YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 06, 2015

Dalawang bading, nambugbog ng Koreano sa Boracay

Posted June 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Dalawang bading ang nambugbog ng Koreano sa Boracay.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang mga suspek na sina Emilio Fernando alyas ‘Pokwang’, 27 anyos ng Pandan, Antique at kasama nitong Roger Minque alyas “Regine”ng Negros Occidental, pawang mga residente ngayon ng Barangay Manoc-manoc.

Base sa imbistigasyon, nangyari ang insdente mag-aalas 3:00 kaninang madaling araw nang makita at sumbatan ng Koreanong si Oh Kyoung Jun ang dalawa tungkol sa nawawala nitong pera.

Dahil dito, nagtalo ang magkabilang panig na nauwi sa pambubugbog ng dalawa sa biktima.

Kaagad nagsumbong sa mga pulis ang Koreano kung kaya’t natiklo sa pamamagitan ng follow up operation ang dalawa.

Mga pulis sa Boracay, sumabak sa ‘Dancercise’

Posted June 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Photo Credit to Boracay PNP
Sinasabing masipag, mabilis magresponde at laging nakaalisto ang mga pulis sa isla ng Boracay.

Subali’t maliban dito, nabatid na magagaling din pala ang mga itong sumayaw.

Humataw kasi ang mga ito kanina ng sayaw sa pamamagitan ng Dancercise, ang pinaghalong sayaw o dance at exercise o ehersisyo sa mismong harapan ng Boracay PNP Station.

Bandang alas 6:00 nitong umaga, pinangunahan ni Boracay PNP Chief PSInsp. Frensy Andrade ang mahigit 40 mga pulis sa Dancercise.

Makalipas ang mahigit kumulang 20 minutong pagpapawis, kapansin-pansing masaya ang mga pulis dahil tumagaktak ang kanilang mga pawis at lumakas umano ang kanilang pakiramdam.

Ayon sa mga pulis, mahalaga ang pag-eehersisyo upang mapangalagaan ang kalusugan.

Samantala, napapangiti naman ang mga tursistang napapadaan sa Boracay PNP Station habang pinapanood ang mga pulis na humahataw sa Dancercise.

Mga sirang sasakyan at transformer idadaan sa bidding ng Akelco

Posted June 6, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for biddingIdadaan ngayon ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa bidding ang kanilang mga hindi na magamit at sirang sasakyan kasama na ang Pole Type Distribution Transformer at Scarf Irons.

Ito ay sa pamamagitan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng nasabing kooperatiba na aprobado ng Floor Price ng NEA sa AKELCO Compound Lezo, Aklan.

Dahil dito ang lahat ng mga interisado at kwalipikadong makalahok sa Bidding ay kinakailangang makabili ng bidding documents hanggang sa Hunyo 22 ngayong taon.

Pagkatapos namang makapasa ng Letter of Intent (LOI), kailangan ding magbayad ng non-refundable fee para sa bidding documents na Three Thousand Pesos sa AKELCO Cashier.

Nabatid na ang Bids and Awards Committee ng kooperatiba ay magsasagawa ng Pre-bid Conference sa Hunyo 11 sa AKELCO Board Room kung saan bukas naman ito sa lahat ng Bidders na nakabili ng bidding documents.

Samantala, magbubukas naman ang Bidding sa Hunyo 23, 2015 sa AKELCO Office sa Lezo, Aklan kung saan kinakailangang makadalo rito ang nag-presenta sa Bidder.

Tellering at bolante activities ng AKELCO ngayong araw kinansila dahil sa AGMA

Posted June 6, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for AKELCOPansamantala munang kinansila ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) Inc. ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng tellering at bolante activities ngayong araw.

Ito’y upang bigyang daan ang malaking kaganapan sa kooperatiba na 32nd Annual General Membership Assembly (AGMA) na gaganapin mamayang ala-1:30 ng hapon sa ABL Sports Complex bayan ng Kalibo.

Ayon naman kay AKELCO PIO Rence Oczon, ang lahat ng AKELCO Area Office at Paying Office na may tellering at bolante activities ay hindi muna tatanggap ng mga costumer ngayong araw.

Kaugnay nito inaasahan umano nila na mahigit sa sampung libong kunsumidor ng AKELCO ang dadalo sa isasagawang AGMA mamayang hapon.

Aniya ang Annual General Membership Assembly (AGMA) ngayong taon ay may temang  “Strengthening the Spirit of Cooperatives through Excellent Services”.

Samantala, lahat ng kunsumidor ng AKELCO ay inaanyayahan dumalo sa nasabing Assembly upang ng sa gayon ay maiapaabot sa kanila kung ano-anong programa ng meron ang nasabing kooperatiba.

Mga pedicab drivers sa Boracay, aminadong apektado ng mga Muslim vendors sa Tourist Center

Posted June 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Image result for pedicab drawingAminado ngayon ang mga pedicab drivers sa Boracay na apektado sila ng mga Muslim vendors sa Tourist Center.

Ayon sa isang pedicab driver, bumaba umano ang kaniyang kita dahil hindi na sila makapwesto sa dati nilang lugar mula nang ilagay ng LGU Malay ang mga nasabing vendors doon.

Kuwento ni ‘Mang Tony’, hindi totoong pangalan, umaabot dati sa P300.00 kada araw ang kanyang kita noong sila pa ang nakapwesto sa lugar.

Sinabi pa nito na binigyan sila dati doon ng espasyo para sa limang pedicab bago ang APEC Ministerial meeting sa isla.

Subali’t tuluyan na umano silang nawalan ng pwesto sa Tourist Center nang tuluyan nang pumuwesto na ang mga nasabing vendors.

Magugunita namang gumawa ng paraan ang LGU Malay na mailipat ang mga pagagala-galang Muslim vendors simula nang ipatupad ng mahigpit ang 25+5 meter easement sa Boracay.

Magugunita ring sinabi ng mga vendors na humina ang kanilang kita kung ikukumpara noong malaya silang nakapagbe-benta sa beach front.

Samantala, nabatid na nasa 70 miyembro ng asosasyon ng mga pedicab drivers sa Boracay ang nakikisama na lamang din sa mga vendors sa ibinigay sa kanilang pwesto.

Ilang mababang lugar sa isla, binaha na naman dahil sa malakas na ulan

Posted June 6, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Image result for Boracay flood
File Photo
Maaga pa lamang kanina nang sumabak sa pag-pump ng tubig ang ilang taga BSWAT o Boracay Solid Waste Action Team.

Binaha na naman kasi ang ilang mababang lugar sa isla ng Boracay dahil sa malakas na ulan kaninang madaling araw.

Pasado alas singko kaninang umaga nang i-pump ng BSWAT ang tubig-baha sa main road ng Sitio Pinaungon sa Barangay Balabag na nagdulot ng malaking abala sa mga biyahero.

Napag-alamang naghiyawan ang mga napapadaan sa lugar kanina dahil sa ilang sasakyang saglit na nastranded dahil sa mataas na tubig-baha.

Maliban sa binahang kalsada sa Sitio Pinaungon at ilang bahagi ng station 2 main road, nabatid na muli ring binaha ang access road palabas sa beach front ng Sitio Manggayad.

Nagpasalamat naman ang ilang residente sa isla na tapos na ang APEC Ministerial meeting bago muling bahain ang mga nasabing lugar.

Friday, June 05, 2015

Free ride ng BLTMPC para sa mga estudyante sa Boracay muling umarangkada

Posted June 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Boracay land transportation multi purpose cooperativeHindi lingid sa kaalaman ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) ang problema ng mga estudyante sa Boracay sa pagsakay sa mga tricycle unit sa isla.

Kung kayat dahil dito, isang solusyon ang kanilang nakita sa pamamagitan ng “free ride” para sa mga mag-aaral ng Manoc-manoc, Balabag at Yapak Elementary School na sinimulang ipatupad noong nakaraang pasukan.

Ayon kay BLTMPC Chairman Joel Gelito, layunin ng kanilang free ride ay makatulong sa mga mag-aaral na nahihirapang makasakay sa mga tricycle pauwi ng kanilang tahanan.

Nabatid kasi na karamihan sa mga tricycle driver sa Boracay ay manhid o nagbulag-bulagan sa tuwing may pumapara sa kanilang mga estudyante pauwi.

Sinabi naman ni Gelito na mayroong isa o dalawang unit ng multicab ang naka-standby sa mga nasabing paaralan kung saan libre ritong sumakay ang lahat ng mga estudyante papunta at pauwi ng eskwelahan.

Napag-alaman na hiniling noon ni Gelito sa Sangguniang Bayan ng Malay ang pagdagdag nila ng unit ng nasabing sasakyan sa Boracay para dito.

Samantala, paalala naman ng kooperatiba sa lahat ng mga pasahero na tinanggihang pasakayin ng tricycle driver na ilista ang plaka ng kanilang minamanehong sasakyan at isumbong ito sa kanilang tanggapan upang mabigyan nila ng agarang aksyon.

Mga school supplies sa Aklan, walang problema sa presyo ayon sa DTI

Posted June 5, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for school supplies priceWalang naging problema sa presyo ng mga school supplies sa Aklan.

Ayon kay DTI Aklan Director Diosdado Cadena Jr., ilang araw bago sumapit ang pasukan ay nagkaroon umano sila ng monitoring sa mga tindahan ng school supplies sa bayan ng Kalibo kung saan tama lamang umano ang kanilang presyo.

May mga ipinaskil din umano sila sa mga tindahan na paalala o “Gabay sa pamimili” ng mga School supplies nang sa gayon ay masunod ito ng mga nagbibinta at mga bumibili.

Sinabi din nito na nakatulong ang kanilang ginagawa taon-taon na “Balik Eskwela Diskwento Sale” kung saan labing isang mga retailers sa bayan ng Kalibo at Iloilo ang sumali sa kanilang aktibidad na nag-offer ng discounted price na mga school supplies.

Aniya dinagsa umano ito ng mga mamimili kung saan ikinatuwa naman ng mga magulang at estudyante ang mababang presyo ng mga gamit sa eskwela.

Samantala, ang DTI ay nakahandang umalalay sa lahat ng mga may reklamo sa mataas na bintahan ng mga School supplies o anu mang produkto na sakop ng kanilang ahensya.

Thursday, June 04, 2015

Nasungkit na Longest Massage Chain record ng Boracay, patuloy na umaani ng papuri at pagkilala

Posted June 4, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Image result for Boracay Longest Massage ChainMahigit isang taon na ang nakakalipas matapos ang Longest Massage Chain attempt ng Boracay.

Subali’t patuloy parin itong umaani ng papuri partikular sa mga netizens sa isla matapos mabuhay muli ang usapin.

Magugunitang naging laman din ng mga pahayagan ang tagumpay na nakamit ng Boracay dahil na ungusan nito ang bansang Thailand na may 1,223 participants na siyang may hawak dati ng Longest Chain Massage ng Guinness Book of World Records.

Saksi din kasi hindi lamang ang mga turista, mga taga MEDIA, Department of Health, kungdi kinatawan mismo ng Guiness nang umabot sa 1,600 massage therapists and clients ang nagmasahe sa long beach ng Boracay noong May 16, 2015.

Maliban dito, sinabi din noon ni Malay Chief Tourism Officer Felix Delos Santos na nasa dalawang libong masahista ang nais lumahok noon, subali’t nilimitahan lamang ito sa 1, 600 dahil sa kulang na ang space sa long beach dulot ng high tide.

Samantala, hinihintay na lamang din ngayon ng Tourism Office ang opisyal na resulta ng nasabing world record breaking attempt.