Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT
Mariing tinutulan ngayon ng Association of Private School
in Aklan ang planong pagtatayo ng Aklan State University Campus sa bayan ng
Malay.
Ito ang inihayag ni Atty. Joseph Noel Estrada ng
Association of Private Schools, matapos imbitahan sa sesyon ng Sangguniang
Bayan ng Malay kasama ang ibat-ibang representante ng ilang pribadong paaralan sa
Probinsya ng Aklan.
Aniya, ang plano pagtatayo ng paaralan dito ay
makaka-apekto sa sustainability ng mga private schools sa probinsya at gayundin
sa ipinapatupad ngayong K to 12 program.
Giit pa ni Estrada, may ibang paraan na pwedeng gawin at
hindi na kailangan pang magpatayo ng panibagong campus universities sa Malay
kung saan nag-o-offer din ng kaparehong kurso sa mga pribadong kolehiyo sa
Kalibo.
Ipinunto rin ni Estrada na huwag ng ituloy ito dahil may
bagong batas na RA 10931 na magbibigay subsidiya sa mga maralitang estudyante
na nais mag-aral sa parehong private colleges at state universities.
Sa kabilang panig ay inihayag naman ni Dr. Emily
Arangote, Campus Director ng ASU-Ibajay na obligasyon nilang sagutin ang
request ng Technical Working Group ng Malay sa pag-establisa ng paaralan
subalit ang desisyon ay magmumula sa kung ano ang mapag-kasunduan sa pagitan ng
LGU Malay at Private Schools ng Aklan.
Taong 2001, binalak ng Malay na magkaroon ng tertiary
school subalit hindi ito naisakatuparan.
Kaugnay nito, tanging hiling ngayon ng mga miyembro ng
Sangguniang Bayan na pagbigyan sila na ma-establisa ito para sa kapakanan ng
mga out of school youth at Malaynon na hindi kayang paaralin ang mga anak sa
Kalibo.
Dagdag pa ng ilang konsehal na mas convenient, malapit at
masusubaybayan pa ng mga magulang ang kanilang mga anak sakaling may kolehiyo
na dito.
Samantala, para maresolba ang isyu ay nag-rekomenda ang
pamunuan ng ASU-Ibajay na isama sa susunod na dayalogo ang CHED, NEDA at ilang
ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa edukasyon.
Magugunitang target na ma-establisa ng LGU-Malay ang ASU
Malay-Campus sa Barangay Balusbos ngayong taon.