Posted September 3, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay
Panibagong reklamo ngayon ang kinakaharap ni Aklan
Governor Florencio Miraflores kaugnay sa P500M pork scam.
Kasama si Florencio sa 20 na dati at mga kasalukuyang
mambabatas na pinaiimbestigahan ni Atty. Levito Baligod dahil sa umano'y
pagkakadawit sa kahalintulad na pork barrel scam na kinasangkutan ni Janet Lim
Napoles.
Kabilang din sa isinangkot sa reklamong malversation sa
Ombudsman sina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at dating senador
Edgardo Angara dahil sa umano'y paglalagak ng kanilang Priority Development
Assistance Fund (PDAF) sa mga kdwestyonableng non-government organization
(NGO), mula 2007 hanggang 2010.
Si Miraflores at mga kasama nito ay hindi umano konektado
sa mga NGO ni Napoles na siyang itinuturong utak ng P10 bilyon scam.
Si Miraflores na dating Congressman ay gumastos ng P25
million na may Saro number na ROCS-07-00722, ROCS-0608146, ROCS-07-03483, ROCS-07-07405,
ROCS-08-00420 para sa Center for Mindoro Integrated Development Foundation at
Uswag Guimaras Foundation at suppliers.
Matatandaang dawit din noong 2014 sa 67 kongresista si
Miraflores sa Pork Barrel Scam ni Janet Lim Napoles kasama ang 12 senador.
Idiniin naman ni Baligod na tulad ng plunder ay hindi
maaaring maghain ng piyansa sa malversation.
Samantala, sinubukan ng himpilang ito na kunin ang
pahayag ni Miraflores ngunit wala pa umanong silang natatanggap na sulat
kaugnay sa P500M pork scam.