YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 13, 2014

1st Mayor’s Cup 2014, inorganisa para sa mga nagtratranaho sa Boracay

Posted September 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Para magkaroon ng bonding ang mga nagtratrabaho sa isla ng Boracay, isang basketball tournament ang inorgonisa ni Mayor John Yap.

Ito ay tinawag na Mayor’s Cup 2014 kung saan tampok dito ang mga nagtratrabaho sa isla mula sa ibat-ibang organisyon at resort sa Boracay.

Ayon naman kay Manoc-manoc Brgy. Kagawad at isa sa chairman ng palaro na si Loyd Maming layunin umano nito na mabigyan ng pagpapahalaga ang mga nagtratrabaho sa isla.

Nabatid na ito ang kauna-unahang palaro ng alkade sa Boracay na ang mga kasali ay mula sa ibat-ibang resort at restaurant kasama na ang Philippine Red Cross at Boracay Island Water Company (BIWC).

Samantala, ang nasabing Mayor’s Cup ay magsisimula ngayong araw ng Lunes na gaganapin sa Brgy. Manoc-manoc covered court.

Napag-alaman na isang magarbong awarding rin ang naghihintay para sa lahat ng mga sumali at sa mananalo kung saan may inihandang kasiyahan ang Alkalde.

Lalaking kinantiyawan habang kumakanta sa isang Videoke bar, kalaboso matapos magwala

Posted September 13, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Pagkatapos ng microphone, rehas naman ang hinawakan ng isang lalaking nagwala sa isang videoke bar kaninang madaling araw.

Ayon sa report ng Boracay PNP, kinantyawan umano ng iba pang customer doon ang nasabing lalaki habang kumakanta kung kaya’t nagalit ito at hinampas ang upuan sa sahig.

Natakot ang iba pang customer at staff ng Videoke bar kung kaya’t inawat na ito ng security guard doon.

Palabas na rin sana ito nang sinuntok pa niya ang dingding na salamin ng bar kung kaya’t nasugatan din ang kanyang kamay.

Lingid sa lalaki, may tumawag na pala ng pulis dahilan upang damputin siya at ipinasok sa selda.

Samantala, payo naman ng ilang mahilig pumasok sa mga videoke bar, huwag na lang pansinin ang mga nangungutya sakaling pangit ang iyong kanta upang iwas-disgrasya.

Fr. Jomel Zambrona ng HRP Boracay, iginiit na hindi sinapian ang mga mag-aaral ng Manoc-manoc National High School

Posted September 13, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Iginiit kahapon ni Fr. Jomel Zambrona ng HRP Boracay na hindi sinapian ang mga mag-aaral ng Manoc-manoc National High School.

Si Father Jomel ang mismong nagbendisyon at kumausap sa mga mag-aaral na sinapian umano matapos nilang mag-outing sa bayan ng Nabas.

Kasabay nito, sinabi din ni Zambrona na dapat pagtuunan ng pansin ng mga otoridad ang mga nasabing kabataan upang hindi mapariwara.

Umapela din ito sa mga magulang ng mga estudyante na dapat nilang subaybayan ang kanilang mga anak.

Samantala, nagsagawa na rin ng sariling imbistigasyon ang pamunuan ng Manoc-manoc National High School tungkol sa nangyari sa kanilang mga mag-aaral nitong Huwebes.


Nabatid na iginigiit ng ilan sa mga ito na masamang espiritu ang sumapi sa kanila dahilan upang isugod sila sa simbahan.

PSSupt. Samuel Nacion, na-relieve na

Posted September 13, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Naging totoo ang usap-usapan kaugnay ng pagkaka-relieve kay APPO OIC PSSupt. Samuel Nacion.

Sa kanyang text message kagabi sa himpilang ito, sinabi mismo ni Nacion na ililipat na siya sa Iloilo.

Ayon pa kay Nacion epektibo ang kanyang relieve order kahapon mula sa PNP Regional Office 6.

Kinilala din mismo ni Nacion ang papalit sa kanya na may floating assignment sa Region 6 na si PSSupt.Iver Apellido.

Samantala, sinabi pa ni Nacion na walang problema para sa kanya ang kanyang pagkaka-relieve.

Nabatid na naging usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang pagkaka-relieve kay Nacion na umupo bilang officer in charge ng Aklan Police Provincial Office ng halos isang taon.

Mobilization ng Community Health Teams ng Malay, inaprobahan na sa SB

Posted September 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaprubahan na sa huli at ikalawang pagbasa ng Sangguniang Bayan ang MoA tungkol sa mobilization ng Community Health Teams ng bayan ng Malay.

Sa ginanap na SB Session ng Malay nitong Martes, ang Chairman ng Committee on Laws na si SB Rowen Aguirre ang nag-aproba ng nasabing Memorandum Of Agreement.

Aniya, ang programang ito ay sakop ng Department Of Social Welfare and Development (DSWD), Local Government Unit at ng Department Of Health (DOH).

Nabatid na ang pondo rito ay nagkakahalaga ng P327, 600 mula naman sa Department of Health kung saan gagamitin din ito ng community health teams katulad ng mga isasagawang seminars, office supplies at ang kanilang allowances.

Samantala, mismong ang mga health workers rin ng Malay ang siyang mangunguna sa mobilization ng Community Health Teams.

Ang nasabing amount na share ng DOH sa programang ito ang siya ring ginagamit ng existing personnel ng DSWD.

Physical Injury, naitala bilang nangungunang kaso sa Brgy. Balabag Boracay

Posted September 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nangunguna sa listahan ng mga kasong isinasangguni sa Brgy. Balabag Boracay ang Physical Injury.

Ito ang sinabi ni Brgy. Balabag Boracay Secretary Donila Bindolo, kung saan karamihan naman umano rito ay naaayos habang ang iba naman ay itinutuloy ang kaso.

Anya, isa din sa mga dahilan kung bakit hindi na naitutuloy ang settlement ay dahil sa nakaalis na ang inirereklamo o nagrereklamo, lalo na kapag nagbabakasyon lamang sa isla.

Samantala, una namang nabatid sa mga blotter report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) na isa sa mga may pinakamaraming kaso na isinasangguni sa barangay ang Balabag.

Sinabi pa ng Barangay Secretary na patuloy ang kanilang isinasagawang programa upang mapanatili ang “peace and order” sa Barangay, subalit sadyang may mga ilan lang talagang pasaway.

Friday, September 12, 2014

Kwarto ng isang bakasyunista sa Boracay nilooban, cellphone at pera tinangay

Posted September 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinangay ng hindi nakilalang magnanakaw ang perang nagkakahalaga ng P35, 000.00 at cellphone ng isang turista sa Boracay.

Base sa report ng Boracay PNP, nagulat na lamang ang biktimang si Jackylyn Amarado ng Bacoor Cavite nang magisnang wala na ang kanyang pera at cellphone na ipinatong sa lamesa ng tinutulugang kwarto.

Hindi naman matukoy ng biktima kung bakit nalusutan siya ng nasabing magnanakaw.

Samantala, patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Boracay PNP at ang pamunuan ng nasabing hotel hinggil sa nangyaring nakawan.

Sunglasses Vendor sa Boracay, tinakasan ang MAP matapos mahuling nagtitinda na walang permit

Posted September 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mabilis na tumakas ang isang vendor ng sunglasses sa Boracay matapos mahuli ng Municipal Auxiliary Police (MAP) dahil sa paglabag sa ordinansa ng munisipyo.

Dahil dito, kaagad nagreport sa Boracay PNP ang dalawang miyembro ng MAP.

Nabatid na sinita nila ang vendor dahil nagbibinta ito ng sunglasses nang walang Mayor’s Permit sa beach front ng station 3.

Subali’t patuloy parin umano ang ginagawang pagbenta ng sunglasses ng nasabing lalaki sa mga dumaraang turista.

Dahil dito agad siyang inisyuhan ng citation ticket subali’t tumanggi umano itong pumirma sabay kuha ng kanyang panindang sunglasses at agad na tumakas.

Manoc-manoc National High School, naalarma tungkol sa mga estudyanteng sinapian umano ng masamang espiritu

Posted September 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naalarma ngayon ang pamunuan ng Manoc-manoc National High School tungkol sa mga estudyanteng sinapian umano ng masamang espiritu kahapon.

Bagama’t tumanggi munang magbigay ng opisyal na pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng eskwelahan na iniimbistigahan na nila ang mga mag-aaral na tumulong sa mga biktima.

Napag-alamang hindi na rin pumasok sa klase ang ilan sa mga ito.

Magkaganon paman, ikinuwento umano ng mga mag-aaral na-possess o sinapian nga ang kanilang kasama.

Samantala, sinabi pa ng eskwelahan na wala silang ideya tungkol sa pag-excursion umano ng mga mag-aaral sa bayan ng Nabas bago nangyari ang insidente.

Magugunitang apat hanggang anim na mag-aaral ng Manoc-manoc National High School ang isinugod sa Holy Rosary Parish Boracay sa paniniwalang sinapian ang mga ito ng masamang espiritu.

Magugunita ring hindi naniwala ang karamihan sa mga taga Barangay Balabag na sinapian ang mga estudyante at sa halip nagalit pa dahil sa iskandalong ginawa nila sa simbahan.

Isang resort sa Boracay, naalarma dahil sa putok ng baril

Posted September 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay PNP Station ang isang empleyado ng resort sa Boracay matapos na maalarma sa putok ng baril.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, bandang alas dyes ng gabi nang marinig ang putok mula sa hindi natukoy na kalibre ng baril sa So. Malabunot Manoc-Manoc, Boracay.

Subalit sa kanilang isinagawang pagsisiyasat ay tumanggi umanong magbigay ng impormasyon ang mga tao doon kaya’t dalawa sa mga sekyu ng isang lote malapit sa lugar ang kanilang tinanong.

Ayon sa mga sekyu, wala silang issued fire arms at wala ring silang ideya kung saan galing ang putok ng baril.

Mga residente ng Barangay Balabag, hindi naniniwalang sinapian ng masamang espiritu ang mga estudyanteng dinala sa simbahan kahapon

Posted September 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi naniniwala ang mga residente ng Barangay Balabag na sinapian ng masamang espiritu ang mga estudyanteng dinala sa simbahan kahapon.

Ayon pa sa mga ito, pambabastos at iskandalo na sa simbahan ang ginawa ng mga mag-aaral.

Mistula umano kasing sabog sa kung anong uri ng ipinagbabawal na droga ang nasa apat hanggang anim na mag-aaral na unang dinala sa simbahan.

Sinabi din ibang residente doon, gimik lang ang paghingi ng bendisyon o pagpapadasal sa pari ang ginawa ng mga kasama ng mga estudyante.

Nakaalis na kasi ang unang nahimasmasang mga estudyante nang may isang grupo pang kasama ng naunang na-‘possess’ kuno ang hinatid ng dalawang motorsiklo at nagsisisigaw pagdating sa loob ng simbahan.

Subali’t pagkalipas ng halos isang oras, lumabas ng simbahan ang ilan sa mga nasabing estudyante at nanigarilyo habang nagtatawanan ang ilan sa kanilang mga kaklase.

Samantala, nagulat, nagtaka, at nainis din ang ilang matatanda doon kung bakit pasimpleng nagsi-uwian ang mga estudyante nang may nagsabing parating na ang mga pulis.

Nakatakda namang paimbistigahan ng mga otoridad ang sinasabing lider ng mga mag-aaral na nagdala sa kanila sa simbahan.

Mga batang mag-aaral ng Yapak Elementary School, masayang lumahok sa fire drill

Posted September 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Masayang lumahok sa fire drill ang mga batang mag-aaral ng Yapak Elementary School.

Ayon kay Yapak Elementary School OIC George Supranes, maganda ang ipinakita ng mga mag-aaral dahil masaya nilang pinakingan ang mga itinuro sa fire drill tungkol sa kung ano ang gagawin kung may lindol.

Katulad na lang halimbawa ng paglalagay ng kamay sa ulo at paghawak sa mga matitibay na bagay upang mapangalagaan ang sarili.

Subali’t nabatid na isinailalaim muna sa orientation ang mga bata bago ang fire drill.

Samantala, naging masaya din ang mga magulang ng mga bata dahil naturuan sila kung paano mailigtas ang sarili kapag may lindol.

Pinangunahan naman ng Bureau of Fire Boracay at DILG Malay ang nasabing fire drill.

Pagiging regular entry at exit point ng Tabon at Tambisaan Port sa tuwing panahon ng Habagat, pinag-uusapan na sa SP Aklan

Posted September 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sinimulan nang pag-usapan sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagiging regular entry at exit point ng Tabon at Tambisaan Port sa tuwing panahon ng Habagat.

Sa ginanap na 31st SP Regular Session nitong Myerkules, tinalakay ang endorsement letter ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang kaugnay sa ipinasang Resolution No. 073 ng SB Malay.

Napag-alamang matapos ang isinagawang pag-aaral ng SB Malay sa resolusyong ini-akda ni SB Member Floribar Bautista ay ipapatupad na ang nasabing alituntunin kung sasangayon din dito ang pamahalaang probinsyal.

Nabatid sa nakaraang SB Session na kailangan munang ayusin ang problema sa traffic ng mga bangka sa nasabing pantalan bago ito ipatupad.

Dapat din umanong maging handa ang Tambisaan Port sakaling ito’y maipatupad na, dahil sa maliit lamang ang terminal area nito at masikip ang daungan.

Samantala, layunin naman ng nasabing resolusyon na  maiwasan ang pagkalito ng mga pasahero sa schedule ng mga byahe ng bangka sa tuwing panahon ng Habagat.

Sa ngayon ay masusi muna itong pinag-aaralan ng SP Aklan.

SB Malay humiling ng financial assistance kay Sec. Singson para sa circumferential roads

Posted September 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Para sa Ecotourism projects ng bayan ng Malay, isang resolusyon ngayon ang itinutulak ng Sangguniang Bayan.

Ito ay ang hiling na financial assistance ng SB Malay kay Sec. Rogelio Singson ng Department of Public Works and Hi-ways (DPWH).

Nabatid na nais ng nasabing munisipalidad na pondohan ng DPWH ang construction at development ng circumferential roads sa mainland Malay.

Dahil dito itinalaga naman ni Vice Mayor Wilbec Gelito sa Committee on Laws ang nasabing resolusyon para lalo itong mapag-aralan.

Napag-alaman na ang ilang kalsada sa Malay ma mayroong Ecotourism project ay sakop parin ng National road ng DPWH.

Samantala, pinupursigi din ng LGU na mabigyang aksyon ang ilan pang kalsada na hindi naman sakop ng national road sa bayan ng Malay na hanggang ngayon ay hindi pa napapasemento.

Thursday, September 11, 2014

Koreanong may warrant of arrest dahil sa illegal gambling, sumuko sa BTAC

Posted September 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang Korean National ang boluntaryong sumuko kaninang madaling araw sa himpilan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Nabatid na may warrant of arrest ang nasabing Koreano na inisyu ng 6th Judicial Region, Branch 4 ng Kalibo Aklan dahil sa kasong paglabag sa illegal gambling law.

Dakong alas sais naman kanina ng madaling araw matapos isagawa ang medical check-up sa Boracay Hospital ay dinala na sa bayan ng Kalibo ang Koreano para sa kaukulang disposisyon.

Samantala, wala namang impormasyon sa ngayon kung kailan magpapyansa ng 20, 000 pesos ang koreano para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Boracay Action Group, tumulong sa paglilinis ng baradong drainage sa harap ng Boracay Hospital

Posted September 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


Sumikip ang daloy ng trapiko sa harap ng Boracay Hospital kaninang umaga.

Dahil ito sa mga miyembro ng BAG o Boracay Action Group na tumulong sa paglilinis ng baradong drainage doon.

Dakung alas 8:00 ng umaga kanina nang sinimulang bombahin ng tubig ng mga taga Bureau of Fire Boracay ang drainage kung kaya’t naging madali ang pagkuha ng bumabarang dumi at latak.

Nagsalitan naman sa pagkuha at paghakot ng saku-sakong latak ang mga miyembro ng BAG katulad ng Philippine Coast Guard, Coast Guard Auxiliary, Kabalikat CIVICOM, PARDSS, at BSWAT.

Dahil dito muling naging normal ang daloy ng tubig sa drainage matapos itong linisin kanina.

Magugunitang ininspeksyon din at nilinis ng mga taga BRTF at BIWC ang drainage nitong nakaraang Sabado.

BICOO Glenn Sacapaño, dismayado sa natuklasan tungkol sa baradong drainage ng TIEZA

Posted September 11, 2014
Ni Bert Dalida, Yes FM Boracay 

Saku-sakong latak ang nakuha sa ginawang drainage de-clogging kaninang umaga sa harap ng ospital.

Kaya naman naging dismayado si Boracay Island Chief Operations Officer Glenn Sacapaño sa TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.

Matagal na rin umano kasing naglinis o drainage declogging ang contractor ng TIEZA, subali’t nagtataka din ito kung bakit makapal na at tumigas ang latak na nakuha nila kanina.

Bagama’t aminado si Sacapaño na hindi na hindi trabaho ng contractor ang paglilinis ng drainage, subali’t nagtataka din umano ito kung bakit tila hindi namonitor ng TIEZA ang trabaho ng nasabing contractor nila.

Dahil dito, sinabi pa ng administrador na ilalatag nila sa TIEZA ang resulta ng kanilang paglilinis sa nasabing drainage.

Samantala, nagpayahag din kanina ng pagkadismaya tungkol dito si mismong Boracay Foundation Inc. President Jony Salme.

Sulutan sa presyo ng sea sports at water sports sa Boracay, kinumpirma

Posted September 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

May sulutan paring nangyayari sa presyo ng sea sports at water sports sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ng ilang sea sports at water sports operators sa isla sa kabila ng pagkakaroon na nila ng unified rates at selling area.

Ayon sa isang hindi na pinangalanang sea sport operator, nangyayari ang sulutan sa loob mismo ng kanilang asosasyon kung kaya’t tila ‘wa epek’ parin ang kanilang napagkasunduang presyo.

Wala din kasi aniya silang magagawa dahil natural lamang na sa nag-aalok ng mas murang presyo ang mga turista.

Maliban dito, aminado rin umano sila sa patuloy na pang-aalok ng mga illegal na komisyoner sa kabila ng pagbabawal ng LGU Malay.

Samantala, patuloy parin umano nilang hinihintay na matapos ang kanilang MOA o Memorandum of Agreement mula sa BRTF o Boracay Redevelopment Task Force upang matuldukan na ang kanilang problema.