YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 04, 2014

“No Sticker, No Entry Policy” ipapatupad sa Cagban Jetty Port

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Attention sa mga vehicle operators!

Ipinagbabawal na makapasok sa Cagban Jetty Port ang mga sasakyan na walang mga stickers at hindi nakapag-renew.

Ayon kay Special Operation 3 Jean Pontero ng Cagban Jetty Port.

Dahil sa pagpapatupad ng accredidation sa Cagban Port.

Muling ipinapaalala ngayon sa mga vehicle operators ang pagkakaroon at taunang pag-renew ng mga stickers para sa kanilang mga sasakyan.

Aniya, nagsimula ang pagre-renew at pagkuha ng sticker noong December 1, 2013 at magtatapos sana sa unang araw ng buwan ng taong 2014, pero dahil sa pagkokonsidera sa ilang mga operator ay binigyan pa ito ng palugit na hanggang January 6, 2014 na lamang.

Ang nasabing accreditation ay para mas masiguro ang seguridad at mas maging organisado ang byahe sa Cagban Jetty Port.

Mga government offices sa bayan ng Malay at isla ng Boracay, balik na ulit sa normal

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Matapos ang mahabang bakasyon dahil sa pasko at pagsalubong ng bagong taon.

Bumalik na ngayon sa normal ang operasyon ng mga government offices sa bayan ng Malay at isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa.

Sa ikalawa at ikatlong araw sa unang buwan ng taong 2014 ay naging regular na ulit ang pagtatrabaho ng mga empleyedo sa lokal na pamahalaan.

Aniya, asahan umano ngayong taon ang mga karagdagan pang mga pagbabago upang mas lalong pang mapa-unlad ang bayan ng Malay lalo na ang isla ng Boracay.

May mga nakahanda na rin umanong plano ang lokal na pamahalaan para mapanatiling progresibo ang  munisipalidad sa taong 2014.

Friday, January 03, 2014

Reklamo ng mga turista laban sa mga motor bancas sa swimming area ng Station 3 Boracay, inaksyunan ng PCG

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kaagad na inaksyunan ng Philippine Coast Guard (PCG) Boracay Substation ang reklamo ng ilang mga turista hinggil sa mga motor bancas na nagda-dock sa Station 3 Boracay.

Matapos matanggap ng PCG ang reklamo ay kaagad namang pinuntahan ang swimming area para tingnan ang sitwasyon doon.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla.

Ang Station 3 ay lugar kung saan marami ang nagkakaroon ng island hopping kaya’t isa rin umano ito sa mga area na masusing binabantayan ng PCG.

Subalit, nilinaw nito na hindi naman kasi masisisi ang mga motor bancas na nagda-dock doon sapagkat iyon din ang designated areas para sa kanila kung saan kumukuha at nagbababa ng mga pasahero.

Maiging dobleng pag-iingat umano ang maaaring gawin ng mga turista at huwag lumampas sa swimming area.

Kung may pasaway din kasi umanong operator ng mga motor bancas ay meron ding ilang mga pasaway na turista.

Nabatid na ilan sa mga turista ang nagrereklamo na baka tamaan sila ng mga bangkang sumusulpot doon habang nagkakaroon ng island hopping.

Sa ngayon ay patuloy umano na nagbabantay ang PCG para tiyakin ang seguridad ng mga residente at turista sa isla.

Boracay, walang naitalang health related incidents sa mga firecrackers

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Walang naitalang health related incidents sa mga firecrackers ang isla ng Boracay.

Ito ang masayang ibinalita ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter.

Ayon kay John Patrick Moreno ng PRC Boracay.

Maliban sa mga nanganganak ay wala umano silang natanggap na mga tawag hinggil sa mga naputukan sa pagsalubong ng taong 2014.

Marahil ay dahil narin umano ito sa maingat na ang mga residente at mas pinili na gumamit nalang ng mga pa-ingay tulad ng torotot sa halip na mga paputok.

Samantala, naging masaya naman ang bagong taon ng mga residente sa isla kahit na bumuhos ang napakalakas na ulan sa kasagsagan ng selebrasyon.

Naitalang firecracker incident sa Aklan, mas mababa kumpara noong nakaraang taon

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mas mababa umano ang naitalang mga firecrackers incident sa Aklan kumpara noong nakaraang taon.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon, Jr.

Base sa kanilang datus ay mas mababa ng isa ang insidente sa mga paputok ngayon.

Sa nasabing statistics ng Aklan Provincial Health Office (PHO) Aklan, walo ang naitalang kaso sa fireworks injuries na kinabibilangan ng kwitis, whistle bomb at trianggulo.

Samantala, wala namang naitalang kaso ang probinsya hinggil sa mga ligaw na bala at firework congestions.

Kinabibilangan naman ng nasa tatlo hanggang 39 na taong gulang ang mga naputukan.

Sa kabilang dako, pinayuhan naman ni Cuachon ang ilan pang mga naputukan na nagse-self medication, na mangyaring magtungo sa mga pagamutan para maiwasan narin umano ang tetanus.

May ilan umano kasing inaakalang maliit lamang ang pinsala subalit nalagyan pala ng pulbura ang sugat na kalaunan ay naging dahilan ng tetanus.

Boracay Ati-Atihan 2014, pinaghahandaan na

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Matapos ang mga paghahanda para sa selebrasyon ng kapaskuhan at bagong taon, pinaghahandaan naman ngayon ng lokal na pamahalaan ang 2014 Boracay ati-atihan sa isla ng Boracay.

Sa Enero a-dose, taong kasalukuyan ang araw ng selebrasyon ng Ati-Atihan sa isla, ngunit simula pa lamang sa Enero a-nuebe ay magsisimula na ang selebrasyon.

Ayon kay Felix Delos Santos Jr., Chief Tourism Operations Officer.

Abala na sila sa pag-iimbita sa lahat ng mga residente maging sa mga stakeholders na sumali at makisaya sa taunang selebrasyon ng Ati-Atihan sa isla.

Sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang pangangalap ng mga sponsorship para sa nabanggit na selebrasyon, lalo pa nga’t marami silang inihandang mga event.

Bukod sa lokal na pamahalaan, ang Boracay Ati-Atihan ay pangungunahan din ng Holy Rosary Parish Pastoral Council at Brgy. Balabag Council kung saan layunin itong mas lalo pang maging malapit ang mga Boracaynon kay Sto. Niño.

Partikular na sa pagdating sa promosyon din ng mga tradisyon at kultura ng Boracay Ati-Atihan sa mga turista at makapag-likha din ng mas mabuting pagkakaunawaan may kinalaman sa turismo ng isla ng Boracay.

Thursday, January 02, 2014

Tulong para sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda sa Aklan, bumubuhos parin

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Bumubuhos parin ang tulong sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda sa Aklan.

Isa sa mga benipisyaryo ng tulong ang bayan ng Altavas na itinuturing ding gateway patungo sa isla ng Boracay.

Nakatakdang ipamudmod sa 199 households ng Brgy. Tibiao, Altavas, Aklan ang tag dalawang libong peso sa pamamagitan ng G-Cash money transfer mula naman sa International Federation of Red Cross (IFRC) at Red Crescent Societies (RCS).

Sa ginanap na pulong nitong hapon sa Tibiao Brgy. Hall.

Sinabi ni Lina Jaliobson ng IFRC at RCS, na ang Altavas ang kauna-unahang bayan sa Aklan na bibigyan nila ng tulong pinansyal.

Target din umano nilang isunod ang bayan ng Libacao at titingnan kung mabibigyan ang iba pang munisipilidad sa Aklan.

Samantala, sinabi pa nito na hanga sya sa kooperasyong ipinakita ng mga Aklanon, sa kabila ng naranasang kalamidad dulot ng nagdaang Super Typhoon Yolanda.

Ang altavas ay isa ring bayan sa Aklan na hinagupit ng nasabing bagyo kamakailan lang.

Preparasyon para sa Kalibo Ati-Atihan Festival sa susunod na linggo, all out na

Ni Jay- Ar Arante, YES FM Boracay

All out na ang ginagawang preparasyon para sa Kalibo Ati-Atihan Festival 2014 na gaganapin sa susunod na linggo.

Sa tulong ng isang sikat na TV Network sa bansa, handa na ngayon ang mga kakailanganin para sa malaking event sa probinsya.

Ang Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Festival Inc. o KASAPI ang organizer sa nasabing selebrasyon.

Suportado naman ito ng LGU Kalibo at Aklan Provincial Unit sa pangunguna ni Gov. Florencio Miraflores.

Maging ang mga tribong kalahok sa kumpetisyon ay handa na rin kabilang na ang iba’t-ibang bayan sa Aklan.

Kaugnay nito, magiging mahigpit naman ang gagawing siguridad ng mga otoridad sa inaasahang pagdagsa ng maraming tao at mga sikat na artista sa bansa.

Samantala, ang Ati-Atihan Festival ay magsisimula sa January 10 hanggang January 19, 2014.

Pasko at Bagong Taon sa Aklan, “generally peaceful”

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Generally peaceful”

Ganito inilarawan ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon sa probinsya ng Aklan.

Ayon kay PO3 Michael Pontoy ng APPO.

Karamihan lamang umano ng mga naitatala ay mga petty crimes tulad ng panggugulo dahil sa kalasingan at maliliit na kaso ng pagnanakaw.

Samantala, ayon naman kay Deputy Police Chief, P/Insp. Fidel Gentallan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Bagamat sa napakarami na mga local at foreign tourist na dumagsa sa isla ng Boracay para magbakasyon, nagpapasalamat umano sila na naging mapayapa ang pagdiriwang ng pasko at bagong taon dito.

Sa kabilang banda, wala rin umanong malalaking krimen na naganap sa mainland ng Malay base sa ipinahayag ni PO1 Jonel Romero.

Kaugnay nito, nagbilin pa rin ang kapulisan sa publiko na patuloy na mag-ingat, lalo na sa mga nakawan.

Importante umanong manatiling alerto, dahil sa ngayon ay mautak na ang mga magnanakaw at minu-monitor ang isang lugar bago pasukin saka limasan ng pera o kagamitan.

DOT Boracay, naka-focus sa promosyon at Marketing ngayong 2014

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Naka-focus ngayon ang DOT Boracay sa promosyon at marketing para sa isla ng Boracay ngayong taong 2014.

Ayon kay DOT Officer In Charge Tim Ticar, mag-iimbita sila ng maraming bisita para ma-encourage ang mga ito na mag-establish ng business sa isla at sa probinsya kasama na ang Western Visayas.

Magdadala din umano sila ng mga Canadian Investors sa Western Visayas, Boracay at Aklan ngayong January 18, 2014.

Dagdag pa ni Ticar, nakatakda ding mag-imbita ang ahensya ng maraming cruise ship para bumisita sa isla nang sa ganun para ma-iposisyon ang  isla bilang “haven for cruise ship destination”.

Kaugnay nito, inaasahang mahigit sa sampung mga cruise ship pa aniya at mas lalo pang dadami ang mga turistang magbabakasyon sa isla ng Boracay ang inaasahang dadayo ngayong taon.