YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, October 06, 2017

Chinese Nationals, muling nanguna sa Tourist Arrival

Posted October 6, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay
Nangungunang muli ang mga Chinese Nationals sa bilang ng may pinakamataas na arrivals para sa buwan ng Setyembre.

Base sa ibinigay na datos ng Malay Municipal Tourism Office,  umabot sa 30,259 ang total na bilang ng mga chinese na bumisita sa isla ng Boracay sa naturang buwan.

Kaugnay nito, pumapangalawa naman ang Korean Nationals na may 25,162 at sinundan naman ng Taiwan na nakapagtala ng 2,538.

Nabatid na kasama sa Top 10 ang bansang Saudi Arabia, Malaysia, Hong Kong, USA, Austrilia, Japan at ang huli ay ang Singapore.

Pumatak na rin sa 1,529, 895 ang kabuuang bilang ng mga turistang bumisita sa isla mula buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan kung saan 70, 410 dito ay mga Foreign Nationals, 53, 090 para sa mga Local tourists at 1, 372 na mga OFW’s.

Inaasahan na madadagdagan pa ang bilang ng mga turistang Chinese dahil sa unang linggo ng Oktubre ay dagsa ang bilang na dumating dahil sa pagselebra ng Moon Cake Day at Chinese Mid-Autumn Festival.

Samantala, positibo naman ang ahensya ng MTour na maabot ang target bago matapos ang taon na ito.

Tourist Arrival sa Boracay, patuloy na tumataas – DOT OIC Velete

Posted October 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person“Boracay is still doing good.”

Isa ito sa sinabi ni DOT Boracay Sub-Office Tourism OIC Kristoffer Leo Velete sa patuloy na pagtaas ng tourist arrival sa isla ng Boracay.

Sa panayam sa kanya ng Boracay Good News nitong Sabado, mariing sinabi nito na sa kabila umano ng mga pagsubok na pinagdadaanan at mga hindi magandang nangyayari sa bansa ay patuloy parin ang bilang ng mga turistang mas pinipili paring magbakasyon sa isla.

Nabatid na simula Enero hanggang Agosto ngayong taon ay nakapagtala sila ng 1.4 Million tourist arrival kung ikukumpara noong nakaraang taon na 1.2 Million ng kaparehong buwan.

Kaugnay nito, dahil sa kanilang Tema na “ Experience Western Visayas ” ini-ingganyo ni Velete ang mga tourist destination sa probinsya na makipag-ugnayan sa kanilang opisina at panatilihin ang kagandahan ng kanilang lugar lalo na sa mga Front Liners na siyang magdadala ng magandang impormasyon sa turista.

Samantala, pina-alala ni Velete na dapat protektahan ang isla para mapanatili ang kagandahan nito na siyang nagbibigay atraksyon sa mga turistang dumadayo rito.

Kumpiyansa si Velete na maaabot nila ang target na 2 Million tourist arrival para sa taong 2018.

Wanted sa kasong rape sa Jamindan Capiz, timbog sa Boracay

Posted October 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for rapeTimbog ang isang lalaki na wanted sa kasong rape sa Jamindan, Capiz sa manhunt operation ng pinagsanib na puwersa ng Boracay Tourist Assistance Center at Jamindan PNP sa Sitio Bolabog, Balabag kahapon ng hapon.

Sa blotter entry ng Boracay PNP, kinilala ang suspek Mark Anthony Joscon alyas “Mak-Mak”, 19-anyos, isang delivery boy at residente ng Brgy. Jaena Sur, Jamindan, Capiz.

Nasakote si Joscon sa bisa ng Arrest Warrant na inisyu ni Hon. Judith D. Orendain-Tonogbanua Branch 20, RTC 6- Mambusao Capiz na may petsang September 12, 2017.

Wala namang ini-rekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.

Wednesday, October 04, 2017

DILG nagbabala sa bagong modus para sa Marawi

Posted October 4, 2017
Alan Palma Sr., YES THE BEST Boracay

No automatic alt text available.Naglabas ngayon ang Department of Interior and Local Government o DILG ng kalatas na nagbabala hinggil sa bagong modus operandi para sa Marawi.

Ang seste, magpapakilala ang mga personalidad na ito na kawani ng gobyerno o DILG na tatawag o magti-text sa bibiktimahin nila para humingi ng donasyon para sa Marawi.

Ang cash donation daw ay para sa rehabilitasyon ng Marawi City na sinira ng halos tatlong buwan na bakbakan ng militar at Maute ISIS group.

Ayon pa sa advisory, para maisakatuparan ang kanilang panloloko ay sinasabihan nila ang kausap na biktima na ipadala ito sa pamamagitan ng remittance center.

Maliban dito, nagbabala rin ang DILG na may isa pang impostor na nagpapanggap at nag-aalok na i-delay ang implementasyon ng suspension o dismissal sa serbisyo sa kanyang tatawagan na umano’y utos galing sa Office of the Ombudsman.

Kung sino man ang makakatanggap ng anumang tawag o text na may kahalintulad na intension ay agad ipaalam sa pinakamalapit na police station o DILG Office sa lugar.

Ang pa-abiso na ito ay ikinalat na sa lahat ng munisipyo maging sa barangay level para wala ng mabibiktima ng nasabing modus operandi.

Tuesday, October 03, 2017

18 menor de edad, dinampot dahil sa paglabag sa curfew

Posted October 3, 2017
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

No automatic alt text available.Kabuuang 18 menor de edad ang dinampot ng mga otoridad sa nagpapatuloy na pagpapatupad ng curfew ordinance sa isla ng Boracay.

Karamihan sa mga nasampulan ay ang mga pagala-gala sa beachfront, computer shops, bilyaran at ilan pang mga lugar na kadalasan ay tinatambayan ng mga teenager.

Kasama ang MSWDO, WCPD at MAP ay sinusuyod ng mga miyembro ng BTAC o Boracay Tourist Assistance Center ang buong isla simula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw para sa implementasyon ng Municipal Ordinance 212.

Ayon kay  BTAC Acting Chief PSI Jose Mark Anthony Gesulga, on going parin ang kanilang isinasagawang pag-iikot at mas tinututukan umano nila ang araw ng Byernes hanggang Linggo dahil ito umano ang mga araw na maraming bilang ng kabataan ang lumalabas ng gabi.

Pahayag pa nito ang sinumang may edad dise otso pababa na mahuhuling pagala-gala mula sa mga nabanggit na oras ay huhulihin at sasailalim sa seminar ng kalahating araw sa MSWDO kasama ang magulang para sa first offense samantala papatawan naman ng P 500 at isang araw na seminar kapag inulit ito sa pangalawang pagkakataon at sa third offense ay multang P 1, 000 kasabay ng pagkakulong ng mga magulang.

Dagdag pa ni Gesulga, mas pinahigpit pa ang kanilang pag-momonitor lalo’t ilang petty crimes na rin ang kinasangkutan ng mga kabataan lalo na sa nakawan at salisi.

Sa impormasyon na natanggap mula sa mga kapulisan, may kaso ng harassment at pambubugbog sa isang koreano ang naitala dahil sa pagsingil ng sobra-sobra ng mga sand castle boys lalo na sa mga turistang nagpapakuha ng picture sa mga sand castle.

Mga minors din ang madalas pagala-gala at nagtitinda ng mga kung anu-ano sa beachline tuwing hating-gabi.
Magugunitang noong ika 30 ng Setyembre ng maimplementa ang nasabing curfew kung saan tuloy-tuloy na umano ito para hindi malihis ng landas ang mga kabataan.

Sunog sa isang Resort sa isla, agad na naapula

Posted October 3, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Agad namang naapula ang nangyaring sunog kagabi sa isang resort sa Station 2, Balabag,Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay FO2 John Henry Ildesa, nakatanggap sila ng tawag sa isang concerned citizen ganap na alas-syete y medya  ng gabi na umanoy may sunog sa nabanggit na lugar.

Agad naman nila itong nirespondehan, kung saan napag-alamang ang pinagmulan nito ay exhaust fan.

Ayon kay Ildesa, naiwan umano ng guest na bukas ang naturang gamit mula alas-nuebe ng umaga hanggang gabi bago tumunog umano ang kanilang smoke detector kaya agad itong pinuntahan ng sekyu para alamin.

Wala namang naitalang injury sa naturang pangyayari kung saan ang estimated na danyos nito ay nasa P 1,500.

Katuwang ng Bureau of Fire Boracay sa pagresponde rito ang BFRAV o Boracay Fire Rescue Ambulance Volunteers, Kabalikat Civicom at Malay Auxilliary Police.

Samantala, paalala ng grupo ng BFP na maging responsable ang publiko sa kani-kanilang mga appliances at huwag kalimutan ang mga nakasaksak na mga kagamitan dahil sa oras na makalimutan ang mga ito ay maaaring makadulot ng kapahamakan.

Gun Ban ng Comelec at Checkpoint inumpisahan na

Posted October 3, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay
Image result for gunbanInumpisahan na ang pagpapatupad ng gun ban at pagsagawa ng checkpoint  sa unag araw ng Octubre basi sa ipilabas na memorandum ng COMELEC.

Sa panayam ng himpilang ito kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig,  wala naman umanong naitalang nahuli sa isinagawa nilang checkpoint sa Caticlan.

Kaugnay nito, nagsagawa rin ng Checkpoint sa isla ng Boracay sa unang araw ng Oktubre pati na rin sa Sition Lugutan, ManocManoc kung saan wala namang naitalang lumabag.

Ayon pa kay Cahilig, magtatagal ang implementasyon hanngang sa Ika-30 ng Oktubre habang inaantay pa ang pirma ni Pangulong Duterte kung itutuloy ang Barangay Election.

Napag-alamang ang pagsisimula ng election ban at checkpoints ay sabay-sabay na isinagawa nationwide.

Samantala, pinapaalala rin ni Cahilig na tuloy ang filing ng Certificate of Candidacy at mag-uumpisa sa Oktubre 5 hanggang Oktubre 11 mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon hanggang sa hindi pa naisasabatas ang pagkansela ng Barangay at SK Election.