Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
“Let us save Bulabog for Boracay!”
Ito ngayon ang sigaw ng mga residente at ng Sea Sports
Association na pinangungunahan ni Nenette Graf kasabay ng inilunsad nitong online
signing sa petition letter para sa kanilang pagsusumamo o panalangin.
Sa petition letter ni Graf, nakasaad ang kanilang pakiusap
para sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Tourism (DOT),
at Aklan Congressman Florencio Joeben Miraflores, lokal na pamahalaan ng Malay
at iba pang ahensiyang may kinalaman sa sinusulong na proyektong Circumferential
Road sa Boracay.
Sa kasalukuyan ay daan-daang lagda na ang nakalap nila sa ipinaglaban
na proteksiyon ang Bulabog Beach na pinangangambahang maaaring gawaing bahagi ng
proyekto.
Ayon kay Graf sa panayam dito nitong umaga, ang nais lamang
nila sana ay huwag nang gawing kalsada ang beach sa likod na bahagi ng isla at
sundin na lamang kung ano ang dating napagkasunduan na nila, na ang highway ay
idaan na lang sa lugar na tinukoy na dati, na hindi na kailangang sirain pa ang
120 meter na beach sa Bulabog.
Bagamat ang lupa o property na dating nang natukoy na
dadaanan ng proyekto ay pribado at pag-aari ng apat na inbidwal, naniniwala si
Graf hindi naman umano siguro ganun kahirap kausapin ang nga taong ito katulad
sa ginawa nila dati.
Samantala sa kasalukuyan, aminado si Graf na hindi pa sila
nakakapag-usap ng Miraflores ukol sa bagay na ito, para hilinging kung maaari
ay ilipat ng daan ang natitirang bahagi ng proyektong circumferential road, at huwag nang gawaing highway
ang 120 meter na White Beach sa Boracay sa Bulabog.
Ang paninindigang ito di umano ayon kay Graf ay laban ng
bawat Boracaynon gayong ang Bulabog Beach ay kilala bilang World Best Kite at
Wind Surfing spot at dagdag atraksiyon para sa turismo ng Boracay.