YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 14, 2012

BFI, Tumanggi munang magpahayag tungkol sa pagharang ng Korte Suprema sa Caticlan Reclamation Project


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Minarapat ngayon ng Boracay Foundation Incorporated na huwag munang magsalita tungkol sa pagharang ng Korte Suprema sa proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay Boracay Foundation Incorporated president Dionesio “Jony ‘’ Salme, bagama’t nakarating na rin sa kanila ang nasabing impormasyon.

Sinabi nitong mas makabubuting hintayin na muna nila ang ipapadalang kopya ng Korte Suprema.

Nang makapanayam ng himpilang ito si Salme, nilinaw nitong muli na hindi nila tinutulan ang naturang reklamasyon, kungdi ang umano’y kawalan ng komprehensibong assesment sa isyung pangkapaligiran ng proyekto.

Naniniwala ang Boracay Foundation Incorporated na kapag magpatuloy ang reklamasyon ay maapektuhan ang namamagitang karagatan sa Caticlan at Boracay, na maaaring maging mitsa ng mas malalang soil erosion sa isla.

Sinasabi kasing noon pa mang 1981, ang isla ng Boracay ay idineklarang environmentally critical area, kaya’t nararapat na lamang na isaalang-alang muna ang mga isyung pangkapaligiran nito.

Samantala, ang dati namang 40 hectar na lawak ng proyekto na ngayo’y 2.6 na lang, ay kanila na ngang pinapayagan.

Subali’t nitong araw ng Huwebes, ay lumabas ang mga balitang hinarang na ng tuluyan ng Korte Suprema ang pagpapatupad sa isang bilyong pisong Caticlan Reclamation Project.

Proyektong Reklamasyon sa Caticlan, Hinarang ng Korte Suprema


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Atensyon sa lahat ng mga nag-aabang sa estado ng proyektong reklamasyon sa Caticlan.

Lubusan nang hinarang ng Korte Suprema ang 260 milyong pisong proyektong ito, matapos nitong igiit sa pamahalaang probinsya ng Aklan at mga kontraktor nito ang agarang pagpapatupad sa cease and desist order laban sa phase 1 ng nasabing proyekto.

At upang matiyak na masusunod ang ibinabang kautusan, binago din ng Korte Suprema ang writ of continuing mandamus ang dati rin nitong ibinabang TEPO o Temporary Protection Order.

Minarapat din nitong atasan ang Department of Natural Resources-Environment Management Bureau Regional Office 6, kasama ang Aklan provincial government na rebisahin ang proyekto.

Nararapat umano kasing magsagawa ng public bidding at konsultasyon sa mga stakeholders, non-government organizations at mga tatamaan o maaapektuhan ng nasabing proyekto. 

Ang reclamation project na ito ng pamahalaang probinsya ng Aklan ay naglalayong palawakin ang jetty port at terminal sa Caticlan, kasama na ang pagpapatayo ng mga establisemyento at iba pang serbisyo doon na umano’y pakikinabangan din ng Boracay.  

Ipinakitang kabayanihan ng bakasyonistang Pinoy sa isang dayuhan sa Boracay, Nais isapubliko ni Bigay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

May mga bayaning Pinoy pa nga ba sa panahong ito?

May magsasauli pa kaya sa isang bagay na napulot na hindi sa kanya at isasauli ito sa may-ari?

Walang malayo o malapit na lalakarin para sa isang bayaning Pilipino upang masagot ang mga katanungang ito.

Ito’y matapos marapating isauli ni Condrado Eroy ng DasmariƱas, Cavite ang bag na pagmamay-ari ng kapwa nito turista nitong nagdaang araw ng Miyerkules.

Ayon kay PSIns. Al Loren Bigay ng Boracay PNP station, mag-aalas siyete na ng gabi ng Miyerkules nang tinungo ni Condrado ang himpilan ng pulisya upang isauli ang bag ng isang nagngangalang Philip CasiƱo ng Indiana, USA.

Napag-alamang hindi pala sa kanya ang nakuhang bagahe sa Caticlan airport, kung kaya’t hinanap nito ang may-ari ng bag.

Sa isinagawang pakikipag-ugnayan at paghahanap, ay nagkita ang dalawa sa istasyon ng pulis at doon nito isinauli ang nasabing gamit.

Naglalaman pala ito ng mga mamahaling gadgets katulad ng Sony Camera, Sony Digicam, Apple Ipod, mga sunglasses, Ultra Camera, Nokia Cell phone, mga flashlight, mga charger at gamot, at wallet na naglalaman ng credit card at perang mahigit trese mil pesos.

Ayon pa kay Bigay, nararapat lamang na kilalanin ang kabayanihang katulad nito, upang pamarisan ng lahat lalo na dito sa Boracay.

Nakatakda naman umano itong magpalabas ng press release, upang isapubliko ang pagkakakilanlan at kabutihang ginawa ng isa ring bakasyonistang Pilipino.  

Zero Carbon Resorts, Inilunsad ng DOT at TIEZA


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Hate mo ba ang air pollution na nagmumula sa mga sasakyan?

Nagsasawa ka na ba sa tila walang katapusang pagtaas ng presyo ng langis o krudo?

Kung ganon, maaari mong hikayatin ang iyong sarili na gumamit ng renewable energy.

Ito din ang mangyayaring panghihikayat ng Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) kaugnay sa inilunsad nilang proyekto na Zero Carbon Resort.

Kasama ang Switch-Asia Europe Aide Program, layunin umano ng naturang proyekto na tulungang mahikayat ang mga lokal na tourism establishments katulad dito sa Boracay na gumamit ng alternatibong enerhiya at hindi yaong gasolina o krudo.

Maliban umano kasi sa makakatipid ang mga resorts ay malalabanan pa ang nakakaalarmang problema sa polusyon.

Nabatid na ang nasabing hakbang ay ipinapatupad na rin sa Palawan.

Ang Zero Carbon Resorts project na ito ay patatakbuhin ng DOT at TIEZA sa loob ng apat na taon.  

Blood letting activity ng Red Cross Boracay-Malay chapter, Humakot ng blood donors


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Humakot  ng mga blood donors ang Red Cross Boracay-Malay chapter nitong umaga.

Ayon kay Red Cross Boracay-Malay chapter Marlo Schoenenburger, umabot na sa mahigit tatlumpo’t isa ang naitala nilang successful blood donor, na isinagawa sa mismong health center ng Poblacion, Malay.

Ang naturang blood letting activity ayon pa kay Schoenenburger, ay may kaugnayan sa mandato ng lokal na pamahalaan ng Malay na maabot ang target na isangdaang blood donor upang matulungan ang pangangailangan sa dugo dito sa probinsya ng Aklan.

Ilan sa mga nagpakuha ng dugo ay ang mga pre-screened donors mula sa  LGU, Malay PNP, at Coastguard.

Kaugnay pa rin sa naturang aktibidad, ang mga nasabing donor umano ay ilang araw na kinampanya at pinaalalahanang huwag uminom ng alak, huwag magpuyat at dapat walang tattoo sa katawan, upang matiyak na ligtas at malinis ang naibibigay nilang dugo.

Nakatakdang ipadala at ipasuri muna sa bayan ng Kalibo at Capiz ang mga nakuhang dugo.

Samantala, patuloy naman ang panawagan ng red cross kasama ang Yes FM 911 at Easy Rock Boracay para sa mga interesado pang magbigay ng dugo.

Thursday, July 12, 2012

Media man, nakipaghabulan sa isang kawatan sa Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Naperwisyo ang bakasyon ng isang media man sa Boracay, matapos itong mabiktima ng pagnanakaw sa station 2 Balabag kahapon ng umaga.

Nakipaghabulan pa sa suspek ang biktimang si Paulo Valera y Arzaga, miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, at residente ng Kasambagan, Cebu City.

Naging mabilis naman ang pagresponde ng mga taga Boracay PNP, matapos makahingi ng saklolo ang isang estudyanteng kasama nito.

Nabatid sa report ng Boracay Police, mag-aalas singko na ng umaga kanina, nang isinabit ng mga ito ang kanilang bag sa isang wind breaker doon upang maligo sa dagat.

Makalipas ang limang minuto, nang makita umano ng kasama ng biktima ang isang lalaki na nasa aktong kinukuha ang kanilang mga gamit at mabilis na tumakas.

Kaagad hinabol ng biktima at ng taumbayan doon ang suspek, na kaagad namang nakorner malapit sa isang bar.

Narekober ang dalawang cellphone, wallet na naglalaman ng pera, driver’s license, KBP Media card, mga ATM card at iba pang mga ID ng nasabing brodkaster.

Ipinasok naman sa kulungan ng Boracay Police ang trenta’y sais anyos na suspek na si Hermie Padernal ng Calinog, Iloilo.

Samantala, pag-follow up pa ng mga pulis, narekober ang isa pang cellphone ng biktima na sinabing ibinaon ng suspek sa buhangin.    

P20M, kayang i-loan ng LGU Malay para sa e-trike ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Filed Reporter, YES FM Boracay

Namutawi ang ngiti sa labi ng mga konsehal ng Sangguniang Bayan ng Malay ng marinig ang “oo” na siyang naging tugon ng Finance Department ng LGU.

Ito’y sa likod ng katanungan na kung kakayanin ba ng loan capacity ng lokal na pamahalaan ng Malay ang dalawampung milyong piso para mag-finance sa isang daang unit ng e-trike sa Boracay.

Ito ang nalaman ng SB Malay nang ipatawang sa sisyon kahapon ang Municipal Accountant, Municipal Treasurer at Budget Officer, upang mabatid ang financial capacity ng LGU.

Ito ay dahil ang bagay na ito ay mahalagang malaman upang maaprobahan na nila ang resulosyon na nagbibigay awtoridad sa Alkalde na pumasok sa isang kasunduan sa gitna ng Department of Energy (DoE) at Asian Development Bank (ADB) na siyang partner sa programang e-trike na ito.

Bunsod nito wala nang nakitang problema ng konseho kung pagpi-finance sa isang daang e-trike ang pag-uusapan, maliban na lamang sa nga konsdisyon na ilalatag nila sa magbibinepisyo sa mga unit.

Gayong ang  LGU Malay ang siyang gumastos muna para madala sa Boracay ang mga unit na ito lalo pa at ang pera ng bayan ang nakasalalay para sa programa, kaya dapat ay masigurong mapanindigan umano ng tatanggap ang obligasyon nito sa LGU, kung sakali.


Barkong “Legend of the Seas”, bibisita sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Filed Reporter, YES FM Boracay

Kauna-unahan sa kasaysayan ng Boracay na bisitahin ng isang napakalaking cruise ship na naka base sa Estados Unidos.

Dadaong ang barkong ito sa ika-27 ng Oktubre dito sa isla ng Boracay na inaasahang magtatagal ng walong oras.

Gayon pa man, aasahang ang sakay na aabot sa dalawang libong pasahero at isang libong tripulate ay baba at mamamasyal muna sa isla bilang bahagi ng kanilang paglilibot sakay ng barkong Legend of the Seas.

Nabatid mula kay Marz Barnabe, Techinical Staff ng Caticlan Jetty Port, na sampung beses ang laki ng barkong ito kaysa sa barkong dumadaong dito sa Caticlan na may rutang Batangas.

Subalit ayon kay Bernabe hindi pa talaga nila matukoy ngayon kung saan partikular na bahagi ng Boracay dadaong sapagkat tinitingnan pa umano nila ang panahon sa araw na iyon, dahil sa Habagat Season.

Sakali mang malakas ang alon sa front beach, baka sa pantalan ng isang malaking resort sa Balabag sa likod ng isla dadaong ang barkong ito.

Samantala, matapos aniya ng pagbisita ng Legend of the Seas na ito sa Boracay, didiretso naman ang barko sa bansang Malaysia.

Mahigpit na implementasyon para world class na Boracay, kailangan! --- SB Aguirre


Ni Edzel Mainit, Filed Reporter, YES FM Boracay

Ngayong world class tourist destination na nga ang Boracay at kapag patuloy ang mga kumukontra sa mga pagbabagong at pagpapa-unlad na nais isulong ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa isla, wala umanong mangyayari sa Boracay ayon kay Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre.

Lalo pa aniya ngayong dapat ng isulong ang mga programa at proyektong upang makasabay sa world class tourist destination sa ano mang aspeto ang islang ito.

Kaya nais mangyari ngayon ni Aguirre na maging “drastic” o gawing mahigpit at madalian ang implementasyon sa mga gagawing pagbabago.

Lalo pa ngayon at mayroon namang alituntuning sinusunod para sa bagay na pinapangarap na mangyari sa isla.

Ang pahayag na ito ng konsehal ay sinabi nito sa deliberasyon ng sisyon kahapon kung saan pinag-uusapan ang tungkol sa di umano ay pagpahayag ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) na mayroon na silang nakitang sariling supplier ng e-trike.

Tugon din ito ng konsehal sa pahayag ni Vice Mayor at Presiding Officer Ceceron Cawaling na tingnan muna ang reaksiyon ng mga operator at driver sa Boracay na siyang apektado ng pagbabago na ito kapag palitan na ang tradisyunal na tricycle dito ng e-trike.

Una rito nagpahayag si Malay Administrator Godofredo Sadiasa na sa katulad na pangyayari, nasa lokal na pamahalaan o SB ang bola at depende sa mga ito kung papano nila isulong para maipatupad ang pagbabagong nais para sa Boracay. 

Wednesday, July 11, 2012

Lucio Tan at Ramon Ang, aampunin ng Malay


Ni Edzel Mainit, Filed Reporter, YES FM Boracay

Bagamat kinuwestiyon ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay kung supisyenteng rason na ba ang mga donasyon at naitulong ng kilalang negosyanteng si Lucio Tan at Ramon Ang sa Boracay upang ampunin ng bayan ng Malay ang mga ito, walang pagtutol mula sa konseho ang proposisyon at isinusulong na resolusyon sa SB na nagsasabing pormal nang aamapunin dahil sa naging partner na rin ng bayang ito ang dalawang kilalang businessmen.

Ang resolusyon na ito ay kahilingan di umano ng Punong Ehekutibo sa konseho bilang pagkilala ng lokal na pamahalaan sa mga programang dinala nila sa Boracay kaugnay sa pangangalaga ng kapaligiran at gayon din donasyon sa bayan.

Tinukoy ng konseho na ang dalawang nabangit na negosyante ay may malaking kontribusyon sa programa ng Boracay Beach Management Program (BBMP).

Kasama din dito ang proyektong pagtatanim ng bakawan sa Sitio Lugutan Barangay Manoc-manoc.

Samantala, dahil sa marami ding negosyante sa Boracay na sumusuporta sa programa ng LGU at hindi lamang ang dalawang nabanggit, sinabi naman ng mga konsehal wala naman masama kung i-adopt ng Malay si Tan at Ang. 

Lalaking may warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay, timbog sa Boracay

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mahigit labingtatlong na taon ang nakalipas matapos maibaba ang warrant of arrest, natimbog din ng mga otoridad ang trenta’y uno anyos na lalaki matapos sampahan ng kasong murder o pagpatay noong taon pa ng 1998.

Sa bisa ng warrant of arrest na may criminal case number OD 1201 na inisyu ni Hon.Judge Francisco F. Fanlo, Executive Judge RTC 4th Judicial Region Branch 82, ng Odiongan Romblon, nadakip mismo kahapon ng mga taga Boracay PNP sa station 2 Balabag, Boracay ang akusadong si Jovar Lorenzo y de Juan ng Claro M. Recto, Ferrol, Romblon, at kasalukuyang residente ng barangay Yapak, Boracay.

Ayon kay PSI.Loren Bigay ng Boracay PNP, ilan sa mga kasamahan ng naturang suspek ay patuloy paring pinaghahanap ng mga otoridad, habang ang iba ay sumakabilang buhay na.

Subali’t ang naunang nabanggit na suspek ang natiyempuhan kahapon, matapos makita at isumbong sa mga pulis ng mismong kaanak ng kanilang umano’y biktima.

Nakatakda namang ipagkatiwala sa Romblon PNP ang akusado para sa karampatang disposisyon.

OL traps, prayoridad ng LGU Malay


Ni Edzel Mainit, Filed Reporter, YES FM Boracay

Nasa prayoridad ng lokal na pamahalaan ng Malay ngayon ang pagbili ng Ovicidal/Larvicidal (OL) Trap.

Ito’y makaraang ilatag ng Malay Rural Health Center office sa Sangguniang Bayan ang dinaranas na sitwasyon ng bayang ito lalo na ang nangyari sa barangay Caticlan, kung saan tatlo na ang namatay dahil sa sakit na Dengue.

Bunsod nito sa rekomendasyong ginawa ng konseho.

Hiniling ng mga miyembro na madaliin na ang pagbili sa OL Trap upang maiwasan ang pagdami ng lamok na siyang nagdadala ng sakit na ito sa mga mamamayan sa Malay kasama na ang tatlong barangay sa Boracay.

Layunin nito ay upang maipamudmod sa mga kabahayan ng sa ganon, maliban sa paghikayat nila sa paglilinis sa bahay at kapaligiran, maidagdag nila sa programa upang makontrol na rin ang pagdami ng lamok sa paraan ng OL Trap.

Samantala, kasunod ng naitalang tatlong biktima ng Dengue, ang lokal na pamahalaan ng Malay ay nagsagawa na rin ng inspeksiyon sa lugar na natukoy na may namatay dahil sa sakit na ito.

Tuesday, July 10, 2012

British call center manager, nanakawan sa Boracay; mga mamahaling gamit at pera, nilimas

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tiniyak mang nakasara ang mga bintana at pinto, napasok pa rin ng hindi nakilalang suspek o mga suspek ang tinutuluyan ng isang call center manager ng Rockwell Center, Makati kaninang madaling araw sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc, Boracay.

Ito ang naging manipesto ng trenta’y otso anyos na biktimang si Daniel “Dan” Vogel, isang British National, matapos respondehan ng mga police Boracay ang nasabing insidente.

Kuwento nito sa mga pulis, tinangay ng suspek o mga suspek ang kanyang Luck Goldstar DVD Player na nagkakahalaga ng sampung libong piso, Sony PS3 na nagkakahalaga ng bente singko mil pesos, Apple-Macintosh laptop na nagkakahalaga ng nubenta mil pesos, DS Nintendo na nagkakahalaga ng bente singko mil pesos, dalawang Ipod na tig-sasampung libong piso, isa pang Ipod na nagkakahalaga ng singkuwenta mil pesos, Iphone 4S na nagkakahalaga ng singkuwenta mil pesos, isang Sony Digital water proof camera na nagkakahalaga ng bente singko mil pesos.

Idinagdag pa ng biktima ang pagkawala rin umano ng kanilang Adidas back pack na naglalaman ng perang mahigit-kumulang dose mil pesos, at isang school bag na nagkakahalaga ng dalawang libong piso.

Sa pag-inspeksyon ng mga pulis, napansing ang stainless wire ng bintana ng kuwarto ng biktima at asawa nito ay bahagyang nabuksan gamit ang hindi natukoy na instrumento.

Maging ang cookies sa refrigerator ay pinaniniwalaang pinatos pa ng mga salarin.

Ang mansanas na nakalagay din doon ay napansing may kagat na at natagpuan na lamang sa kuwarto ng kanilang anak.

Kuweto pa ng biktima, pasado ala una kaninang madaling araw nang gumising ito at bumangon upang tiyaking nakasara ang lahat ng kanilang bintana at pintuan.

Nagulat na lamang umano ito nang mapansing nakatiwangwang na ang kanilang bintana at sliding window.

Matapos naman ang imbistigasyon ng mga taga SOCO Boracay, ay pinayuhan ang mga itong maglagay ng ilaw sa kanilang bakuran at palagyan ng grills ang kanilang mga bintana, upang hindi na maulit ang insidente.

Dahil sa naglalakihan at maraming streamer, Boracay, nagmumukhang basura!


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mistulang naging basurahan na ang Boracay dahil sa dami at nagsilakihang mga streamer na nakalat sa kalsada.

Bagamat ayon kay Loubell Cann Board of Trustee ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) na ang nakalagay sa mga streamer na ito ay mga paalala ng lokal na pamahalaan ng Malay, lalo na ang mga babala na huwag mag-kalat ng basura, subalit napakapangit aniya ang dating ng streamer na ito.

Ito ay dahil naging sagabal na ito sa daan at tila hindi na akma ang laki at bilang sa dami na nakaharang sa nilalakaran ng mga tao, kaya tuloy nagmukhang basura na rin ang Boracay ayon dito.

Ipinunto pa nito, na sa kanilang pagkaka-alam ang pinagkakabitang lamppost o poste ng ilaw ng mga streamers na ito ay proyekto ng dating Philippine Tourism Authority (PTA) na ibinigay sa lokal na pamahalaan ng Malay para sa streetlights at hindi yaong para sa ganitong mga steamer na nagsisilbing basura sa mata ng publiko.

Samantala, agad naman sinagot ni Sangguniang Bayan Member Rowen Agguire ang ipinaabot na punto ni Cann.

Anya, nakita umano nila na tila hindi na namomonitor ng tanggapan ng Alkalde ang mga bagay na ito.

Pero nangako naman ang konsehal na muling ipapaalala sa Alkalde ang bagay na ito para maaksiyonan at masunod ang tamang sukat para sa mga streamer na naaayon sa ordinansa sa Boracay.

Ang pahayag na ito ng nabangit na mga personalidad ay isinagtinig sa isang pulong na ikinasa ng BFI.

Ordinansa sa Boracay: “Excuses no one”

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

“Ignorance of the law excuses no one”, kaya dapat i-comply ang batas”.

Ganito isinalarawan ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa ang implemantasyon ng oridinansang ipinapatupad sa Boracay na kung saan dapat umanong sundin ninuman, lokal na mamamayan man ito o dayuhan.

Gayon pa man, ayon kay Sadiasa, kung may sasakyan mang nakapasok na walang dokumento sa Boracay.

Malamang ang nangyari umano dito ay kahit pa may instruction na ang lokal na pamahalaan ng Malay sa mga maliliit na bangka na busisiin ang dokumento ng mga motorsiklo isinasakay.

Subalit dahil sa halagang ibinabayad upang maitawid ang nasabing sasakyan, tila hindi na umano alintana.

Ang pahayag na ito ng Administrador ay tugon kaugnay sa reklamo ng isang dayuhang negosyante na hinuli ang motor sa Boracay kung saan nagtatanong ito kung bakit wala man lang umano sumita at magpaliwanag sa kanila sa pagpasok pa lang ng motorsiklo  sa Boracay at may umiiral na batas na ganon at nang nandito na ay saka palang hinuli.

Kung maaalala, nagpatupad ng moratorium ang lokal na pamahalaan para ipatigil na ang pagpasok ng lahat ng uri ng sasakyan na sinimulan nitong nakarang a-uno ng Hunyo  ng ibaba ang kautusang ipinatigil na rin ang pag-isyu ng permit to transport.

Monday, July 09, 2012

Boracay, nakuha ang titulong “2012 World's Best Island”


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Magsisilbing napakalaking hamon sa lokal na pamahalaan ng Malay at probinsiya ,na muling kinilala ang Boracay ngayong taon bilang “2012 World's Best Island” sa "Travel + Leisure" magazine.

Kung noong nagdaang taon ay ika-apat ang Boracay sa listahan, ngayon naman ay ito na ang nakakuha ng titulo at nangu-nguna sa kategoryang ito na prinoklama sa nasabing babasahin kahapon.

Ang Boracay na dating nasa ika-apat na pwesto lamang ay nakakuha ng 93.10 points upang maabot ng isla na ipinagmamalaki ng buong bansang Pilipinas ang pinakamataas na pwesto, batay sa survey na isinagawa ng nasabing babasahin.

Ang dating # 1 na Santorini, Greece  ay nasa ika-anim na pwesto nalang, habang napanatili naman sa ikalawang pwesto ang Bali sa Indonesia na may 90.41 puntos.

Ika-tatlo sa ngayon ang  GalĆ”pagos, ika-apat ang  Maui, ika-lima ang Great Barrier Reef Islands sa Australia, ika-anim na ang Santorini, Greece, ika-pito ang Kauai, ika-walo ang Big Island ng Hawaii, ika-siyam ang  Sicily sa Italy at ika-sampu pero bago sa listahan ang  Vancouver Island sa British Columbia .

Samantala, maliban sa pagkaka-pangalan sa Boracay bilang “2012 World's Best Island” ang Discovery Shores din dito sa Boracay ang kinilala bilang “2012 Best Hotel Spa in Asia” ng "Travel + Leisure" magazine.

Nabatid na hindi lamang dahil sa kagandahan ng isla na bumighani sa mga dayuhan ang pinagbatayan kundi maging sa serbisyo at ganda ng mga hotel/resort na  naging poborito ng mga bumabasa sa magazine na ito ang dahilan sa pagkakapili sa Boracay.

Inaasahan naman sa Hulyo 19 ng taong ito gaganapin ang seremonya ng pagtatanghal.

Dahil sa isyu ng LGU Malay at DENR, CLUP ng Boracay, hindi pa maaprubahan

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Dahil sa mga bagay na hindi mapagkasunduan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Malay kaugnay sa ilang batas at ordinansang ipinapatupad dito, hanggang sa ngayong ay hindi pa rin na-aprubahan ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng Boracay.

Ito ang napag-alaman mula kay Malay Municipal Planning Officer Alma Belijerdo sa panayam dito.

Aniya, dahil sa rasong ito, humingi pa ng tatlong buwan ang Department of Tourism (DoT) na i-extend muna ang pag-aapruba sa CLUP ng Boracay.

Ito din ay upang mabigyang linaw muna ang mga bagay na komplikado sa bahagi ng LGU Malay at DENR dahil sa napansing mga sitwasyon sa isla na hindi na akma sa kasalukuyan.

Ayon kay Belijerdo, hindi ito maaaprubahan ng Provincial Planning Development Council hangga’t hindi pa nareresolba ang isyu.

Matatandaang ang CLUP na ito ay isinulong noon pang taong 2008 ng DOT, pero hindi maaprubahan dahil sa ilang mahahalagang isyu na makakaapekto sa isla, dagdag pa ang mga ipinagbago sa mapa ng Boracay.

Ang CLUP ay siyang magsisilbing gabay sa anumang gagawin sa isla upang makita sa mapa ang mga lugar na dapat at hindi na dapat i-develop, para mabigyang solusyon ang problemang nararanasan sa islang ito. 

Balak na paniningil ng P50.00 per dive site sa Boracay, tinutulan ng BASS


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Paniningil ng P50.00 bawat diver sa bawat dive site ang nais ipatupad sa Boracay sa susunod na mga buwan o araw.

Ito’y batay sa proposisyon na pag-amyenda sa Malay Municipal Ordinance # 119 series of 1998 ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Bagay na mariing tinututulan naman ng Boracay Association of Scuba Diving School (BASS) ang panukalang ito ng SB sa paraan ng position paper na ipinadala nila sa konseho nitong Hunyo 27.

Ang tinutukoy ng BASS ay ang pangungulekta ng singkuwenta pesos sa bawat diver sa bawat diving site, gayong ang diving site sa isla ay umaabot umano sa 32.

Sa Position Paper ng BASS, inilitag ang kanilang mga rason sa pagtutol.

Para sa grupo ng mga establisemyento ng diving school sa isla na binubuo ng 37, hindi ito patas at makatarungan.

Sa panayam kay Cirilo Tirol, President ng BASS, sinabi niyang lahat ng diving school sa Boracay ay ayaw sa panukalang ito kaya nila ginawa ang position paper gayong ang halagang ito na ipapataw ay hindi naman dapat sapagkat hindi naman ganon karami ang makikita ng mga divers sa ilalim ng tubig sa bawat site.

Kinuwestiyun din nito kung bakit kailangan pang maningil ng singkwenta pesos sa mga diver o turista, gayong sila sa BASS ay aktibo din katuwang ng LGU sa pagpapanatili at pangangalaga sa yamang ito ng Boracay gaya ng off-shore clean up, pagdiskubre sa ibang diving site, pagtulong sa paglalatag ng mga boya sa isla, partisipasyon sa Rescue and Relief Operations at iba pang aktibidad ng LGU simula ng itinatag ang BASS noong 1996.

Kasama na din dito ang pagpapalubog nila sa barkong “Camia” at eroplano sa baybayin ng Boracay upang maging karagdagang atraksiyon o diving site sa Boracay.

Para pa kay Tirol, tama na ang paniningil ng environmental fee sa mga turista ito kung ang pag-gagamitan sa makukolekta mula sa mga diver ay para sa kapaligiran din.

Maliban din sa Environmental fee, sila mismong mga diving schools ay nagbabayad ng buwis, kaya kapag ipatupad ito pahirap lamang para sa turista at sa kanila, gayong target na maging tourist friendly destination ang Boracay.

Magkaganon man, naniniwala ito na hindi naman siguro aniya dapat na sa mga diver ipataw ang paniningil ng P50.00 sapagkat marami namang sea sports activities sa isla na may malaking kontribusyon din sa pagkakasira ng mga korales at iba pang yamang dagat.

Samantala, kaugnay nito, nilinaw naman ni Tirol na batid naman nilang para din sa Boracay ang aksiyong ito ng LGU, kaya handa naman aniya silang makipag-usap at ihayag ang kanilang paliwanag sa SB Malay hinggil sa usaping ito. 

Red Cross Boracay, nanawagan sa mga blood donor


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Upang matulungan ang mga pasyenteng nagkasakit ng dungue na madugtungan ang kanilang buhay sa paraan ng pagbibigay ng dugo, nananawagan ang Philippine National Red Cross Boracay-Malay Chapter sa pamamagitan ng kanilang Chapter Administrator Marlo Schonenburger na suportahan din ang kanilang mga programa o blood letting activity na gagawin sa Hulyo 12 sa bayan ng Malay partikular sa Huwebes.

At bilang pagtupad na rin sa commitment na ipinangako ng lokal na pamahalaan ng Malay na isang daang bag ng dugo taon-taon na magmumula sa bayang ito, Sa Hulyo 18 ay mayroon ding blood letting activity ang Red Cross sa isang resort sa Station 2 sa Boracay.

Aniya, bagamat nitong nakalipas na mga buwan ay nagkaroon na sila ng naturang akbidibad, pero ngayong kailangan sa probinsiyang ito ang dugo para madugtunagan ang buhay ng isang indbidwal, bulontaryong tulong ang hiling ngayon ng Red Cross sa sino mang pwedeng makagawa nito. 

Boracay, nasa Level 2 pa lang ng Task Force Moratorium


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mula ng sinimulan ang Task Force Moratorium sa building construction sa Boracay nitong buwan ng Abril, nasa level 2 pa lang ngayon ang nagawa sa implementasyon kung hanggang stage 10 ang sukatan.

Ibig sabihin ay marami pang dapat ayusin sa implementasyon at mahaba-habang panahon pa ang dapat i-gugol para dito ayon kay Malay Municipal Planning Officer Alma Belijerdo.

Aniya, sa kasalukuyan ay may mga natatangap na rin silang report mula sa tatlong Barangay sa Boracay kaugnay sa pagmonitor sa mga ginagawa o kino-construct na mga gusali, residensiyal man o komersiyal sa isla.

Ito ay upang hindi basta-bastang magsulputan na parang mga kabote at ma-kontrol ag pagdami ng gusali at residente dito.

May mga nakarating na report sa kanila at agad naman umano nilang ina-aksiyunan, at may mga bagay pa rin umano silang dapat gawin upang mapa-unlad ang kaalaman ng miyembro ng task force sa pagpapatupad sa mga Barangay sa Boracay.

Samantala, aminado naman si Belijerdo na epektibo nga ang Task Force sa mga bago o tinatayo palang na gusali sa Boracay dahil na momonitor, sapagkat sinisimulan palang ang konstraksiyon ay nati-timbre na ito sa LGU at ina-aksiyunan naman agad.

Pero sa kabila nito, sinabi ng Municipal Planning Officer na malaking hamon parin sa lokal na pamahalaan ng Malay ngayon kung papano nila maitatama ang mga bagay na naririto na sa Boracay bago pa man ipatupad ang Task Force Moratorium.

Gayun paman kung hindi umano matapos at maabot ang target ng LGU para sa Task Force, mismo ang Alkade na rin ang nagsabi na kahit hanggang Hunyo lamang sa susunod na taon, baka ma extend pa ito upang mahabol ang nais na pagbabago para sa Boracay.

Mala-“Baywatch” na pagbabantay sa beach ng Boracay, epektibo --- Labatiao


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Naniniwala si Miguel “Mike” Labatiao, Supervisor ng Life Guard Boracay, na magiging epektibo sana kung tila “Baywatch” kahigpit ang sistema ng Life Guard na ipapatupad nila sa pagbabantay sa baybayin ng Boracay.

Ang tinutukoy nito na mala “Baywatch” ay may taong nagbabantay sa baybayin at doon sa taas ng life guard tower, para i-monitor ang pangyayari sa beach, at ang iba ay nagro-roving din.

Pero mistulang mahirap pa umano ito sa bahagi nila ngayon, dahil sa kulang pa sila sa tao, sapagkat labing walo lamang ang mga ito habang may limang life guard tower at dalawang estasyon pa silang kailangang mapatauhan.

Samantala, ngayong madalas sumama ang panahon dahil sa Habagat Season, sinabi ni Labatiao na pai-igtingin nila ang pag-gamit ng red flag sa baybayin ng Boracay, kung saan balak umano nilang dagdagan pa ng mga poste para dito na ilalagay sa life guard station at tower.

Aniya, ang pagtaas sa red flag na ito ay kapag mapanganib na talaga ang maligo sa beach at pumalaot para sa iba’t ibang sea sports activities sa Boracay lalo na kung may bagyo o naglalakihan ang mga alon upang mabigyang babala ang publiko.  

Unang Lakbay-Aral ng BIWC, inilunsad


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Kinapulutan ng kaalaman kaugnay sa pangangalaga sa kapaligiran at maayos na paggamit ng tubig ang ginawang unang Lakbay-Aral noong Sabado ng umaga, Hulyo 7 ng taong kasalukuyan, na pinangunahan ng Boracay Island Water Company o BIWC.

Ang nasabing proyekto ay dinaluhan ng mga stakeholders sa Boracay, Yes FM 91.1 at Easy Rock Boracay, Philippine National Red Cross, Boracay Foundation Incorporated, Rotary Club, at Boracay Yuppies.

Ipinakita ng BWIC sa mga delegadong sumama nitong umaga ang Nabaoy River sa Barangay Nabaoy na siyang pinagkukunan ng tubig na binabahagi naman dito sa Boracay.

Gayon din ang estado ng ilog na ito na ipinagmamalaking sertipikado ng Department of Health (DoH) na ligtas para kunan ng tubig at klasipikadong class A ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Maliban dito, ipinakita din kung papano ipinu-proseso ang tubig na ito mula sa Nabaoy river hanggang sa pag-distribute sa pamamahay at establisemyento sa isla.

Inilatag din ng BIWC ang kanilang pamamaraan ng paglinis sa tubig na inilalabas sa Sibuyan sea mula sa pagiging waste water nito galing sa sewer o septic tank.

Matapos maikot ang water at sewerage treatment plant sa Boracay at Caticlan ay sinagot naman ni BIWC Chief Operation Officer Ben MaƱusca ang ilang mga katanungan kaugnay sa kanilang operasyon at maging ang mga bagay na naglagay sa kontrobersiyal sa pangalan ng kompanya ng tubig na ito.

Layunin ng “Lakbay-aral” na ito ay upang maipakita at maliwanagan ang publiko kung papano pinapatakbo ang serbisyong ino-offer nila, at kung gaano kaligtas para sa kapaligiran ng Boracay ang operasyon ng BIWC, bilang pagsunod sa nakasaad sa Environmental Compliance Certificate (ECC).

Mga stakeholders sa Boracay, ayaw sa BIC

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Tila hindi nagustuhan ng mga stakeholders sa Boracay ang panukala ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na bumuo ng Boracay Island Council.

Ito ay bahagi ng Senate Bill o section upang mabigyan ng titulo ang mga lot owners sa Boracay.

Nitong nagdaang katapusan ng Hunyo, katulad sa reaksyon ni Aklan Rep. Florencio Miraflores, si BFI Board of Trustee Loubelle Cann ay nagtanong sa kongresista kung para saan ang BIC, na baka makapag-dala pa ng gulo sa pamamahala ng LGU Malay.

Bilang tugon naman ni Miraflores sa usaping ito na kanya ring inihayag sa harap ng mga stakeholders, sinabi nito na may nabuo siyang istratehiya, kung saan hindi niya muna kukontrahin ang panukala ni Escudero para mapadali ang pag-aapruba sa house bill, saka na lang din nila umano hihingin na tanggalin na lang ang section na ito.

Kung matatandaan, ang senado ay nagpasa din ng katulad na panukala sa house bill ni Miraflores na mabigyan na ng titulo ang lot owners sa Boracay.

Kaya lang ay humiling sila na dapat may BIC o Boracay Island Council sa isla sa ilalim ng pamumuno ng pangulo ng bansa at ang miyembro nito ay ang mag-rekomenda lamang ang kapangyarihan at ang nasyonal na ang magpapatupad.