Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Muling naungkat sa sesyon ng Sangguniang Bayan ng Malay nitong umaga ang tungkol sa kinokolektang P200.00 individual garbage fee sa mga boarders sa isla na sinisingil ng Barangay sa Boracay.
Ito ay makaraang matanong ni SB Member Wilbec Gelito kung ano ang mangyayari sa mga nakapag-bayad na ng Garbage Fee at kung pwede pa bang maibalik ang perang naibayad na, ngayong klaro na na hindi naman pala dapat singilin ang mga boarders ng ganitong bayarin.
Sapagkat sa ngayon, nababahala si Gelito na baka balikan di umano ang lokal na pamahalaan ng Malay ng mga nagbayad na ito dahil ang resibo di umano na ibinigay ng barangay ay resibo ng LGU at hindi sa mismong barangay.
Subalit, ayon kay SB Member Esel Flores, tila malayo nang maibalik pa ang mga perang ito sa mga nagbayad na.
Dahil dito, nagmungkahi si Flores sa kapwa nito konsehal na kung pwede ay tulungan na lamang ang barangay sa pagpaliwanag sa publiko ukol dito, at ipangako na sa susunod na taon ay hindi na ito mauulit at hindi na sila sisingil pa.
Pero, ang halagang naibigay na nila ay ipakikiusap na lang aniya na kung maaari gawin na lang din nila ito donasyon gayong nakabayad na dahil mahirap umano ang magre-fund.