YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 22, 2012

BLTMPC, handang umaksiyon sa reklamo laban sa mga tricycle driver sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nakahandang dumisiplina ang Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative (BLTMPC) sakaling may mga mai-ulat sa kanilang tanggapan na paglabag o hindi kagandahang serbisyo ang isang tricycle driver sa isla.

Kasama na dito ang pamimili ng pasahero, overloading o kaya ay hindi pagpapasakay sa mga estudyante sa Boracay, hindi pag-susuot ng tamang uniporme at iba pa, ayon kay BLTMPC Manager Ryan Tubi.

Katunayan aniya, marami na rin silang driver pati na din operator ng kooperatiba ang nabigyan ng penalidad o nasuspende.

Ito ay makaraang makatanggap sila ng reklamo at naging positibo sa isinagawang panguusisa.

Maliban dito, marami na rin aniya silang nabigyang babala upang ipa-alala sa mga ito ang tamang sebisyo at pagsunod sa kanilang alituntunin sa kooperatiba.

Nabatid mula kay Tubi na kapag may reklamo ang mga pasahero kaugnay sa mga driver ay pormal itong ipa-abot sa tanggapan nila gayong nakahanda naman ang kooperatibang umaksiyon kaugnay sa operasyon ng mga tricycle dito.

Samantala, nilinaw din nito na hanggang anim lang dapat ang laman ng tricycle mula sa pilahan para maiwasan ang overloading, kung saan dalawa sa harap at tatlo sa likod at isa sa back ride.

Ang pahayag na ito ay sinabi ni Tubi kasunod ng obserbasyon na may ilang tricycle na lampas sa anim ang sakay at pagdating sa area ng Manoc-manoc, kung saan may area na mataas na lugar, kapag hindi kinaya ng unit ay pinapababa ang pasahero para magtulak ng tricycle. 

Pangpa-ayos sa sasakyan ng Malay PNP, dedepende kung may pondo


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Depende kung may available na pondo.”

Dito nakasalalay ang pag-apruba sa resolusyon ng Sangguniang Bayan ng Malay na nagbibigay ng tulong pinansiyal sa Malay PNP Station upang maipa-ayos ang patrol ng nasabing himpilan.

Ito ay makaraang napinsala nang maaksidente at nabanga ang patrol car ng Malay Police noong Mayo 20 sa Barangay Motag sakay ang dalawang miyembro ng kapulisan.

Bunsod nito, naniniwala ang konseho na tila hindi agad makakapagbigay ng kapalit ng sasakyang ito ang pambansang pulisya kaya maglalaan na lang sila ng pondo para maipa-ayos ang sasakyan at dahil na rin mas mura ito kumpara sa pag-bili ng bago.

Nabatid na ang rekomendasyon ng konseho ay magbigay at maglaan ng tulong na P170,000.00 ang lokal na pamahalaan ng Malay.

Hindi lamang ito para sa nasirang patrol car, kundi pati na rin sa maintainance ng sasakyan ng pulis. 

20 motorsiklong nahuling lumalabag sa ordinansa sa Boracay, ipapatapon sa Mainland Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

40 motorsiklo sa kasalukuyan ang hawak ng lokal na pamahalaan sa Boracay dahil sa ipapa-impound.

Nakatakdang ipatapon ang mga ito pabalik sa mainland Malay nang mahuling walang permit to transport.

Ito ay matapos maghigpit ang lokal na pamahalaan ng Malay sa mga motorsiklo at maging sa lahat na uri ng sasakyan ay napakarami na dito sa isla.

Kaya ang mga sasakyang walang dokumento ay ilalabas na ng Boracay para mabawasan ang bigat ng trapiko.

Nabatid mula kay Island Administrator Glenn SacapaƱo na ang 20 motorsiklo na ito ay pawang mga walang permit to transport, at doon dapat asikasuhin ang malabag na batas kapag naipadala na sa mainland.

Subalit sa ngayon ay hindi pa aniya nito alam kung kailan gagawin ang pagpapatapon sa mga sasakyang ito.

Matatandaang simulang ipatupad nitong buwan ng Hunyo ang Memorandum Order ni Malay Mayor John Yap na suspendido na ang pagbibigay ng LGU ng Permit to transport sa lahat na uri ng bagong sasakyang ipapasok sa isla hanggang sa matapos ang taong ito. 

Thursday, June 21, 2012

Malay, naghahanda na sa balak ng Kalibo na mangolekta din ng environmental fee


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naghahanda na ngayon ang Sangguniang Bayan ng Malay kaugnay sa balak ng SB Kalibo na magpasa ng ordinansang  maniningil din ng environmental fee sa mga turistang dumadaan doon.

Bagamat ang bayan ng Kalibo naman ang nagsusulong nito, nakita ng mga konsehal dito na may posibilidad umano na baka balikan din ang ordinansa ng Malay at ikumpara ito dahil sa may katulad ding batas dito at matanong ang konseho kaugnay dito, kaya mabuti na aniya kung handa sila.

Para sa Sanggunian, makatarungan naman kung iisipin o akma naman ang pangungulekta ng environmental fee sa Boracay.

Ito ay dahil ang mga turistang ito ay nagtatagal naman sa Boracay ng ilang araw, samantala dumadaan lang ang mga ito sa Kalibo.

Dagdag pa dito, kapag ginawa umano ito ng bayan ng Kalibo tadtad na ng bayarin ang mga dayuhan dahil mula sa terminal fee sa paliparan, may environmental at terminal fee din Cagban at Caticlan Jetty Port.

Umaasa naman ang SB Malay na titimbangin itong mabuti ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan bago aprubahan gayong may share namang natatanggap ang probinsiya sa nakukolektang environmental fee sa Boracay. 

Akelco, nagsalita na sa problema nila sa sitwaston ng Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nanindigan ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) na mas nauna ang mga poste nila sa Boracay kaysa sa mga straktura o gusali sa isla.

Ito ang inihayag ni Akelco General Manager Chito Peralta bilang reaksiyon nito sa sunod-sunod na kaso ng insidente ng pagkuryente kamakailan lamang sa Boracay at ang rason ay aksidenteng  pagkakatabig ng mga biktima sa mainline o linya ng Akelco.

Ganoon pa man, kahit panano umano ay nag-aabot naman sila ng tulong sa mga biktima depende sa nilalaman ng incident report.

Pero aminado ito na ang bagay katulad nito ay tinututing nilang suliranin sa ngayong sa isla.

Maliban dito, hayagang sinabi rin ng huli na ang paglalatagan ng bago at malalaking poste ang mabigat nilang problema sa Boracay sa kasalukuyan dahil sa walang nagbibigay ng espasyo.

Wala rin umanong kakayahan kasi ang Akelco na i-underground ang mga linya sapagkat masyadong mahal.

Sa mga aksidenteng katulad ng pagka-kuryente, minsan na rin umanong nitong sinabi sa lokal na pamahalaan ng Malay na obligahin ang kontraktor na maglagay ng cable guard kapag ang gusali ay malapit sa linya ng kooperatiba.

Kaugnay naman sa usaping nakalaylay na mga kalbe sa Boracay, sinabi nito na hindi lang sa Akelco ang mga wirings kundi ito ay linya din ng mga telepono at cable.

Kung saan inihayag nito bago paman siya umupo bilang GM ng Akelco ay may mga kontrata na di umano ang mga kumpaniya ito ng telepono at cable TV sa kooperatibang ito, hinggil sa pagkakabit nila sa poste ng Akelco.

Pamimigay ng OL traps sa mga paaralan, target ng DOST Aklan

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Target ngayon ng Department of Health (DoH) at Department of Science and Technology (DOST) sa Aklan na bigyan ng ovicidal-larvicidal traps o OL traps ang mga paaralan sa probinsiya.

Ito ay para sa pagsugpo sa pagdami ng lamok na siyang nagdadala ng nakakamatay na sakit na dengue.

Ayon kay Jairus Lachica ng DOST Aklan, aasahang makakabalik pa sila dito sa isla ng Boracay para mamigay ng OL Trap na ito.

Ngunit sa pagkakataong ito hindi na aniya mga pamamahay sa tatlong Barangay sa isla katulad dati ang target nila kundi mga paaralan na.

Nabatid din mula dito na ang DOH na ang namimili kung saang lugar mag-uupisa ng pamimibagay ng kit.

Ito ay dahil ang DoH may hawak ng datus ng isang lugar sa Aklan na kung saan may mga biktima nang naitala.

Samantala, dahil sa buong Aklan ang mabibigyan ng kit na ito, naniniwala si Lachica na may sapat na sulpay ang probinsiya para sa mga Aklanon.

Sinabi din nito na ang OL Trap ay libreng ipinamimigay at walang mabibiling ganito sa mga botika sa buong rehiyon.

Ang OL Trap na ito ay isang kit kung saan inilalagay ito sa mga lugar na may posibilidad na pamahayan ng mga lamok para dito na mangitlog sa trap ng sa ganon ay mapatay agad.

Wednesday, June 20, 2012

May-ari ng lupa na hindi pumayag daanan ng circumferential road, ipapatawag


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nais ngayon ni Sangguniang Bayan Member Welbec Gelito na ipatawag sa Committee meeting ang dalawang may-ari o claimants ng lupa sa Barangay Manoc-manoc dahil sa hindi umano pumayag ang mga ito na dumaan o daanan ng proyektong circumferential road sa Boracay. 

Ang tinutukoy nito ay ang Banico at Gelito property sa nasabing barangay na pinoproblema pa hanggang sa ngayon.

Nabuo ng konsehal ang nasabing panukala dahil sa tumawag umano sa kaniya ang tagapagpatupad ng proyektong ito na nagpapatulong upang masolusyunan na ang suliranin at umusad na ang proyekto sa area na ito.

Subalit para kay Vice Mayor at presiding officer Ceceron Cawaling, dapat ay ang National Government o DPWH ang gumawa ng aksiyon kaugnay dito dahil sa kanila naman ang proyekto.

Ngunit agad naman kinuntra ito ni SB Member Esel Flores sa pagsasabing “oo nga at National Government dapat pumagitna sa isyung ito”.

Subalit kailangan aniyang maki-alam at tumulong din ang lokal na pamahalaan ng Malay lalo pa at humihingi na ng tulong ang tagapatupad ng proyekto at ang Boracay din ang makikinabang dito na kapag hindi ito natuloy ang isla din ang malulugi.

Matatandaang, may katagalan an rin ang usping ito pero hindi pa na susulosyunan, makaraang manindigan din ang DPWH na hindi sila bibili ng lupa sa isla para sa proyektong ito.

Ngunit wala naman alokasyon para pambili, sapagkat ang Boracay ay deklaradong pag-aari ng pamahalaan. 

Pagtaas sa singil ng kuryente ngayong Hunyo, ipinaliwanag ng AKELCO


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Dagdag pasakit sa mga may bahay at negosyante ang 0.64 sentimos para sa residensiyal at 0.43 sentimos sa komersiyal kada kilowatt hour na umento sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo.

Subalit, ayon kay Aklan Electric Cooperative (AKELCO) General Manager Chito Peralta sa panayam dito nitong umaga, pansamantala lamang ito para sa buwan ng Hunyo dahil sa susunod na buwan ay baba naman.

Agad nitong pinawi ang agam-agam ng mga konsyumer tungkol sa nasabing usapin sa pagsasabing walang dapat ikabahala ang mga ito.

Paliwanag ng Peralta, nangyari ito dahil sa kinulang ang suplay ng kuryente sa Aklan kaya kumuha sila ng karagdagang suplay mula sa supplier na Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Bagamat isa din ito sa apat na pinagkukunan ng suplay ng enerhiya ng Akelco.

Pero 10% lamang aniya ang kinukuha nila dito kaya nagdagdag sila sa pagkakataong ito upang pantapal sa kulang na suplay na siyang ipamamahagi din lahat ng konsumidor.

Ito ay kasunod ng pagkakaroon umano ng problema ng isa nilang supplier at tumaas na rin ang demand lalo na pagsapit ng peak hour o ala-sais ng gabi.

Kung matatandaan, tatlong buwan ang nakakalipas tumaas umano ang singil ng Akelco.

Ngunit dahil sa nasolusyunan din ang problema, sinundan agad ito ng pagbaba sa singil ng dalawang beses.

Kaya inaasahan ayon sa General Manager na katulad din sa mangyayari na ibababa rin at pinasiguro pa nito na ngayong buwan lamang ito. 

Tulay sa Caticlan, ipinapa-inspeksiyon ng SB Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ipinapa-inspeksiyon ngayon ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Caticlan Bridge sa National Highway dahil sa mababa lamang ang kapasidad ng tulay na ito at naglalakihang sasakyan ang dumadaan dito araw-araw.

Kaya nangangamba ngayon ang konseho na baka bumigay ang tulay lalo pa at ang mga dumadaan dito ay ang mga sasakyang pang-RORO at iba pa tulad ng tourist bus, container van at naglalakihang mga truck.

Dahil dito, nababahala ang Sanggunian dahil kapag nasira ang tulay na ito ay maapektuhan ang kalakalan sa Caticlan at Boracay lalo na ang industriya ng turismo, ngayon pang wala umanong alternatibong daan para sa mga sasakyang ito kung sakali.

Bunsod nito, hihiling din umano ng tulong ang Sanggunian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pag-i-inspeksiyong gagawin, sapagkat ang tulay na ito ay bahagi din ng National Highway.

Ang naturang plano ng konseho ay nag-ugat sa pahayag ni SB Member Jupiter Gallenero sa privilege speech nito kahapon, kaugnay sa pagkakabahala nito sa estado ng tulay lalo pa at mahalaga ito, pero may katagalan na. 

LTO, walang diposisyon kaugnay sa estado ng e-trike sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Wala ding posisyon ngayon ang Land Transportation Office o LTO-Aklan kaugnay sa operasyon ng e-trike sa Boracay.

Maging ang lokal na pamahalaan ng Malay ay walang ding batas na nag-re-regulate at sumasaklaw sa operasyon ng sasakyang ito.

Kaya sa ngayong ay nananatiling tanong pa rin sa publiko lalo na sa bahagi ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) kung ano nga ba ang totoong estado ng mga unit na ito dahil walang batas na sumasakop dito.

Sapagkat minsan na rin, ayon kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron, na idulog nito at itanong sa LTO ang bagay na ito pero wala ding naisasagot pa ang LTO at hindi rin nila basta huhulihin lang.

Bunsod nito, upang masagot ang mga tanong at isyu kaugnay sa usaping ito, nagtakda ng isang pagpupulong ang lokal na pamahalaan ng Malay sa darating na ika-28 ng Hunyo dito sa Boracay.

Ito ay kasabay sa gaganaping presentasyon ng Department of Energy (DoE) kaunay sa programa ng pamalahaan may kinalaman sa e-trike.

Sa sesyon kasi ng konseho kahapon napuno ng samu’t-saring reaksiyon mula sa mga konsehal ang usaping ito, bagay na napagpasyahan nila na itabi na muna ang isyung ito at ipaubaya na lang sa DoE ang pagsagot.

Tuesday, June 19, 2012

E-Trike sa Boracay, walang nalabag na ordinansa --- Pagsugiron


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nanindigan si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron na siyang namamahala sa mga e-trike na ito sa Boracay, na wala silang nagawang paglabag  sa ordinansa kaugnay sa reklamong ibinabato ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) sa mga unit ng de-kuryenteng sasakyang ito.

Sapagkat ayon sa konsehal, may Special Permit at may prangkisa ang sampung unit na ito dahil ang SB ay nauna ng nakapag-aproba ng karagdagang dalawangpung prangkisa sa Boracay na tanging para sa operasyon ng e-trike lamang.

Katunayan, ayon dito, ang sampu dito ay para sa LGU at sampu ay inilaan naman para sa BLTMPC.

Maliban dito, kung paglabag sa color coding naman umano ang pag-uusapan, pareho lamang ang estado ng e-trike na ito sa estado ng mga multicab ng BLTMPC na wala umanong ordinansa sa isla na nagri-regulate sa mga ito.

Sa isyung naman ng paniningil, mariing inihayag ni Pagsugiron na normal lamang na mangingil dahil sa may maintenance ang unit at kailangan ding kumita ng driver.

Nilinaw din ng huli na walang negosyo na nangyayari sa e-trike na ito lalo pa ngayong wala naman umanong halos kita.

Umapela din ang miyembro ng SB na kung maaari ay huwag na umanong pag-isipan pa ng masama ang mga unit na ito.

Samantala, sinabi din ni Pagsuguiron na hindi umano nila haharangin ang tatlong bagong e-trike ng BLTMPC na dumating kahapon at ang hindi nito paniningil ng pasahe.

Pero naniniwala itong hindi naman magtatagal ang libreng serbisyo dahil sa malulugi umano ang kooperatiba kapag ginawa nila ito.

Inihayag din nito na ang tatlong unit ng e-trike ng BLTMPC ay maaaring mabigyan ng prangkisa dahil may sampu naman talagang inilaan para sa kooperatiba.

Mga e-trike sa Boracay, inireklamo ng BLTMPC!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Pormal nang nireklamo at kinuwestiyon ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) sa mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan ang operasyon ng Electric Tricycle o e-Trikes sa Boracay.

Ito ay kaugnay sa ginagawang pamamasada at paniningil gamit ang mga unit ng e-Trike na pinamamahalaan ng Sangguniang Bayan ng Malay, sa kabila na ang layunin sa pagpasok ng unang sampung unit na ito sa isla umano ay upang ma-test drive lang.

Maliban dito, para sa kooperartiba, malinaw umano itong paglabag sa Section 2 ng Municipal Ordinance No. 202 na nagsasabing tanging ang mga unit lamang na may Municipal Transportation Franchising and Regulatory Board at may prangkisa ang pinapahintulutang makapagbeyahe at makapaningil sa pasahero kapalit ng kanilang serbisyo.

Bunsod nito, dahil sa matagal na rin nag-o-operate ang e-trike na ito sa isla at naniningil, pormal nang inireklamo ng BLTMPC ang operasyon ng e-trike na ito sa Land Transportation Office/LTO- Aklan at mismong kay Mayor John Yap sa paraan ng isang sulat kalakip ang mga litrato bilang ebidensiya. 

Rev. Fr. Placer at Fr. Villanueva, nilisan na ang Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naging emosyonal ang mga taong nagmamahal sa dawalwang pari sa isla sa okasyon kagabi kung saan pormal nang namaalam sa Holy Rosary Parish Church si Rev. Fr. Magloire “Adlay” Placer bilang Kura Paruko ng parukyang ito at Fr. Redemar Villanueva.

Napuno ng pagpapasalamat mula sa iba’t ibang sector na umaalalay sa simbahan ang mensahe ng bawat isa para sa dalawang pari ng isla na ngayon araw ay pormal na nga pinalitan dahil sa tagal na ring paninilbihan ng mga ito at kasunod na rin ng re-shuffling ng mga pari sa buong rehiyon.

Mula sa mga stakeholder sa Boracay, kabataan, katutubo, religious sector at iba pa ay nalulungkot sa ganapang ito, pero kahit papano nagpakita parin ang mga ito ng suporta sa dalawang pari hanggang na nakailis ang mga ito nitong umaga papunta na ng kanilang mga bagong parukya kung saan sila ma-assign.

Sa mensahe naman ni Fr. Placer, ipinarating nito sa lahat lalo na sa mga sumusupurta sa aktibidad at programa ng simbahan, hiling nito na sana ay ipagpatuloy na lamang ang kanilang nasimulan.

Ihinabilin din nito na sana ipagpatuloy ng mga ito kung ano ang mga ipinaglaban ng simbahan kagaya ng pagkontra dati sa pagpasok ng Casino, gayon din ang pagprotekta sa grotto sa Boracay Rock na minsan nang pinawasak pero naibalik naman dahil sa tulong ng mga tao.  

Si Placer na nagsilbi ng mahigit pitong taon sa Boracay ay nitong umaga nagtungo sa bayan ng Lezo, para harapin ang kaniyang panibagong assignment, samantala si Villanueva na nagsilbi ng tatlong taon ay inilipat na rin sa bayan ng Libacao. 

E-Trike ng BLTMPC, mas mura ang halaga kumpara sa mga nauna


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

50% mas mababa ang halaga ng e-trike mula sa supplier na pinagkukunan ng Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative (BLTMPC) kaysa sa halaga ng e-trike na naunang ng pinahintulutan ng lokal na pahalaan ng Malay.

Ayon kay Ryan Tubi, General Manager ng BLTMPC, papunta na rin sa pagbabago sa mga unit mula sa tradisyunal ng tricycle at papalitan na ng hindi umu-usok na tricycle para mapangalagaan ang kapaligiran ng isla.

Dahil dito ay sila na rin umano ang naghanap ng supplier na pwedeng pagkunan nila ng mga unit para sa Boracay, gayong mismo ang Sangguniang Bayan na rin ang nagsabi na ang kooperatiba ay maaaring maghanap ng supplier na abot kaya ang halaga ng mga unit.

Isiniwalat din nito na ang rason umano kung bakit sila naghanap ng ibang mapagkukunan ng unit at hindi sa supplier ng e-trike na nauna na sa Boracay, ito aniya ay dahil sa mahal ang mga unit nila ng halos 50%.

Samantala, bilang reaksiyon naman ni Tubi sa paliwanag ni SB Member Welbic Gelito at Dante Pagsugiron kung bakit naniningil ang berdeng e-trike o naunang mga unit na ito sa isla.

Aniya, hindi naman dapat naniningil ang mga ito sapagkat ang kalidad ng e-trike ang tini-test drive at hindi ang pagbilang kung may kikitain ang unit.

Kaya ang tatlong unit na ito na e-trike ng BLTMPC ay libre umano ang serbisyo gayong ang kalidad din ng unit ang sinusubok nila kung kakayanin ng mga sasakyang ito ang daan sa Boracay.

Matatandaang una nang inihayag ng dalawang nabangit ng konsehal na pinapahintulutan ng Sangguniang maningil ang berdeng e-trike na ito na pinamamahalaan ni Pagsugiron upang makita kung kikita ba o mababawi ang gastos sa araw-araw na operasyon ng mga unit na ito.

Tatlong e-trikes ng BLTMPC, aarangkada na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kung ang LGU Malay ay may sampung e-trike o electric tricycle na pumapasada sa Boracay, ang Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative o  BLTMPC naman ay may tatlong e-trike din na magsesirbisyo ng libre.

Ito ang inihayag ni Ryan Tubi General Manager ng BLTMPC kung noong hapon ng Lunes ay dumating na ang tatlong unit na ito, at nakikita na sa kalsada.

Pero nilinaw ni Tubi na kung pumasada man ang  mga ito kahit na wala pang prangkisa, libre ang serbisyo nito sa mga pasahero, dahil pang test drive pa lang ito, at hindi katulad sa berdeng etrike sa isla na na pang test drive din, ngunit naniningil aniya sa bawat pasahero.

Ayon sa General Manager ng BLTMPC, test drive lamang ito at kapag nakita nilang maayos naman ang kalidad ng mga unit ay may susunod pa umanong limangpung unit ng e-trike.

Ngunit nilinaw nitong iba ang supplier ng mga unit na ito kung ikukumpara sa sampung na nauna na. 

Reklamo mula sa mga pasahero, makakapagpakasansela ng “color coding” --- BLTMPC


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naging matagumpay naman, ayon sa Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative (BLTMPC) ang una at ikalawang araw ng Color Coding Scheme sa mga tricycle sa isla nitong Biyernes at Sabado.

Pero kahit papano ay may nakikita pa rin aniyang ibang kulay na bumabiyahe sa kalye maliban sa naka-iskedyul na kulay asul o dilaw.

Ayon kay Ryan Tubi, General Manager ng BLTMPC, may mga berde pa na traysikel na pumpasada at siyang pinoproblema umano nila sa ngayon.

Ang tinutukoy nitong berde ay ang e-trikes na pinahintulutang pumasada ng LGU Malay kahit pa walang prangkisa.

Samantala, sinabi din ni Tubi na minsan, kapag may tricycle na gumagala sa kalye at hindi naka-iskedyul, ang usapan aniya nila ay dapat lagyan ito ng karatula na “for personal” o kaya ay “for family use” upang hindi malabag ang batas na may kaugnayan dito.

Sa kabilang banda, kung gaano naman ka-epektibo para paluwagin ang kalsada ng Boracay sa scheme na ito, ganoon din kahirap sumakay para sa pasahero noong Lunes, ang ikatlong araw ng implementasyon,  dahil sa hindi na maisakay ang ibang pasahero, lalo na noong hapon kung saan nakita ang mga kumpul-kumpol na mga estudyante lalo na at may pasok na.

Bagay na hindi na umano nakakapanibago o ikinagugulat pa ng BLTMPC.

Ngunit ayon kay Tubi, gayong nasa ordinansa naman ang color coding na ito, dapat ay tumalima sila.

Pero ang lokal na pamahalaan ng Malay na rin aniya ang nagsabi na kapag mahirapan ang riding public o mga pasahero at may mga reklamong natatanggap ang kooperatiba, handa naman aniya ang LGU na kanselahin ang color coding na ito.

Ang  reklamo din na ito mula sa publiko ang gagamitin din ng BLTMPC para mapakansela ang scheme. 

DPWH-Aklan District Engineer, nag-retiro na; proyekto sa Boracay, hindi apektado


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi naman maaapektuhan ang proyektong circumferential road sa Boracay kahit pa may pagbabago sa administrasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Aklan District.

Ito ay kasunod ng pagreretiro ni Aklan District Engr. Roberto Cabigas, kung saan nitong nagdaang Biyernes, Hunyo 15, ang huling araw nito sa posisyon o trabaho.

Ayon kay Lucille Molas, staff ng DPWH Aklan District, ang lahat ng mga naiwang trabaho ni Cabigas ay pormal naman nitong ipagkakatiwala sa kahalili nito na si Asst. District Engr. Abraham Villareal.

Bagamat wala pa umanong turn over ceremony na nangyari, awtomatiko umanong sasaluhin ang lahat ng mga proyektong naiwan ni Cabigas ng Acting District Engineer na si Villareal.

Si Cabigas ay nagdeklara ng kaniyang Force Retirement sa gulang na 62 taong gulang. 

Magugunitang sa kasaulukuyan, ang proyektong circumferential road sa Boracay ay hawak ni Cabigas at DPWH Regional Office, kung saan patuloy ang nangyayaring negosasyon pagdating sa road right of way.  

Monday, June 18, 2012

Tatlong Taiwanese national sa Boracay, pinagtulungang mai-rescue sa pagkalunod


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

“Safe and sound” na ngayon ang tatlong Taiwanese National matapos ma-rescue sa pagkalunod nitong hapon.

Sa panayam ng himpilang ito sa tour guide ng nasabing mga turista, nabatid na naglalaro lamang ang mga ito ng volley ball sa dalampasigan ng station 1 Boracay.

Subali’t malakas ang hangin doon kung kaya’t tumalbog papunta sa tubig ang bola, na hinabol naman ng babaeng Taiwanese.

Nang mapansin din umano ng babae na napunta na ito sa malalim na bahagi ng tubig, ay nagpanic na ito lalo pa’t malalakas na alon ang humahampas sa kanya.

Nang mapansin ng dalawa pa nitong kasama ang kanyang pagpapasaklolo ay kaaad ding rumesponde ang mga ito.

Subali’t dahil sa takot at pagpanic umano ng babae ay nasipa nito ang mga rumespondeng kasama, na naging dahilan naman upang magpasaklolo ang mga ito.

Sa tulong ng dalawang hindi na nakilalang turista at dalawang dive master, ay naiahon ang mga ito at nabigyan ng paunang lunas ng kanilang dive shop.

Kaagad namang isinugod sa ospital ang mga nahintakutang turista na kinalauna’y nagpasalamat dahil sa pagkakaligtas sa kanila.

Dahil sa drainage manhole, truck at traysikel sa Manoc-manoc Boracay, nagsalpukan!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ang desinyo ng drainage manhole sa Boracay ay hindi pantay sa kalsada kundi may kunting lalim ito na maikukumpara sa isang pinggan.

Kapag napapadaan ang mga sasakyan dito ay kanilang iniiwasan upang hindi maiuntog ng mga pasahero ang kanilang mga ulo, o mapinsala ang kanilang mga karga.

Subali’t problema nga ba ang desinyo ng manhole na ito, o dapa’t lang talaga mag-ingat ang mga motorista?

Ang sagot sa katanungang ito ay minarapat ipagkatiwala ng mga otoridad sa baranggay justice system ng baranggay Manoc-manoc, matapos magsalpukan ang isang truck at traysikel doon kahapon ng hapon.

Nabatid sa report ng Boracay PNP na habang minamaneho ni Dhady Caminto ang puting Isuzu Elf papuntang Manoc-manoc nang di inaasahang makasalpukan nito ang traysikel na minamaneho ni Porferio Zamora.

Papunta naman sana ang huli sa baranggay Balabag, nang mapansin nito ang drainage manhole na kanyang madadaanan doon.

At para hindi maibagok ng mga pasahero ang kanilang mga ulo sa traysikel sakaling maalog ang mga ito, ay tinangkang umiwas ng drayber sa manhole, rason naman upang mabangga nito ang nakasalubong na Elf.

Maliban sa tinamong pinsala ng mga naturang sasakyan, ay wala namang naiulat na nasaktan.

Payo naman ng mga pulis sa mga motorista, ibayong ingat lang sa kalsada.

Retiradong sundalo na umano’y nagpaputok at nahulihan ng baril sa Hagdan, Yapak, kalaboso!


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Illegal discharge of firearm and direct assault upon an agent of authority.

Ito ang kasong kinakaharap ngayon ng isang retiradong sundalo, matapos umanong magpaputok at mahulihan ng baril sa bispera ng piyesta kagabi sa sitio Hagdan, barangay Yapak, Boracay.

Nabatid sa report ng Boracay PNP na habang nagbabantay para sa seguridad ng naturang okasyon ang mga pulis doon, nang makarinig umano ang mga ito ng dalawang putok ng baril.

Kaagad namang nirespondehan ng mga naalarmang otoridad ang insidente, kung kaya’t nakita nila sa di kalayuan ang retiradong sundalo na may hawak na baril.

Nagpakilala ang mga pulis at hinimok ang suspek na isuko ang baril, subali’t tinangka pa umano nitong tutukan ang mga ito ng kalibre kuwarenta’y singkong baril.

Hindi namalayan ng suspek na nasa likuran na pala nito ang isa pang pulis, at kaagad  tinangka itong dis-armahan.

Sa tulong ng iba pang mga kasamahan ay naaresto ang kurenta’y kuwatro anyos na suspek na kinalauna’y nakilalang si Retired Army Staff Sergeant Florencio Bitoon y Casidsid  ng Balusbos Malay, Aklan.

Samantala, kapag napatunayan na walang kaukulang dokumento ang narekober na baril mula sa suspek, ay maaari din umano itong sampahan ng kasong illegal possession of firearm.