YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 25, 2012

Nangongotong na MAP, ipinapasumbong sa Island Administrator


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Walang nakitang mali si Island Administrator Glenn Sacapaño kung mag-asign ng man Municipal Auxiliary Police (MAP) sa harap ng isang resort o establishemento man sa Boracay.

Ayon dito, ito ay dahil naglalagay naman talaga umano sila ng MAP sa harap ng isang establishimiyento, lalo sa mataong lugar para doon tumutok.

Pero may pagkakataon din aniyang may nagre-request ng MAP sa harap ng resort, pero ang ginagampanam naman umano nila ay ang magpatupad ng ordinansa at hindi ang umaktong guardiya doon.

Hindi rin umano nakitaan ng masama kung tumangap ng pagkain ang isang miyembro ng MAP na naka-asign sa isang area lalo na at nagmula ito sa isang indibidwal na kusang loob naman ibinigay.

Katunayan ay nagpapasalamat pa umano sila sa mga ganong uri ng tao na nagbibigay lalo na at prebilihiyo naman ito sa bahagi ng MAP.

Subalit kung ang miyembro ng MAP na umano mismo ang nanghingi, ibang usapan na umano ito dahil ang labas ay pangungotong, bagay na hindi nila hinahayaang mangyari, kaya i-report  aniya sa kaniya kapag nagkaganoon na.

Inihayag din ni Sacapaño na sa Boracay ay hindi lamang lahat ang magbantay sa paligid ay MAP  at Security Guard dahil maging ang lahat ay pwede para sa siguridad ng isla.

Kung inakailangan aniya na lahat ay maging pulis ay bakit hindi, kung ang lahat ay puwedeng maging Mayor bakit din hindi, ang mahalaga ay para sa ikakabuti ng Boracay.

Kaya hindi naman aniya siguro masama kung ang MAP ay ma-assign sa area malapit sa establishemento para magbantay.

Ang pahagay na ito ni Sacapaño ay bilang reaksiyon nito sa kahilingan ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre na usisain ng dalawa kumitiba sa konseho ang napapabalitang di umano ang MAP ay ina-assign sa isang resort para doon ay magbantay.

Pero, dahil sa hindi naman napangalanan ang MAP na tinutukoy sa sesyon, hiling ni Sacapaño na sana ay huwag naman ang buong MAP ang dalhin sa isyung ito dahil maraming miyembro ang organisasyong ito.

Samantala, nabatid naman mula sa administrador na may natanggap na rin silang kumunikasyon kaugnay sa pagkakaroon ng dayalogo sa mga MAP kaugnay sa isyu. 

“Habal-habal”, maaaring bumida sa kalsada ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kapag apektado na ang kabuhayan at kinulang ang tricycle sa Boracay, maaaring dito na umano pumasok ang over charging sa mga pasahero at ang pananalasa ng mga habal-habal kapag ipatupad ang color coding sa biyahe ng tricycle sa Boracay.

Ito ang isa sa ikinababahala ngayon ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) ayon kay BLTMPC Board of Director Enrique Gelito.

Lalo na at matagal na umanong problema ng mga driver sa Boracay ang pagpasada din habal-habal sa isla gayong bawal ito pero hindi parin nabibigyan ng solusyon.

Kaya mistulang dehado naman umano ang mga tricycle drivers sapagkat nagbabayad sila sa LGU para sa permit ng kanilang hanap buhay ngunit sumasalida naman sa pagbiyahe para mamasahero ang iba gamit ay motorsiklo.

Hindi rin umano maiwasan ng mga driver na magtanong kung bakit sila lang ang kailangang i-coding samantala ang mga habal-habal at e-trike o electric tricycle sa isla ay hindi napasama.

Sa kasalukuyan ay may 512 units ng tricycle mayroon sa isla batay sa prangkisa sa ibinigay sa kooperatiba, kaya kapag naipatupad na ito 250 lamang ang tricycle na papasada bawat araw, maliban sa araw ng Linggo. 

Kabuhayan at pasahero, maapektuhan ng color coding --- BLTMPC


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Apektado ang kabuhayan ng ga operator at driver ng tricycle sa Boracay kapag naipatupad na ang color coding sa Boracay.

Ito ang reaksiyon ni Enrique Gelito isa sa Board Of Director ng Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative (BLTMPC) sa panayam dito kahapon.

Aniya kung sila lang ang tatanungin, ayaw umano sana nilang maipatupad ang color coding dahil kawawa ang mga driver dahil apektado ang kabuhayan ng mga ito.

Pero hindi lamang ayon dito kabuhayan ang tatamaan ng scheme na ito, sapagkat maging sila ay nangangamba na baka kulangin ang unit ng tricycle sa lumaking bilang ng mga turista sa Boracay lalo pa at magbubukas na rin ang klase.

Dagdag pa ni Gelito, limang taon na ang nakalipas ay ipinatupad ang katulad na sistema ngunit hindi umano nagtagumpag dahil sa nagreklamo ang mga pasahero, sapagkat kinulang ang mga unit na nagsisilbi sa mga pasahero kaya binawi din agad ang color coding matapos ang isang linggo.

Kaya kinikinita ng mga driver na posibleng umanong nangyari ulit ang sitwasyon katulad ng dati lalo pa at dumami na ang pasahero at turista ng Boracay ngayon.

Samantala, gayong naipatupad na noong ang color coding sa nga tricycle sa isla ngunit hindi nagtagumpay, hiniling umano nila ngayon sa lokal na pamahalaan ng Malay na huwag na sanang itong ituloy pa sa pangalawang pagkakataon.

Ngunit ipinangako naman umano sa kanila si Mayor John Yap na kapag nagreklamo ang publiko at kinulang ang sasakyan sa Boracay ay agad naman nilang kakanselahin ang kautusan ukol dito at depende sa demand ng publiko.

“Color coding” para sa mga tricycles sa Boracay, sisimulan ngayong Hunyo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

May moratorium na sa mga sasakyan na ipapasok sa isla, may color coding pa ang tricycle sa Boracay.

Ito ang dalawang bagay na inaasahang mangyayari at ipapatupad sa Boracay sa susunod na buwan ng Hunyo ayon kay Cezar Oczon, Municipal Transportation Officer ng Malay.

Bunga umano ito ng mga isinagawang pagdinig sa pangunguna ng Committee on Transportation ng Sangguniang Bayan ng Malay, at mga sector na apektado lalo na ang kooperatiba ng mga tricycle sa isla.

Dahil dito ay nagkasundo ang mga ito na ipatupad na ang color coding sa mga tricycle sa darating na Hunyo 15.

Layunin ng scheme ay upang lumuwang naman ang main road mula sa mabigat na daloy ng trapiko dahil sa dami ng mga sasakyan sa isla.

Dahil sa sistemang ito, inaasahan umanong makikita na sa kalye ang mga kolorum na tricycle gayong iisa lamang ang kulay ng tricycle na tumatakbo sa kalye araw-araw, maliban na lang sa araw ng linggo.

Maliban dito, maglalagay din umano ang Municipal Transportation Office ng sticker sa mga tricycle kung saan doon nakalagay ang body number.

Mula doon ay maaari umanong mabigyang solusyon at malaman nila na sa iisang unit lamang nagagamit ang isang prangkisa. 

Thursday, May 24, 2012

Moratorium sa mga sasakyan sa Boracay, ipapatupad na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Isang bagong moratorium naman ang ikinasa ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa Boracay.

Dalawang buwan umano matapos ilabas ni Malay Mayor John Yap ang kautusan hinggil sa pagpapatupad ng Task Force Moratorium, epektibo naman ngayong Hunyo a-uno ay ipapatupad na rin ang moratorium sa lahat ng uri ng sasakyang nais maipasok sa Boracay batay sa Memorandum Order 013 ng Alkalde.

Dahil dito, anumang uri ng sasakyan, 2, 3 at 4 wheels man ito, ay suspendido muna ang pagpapasok sa isla na magtatagal hanggang sa Disyembre 31 ng taong ito.

Ayon kay Cezar Oczon, Transportation Officer ng Malay, dahil sa may moratorium nang ipapatupad, pansamantala ay suspendido din muna ang pagbibigay ng permit to transport sa lahat ng uri ng sasakyang ipapasok sa Boracay, pribado man o pampubliko.

Bunsod nito, lahat ng bagong mga aplikante para kumuha ng permit to transport pagsapit ng a-uno ng Hunyo ay hindi na tatanggapin. 

Replacement na sasakyan sa Boracay, pahihintulutan pa rin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat may moratorium epektibo ngayong Hunyo sa lahat ng uri ng sasakyan na ipapasok sa Boracay, mariing nilinaw ni Cezar Oczon, Transportation Officer ng Malay, na hindi kasama o saklaw ng memorandum na ito kung  ang sasakyan ay replacement lang naman.

Sapagkat layunin di umano sa pagkasa ng moratorium na ito ay upang nakontrol ang pagdami, at mabilang ang mga sasakyang naririto na sa isla, para maiwasang madagdagan pa.

Kaugnay nito, habang epektibo pa ang kautusang ito ng Alkalde, sa panahon aniyang ito isasagawa nila ang inventory sa lahat ng mga sasakyan sa isla.

Kung saan sa tulong ng Barangay at Municipal Auxiliary Police MAP, lalo na ang pag-usisa kung may mga parking area nga bang nilaan talaga sa mga behikulong ito, gayong isa ito sa requirements bago sila nabigyan ng permit ay siyang sisilipin din nila. 

TIEZA, muling dadalo sa sesyon ng SB


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahan na ng Sanggunaing Bayan ng Malay ang pagdalo ng mataas na opisyal ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa susunod na sesyon para masagot na ang lahat ng mga katanungan kaugnay sa Drainage System ng Boracay.

Sapagkat nagpadala na ng sulat sa konseho si TIEZA General Manager Mark Lapid para sa pagbago sa iskedyul ng pagdalo nito sa sisyon makaraang padalhan ito ng imbitasyon para sana sa ginanap na regular session ng SB kamakalawa,  Mayo 22.

Ngunit dahil sa may napangakuan na umano si Lapid na commitment kamakalawa kung kaya hindi ito nakapunta sa Malay.

Pero sa pagkakataong ito, mismong si Lapid na ang humiling na i-re-schedule ang pagdalo nito sa darating na a singko ng Hunyo, sa susunod na sesyon.

Layunin ng imbitasyon ng konseho sa Manager ng TIEZA ay upang mismo ang mataas na opisyal na ng TIEZA ang makadalo para mailatag ng Sanggunian ang kanilang mga katanungan kaugnay sa drainage system ng Boracay.

Ito ay dahil sa nais makakuha na rin ng matinong sagot kung kaylan na sisimulang ayusin ang strakturang ito sa isla na matagal ng problema.

Matatandaang ilang beses na ring naipatawag ng SB ang TIEZA at ilang beses na rin na nagpadala ng representante para sumagot.  
Ngunit hindi nakuntento ang konseho sapagkat limitado lang din ang mga sagot ng taong ipinadala ng TIEZA, sa rasong hindi umano sila ang makakapagdesisyon, lalo na kung ang tanong ay may kinalaman kung kaylan gagawin ang proyektong ito.  

Bilang ng Chinese Nationals sa Boracay, halos nakalahati


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung dati ay grupo-grupong dumarating sa Caticlan Jetty Port, maging sa mga paliparan ang mga turistang Chinese papuntang Boracay, nayon batay sa obserbasyon ng Municipal Tourism Office ng Malay, halos kalahati na umano sa mga bilang ng mga Tsinong ito ang nalawa, kung pagbabasihan ang naitala ng Municipal tourism office araw-araw.

Sapagkat nitong nagdaang mga buwan, off season man o peak season sa isla, hindi umano bumababa sa dalawang daan ang mga Chinese National na pumupunta sa Boracay araw-araw.

Subalit simula nang magdeklara ng Travel Advisory ang Chinese Government laban sa Pilipinas at magkasenla ang mga travel agency ng kanilang tourist package dito, umaabot nalang ng isang daang araw-araw ang mga Tsinong dumarating sa isla ayon kay Edralyn Piloton ng Municipal Tourism Office.  

Gayon pa man, sinabi nito na hindi naman na apektuhan ang bilang ng tourist arrival na Korean at Taiwanese sa isla.

Ang bilang ng turista na dumarating sa Boracay ay binabatay record na naitala nila mula sa Caticlan Jetty Port at Boracay/Caticlan Airport. 

Wednesday, May 23, 2012

MAP sa Boracay, balak kausapin ng chairman dalawang kumitiba ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpahayag ng kanilang mungkahi ang dalawang kumitiba na tinukoy ni Sangguniang Bayan Member Rowen Agguire para umaksiyon sa nalaman nitong impormasyon kaugnay sa pagduty o pagpapa-duty ng miyembro ng Municipal Auxiliary Police MAP-Boracay sa resort dito.

Bilang tugon, iminungkahi ni SB Member Jonathan Cabrera, chairman ng Committee on Good Governance and Public Ethics, na kung maaari ay magkaroon sila ng diyalogo sa mga miyembro ng MAP.

Hindi lamang para sa isyung proteksiyon sa resort o kaya ay dahil sa di umano ang mga MAP ay ruma-raket, kundi ito dahil na rin sa iba pang isyu may kaugnayan sa trabaho at iba pang obligasyon ng mga ito.

Samantala, para naman kay SB Member Jupiter Gallenero Chairman ng Committee on Peace, Order and Public Safety, isinuhestiyon nito na kung puwede na lang din ay ipatawag nila sa Committee Hearing ang mga miyembro ng MAP na ito para sa katulad na layunin.

MAP, suma-side line bilang security guards sa ilang estabilsimiyento sa Boracay? --- SB Member Rowen Aguirre

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre na hindi pa naman kumpirmado talaga ang nakarating na impormasyon sa kaniya na may ilang miyembro ng Municipal Auxiliary Police MAP sa Boracay na naka duty din sa ibang resort maliban sa pagduty nila bilang MAP.

Ngunit sa kabila nito, nais ipakunsidera ngayon ni Aguirre sa dalawang kumitiba sa Sangguniang Bayan ng Malay ang nakuha nitong impormasyon, upang ipa-usisa ang bagay na ito sa Committee on Peace, Order and Public Safety and Committee on Good Governance and Public Ethics.

Sapagkat para kay Aguirre, napakapangit naman na tumatanggap ng sahod ang isang MAP sa bayan, pero konektado din ito sa isang resort at doon ma maka-duty.

Aniya, kung hindi man totoo ang impormasyon na nakalap nito, magpapasalamat umano sila, ngunit kapag totoo aniya ito ang mahaga ay alam nila ang bagay na ito.

Gayun pa man, sa kabila ng isiniwalat na ito ni Aguirre, nilinaw ng huli na hindi agad nila inaakusahan ang mga MAP, kundi nais lamang nilang malaman ang katutuhanan.

Ang pahayag na ito ni Aguirre ay sinabi ng konsehal sa privilege hour sa session ng konseho kahapon.  

Mga hotel sa Boracay, obligadong magkaroon ng sariling lifeguard


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Kung mag-aaplay ka ng trabaho sa isang resort o hotel sa Boracay, maaari mong ipagmalaki kung ikaw ay mapili o italaga bilang isang rescuer o taga sagip-buhay.

Ito’y kung tuluyan nang maisabatas sa isla na ang lahat ng mga hotel o resort dito ay magkaroon na dapat ng sariling lifeguard na sinanay.

Ito din ay may kaugnayan sa panukala ng Philippine Coastguard na memorandum circular.

Sa pamamagitan ng ipinatawag na public consultation kahapon ng coastguard, sinabi ni Coastguard Caticlan Detachment Commander Terrence Alsosa, na isa sa nilalaman ng naturang circular ay ang obligasyon ng mga hotel o resort sa isla na maglagay ng lifeguard sa kanilang establisemyento.

Partikular ding tinukoy ni Alsosa ay ang mga resort dito na may swimming pool.

Mao-obliga na rin umano ang mga establisemyento na isailalim sa isang rescue training course ang ilan sa mismo nilang mga tauhan, kaugnay sa pagsagip ng buhay at propidad ng kanilang mga guest.

Samantala, maliban pa sa mga resort na may swimming pool. Dumalo rin kahapon sa public consultation ang mga sea sports operators at iba pang may kahalintulad na operation.

Nakatakda namang ipatupad sa isla ang nasabing memorandum circular, kapag tuluyan na itong maaprobahan sa lalong madaling panahon.  

Lalaki sa Manoc-manoc, Boracay, nasaksak


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Kaagad na isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos itong masaksak sa barangay Manoc-manoc mag-aalas kuwatro kaninang umaga.

Sa imbestigasyon ng Boracay PNP, nabatid na umiihi malapit sa isang bar doon ang bente singko anyos na biktimang si Jigger Ronsales ng Mabalacat Pampanga, nang mangyari ang insidente.

Isang hindi nakilalang lalaki na nakatambay ang lumapit sa biktima at kaagad itong sinaksak.

Isang sugat sa likod ang tinamo ng biktima dahilan upang ito’y magpasaklolo at isinugod sa pagamutan.

Isang manhunt operation naman ang kaagad ikinasa ng mga pulis laban sa hindi nakilalang suspek.

Triping ang itinuturong dahilan ng mga otoridad sa nasabing insidente.

Lalaki sa Yapak, Boracay, hinampas ng sagwan, sugatan


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang sagwan ay para sa bangka at hindi para sa ulo.

Subali’t sa barangay Yapak Boracay, isang lalaki ang nagtamo ng pinsala sa ulo matapos umano itong hampasin ng sagwan kagabi.

Nabatid sa police report ng Boracay PNP, isang komosyon ang bumasag sa pag-iinuman ng nagreklamong si Rodel Taunan ng Ibajay, Aklan, at ng iba pang kasama nito.

Sinasabing ang mga nasangkot at itinuturong suspek na sina Joseph Sarinduna at ang mga nakilala lamang sa alyas na Benjie at Steve ng Tablas Romblon ay dumating at nakipag-inuman sa biktima.

Kinalauna’y lumabas umano ang mga ito ng bahay upang mangisda.

Subali’t sa halip na isda ang dala pabalik, sagwan ng bangka ang kanilang naging pasalubong na siya umanong ginamit ni Benjie sa paghampas kay Rodel.

Tumakas ang mga suspek at iniwan ang sugatang biktima, habang patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad ang itinuturong si alyas Benjie.

Kaagad namang pinagtulungan ng ilang naroon na isugod sa ospital ang biktima.

Tuesday, May 22, 2012

Philippine Coastguard, nagpatawag ng public consultation sa mga resort at diving school sa Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Para sa kaligtasan ng buhay at ari-arian ng publiko.

Isang public consultation ang ipinatawag ng Philippine Coastguard sa mga resort, hotel at mga diving schools sa Boracay kaninang umaga.

Ayon kay Caticlan Coastguard Detachment Commander Terrence Alsosa, layunin ng nasabing pagpupulong ay upang paalalahanan ng kanilang responsibilidad at bigyan ng kaukulang pool guidelines ang mga hotel, resorts at iba pang establisemyento sa isla, sa pamamagitan ng proposed memorandum circular ng Headquarters ng Philippine Coastguard.

Isa umano sa nilalaman ng naturang guidelines ay ang pagkakaroon dapat ng mga nasabing hotel o resort ng lifeguard na sinanay at nakahandang rumesponde sa oras ng trahedya kaugnay sa kanilang pool o sea sports operation.

Kapag naaprobahan na umano ang nasabing panukala, ay kaagad na itong ipapatupad dito sa isla.

Samantala, inaasahan din umano ng coastguard na magiging abala ang mga ito sa pagbibigay pa lalo ng karampatang pagsasanay sa mga establisemyentong may kahalintulad na operasyon.

Naging positibo naman umano ang naging tugon ng mga dumalo sa nasabing public consultation. 

Mayor John Yap, pursigido nang maipatupad ang Task Force Moratorium sa Borcay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Seryoso at pursigidong maisulong at maipatuapd na nga ng Punong Ehekutibo ng Malay at Boracay ang Task force moratorium na ikinasa nito para maisaayos at mapreserba ang islang ito.

Katunayan, sa pulong na ginawa kahapon, inihayag ni Ginoong Felix Delos Santos, incoming Municipal Tourism Officer ng Malay, na nakahanada na si Mayor John Yap na maglaan ng pondo para sa operasyon ng programang ito.

Nagawa na rin aniya ng Alkaldeng aprubahan ang pondo para sa pagbili ng apat na Multicab na ibibigay sa tatlong barangay sa Boraray at ang isa ay para may magamit ang mga opisyal o mga technical people na tutugon  sa problemang napuna sa isla.

Maliban dito, inaprubahan din ng alkalde ang pagbili ng mga kagamitan na gagamitin sa operasyon ng task force.

Samantala, laking pasalamat  naman ng pribadong sektor sa hakbang na ito ng LGU Malay, para protektahan ang Boracay, batay sa inihayag ng pangulo ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) na si Jony Salme, maging sa pahayag kamakailan din ni Ariel Abriam, Pangulo ng Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) kaya suportado din nila ang nasabing Task Force.

Glenn Sacapano, idinepensa ang BIWC at sea wall sa Bolabog


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa umpisa pa lamang ng paggulong ng ikinasang Task Force Moratorium sa Boracay, tila apektado ang opisina ng island administrator sa mga pagpuna na ipinapaabot sa mga ito.

Sapagkat kung ang layunin ng task force na ito ay maging mata ang kumunidad para ipabatid sa pamahalaan ang pangyayari sa Boracay, mistulang apektado naman ang mga ito sa kanilang natatangap na pagpuna sa ilang istrakturang ginagawa sa Boracay.

Ito ay makaraang ihayag kahapon sa pulong ng Task force Moratorium ni Island Administrator Glenn Sacapano ang kanyang reaksiyon sa pag-kuwestiyon sa pagkakaroon di umano ng petisyon ng ilang indibidwal sa planong pagsakop sa bahagi ng baybayin ng Bolabog Beach upang gawing kalsada o mapasama sa circumferential road.

Maliban dito, inihayag din ni Sacapano ang kaniyang pagkadismaya  kaugnay sa pag-kuwestiyon sa pagkakaroon ng seawall sa Bolabog sa kabila umano na ang mga katulad na proyekto ay para naman sa lahat.

Samantala, maliban dito, ipinaliwanag din ni Sacapano ang hinggil sa suliranin ng Manoc-manoc hinggil sa sewer at drainage na matagal nang problema ng isla.

Gayun pa man, nilinaw nito na ang lokal na pamahalaan ng Malay ay may ginagawa naman para aksiyunan ito, lalo na at nalalapit na ang tag-ulan. Kaya para sa doble-dobleng dahilan, bumili na rin umano ang LGU ng dalawang makina na pang-pump para matugunan ang problema kaugnay sa pagbaha at problema sa Manoc-manoc.

Bagamat sinabi nito na hindi ang pag-pump ang solusyon sa baha, nilinaw naman nito na ginagawa nila ito bilang pansamantalang aksiyon.

Ang Task Force ay binuo upang maging bantay ang kumuniada sa mga illegal na gawain sa isang barangay dito sa isla ng Boracay, upang maisaayos ang mga bagay-bagay na naririto na, kabilang na ang pagdami ng illegal na konstraksiyon, at upang malaman kung ano ang suliranin sa islang ito upang mapabilis ang pagtugon. 

BIWC, ipinagtanggol ni Mayor Yap


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Drainage at sewer sa Barangay Manoc-manoc ang unang problemang nakita, bagay na inihain sa harap ng mga miyembro ng Task Force Moratorium sa pulong na isinagawa kahapon.

Ito ay sa kabila at kahit sabihin pang hindi pa nag-iinit na implementasyon ng Task Force na ikinasa para sa Boracay nitong nagdaang buwan.

Ngunit dahil sa ang mga miyembro sa bawat barangay ang magsisilbi mata sa mga kaganapan o suliranin.

Sa pagkakataong ibinigay sa mga miyembro ng Task Force ng Barangay Manoc-manoc para ipa-abot ang kanilang reaksiyon kaugnay sa programa.

Bagamat nasorpresa, ang matagal nang problema sa sewer at drainage na nagbabaha at bumabaho sa nasabing barangay ang siyang inilatag sa harap ng mga miyembro at mga opisyal na bumubuo ng grupong ito.

Bilang chairman ng Task Force at namumuno ng bayan, idinipensa naman ni Malay Mayor John Yap ang Boracay Island Water Company (BIWC) mula sa isyung di umano ay kawalang aksiyon ng kumpaniyang ito sa pagtugon sa kanilang problema doon.  

Paliwanag ni Yap, sumalo lang din ang kumpaniyang ito ng problemang namana mula sa dating namamahala ng pasilidad na ito.

Gayon pa man, ang Alkalde na rin ang humingi ng dispensa para sa nasabing problema sapagkat nabiktima di umano ang proyekto ng paglaho ng pondo noon, kaya perwisyo ito ngayon sa publiko lalo na sa mga turista sa isla. 

Monday, May 21, 2012

“Task Force Moratorium” sa Boracay, handa nang magbantay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayon ay organisado na ang Task Force Moratorium sa Boracay na ikinasa ng kasalukuyang administrasyon ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Dahil dito ay umaasa ang Alkalde ng Malay na si Mayor John Yap na makakatulong ang lahat, lalo na ang mga miyembro ng Task Force, para iparating sa publiko na nakahanda na ang krusadang ito sa pagbantay sa mga gawain illegal ng sa ganon at maprotektahan at mapanatili pa ring Boracay ang Boracay sa susunod pang mga henerasyon.

Ang pahayag na ito ay isinatinig ng Alkalde sa ginawang pulong nitong hapon kasabay ng ginawang distribusyon ng uniporme sa mga miyembro ng Task Force, na siyang hudyat na rin na maaari nang simulan ang pag-aksiyon sa lahat ng suliraning napapansin sa isang komunidad sa isla.

Inaasahan naman na isusunod na rin ang pagkakaroon ng Command Center para dito ia-akyat ang lahat ng nakakalap na problema na napuna mula sa tatlong barangay sa Boracay batay sa mga nakakalap na mga impormasyon ng mga miyembro na nagsisilbing mata sa kani-kanilang nasasakupan.

Ang Task Force Moratorium ay binuo upang maitama ang lahat ng mga maling bagay o panuntunan sa isla na nauna nang nailatag upang maiwasang madagdagan pa ang mga istrakturang o gusali at maayos ang mga suliranin sa isla kaugnay sa migration, trapiko, at marami pang iba na dapat pagtuunan ng pansin. 

Bangkay ng batang nahulog at inang tumalon mula sa RORO, narekober na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kahapon, 4:30 ng hapon, ay nakita nang nakalutang sa baybayin ng Barangay Sumagui, Bansud, Oriental Mindoro ang bangkay ng biktima na 23-anyos na si Joanna Marie Tubunggan, ang ina ng batang nahulog sa RORO kamakailan lang.

Ayon kay Lt. Commander Terence Alsosa, Station Commander ng Phil. Coast Guard Caticlan, nakita ito halos 200 metro ang layo mula sa baybayin ng nasabing lugar.

Sumunod namang narekober ang katawan ng isa pang biktima na batang lalaki at nasa 3-taong gulang na anak ni Tubunggan na nakalutang rin sa dagat.

Bagamat nasa stage of decomposition na rin ang katawan ng dalawang biktima ay tinukoy pa rin umano ng ama ng bata na ang kaniyang mag-ina na nga ang mga bangkay na narekober sa lugar.

Kung maaalala, di umano ay nahulog ang batang ito mula sa barendilya ng barakong pang-RORO mula Roxas Oriental Mindoro papuntang Caticlan nitong nagdaang Mayo 16.

Dahil sa pagkahulog ng bata ay tumalon din ang ina para sagipin ito.

Samantala, sa kasalukuyan ay hinahanap pa ayon kay Alsosa ang bangkay ng isang lalaki at pasahero din na nagmagandang loob upang tumulong sana, kung kaya ay tumalon din ng barko upang sumaklolo. 

Dalawang pari ng Boracay, papalitan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inaasahan ang malaking pagbabago sa Parokya ng Holy Rosary Parish Church sa Balabag ang mangyayari sa susunod na buwan ng Hunyo.  

Ito ay dahil kasabay ng reshuffling ng mga kaparian sa Aklan at sa ibang probinsiya ay hindi din ligtas ang pari sa Boracay kahit pa sinasabi madalas na espesyal ang isla ng Boracay.

Bunsod nito, si Rev. Fr. Magloire “Adlay” Placer na kasalukuyang Kura Paroko ng Parokya ng Boracay at nagsibilbi na rin ito sa isla ng halos walong taon ay ililipat na bayan ng Lezo, Aklan.     

Gayon din si Rev. Fr. Rhenemar Villanueva, ang isa sa pari ng isla, bagamat bago pa lang ito dito, dahil sa mahigit isang taon pa lang itong nanunungkulan, ililipat na rin ito ng Parokya mula sa Boracay at inaasahang mapapadpad naman sa bayan ng Libacao.

Dahil dito, inaasahang sa darating na Mayo 19 ay mangyayari ang pormal na pagpapalit ng mga mamumuno sa Parokya. 

“Brigada Eskwela”, sinimulan na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong araw sinimulan ang unang araw ng Brigada Eskwela sa lahat ng pampublikong paaralan, hindi lamang sa Aklan kundi maging sa iba pang paaralan sa buong bansa.

Bunsod nito, umaasa ang Department of Education (DepEd)-Aklan ng suporta mula sa mga magulang ng mga mag-aaralan na makikiisa ang mga ito sa gagawaing isang linggong pagsasaayos sa mga kagamitan sa paaralan at kung ano pa sa mapapakinabangang gamit sa silid aralan.

Maging ang paligid ng mga paaralan ay lilinisin din simula ngayong araw hanggang sa darating na Biyernes, Mayo 25.

Layunin ng isang linggong Brigada Eskwela ng ito ay upang mai-handa ang mga silid aralan sa pagbubukas ng klase sa darting na Hunyo 4, ayon kay Dr. Jesse Gomez, Division Superintendent ng DepEd Aklan.

Samantala, sa darating naman ng Lunes, Mayo 28, gaganapin na ang orientation sa mga magulang at estudyante kaugnay sa K-12 program at iba pang alituntunin ng paaralan.

Maging ang pamimigay ng mga libro sa mga mag-aaral para pagsapit ng Hunyo 4 sa pormal na pagbubukas ng klase ay handa na ang lahat gayong sisimulan na ang regular na klase.

Bagamat unang ng naihayag sa himpilang ito na noong Mayo 14 sinimulan ang Brigada Eskwela sa mga paaralan, ngayon araw ilulunsad ang kilos na ito ng mga magulang at sa tulong na rin umano ng buong kumunidad.