YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, April 10, 2012

Lalaking may baril, natiklo sa Caticlan Jetty Port


Sa halip na mag-bakasyon at makapag-relaks sa isla ng Boracay, sa presinto magse-Semana Santa at magninilay-nilay ang isang lalaki matapos mahulihan ng baril sa Caticlan Jetty Port.

Kinilala ang suspek na si Marlon Vicente y Beltran, trenta’y-singko anyos, isang driver, at tubong Brgy. Malamig, Bustos, Bulacan.

Galing umano ito ng Antique at papasok sa Caticlan Jetty Port papuntang Boracay bandang 4:00 ng hapon noong Abril 5, nang makita sa x-ray machine ng pantalan ang isang bagay na hugis baril sa loob ng bagahe nito.

Nang magsagawa ng malalimang inspeksyon, nakita sa loob ng bagaheng dala ng suspek ang isang caliber .22 Magnum revolver, at apat na live ammo na naka-karga sa chamber ng nasabing baril.

Ayon kay PO2 Jaime Nerviol Jr., wala umanong maipakitang papeles ng baril si Beltran, at hindi umano umaamin ang suspek na sa kanya ang baril, kahit na sa kanyang bagahe nakita ang nasabing armas.

Gayon pa man, mapayapa namang sumama sa mga kapulisan si Beltran at kasalukuyang nasa kustodiya ng Malay PNP para sa imbestigasyon at karampatang disposisyon.

Oplan Semana Santa, Inilunsad ng YES FM at Easy Rock Boracay


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Pormal nang inilunsad ng YES FM at Easy Rock Boracay ang Oplan Semana.

Layunin ng nasabing hakbang ay ang matulungan at maalalayan ang mga turistang pumapasok sa isla ngayong Semana Santa.

Kaugnay nito, naglaan ng broadcast assistance sa mga bisita at lokal na risidente ang YES FM at Easy Rock Boracay, partikular sa mga nawawala nilang gamit.

Magsisilbing takbuhan ng mga nagsasauli ng mga nawawalang gamit ang dalawang himpilan, maging sa mga batang nawalay sa kanilang mga magulang.

Ang mga linya ng telepono ng mga ito ay inilaan sa mga nagtatanong tungkol sa mga gawain sa simbahang Katoliko sa isla at sa mga ipinapaanunsyung biyahe ng bangka.

Katuwang ng YES FM at Easy Rock Boracay ang Boracay Tourist Assistance Center ng Police, Philippine Coastguard, Municipal Auxiliary Police, Red Cross, at D’mall Security.

Nangako naman ng suporta sa Oplan Semana Santa ang mga nabanggit na ahensya.

Ang Oplan Semana Santa ay magsisimulang maglingkod mula alas singko ng umaga hanggang alas dose ng hating-gabi, partikular sa Huwebes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay.

Seguridad sa Boracay, ipingako ni Defensor; pulis sa isla, dinagdagan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Karagdagang kapulisan para sa isla ng Boracay ang ipinadala ni P/Supt. Cornelio Defensor nitong umaga na siyang maging katuwang ng Boracay pulis sa pagpapatupad ng seguridad sa mga turista.

Ito ang kinumpirma ni Defensor sa panayam dito kung saan nagdagdag umano sila ng dalawang team pa ng pulis na nagmula sa Provincial Public Safety Company.

Pero ayon dito, hindi lamang para sa Holy Week ang layunin ng mga karagdagang pulis na ito katunayan ay aabutin pa aniya ang mga ito ng anim na buwan.

Bunsod nito nagpaalala din ang provincial director sa isla na iwasang magdala ng mamahaling gamit at labis na pag-inom ng alak para maiwasan ang anumang sakuna.

Samantala, inihayag din nito na kasado na sa buong probinsya ng Aklan ang ipinapatupad na siguridad para sa pagdiriwang ng Mahal na Araw.

Mga party at event sa Boracay, tuloy pa rin kahit Biyernes Santo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi apektado ang bagong bansag ng Boracay na Party Island ng Asia.

Dahil kahit Biyernes Santo, tuloy pa rin ang mga event o aktibidad sa isla, kaya mistulang hindi maaapektuhan ang mga party goers sa darating na Biyernes habang ang ilang bakasyunista ay nagninilay-nilay.

Nilinaw ng administrador na mariin nilang ipapatupad ang batas o ordinansa sa paglimita ng ingay na maaaring madala ng mga establisemyentong sa isla katulad ng mga disco bar.

Pero pagdating sa itinakdang oras na naaayon sa batas na tuwing Biyernes Santo pagdating ng alas dose ng hating-gabi ay dapat bawasan na ang lakas ng tugtog at hanggang alas dos lang.

Aniya, ang mga alituntuning katulad nito ay batid na rin umano ng mga organizer ng events sa Boracay, kaya umaasa si Sacapaño na susunod din ang mga organizer na ito.

Ito’y upang bigyan din ng pagkakataong makapagnilay-nilay ang iba lalo na at ilang oras lang naman ito at sa araw ng Sabado ay balik na sa normal ang lahat.

Nabatid din mula kay Sacapaño na taong 2009 pa ipinatutupad ang ordinansang katulad nito.

Samantala, inihayag din nito na hanggang sa ngayon ay marami pa ang pumipila at kumukuha ng permit para sa mga event sa Boracay lalo na at summer season na.

Pulu-pulotong na turista sa Boracay, inaasahan pa sa susunod na araw.


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi na mahulugang karayom ang front beach ng Boracay dahil sa dami ng mga turista lalo na sa pagsapit ng hapon.

Katunayan ang mga pampublikong sasakyan ay mistulang kulang pa maging ang mga resort, dahil halos dalawa at isang buwan pa bago sumapit ang Abril ay full booked na rin.

Ito’y sa kabila ng pagkaka nasyunal TV ng Boracay kamakailan lang at ipinakita ang ilan sa hindi kagandahang bahagi ng isla.

Gayunpaman, nabatid mula sa pamunuan ng Municipal Tourism Office sa Caticlan na bagama’t kahapon ay hindi pa ganon karami ang bisita sa isla batay sa naitala nila.

Inaasahan umanong bukas at sa Biyernes ay sabay-sabay at dadagsa na naman ang mga turistang ito sa pantalan.

Kaugnay nito, nagpa-alala si Island Administrator Glenn Sacapaño sa publiko na pag-ingatan ang kani-kanilang mga gamit at huwag hayaan lalo na ang mga nasa bar dahil kapag nalalasing ay madalas nabibiktima, gayundin sa mga magulang na may mga anak dahil baka mawala ang mga ito.

Samantala, kasabay ng pagdagsa ng mga turista ang pangangailangan sa mga pasilidad katulad ng pampublikong palikuran sa isla.

Kung kaya’t ayon kay Sacapaño, inaayos na nila ito, katunayan ang nasa boat station 3 ay pwede na umanong gamitin sa ngayon. 

Dahil sa iisa ang rampa, barkong dadaong sa Caticlan Jetty Port, limitado


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat sumulat na umano ang Marina sa pamunuan ng Caticlan Jetty Port kaugnay sa nais ng Department of Transportation and Communication (DOTC) na magkaroon ng sapat na masasakyan ang publiko ngayong Mahal na Araw.

Nanindigan si Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na ipapatupad parin nila ang kautusang limitahan ang mga barkong dadaong sa Caticlan, sapagkat iisang rampa lamang aniya hanggang sa ngayon ang maaaring gamitin.

Gayon paman mayroon pa naman aniyang ibang pantalan na pwedeng mapagdaungan ng mga barko katulad sa Bayan ng New Washington at Antique.

Dahil dito para maiwasang ma-stranded ang mga pasahero sa Caticlan Jetty Port, lalo na kung sabay-sabay na magsibalikan ang mga bakasyunistang ito.

May nailatag na rin aniya silang solusyon para sa katulad na suliranin, kung saan sa koordinasyon sa mga kumpaniya ng bus ayon kay Maquirang ay napakahalaga sa pagkakataong ito, ng sa ganon ay makontrol din ang pagdating ng mga pasahero na sasakay sa RORO para hindi ma-stranded sa pantalan. 

Estado ng mga kinokontratang empleyado, nilinaw ng DOLE Aklan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kapag lumampas na ng anim na buwan ang isang empleyado sa trabaho, ayon sa batas, ay magiging regular na ang estado nito, lalo pa ngayong binigyan na ng ngipin ang batas na ito, na sagot naman sa madalas na tanong ng mga empleyado sa Boracay.

Nilinaw ito sa isang panayam kay Bidiolo Salvador, OIC Provincial Officer ng Department of Labor and Employment o DOLE-Aklan.

Ayon dito, kapag lumampas o sumapit na sa anim na buwan at isang araw na nagtatrabaho ang isang indibidwal sa isang establishemento ay awtomatikong regular na ang estado nito at hindi na maaaring tanggalin sa trabaho nang walang rason.

Ito ay kahit pa may kontrantang pinanghahawakan ang employer na hanggang anim na buwan lamang nila itong inimpleyo, pero tila wala pang balak ang employer na bitiwan ang naturang empeyado.

Mariin ding inihayag ni Salvador na mali ang gawain ng ilang employer na bago at hindi pa tapos ang kontrata ng nagtatrabaho dito ay tatanggalin agad.

Ang pahayag na ito ni Salvador, ay kasunod ng mga katanungang ipina-abot ng ilang empleyado sa Boracay, kaugnay sa kanilang estado sa trabaho na tila wala parin linaw hanggang sa ngayon. 

SENA ng DOLE, sagot sa problema ng trabahador sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Bidiolo Salvador, OIC Provincial Officer ng Department of Labor and Employment o DOLE-Aklan, na marami nang aprehensiyon ang mga empleyado sa Boracay.

Kaya nagpahayag ito ng kahandaang bukas ang kanilang opisina na tumanggap ng mga reklamo, lalo pa ngayong pinapalakas na nila ang sistema ng DOLE na Single Entry Approach o SENA.

Layunin umano ng sistemang ito na maiwasan nang humantong pa sa korte o kaso ang problema ng employer at empleyado.

Dahil sa sistemang ito ay maaayos na ang suliranin sa loob ng tatlompung araw.

Nilinaw din nito na ang SENA ay hindi kaso, sa halip ito ay tulong o assistance lamang sa mga empleyado na may problema sa employer, para ang DOLE na mismo ang magpapatawag sa employer at maglalatag kung ano amg suliraning dinaranas ng isang empleyado.

Samantala, ang sistemang ito ayon kay Salvador ay malaki ang maitutulong sa mga empleyado sa Boracay, sapagkat hindi na kailangan pa ang abogado at hindi na dumaan pa sa mahabang proseso.

Pero sinabi nito na mahalaga parin aniya kung personal talagang magpa-abot ng kaniyang reklamo sa tanggapan ng DOLE ang empleyadong apektado. 

Cagban Holding Area, hindi na ligtas para sa publiko?


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sakaling hindi pa maipapatupad ang pagsasa-ayos sa Cagban Jetty Port Holding area, doon pa lang umano pwedeng manghimasok ang administrasyon ng Jetty Port para sila na ang magtake over sa konstraksiyon ng proyektong ito.

Ito ang inihayag ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, kung saan aminado ito sa kasalukuyang sitwasyon ng holding area na luma na at kalawangin pa.

Katunayan aniya, dalawang buwan na ang nakakalipas ay may kinontrata na sila para sa konstraksiyon ng holging area.

Subalit maging ito ay nagtataka din kung bakit hindi pa nasisimulan, dahil sila umano ay naghihintay lang sana kapag matapos upang pormal nang nai-turn over sa kanila upang magamit na.

Samantala, lamang at kinakawalang na ang inprastrakturang ito sa Cagban, balak at nasa plano nang aalisin at palitan na ang buoung bubong at palitan ng kahoy ang dati ay mga bakal.

Ang pahayag na ito ni Maquirang, ay kasunod ng pangyayari sa nasabing holding area noong ika tatlumpu ng Marso kung saan habang naghahanda para sa pagpapasinaya ng bagong holding area sa Caticlan Jetty Port ay kamuntikan nang madisgrasya ang isang turista dito.

Ito ay makaraang kamuntikan na itong mahulugan ng isang kapirasong angle bar mula sa bahagi ng bubong ng bumigay dahil sa puro kalawang na rin, na nagpapakitang hindi na ligtas para sa publikong dumadaan doon.

Mga bangka ngayong Mahal na Araw at Summer Season, hindi kukulangin


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pinaghandaan na ngayong Mahal na Araw na hindi kukulangin ang mga bangka sa Caticlan at Cagban Jetty Port, kasabay ng inaasahanag pagdagsa ng mga turista lalo pa ngayon summer season.

Sapagkat lahat ng bangka ay pinahintulutan na nang makapagbiyahe, hindi katulad ng normal na araw kung saan salitan ang mga bangka dahil hinahati-hati sa paglalayag bawat araw.

Subalit sa pagkakataon ito, ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, pinahintulutan nila ang mahigit walompung bangka na ito upang maging sapat ang sasakyang pandagat papunta at palabas ng Boarcay.

Maliban dito ikinatutuwa naman ni Maquirang sapagkat maliban sa mga bangkang ito ng kooperatiba, handa rin ang dalawang kumpaniya ng fast craft na magbigay serbisyo sa mga pasahero ano mang oras.

Dahil dito tila malabo umano na magkaroon ng kakulangan sa sasakyang pandagat sa Jetty Port ngayong Holy Week at Summer Season. 

40 MAP, ipinakalat para sa trapiko at beach front ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

40 miyembro ng municipal auxiliary police ang ipapakalat ng lokal na pamahalaan ng Malay simula ngayong Semana Santa.

Bagama’t nangunguna ang problema kaugnay sa mabigat na trapiko sa mainroad n g isla ayon kay Rommel Salsona, hepe ng MAP sa Boracay.

Pagmementina sa maayos na trapiko umano ngayon ang layunin nila, lalo pa’t tila wala parin umanong sulosyon ang traffic dito dahil sa makitid ang kalsada.

Sapagka’t may ilang bahagi umano ng daan na hinukay ng isang kumpanya ng tubig kaya magpapahirap pa umano ito sa mga motorist.

Dahil dito, payo ni Salsona sa mga motorista na maging disiplinado ang mga driver upang maging maaayos din ang lahat.

Samantala, nagpakalat na rin umano sila ng mga tao sa front beach upang magbantay at magpatupad ng mga ordinansa katulad ng sa anti smoking, anti littering.

Gayun din ipapatupad ang mga ordinansa laban sa mga ambulant vendor at illegal na mga komisyuner sa front beach at sa mga pasaway na paraw operator.    

Lalaking nag-nakaw sa isang money changer sa Boracay, kinuyog ng taumbayan!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Suntok, sipa at hampas ng tubo sa ulo.

Ito ang napala ng bente singko anyos na lalaki makaraang mahuli sa aktong pagnanakaw sa isang money changer sa barangay Balabag, pasado ala una nitong hapon.

Sinasabi sa report ng Boracay PNP na nangyari ang insidente matapos bumili ng maiinom ang kahera ng money changer sa tapat ng kanilang pwesto.

Subali’t dali-dali umano itong bumalik nang mapansing may isang lalaking nakapasok na sa loob ng kanilang money changer.

Kaagad nitong sinita ang suspek nang mapansing bukas na ang kanilang kaha at hawak na ang pera mula doon.

Bogbogan na ang sumunod na eksena nang hinila nito sa damit ang suspek at humingi ng saklolo.

Ang siste, pinagtulungan umano itong bogbogin ng mga sumaklolong residente at ilang nakasaksi sa nangyari doon.

Sa presento na ng pulis nakilala ang nabogbog na suspek na si Mark Anthony Castillo y Eugenio ng San Jose Antique.

Nang makapanayam ng Yes FM Boracay, ay kanya namang inamin ang nagawa, na nagdulot sa kanya ng sakit ng katawan, mula sa pambubugbog ng taumbayan.

Caticlan Jetty Port Administrator Maquirang, may paalala para sa walang abalang biyahe


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ipinatupad na sa Caticlan Jetty Port ang mahigpit na siguridad para sa maaayos na daloy ng mga turista, lalo na’t may bagong holding area na doon.

Ayon kay Caticlan Jetty Port Administrator  Nieven Maguirang, nagdagdag at nakapagpakalat na sila ng mga security guards para mabantayan ang mga biyaherong ito papuntang Boracay gayong din ang mga gamit ng mga turistang ito.

Maliban dito may mga Pulis na rin umano mula sa Malay PNP at Aklan Public Safety Company, maging ang mga Coast Guard ay kasado na rin ayon.

Samantala, para sa mabilis at walang abala sa biyahe kapag dadaan sa Caticlan Jetty Port.

Payo ngayon ni Maquirang sa mga lokal na residente ng Aklan o Malay, na laging ihanda ang ID para maisawasang magka-problema at hindi na masita pa.

Paalala pa nito, na kung maaari ang mga bagahe ay lagyan ng tag para madaling mahanap o maibalik kapag nawala, at sundin lamang ang mga pulisiya sa loob ng terminal para hindi na maabala pa.

Samantala, upang maginhawa ang pagbiyahe ng mga turistang may dinaramdam, may inihanda umano ang pamunuan ng pantalan sa tulong ng lokal na pamahalaan na Medical Team at Assistance Center sa mga nais magtanong. 

Malay Municipal Health Center, nilooban!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nilooban ang tanggapan ng Malay Municipal Health Center Annex, dito sa barangay Balabag.

Natangay ang ilang kagamitan at perang nagkakahalaga ng apat na libong piso, mula sa mismong opisina ng midwife doon na Sally Sacapaño.

Nadiskubre ito umaga ng Abril 2 bago pa mag-ala sais, sa pagpasok ni Sacapaño sa opisina.

Maliban sa pera, ninakaw o natangay din ang isang set ng computer kasama ang printer, at mga gadget para sa koneksiyon ng internet.

Samantala, ang ibang computer pa doon ay tila nagalaw at natangal na rin mula sa dating posisyon pero hindi ito nadala.

Sa kasalikuyan ay hindi pa malaman kung gabi o madaling araw ginawa ng suspek o mga suspek ang pangloloob.

Sa pangu-usisa ng Boracay Pulis, naging daan sa pagpasok at paglabas ng kawatan sa nasabing gusali ay ang bintana di umano sa 2nd floor na hindi nai-lock.

Sa ngayon ay iniimbestigahan din ng mga taga Scene of the Crime Operative o SOCO ang pangyayari gayon din ni PO3 Naral ng BTAC ang kasong ito.

Kung maaalala nitong lunes ay naiulat ding nilooban ng dalawang beses ang Boracay National High School at natangay ang pera na mahigit dalawang libong piso.

Boracay, ideneklarang “party island” ng Asya

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay


Kahit pa humarap ng pagbatikos ang Boracay kamakailan lang, sa bibig naman mismo ni Department of Tourism DOT Secretary Ramon Jimenez Jr., na nanatili pa ring nangunguna ang Boracay sa lahat ng mga tourist destination sa bansa.

Aniya, aminado ito na tumanggap ng hindi magandang komento ang Boracay kamakailan lamang at kinukuwestiyon kung papano ang nakakabahalang hinaharap ng isla.

Ito ay maliban pa sa maraming lugar sa bansa ang nagsasabing sila ang mas nangunguna pagdating sa turismo.

Kung magkaganon pa man, ang mga nasa isla pa rin umano ang mas higit na nakakaalam kung ano ang mayroon sa Boracay.

Kaya hamon nito, bilang responsiblidad ng mga nasa isla, ipakita umano ng mga ito na hindi totoo kung ano ang nilalaman ng kumento.

Pero naniniwala ang Kalihim na Boracay parin may hawak ng titulo dahil pangalawa na sa pangalang Pilipinas ang Boracay, at kapag sinabing Boracay ay awtomatikong Pilipinas na rin umano ito, at tumatayo na ito bilang “brand name” ng bansa.

Maliban dito, sa bibig na rin mismo ni Jimenez nagmuli na ang Boracay ay siyang tinatawag nang “Party Island” ng Asya.

Dahil dito, nangako si DOT Secretary Jimenez na patuloy paring makakatanggap ng tulong mula sa departamento nito ang Boracay, sa kabila ng madalas na sinasabi ng lokal na pamahalaan ng Malay na hindi sila nakakatanggap ng tulong mula sa nasyonal.  

Malinis na inuming tubig sa Boracay, ipinagmalaki ng DOT


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat nakatatak na sa pangalan ng Boracay ang akusasyong ang serbisyo ng tubig sa isla ang pinakamahal sa lahat ng tubig sa Pilipinas, tila nabawi naman ito.

Ito ay dahil sa kabila ng mahal na tubig sa isla, mismong si Department of Tourism Secretary Ramon Jimenez Jr. na ang nagsabi at nagmalaking “ang Boracay ang may pinakamalinis na inuming tubig sa buong bansa”.

Kung saan magandang ehemplo umano ito para sa lahat ng tourist destination sa Pilipinas, dahil ang Boracay ay pinapangalagaan ang kapakanan mga turistang ito sa pagbibigay ng standard tubig.

Dahil sa ganitong pahayag ni Jimenez, nais umano ng Kalihim na ipagaya din ang ganitong programa o proyekto sa ibang tourist destination sa bansa. 

Cong. Miraflores, hinimok na magpakonekta sa sewer ang Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hinimok ni Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores ang mga stake holders at mga residente sa isla na magpakonekta na sa sewerage system.

Ito ay dahil target aniya ng pamahalaan na susunod na mga taon ay nakakonekta na sana ang mga ito sa sewerage.

Kung iisipin, ayon kay Miraflores, suwerte ang Boracay dahil kompleto na ang mga pasilidad na ginastusan pa ng pamahalaan gayon din ng mga pribadong namumuhunan, lamang magkaroon ng sewerage system ang isla.

Subali’t ganoon na lang ang pagtataka nito kung bakit aniya ang iba ay tila nagdadalawang isip pa na magpakonekta, kung saan ito ay para na rin umano sana sa pagpreserba ng islang ito.

Magkaganoon man, nagpapasalamat pa rin ang nasabing kongresista sa iba’t-ibang departamento at ahensya sa nasyonal na pamahalaan, sapagka’t mayroong ganitong uri ng proyekto sa Boracay, na siyang pinaka mahalaga aniya para sa isla.

Ang pahayag na ito ni Miraflores ay kanyang sinabi noong Biyernes noong pinasinayaan ang bagong submarine pipe ng BIWC.

Magugunitang may batas na ang lokal na pamahalaan ng Malay na lahat ng mga establisemyento sa isla ay dapat magkonekta sa sewerage system, subali’t ang iba ay mistulang nagmamatigas pa.