong Sabado sa isang pagpupulong ng Aklan Provincial Government ang Reclamation Project sa Caticlan, Malay.

Ito ang kinumpirma mismo ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang.

Kaugnay nito, magugunita na nitong nakaraang taon ay inasikaso ng pamahalaang probinsyal ang ilang mga problema sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para makumpleto ang mga kinakailangang dokumento na isusumite sa korte suprema.

Samantala, bagamat hindi muna ginagalaw ang reclamation project sa Caticlan, ginagamit naman ito ng ilang mga cargos bilang loading area para sa mga dinadala nilang produkto o kargamento papuntang Boracay.

Matatandaang nagpalabas ang kataas-taasang hukuman ng Temporary Restraining Order (TRO) upang ipahinto ang P1-billion project ng probinsya na i-reclaim ang tens of hectares ng Boracay Island at Caticlan, dahil sa ilang isyung pangkapaligiran.

Bagay na inalmahan din ng mga stakeholders sa Boracay.

Friday, February 13, 2015

Kalibo Airport Expansion project tinatayang matatapos sa Abril 2015

Posted February 13, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for kalibo airportInaasahang luluwag na ang Kalibo Airport Terminal.

Ayon kasi kay Kalibo CAAP o Civil Aviation Authority of the Philippines chief Cynthia Aspera, posibleng matatapos na sa buwan ng Abril ang 44 ektaryang Kalibo Airport Expansion project.

Taliwas naman ito sa nauna niyang sinabi na target matapos sa buwan ng Disyembre nitong nakaraang taon ang ginagawang terminal.

Kaugnay nito, magugunita ring humingi ng pang-unawa si Aspera sa nararanasang pagsikip ng paliparan matapos magpadala ng sulat kay DOTC o Department of Transportation and Communications Secretary “Jun” Abaya ang PCCI o Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay.

Ayon sa PCCI, hindi kayang suportahan ng nasabing paliparan ang pagdagsa ng mga turista, at mga business travelers.

Samantala, bahagi naman ng nasabing proyekto ang pagkakaroon ng bagong passenger terminal buildings, access roads at parking area.

Sinabi naman ni Abaya sa isang panayam na kailangang palawakin ang paliparan base na rin sa standards ng International Civil Aviation.

Mga delegado na kasama sa APEC Summit sa Boracay inaasahang dadami pa

Posted February 13, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaasahang dadami pa ang bilang ng mga delegadong dadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit 2015 sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Malay SB Member at APEC 2015 Focal Person Rowen Aguirre matapos siyang dumalo sa Seniors Officers Meeting (SOM) 1 sa Clark Pampangga bilang bahagi ng preparasyon ng APEC nitong nakaraang linggo.

Dito umano sinabi sa kanya ng ilang miyembro ng SOM 1 na asahan ng LGU Malay na baka dumami ang mga partisipanting dadalo sa naturang Summit sa isla.

Ito ay dahil nalaman ng mga delegates na may gaganaping meeting sa isla ng Boracay kung saan parang lahat umano sila ay gusto na ring mag meeting dito dahil sa sikat na lugar.

Nabatid naman na mayroon initial records na 1, 800 hanggang 2, 000 delegates ang inaasahang pupunta sa Boracay mula sa ibat-ibang bansa para dumalo sa APEC Summit.

Samantala, sinabi pa ni Aguirre na gaganapin ang unang meeting sa darating na Mayo 10 na susundan naman ng Ministerial meeting sa Mayo 23-26 hanggang sa magtuloy-tuloy ito sa iba pang araw.

60 anyos na turistang babae, ninakawan ng pera at gamit sa Boracay; suspek, huli sa CCTV

Posted February 13, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotterHuling-huli sa CCTV Camera ng isang resort sa Balabag Boracay ang pambibiktima ng dalawang kawatan sa isang turistang babae.

Ayon sa blotter report ng BTAC, kumakain sa restaurant ng nasabing resort ang turistang si Jeannine Curd, 60 anyos, taga New Zealand nang mabiktima ng magnanakaw.

Anya, isinabit nito ang kanyang sling bag sa likuran ng kanyang upuan at naghapunan bandang alas nueve kagabi.

Subalit, nang magbabayad na sana umano ito ay saka nya nalaman na nasa buhangin na ang kanyang sling bag, isang metro ang layo mula sa kanyang kinauupuan.

Dahil dito, dali-dali umanong kinuha ng matandang turista ang kanyang bag at tiningnan ang laman, subalit nawawala na ang kanyang pera na nagkakahalaga ng Php10, 080.00, 2000 na Indian Money, Credit Card at Visa Card.

Samantala, sa karagdagan pang imbestigasyon ng mga pulis, dalawang balot vendors din ang umano’y nakakita sa suspek na dala-dala ang nasabing sling bag subalit hindi nila ito pinansin sa pag-aakalang sa kanila ang nasabing bag.

Nabatid na nakasuot ng brown at itim na t-shirt ang dalawang suspek at naka-short.

Patuloy naman ngayon na tinutugis ng mga pulis ang mga nasabing suspek.

Mga metro ng BIWC na matatamaan ng road easement, ililipat

Posted February 12, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for water meterNakahanda ang Boracay Island Water Company (BIWC) na ilipat ang kanilang mga metro na matatamaan ng road easement ng LGU Malay.

Ayon kay  BIWC Chief Operating Officer Ben Mañosca, handa sila na makipagtulungan at sumuporta sa anumang programa ng lokal na pamahalaan lalo na’t para sa ikabubuti ng isla.

Kaugnay nito, ipinasiguro naman ni Mañosca na hindi maaapektuhan ang kanilang serbisyo kapag ililipat na ang ilang metro ng BIWC.

Samantala, sinabi din ni BIWC Costumer Service Officer Acs Aldaba sa panayam ng himpilang ito kaninang umaga na inaantay na lamang nila ang listahan ng kanilang mga metrong matatamaan ng road easement.

Magugunita na ang pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 2000-131 ng Malay ay nag-uutos ng anim na metrong road set back mula sa sentro o gitna ng kalsada sa anumang temporary o permanent structures.

Lalaki, pinagtulungang bugbugin sa Boracay; isa sa mga suspek, arestado

Posted February 12, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for police blotter
Arestado ang isa sa mga suspek na nambugbog kagabi sa 18 anyos na binata sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng BTAC, dinampot ng naka-duty na pulis sa plaza ng Yapak Boracay ang isa sa mga suspek matapos na magkaroon ng kaguluhan doon.

Lumalabas sa imbestigasyon na habang naglalakad di umano ang biktimang si “Reymond” papunta sa nasabing plaza kasama ang dalawa nitong kaibigan ay sinuntok umano siya sa bibig ng kinilalang si “Bentong.”

Para maiwasan na magkagulo pa sa lugar ay pinigilan na lamang di umano ng kanyang dalawang kaibigan ang biktima na lumaban.

Ilang sandali pa ay lumapit din umano ang dalawang itinuturo ding mga suspek na sina “Ronnel” at “Ralf” at pinagtulungang bugbugin ang biktima.

Dahil dito, nagtamo ng injury sa kanang paa at kamay gayundin din sugat sa bibig ang biktima.

Samantala, nang dumating ang mga pulis ay kaagad namang nakatakas ang iba pang mga nambugbog sa biktima, subalit naaresto ang isa sa mga ito na kinilalang si “Ralf”.

Nabatid naman na dahil sa pag-ibig ang naging dahilan ng nasabing gulo.