YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, January 30, 2016

Tatlong kalalakihang kulong sa pagbebenta ng illegal na droga

Posted January 30, 2016
Ni Inna Carol Zambrona, YES FM Boracay

Sa kulungan ang pagsak ng tatlong kalalakihan matapos mahuling nagbebenta ng illegal na droga kahapon.

Ito’y matapos mahuli ang tatlo sa isinagawang buybust Operation sa Brgy. Balabag Boracay ng pinagsamang pwersa ng Malay PNP at Boracay tourist Assistance Center (BTAC).

Kinilala ang mga naaresto na sina Joey Tumaca ng Kabulihan Malay, Elmar Desalez ng Capiz at Benjie Rizares  ng Bacolod City.

Dito nakuha sa posisyon ni Tumaca ang isang sachet na shabu, buybust money at cellphone na naglalaman ng mga illegal transactions habang nakuhaan din ng isang droga si Dezales at isa ring sachet kay Rizales.

Sa ngayon, nakakulong na ang mga ito sa Malay PNP kung saan nahaharap din sila sa kasong paglabag sa R.A 9165 O Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Red Cross Boracay-Malay Chapter handang-handa na sa Million Volunteer Run

Posted January 30, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for red cross volunteer runHandang-handa na umano ang Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter sa gaganaping Nationwide Million Volunteer Run sa Pebrero 6, 2016.

Ayon kay Ronaliza Inocencio ng PRC, ang Million Volunteer Run sa Boracay ay magsisimula sa Station 2 Nigi-Nigi, Beach Resort papunta sa Station 1 beach area ng alas-6 ng umaga.

Sinabi pa nito na ang malilikom na kita sa kanilang registration ay mapupunta sa libreng training, first aid, CPR at disaster orientation sa mga komunidad sa isla.

Inanyayahan din nito ang mga gustong lumahok sa Volunteer Run na pumunta lamang sa kanilang booth sa Dmall simula ala- 5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi at sa E-Mall naman ay alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi para sa nasabing registration.

Samantala, ayon pa kay Inocencio na ang naturang Volunteer Run ay hindi umano competitive run o fun run sapagkat ito ay isang humanitarian run.

Early registration para sa School Year 2016-2017 itinakda ng DepEd ngayong araw

Posted January 30, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for DepEd early registration 2016
Ngayong araw na umano ang itinakdang early registration ng Department of Education (DepEd) para sa public elementary at secondary school para sa school year 2016-2017.

Dahil dito, hinimok ngayon ni Malay Public School District Supervisor Jessie Flores ang mga magulang at estudyante na lumahok sa nasabing early registration na magtatapos naman hanggang sa Pebrero 29.

Layun umano ng maagang pagpaparehistro ay para mabigyan ng sapat na pahanon ang DepEd na paghandaan ang pagbuhos ng estudyante sa school opening sa Hunyo gayon din para agad na mabigyan ng solusyon ang mga problema sa paaralan.

Kaugnay nito, inanyayahan din nito ang mga guro na magsagawa ng house-to-house campaigns para himukin ang mga estudyante na lumahok sa early registration.

Samantala, ang Early Registration Period ay isasagawa umano sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

Phase 1 ng Boracay Hospital inaasahang matatapos sa kalagitnaan ng taon

Posted January 30, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi na umano mahihirapang tumawid ang mga pasyente sa mainland mula sa Boracay para magpagamot sa sandaling matapos ang construction at renovation project ng Boracay Hospital sa kalagitnaan ng taon.

Ito ang sinabi ni Aklan Provincial Health Officer II Dr. Victor Sta. Maria, kung saan hinahabol na umanong matapos ngayon ang construction ng Phase 1 kung saan may budget itong P40 Milyon mula sa Department of Health (DOH) 6.

Maliban dito kasalukyan na rin umano ngayong nagsisimula ang Phase 2 na may budget namang P23 Milyon at Phase 3 na may budget ring P60 Milyon kasama na ang mga equipment.

Dagdag ni Sta.Maria nais na niyang masimulan agad ang operasyon ng naturang pagamutan kahit OPD lang muna upang hindi na mahirapan ang mga pasyenteng pumunta sa malayong pagamutan.

Sinabi pa nito na masyado umanong malaki ang budget ng nasabing hospital kung kayat natatagalan din ang nasabing construction dahil na rin sa masyadong mahal ang mga materyales sa isla.

Ang Boracay hospital o Don Ciriaco Tirol Hospital ay palalagyan ng ibat-ibang health equipment karagdagan personnel staff at gagawing tatlong palapag bilang tugon sa mga nangangailan ng tulong medikal sa Boracay hindi lang sa mga residente kundi pati na rin sa mga turista.

Naiwang cellphone sa motor, tinangay ng magnanakaw

Posted January 30, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Nanlumo ang isang babaeng nagsumbong sa Boracay PNP matapos itong nakawin ang kanyang cellphone na naiwan sa kanyang motorsiklo sa Mainroad ng Station 1 Brgy. Balabag, Boracay kagabi.

Sumbong ng biktimang si Haide Cabagtong 33-anyos sa mga pulis, nadiskubrihan nalang umano nito na ang kanyang cellphone na naiwan sa kanyang naka-park na motor sa harap ng shop ay nawawala na.

Dahil dito, agad namang tiningnan nito sa CCTV ng kanyang shop kung sino ang kumuha ng kanyang cellphone at dito natuklasan niyang kinuha ito ng hindi nakilalang lalaki.

Sa ngayon, patuloy ang pag-iimbestiga ng mga pulis sa nangyaring insidente.

Friday, January 29, 2016

Huling SOPA ni Governor Miraflores, all set na

Posted January 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Image result for governor miraflores of aklanAll set na ang ikatlo at huling State of the Province Address (SOPA) ni Aklan Governor Florencio Miraflores sa susunod na linggo February 3, alas 9 ng umaga araw ng Miyerkules.

Ayon sa SP Aklan, imbetado umano sa gaganaping SOPA ang mga ibat-ibang ahensya ng Aklan, concern agencies at mga miyembro ng media.

Dito, masasaksihan nila ang huling talumpati ni Miraflores para sa kanyang mga nagawang proyekto sa tatlong taon niyang paninilbihan bilang gobernador sa probinsya ng Aklan.


House helpers sa Western Visayas makakatikim na ng salary increase

Posted January 29, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for salary increaseMakakatikim na umano ngayon ng salary increase ang mga house helpers sa Western Visayas na kinabibilangan ng Aklan, Antique, Capiz, Guimaras at Iloilo.

Ito’y matapos aprobahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang P500 para sa household service workers sa mga nasabing probinsya.

Base sa pahayag ni Salome Siaton ng Department of Labor and Employment Director ng Western Visayas, ang mga katuwang umano sa bahay sa mga siyudad at sa first class-municipalities sa rehiyon ay makakakuha ng ng minimum monthly pay na P2, 500 habang sa ibang bayan naman ay makakakuha ng P2, 000.

Sinabi nito na ang wage order ay para lamang sa minimum wage ng mga domestic workers kung saan puwedi naman umano itong taasan pa ng kanilang mga pinagtratrabahuhan kung kanilang nanaisin.

Hotel sa Boracay, pinasok ng tatlong magnanakaw

Posted January 29, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for theftPinasok ng tatlong di nakilalang magnanakaw ang isang hotel sa Sitio Bolabog, Brgy.Balabag, Boracay kahapon.

Sumbong ng Manager ng hotel na si Charlot Abigail Gamet 28-anyos sa Boracay PNP, sinabihan umano siya ng kanilang security guard na nawawala ang kanilang cash box na nakalagay sa loob ng kanilang drawer sa front office desk ng kanilang hotel.

Dahil dito, agad umano niyang tiningnan ang CCTV kung sino ang kumuha ng nasabing cash box at doon ay nakita niya ang tatlong hindi nakilalang magnanakaw na kinukuha ang nasabing lagayan ng pera.

Sa ngayon, patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis kung saan bigo pang matuntun ang mga suspek.

Comelec Aklan nakipagpulong sa AFP at PNP kaugnay sa prepasrasyon sa nalalapit na halalan

Posted January 29, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay  

Nagpatawag umano kamakailan ng Conference ang Commission on Elections (Comelec) Aklan para sa nalalapit na halalan sa Mayo 9, 2016.

Ito ay pinangunahan mismo ni Provincial Supervisor II Atty. Ian Lee Ananoria ng Comelec Aklan kung saan nakipagharap ito sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Ayon kay Ananoria, inalam niya umano rito ang situation update at assessment ng AFP at PNP na kanilang partner sa halalan para sa layong maging matiwasay ang national at local election sa Mayo.

Sinabi pa ni Ananoria na ang nasabing conference ay mahalaga umano dahil sa ang Aklan ay may espesyal na kaso sa pamamagitan ng malakas na tourism industry nito kung saan kinakailangan talagang iwasan ang insidente o anumang kaguluhan sa turismo.

Nabatid na dumalo rin sa nasabing conference ang mga election officers mula sa 16 na bayan at ang iba pang magsisilbi sa darating na halalan.

Thursday, January 28, 2016

MS Nautica ng Oceania Cruises dumaong na sa Boracay

Posted January 28, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isa na namang cruise ship ang nasilayan sa isla ng Boracay ngayong araw.

Ito’y matapos dumaong kaninang alas-10 ng umaga ang MS Nautica ng Oceania Cruises na may sakay na 600 turista.

Dahil dito isang maiden call ang magaganap para sa isasagawang plaque of exchange kung saan aakyat sa naturang barko ang ilang government officials mula sa probinsya, Department of Tourism, media at iba pang stakeholders para sa maikling programa ngayong alas-3 ng hapon.

Ilang oras namang mag-iikot ang mga sakay nitong pasahero sa isla ng Boracay na karamihan ay mula sa mga bansa sa Europa.

Sa kabilang banda muli namang babalik bukas ang MS Costa Victoria ng Costa Crociere kung saan tinatayang may sakay itong mahigit sa dalawang libong pasahero.

Ang MS Nautica ang ikalawang cruise ship na dumaong sa Boracay ngayong taon matapos nitong sundan ang MS Celebrity Millennium na dumaong naman kahapon sakay ang 2,138 pasahero.

APPO OIC PSSupt. Jamili hangad ang mapayapang eleksyon sa probinsya

Posted January 28, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for halalan 2016
Hangad umano ni Aklan Police Provincial Office (APPO) OIC PSSupt. John Mitchell Jamili ang mapayapang halalan ngayong Mayo.

Ayon kay Jamili nais niya na maging matiwasay at honest ang eleksyon kung kaya’t lalo pa umano nitong pinalakas ang pwersa ng mga pulis.

Pinagsanib din umano nito ang pwersa ng mga kapulisan, COMELEC at APF na siyang may malaking papel sa nasabing halalan ngayong 2016.

Kaugnay nito nagkaroon din umano sila ng 1st Provincial Joint Security Control Center (PJSCC) Command Conference na ginanap sa Camp Pastor Martelino, Kalibo, Aklan kung saan tinalakay ang mga preparasyon sa national at local election kabilang na ang umiiral na Gun Ban at checkpoint.