YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 31, 2013

Brgy. Manoc-Manoc, tumanggap ng dalawang drinking fountains mula sa BIWC


Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Nagagalak ngayon ang buong residente at opisyal ng Brgy. Manoc-Manoc sa pangunguna ng kanilang Punong Brgy. na si Abram Sualog.

Ito ay kaugnay sa dalawang drinking fountains n
ai-turn over
mula sa Boracay Island Water Company o BIWC nitong nakaraang kapiyestahan sa nabanggit na Barangay.

Ang dalawang drinking fountain ay pormal na ibinigay ni Ben MaƱosca, Chief Operating Officer ng BIWC at buong pagmamalaking tinanggap ni Sualog kasama si Mayor John Yap at ilang Miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Ayon sa BIWC, ang dalawang drinking fountain na ito ay bahagi ng kanilang Lingap Barangay Project ng Manila Water Foundation, kung saan ito ay naka-konekta sa BIWC ng libre at makakasigurong malamig at malinis ang tubig na nagmumula dito.

Ito umano ay maaari ring gamitin ng publiko lalo na yaong may mga gagawing aktibidad sa naturang Barangay.

Approval ng SB Malay sa pagpapatigil ng color coding sa mga trisikel sa Boracay, hinihintay pa ng BLTMPC

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Tatlong araw bago ang pasukan, kaliwa’t-kanan na ang mga paghahanda na ginagawa ngayon ng mga eskwelahan tulad ng Brigada Eskwela.

Kaugnay nito, maging ang pamunuan ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC ay naghahanda na rin para sa darating na pasukan.

Ito ay may kinalaman sa mga traysikel na namamasada sa isla, lalo na nga’t marami na namang mga estudyante ang mangangailangan ng kanilang serbisyo.

Ayon kay BLTMPC Chairman Ryan Tubi, hanggang sa kasalukuyan ay kanila pa ring hinihintay ang approval ng LGU Malay para sa petisyong kanilang ipinasa na itigil na ang color coding.

Bukod kasi umano sa kanila, may mga estudyante at mga guro na nagbigay din ng petisyon para tuluyang mawala ang color coding sa isla.

Sa ngayon umano, ayon pa kay Tubi, ay pina-follow-up na rin nila ang magiging desisyon ng sanggunian.

Sinabi pa ni Tubi na ramdam din umano nila ang hirap ng mga estudyante lalo pa nga’t nagkukulang talaga sa mga trisikel dito sa isla dahil sa naturang color coding.

Samantala, paalala naman ni Tubi sa mga drayber sa isla, pagbutihin ang kanilang serbisyo at huwag sanang makalimot ang mga ito sa mga ipinatupad na ordinansa at memorandum, dahil kung sakaling hindi nila ito susundin may penalidad na naka-atang para sa kanila.

AKELCO, nag-postpone ng power interruption; tuloy ngayong araw ngayong araw

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Sa kabila ng ipinalabas na power interruption ng Akleco kahapon ay pinosponed nila ito kahapon, Huwebes, a-30 ng Mayo, dahil sa hindi magandang panahon na dulot ng ulan.

Ang nasabing schedule ng power interruption sa isla ng Boracay ay ini-re-schedule ngayong araw, Biyernes, Mayo a-31, mula alas-6:00 hanggang mamayang alas-5:00 ng hapon.

Ayon sa Akelco, kung makakakaranas ulit ng pag-ulan ay maaari uling kanselahin ang nasabing interruption.

Ang power interruption ay dahil sa isasagawang implementasyon ng NGCP Annual Maintenace na nagseserbisyo sa PMS sa bawat 30MVA transformer sa Boracay sub-station.

Magpapadala naman umano sila ng mensahe kung matutuloy nga ito o hindi para mabigyan ng abiso ang mga mamamayan at mga business sektor sa isla ng Boracay.

Samantala, maakpektuhan ng nasabing brownout ang buong isla ng Boracay, buong munisipalidad ng Malay at Buruanga, at ilan sa bahagi ng bayan ng Nabas ang Libertad, Unidos, Rizal, Tagaroroc at Union.

Sa may mga nais naman umanong itanong, maari lamang mag-text sa numerong 0907-4223-629 o kaya’y tumawag sa Hotline na 144 at hanapin lamang sina Engr. Joel Martinez Arnaldo Arboleda, at sa numerong 288-3373 para sa Boracay Substation at hanapin din si Wayne Bocala, Area Engineer ng Caticlan Substation.

E-Trike iprepresinta na ng LGU Malay

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Naka-takda nang pasinayaan ang mga electric tricycles (e-trikes) dito sa isla ng Boracay.

Ang nasabing launching ay gagawin bukas sa Casa Pilar Beach Resort sa Station 3 sa isla ng Boracay at magsisimula alas nuebe y medya ng umaga.

Noon pang nakaraang taon ay tinatalakay na ng LGU Malay ang pagpapalit sa e-trikes bilang solusyon sa polusyon sa hangin at ingay na likha ng tradisyonal na mga tricycle na bumabyahe ngayon sa isla ng Boracay.

Inaashan umanong dadaluhan ang nasabing pagpapasinaya ng mga taga-LGU Malay, BLTMPC at ibang mga personalidad na concerned sa nasabing sasakyan.

Matatandaang nagkukumahog ang lokal na pamahalaan ng Malay sa pangunguna ni SB Member Dante Pagsugiron sa pangungumbinsi sa mga tricycle operator sa Boracay na palitan na ang kanilang mga lumang unit.

Thursday, May 30, 2013

DOT Boracay positibo pa rin sa kabila ng pambabatikos sa isla ng Boracay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Positibo pa rin ang Department of Tourism sa kabila ng pambabatikos ng ilang mga manunulat tungkol sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay DOT Officer in Charge Tim Ticar, hindi naging hadlang sa turismo ang mga lumalabas sa mga pahayagan tungkol sa mga negatibong pagtingin sa isla ng Boracay.

Sa halip, masaya sila sa pagkakapanalo ulit ng isla bilang pinakamagandang beach sa Asya ngayong taon, dahil malaking promotion umano ito na maipapakita sa buong mundo.

Sa ngayon ay positibo pa rin umano sila at gagawa ng solusyon kasama ang LGU Malay upang mabigyang pansin ang problemang tinutukoy ng mga manunulat.

Magsisilbi din umano itong hamon sa mga bagong opisyal ng gobyerno na mabigyang pansin ang mga problemang kinakaharap sa ngayon.

Matatandaang binatikos ni Deputy Traveler Editor Catharine Hamm ng Los Angeles Times ang Boracay at isinulat pa sa kanyang artikulo na pinamagatang “Trouble in Party Paradise: Boracay Island in the Philippines”.

Request ng BFI sa SB Malay tungkol sa height requirements ng mga gusali sa Boracay, nakalutang pa

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Nakalutang pa ang request ng Boracay Foundation Inc. (BFI) tungkol sa height requirements ng mga gusali dito sa isla.

Sa panayam ng himpilang ito kay BFI Executive Director Pia Miraflores, sinabi nitong sa ngayon ay hindi pa malinaw sa kanila kung ano ang sagot ng SB Malay sa kanilang hiling.

Nabatid na ang BFI ay matagal nang lumapit kay mismong Malay Mayor John Yap kaugnay sa nasabing proposisyon.

Subali’t maging sa SB Malay session noong Martes, Mayo 28, ay hindi din ito napag-usapan.

Magkaganoon pa man, umaasa pa rin umano sila na mapagbibigyan o maaaprubahan ito ng SB.

Ang proposisyong ito ng BFI ay naglalayon na ang dating 14-metro taas ng isang gusali sa Boracay ay gawinng 15-metro para sa “development needs” ng isla.

Wednesday, May 29, 2013

Mga nasasayang na pagkain, tututukan sa National Environmental Month

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Sobra-sobrang nasasayang na pagkain.

Ito ang tututukan sa muling pagdiriwang ng National Environmental Month ngayong darating na Hunyo 2013, na ang global theme para sa ngayong taon ay “Think. Eat. Save.”

Sa panayam ng himpilang ito kay Aklan CENRO public information officer Jonne Adaniel, sinabi nito na ang naturang pagdiriwang ay naglalayong ipaalam sa publiko ang hindi magandang epekto ng maraming tira-tirang pagkain na hindi naman napapakinabangan at napupunta lamang sa basurahan.

Anya, maaaring namang mabawasan ang “food print” na iniiwan ng tao sa pamamagitan ng pagtatantiya at pagluluto at pag-konsumo lamang ng pagkaing tamang-tama lang sa kinakailangan.

Dapat ay ma-manage din ng husto ang mga kitchen waste sa bahay pa lamang sa pamamagitan ng paggawa ng kahit simpleng composting lang.

Dagdag pa nito, ayon sa datos, nasa limampu hanggang animnapung porsiyento ng basura dito sa isla ng Boracay ay binubuo ng compostable o kitchen o food waste.

Samantala, kaugnay sa nasabing selebrasyon, nakatakda namang magkaroon ng iba’t-ibang aktibidad ang CENRO at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Aklan tulad na lang ng photo exhibits, costal clean ups, at tree planting sa iba’t-ibang lugar sa probinsya na magsisimula sa Hunyo a-tres at magtatagal sa buong buwan ng Hunyo.

International writer, binatikos ang pagbibigay parangal sa isla ng Boracay

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

“Over crowded at over developed”

Ganito kung ilarawan ng author na si Catharine Hamm ang isla ng Boracay sa kanyang article na lumabas sa Los Angeles.

Ayon kay Malay SB Member Rowen Aguirre, sa artikulo ni Hamm sa isang news paper na pinamagatang “Trouble in Party Paradise: Boracay Island in the Philippines” na inilathala at lumabas sa Los Angeles, kinuwestyon umano nito ang pagbibigay parangal sa isla ng Boracay ng isang travel website bilang isang “Travelers' Choice 2013 Winner”.

Isa sa mga dahilan umano nito kung bakit hindi siya pabor sa nakuhang parangal ng isla ay dahil sa nakita niya ang mga negatibong bagay at kalakaran sa Boracay.

Dahil dito, aminado umano si Aguirre sa mga pangyayaring ito sa isla at magiging “wake up call” ito sa kanila para mapanatili ang kagandahan ng isla.

Si Catharine Hamm ay ang deputy traveler editor ng The Los Angeles Times Travel Section.

Ayon sa kanyang article, isa sa mga napuntahan niya noong nakaraang taon ay ang Boracay.

Samantala, ay naging positibo naman ang SB Malay sa negatibong reaksyon ni Hamm sa isla sapagkat nakapag-tala na naman umano ng bagong record sa isang popular online travel guide ang Borcay bilang pinakamandang isla sa Asya ngayong taon.

Akleco, nagpaliwanag RE: sa sunud-sunod sa kaso ng pagkasunog ng wirings at poste ng kuryente sa Boracay

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Mainit na temperatura at overloading.

Ito ang paliwanag ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) hinggil sa mga insidente ng pagkasunog ng kanilang electrical wire sa mismo nilang poste sa Boracay.

Ayon kay AKELCO Assistant General Manager for Engineering Engr. Joel Martinez, hindi umano talaga maiwasang masunog ang kanilang wire dulot ng mga nasabing dahilan.

Partikular na ipinaliwanag ni Martinez ang tungkol sa over loading ng kanilang mga linya dahil na rin umano sa dami ng mga establisemyento sa Boracay.  

Natural lang din aniya na tumaas ang konsumo ng kuryente kapag mataas ang tourist arrival.

Ito din umano ang panahon na ang kanilang mga wire ay lalong umiinit at natutunaw ang insulation nito.

Kaya naman ayon pa kay Martinez, dapat talagang palitan ng mas malaki ang kanilang wire, lalo pa’t may mga resort o establishments na nagdadagdag ng load na hindi naman sa kanila ipinapaalam.

Samantala, iimbistigahan di umao ni Martinez ang pagkasunog ng kanilang electrical wire sa poste noong isang araw sa Zone 5 Brgy. Balabag na ikinabahala na ng mga residente doon.

Tuesday, May 28, 2013

DPWH Aklan patuloy na inaayos ang mga kalsadahin para sa pagbubukas ng klase

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Patuloy na inaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kalsadahin sa probinsya ng Aklan para sa darating na pasukan sa Hunyo.

Ayon kay Aklan DPWH Engineer Neri Miranda, sinimulan na nila noong nakaraang linggo ang paglalagay ng mga pedestrian lane sa mga kalsadahin at mga paalala na dapat sundin ng mga estudyante.

Bibigyang pansin na rin umano nila ang mga kalsadahin dito sa isla ng Boracay partikular ang papunta sa mga paaralan, dahil sa makitid lamang at nagdudulot ng trapiko na nakakaabala rin sa mga estudyante.

Samantala, pinaalahanan naman nito ang mga magulang na payuhan ang kanilang mga anak na papasok sa paaralan na sunding mabuti ang tamang tawiran na inilagay ng DPWH para maiwasan ang disgrasya.

Isang grupo ng Korean print at broadcast media, darating ngayong araw sa Boracay

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Darating ngayong araw sa isla ng Boracay ang isang grupo ng print at broadcast media mula sa Korea.

Ayon kay Boracay Department of Tourism Officer in charge Tim Ticar, ang mga taga-media na darating ngayong araw ay kasama din ng labing apat na Korean media group na inimbitahan ng Department of Tourism para sa promosyon ng Boracay at Pilipinas.

Ang mga kasama umano ng grupong ito ay hindi lamang Boracay ang piniling puntahan, kungdi sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, katulad ng Cebu, Subic, Davao, Metro Manila at Palawan.

Habang ang apat na grupo naman ay dito sa Boracay pupunta sa iba’t-ibang petsa.

Ang naunang grupo umano kasi ay dumating na sa isla nitong nagdaang Huwebes, at ang iba naman ay sa Mayo 30 at Mayo 31.

Samantala sinabi pa ni Ticar na ang gastos sa pamasahe at mga hotel na tutuluyan ng mga nasabing turista ay sagot ng DOT.

At dahil marami pa umano ang mga Koreans na hindi pa nakapunta ng Pilipinas at Boracay, naniniwala naman si Ticar na ang mga Korean media na ito ay makakatulong upang mahikayat ang iba pa nilang mga kababayan na pumunta dito.

Pagkasunog ng linya ng kuryente sa poste ng AKELCO sa Balabag kagabi, nagdulot ng mahabang trapiko

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Nagdulot ng mahabang trapiko ang nangyaring sunog sa poste ng AKELCO kagabi sa Zone 5 Barangay Balabag.

Ayon kay Boracay Bureau of Fire Inspector Joseph Cadag, nag-apoy ang nasabing linya ng kuryente dakung alas-6:55 kagabi na ikinaalarma ng mga residente doon.

Dahil dito, nawalan din ng supply ng kuryente ang ilang establisemyento sa nasabing lugar.

Kaagad rumesponde ang mga bombero ng Boracay Action Group para tiyaking hindi lumaki ang sunog, habang pinagtulungang ayusin ng mga taga AKELCO ang nagkaproblema nilang poste.

Samantala, bakas naman sa pagmumukha ng mga motorista doon ang pasasalamat nang bumalik sa normal ang daloy ng trapiko.

Red Cross Boracay Malay Chapter, nagsagawa ng Blood Donation Activity

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Nagsagawa ng Blood Donation Activity ang Red Cross Malay Chapter kahapon, Mayo a-27 ng taong kasalukuyan, sa isla ng Boracay.

Dinaluhan ng ilang empleyado sa isla at mga Boracaynon ang nasabing aktibidad, na hindi nag-atubiling magdonate ng dugo.

Ayon kay Red Cross Malay-Boracay Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, layunin ng blood donation activity ay para makatulong sa mga pasyenteng nangangailangan ng dugo sa oras ng sakuna sa kanilang buhay.

Maging ang mga nasabing blood donor ay makikinabang din umano nito, sakaling sila din ang mangailangan ng dugo.

Nagsimula ng alas-8:00 ng umaga ang blood donation at nagtapos naman kaninang alas-tres ng hapon.

Kasama ng Red Cross sa nasabing aktibidad ang Rotary Club of Boracay, Metropolitan Doctor's Medical Clinic at Willy’s Beach Club Hotel kung saan mismo ginanap ang nasabing pagdo-donate ng dugo.

Samantala, hinikayat naman ni Schoenenberger ang mga gustong mag-donate ng dugo sa mga sususunod pa nilang mga aktibidad, kasabay ng mahigpit na paalalang hindi pwedi mag donate ng dugo ang mga nakainom ng alak, kulang sa tulog, may maintenance na gamot at iba pa.

DepEd Aklan handa na sa pagbubukas ng klase sa Hunyo

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Handa na ang Department of Education (DepEd) - Aklan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.

Ayon kay Education Program Supervisor DepEd Aklan Michael Rapiz, naging matagumpay ang una nilang programang Brigada Eskwela noong nakaraang linggo na isinagawa sa iba’t-ibang paaralan sa probinsya ng Aklan.

Kahapon din ang iskedyul ng pagbubukas ng enrolment hanggang sa Biyernes kung saan inasahan ang pag-dagsa ng mga estudyante at mga magulang na magpapa-enroll.

Magiging kaagapay umano nila sa pag bubukas ng klase ay ang lokal na pamahalaan, pulisya gayon din ang mga baranggay officials at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dagdag pa nito, wala umano silang mga natatanggap na mga problema na may kinalaman sa papalapit na pasukan kaya tiwala ito na magiging maayos ang lahat sa darating na pasukan.

Samantala, paalala naman nito sa mga magulang na kung kaya naman paaralin ang kanilang mga anak ay hikayatin umanong makapag-aral dahil ang edukasyon ang higit na umano ang higit na napakaimportante sa ngayon.

Drayber ng dump truck sa nangyaring aksidente sa Manoc-manoc nitong Huwebes, nagpa-misa para sa nasawing biktima

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

Nitong nagdaang Huwebes, a-23 ng buwang ito ay isang aksidente ang naganap sa Sitio Ambulong, Manoc-manoc, Boracay.

Aksidenteng ikinasawi ng 16-anyos na dalagitang si Gabrielle Salgado ng San Jose Mindoro, matapos maatrasan ng dump truck ng Manoc-manoc MRF ang traysikel na sinasaksayan nito.

At ang drayber-suspek na si Ronnie Panagsagan ang nagmamaneho ng nasabing dump truck.

Dahil dito, lubos na ikinalungkot ng pamilya ng biktima ang nangyari at panlulumo naman ang tanging naging reaksiyon ng nabanggit na drayber.

Dahilan upang magtungo ito kahapon ng hapon sa Boracay Holy Rosary Parish para magpa-misa.

Sa pakikipanayam ng himpilang ito kay Mang Ronnie, sinabi nito na nais niyang mag-alay ng misa para kay Gabrielle upang lumagay sa tahimik ang kaluluwa ng nasabing biktima.

Tanda rin umano ito ng kanyang pasasalamat dahil sa pagpapatawad ng pamilya nito sa kanya.

Halos maiyak niya ring ipinaabot ang pasasalamat sa ina ni Gabrielle dahil hindi na siya nito pinatawan ng kaso at sa halip ay pinatawad pa.

Ayon pa kay Ronnie, mas maganda kung gagawin niyang tuwing Linggo ang pagpapamisa.

Matatandaang ikinasawi ng biktima ang nangyaring aksidente sa Manoc-manoc, Boracay, nang mabangga ng minamanehong dump truck ni Ronnie ang sinasakyang traysikel ng bakasyunistang si Gabrielle.

Monday, May 27, 2013

BTAC todo-alerto na sa pagbubukas ng klase sa Boracay

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Naka alerto na ang mga pulisya ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pagbubukas ng klase dito sa isla ng Boracay.

Ayon kay BTAC Police S/Insp.  Joeffer Cabural, todo bantay umano sila sa mga paaralan dito sa isla na sinimulan pa nila noong nakaraang linggo sa unang pagbubukas ng brigada eskwela hanggang sa pagbubukas ng klase.

Nagtulong-tulong din umano sila sa paglilinis ng mga paaralan upang mapanatili ang kaayusan ng mga ito.

Aniya sa pagbubukas ng klase sa Hunyo a-tres ay magtatalaga sila ng mga pulis na magbabantay sa mga paaralan dahil inaasahan umano nila na dadagsa ang maraming tao at hindi maiiwasang mgakaroon ng problema.

Magkakaroon din umano sila ng “Oplan Balik Eskwela” para gabayan ang mga mag-aaral at mga magulang sa darating na pasukan.

Ito’y upang maprotektahan ng mga mag-aaral ang kanilang mga sarili sa anumang sakuna at panganib na kanilang kahaharapin.

Samantala, pinaalalahan naman nito ang mga magulang na kung bibili ng mga gamit pang eskwela ay maging mapagmatyag sa kanilang paligid gayong nagkalat naman ang masasamang loob sa mga pamilihan.

LGU Malay, nagpaabot ng tulong pinasyal sa biktimang namatay sa aksidente sa Boracay nitong Huwebes

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Nagbigay ng pinansyal na tulong ang Local Government Unit ng Malay (LGU) para sa biktima ng aksidente sa isla ng Boracay nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi, agad umanong nagbigay ng financial assistance ang lokal na pamahalaan para sa biktimang si Gabrielle Salgado 16-anyos kung saan agad na nasawi sa naturang aksidente.

Naging mabilis naman umano ang tugon nila upang matulungan ang pamilya ng biktima sa mga gastusin at sa pagpapalibing nito.

Matatandaang nitong Huwebes ng umaga, nakasakay ng traysikel at pauwi na sana ng Mindoro ang biktimang si Gabrielle mula sa pagbabakasyon dito sa Boracay nang mangyari ang insidente.

Ngunit nawalan umano ng kontrol ang drayber ng dump truck, dahilan upang dumausdos ito at bumangga sa nasabing traysikel na sinasakyan nito.

Samantala, pinag-iingat naman ni Tubi, ang lahat ng mga motoristang bumibyahe sa Boracay dahil sa dami ng mga turista ngayon at maliliit lamang ang mga kalsada dito na nag dudulot pa ng trapiko at pangamba sa mga mga taong nag lalakad sa daan.

DTI, may babala sa mga nakakalasong mga school supplies

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Nagpalabas ng babala ang Department of Trade and Industry (DTI) tungkol sa mga nakakalasong gamit na pang-eskwela.

Ayon kay Aklan DTI Provincial Director Engineer Diosdado Cadena Jr., dapat na mag-ingat sa mga nabibiling school supplies katulad ng krayola, ballpen, lapis at maging ang notebook.

May matataas na lead content umano kasi ang mga ito na maaring makalason sa mga bata lalo na sa may edad tatlong taong gulang pababa.

Samantala hindi lamang umano ang presyo ng mga produkto ang isaalang-alang ng mga mamimili, kundi pagtuunan din ng pansin ang kalidad ng kanilang binibili para maka iwas sa kapahamakan ang mag-aaral.

Mas mainam din umanong bilhin ang mga produktong may “label” at nakasulat ang pangalan at “contact information” ng “manufacturer” upang mahabol ng mga mamimili kapag nagkaroon ng problema.

Samantala, patuloy naman ang kanilang isinasagawang pag iinspiksyon sa mga nagtitinda ng school supplies para sa nalalapit na pasukan sa Hunyo tres taong kasalukuyan.

DTI Aklan, todo bantay na sa presyo ng mga school supplies

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Todo-bantay na sa presyo ng mga school supplies ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa nalalapit na ang pasukan.

Ayon kay Aklan DTI Provincial Director Engineer Diosdado Cadena Jr., patuloy ang kanilang ginagawang pagmomonitor sa mga nagtitinda ng mga school supplies para masiguro na walang over pricing.

Dagdag pa nito na may ikinalat na silang mga posters na nakalagay ang mga gabay sa pamimili ng school supplies sa mga pamilihan at may nakalagay na suggested retail price (SRP).

Samantala, dahil sa kulang sila ng tauhan para magmonitor ng mga gamit pang eskwela sa isla Boracay, pinaalalahanan naman nito ang mamimili na kung meron silang mga reklamo tungkol sa mga binibintang gamit pang-eskwela ay maaari lamang silang tumawag sa opisina ng DTI Kalibo sa numerong 268-5280.

Paalala naman nito sa lahat ng mamimili na maging alerto sa pamimili at tingnang mabuti ang tamang presyo o SRP.

Mga magulang at mag-aaral ng Balabag Elementary School, hinimok na magpa-enroll ng maaga

Ni Shelah Casiano at Bert Dalida, YES FM at Easy Rock Boracay

Sinimulan na ng Balabag Elementary School (BES) sa Boracay ang kanilang enrollment noong nakaraang Lunes.

Subali’t kakaunti pa lamang ang mga nakapag-enroll, ayon kay BES-Teacher 1 Leah Gajisan-Bandong.

Kung kaya’t upang maiwasan ang pakikipagsiksikan at mahabang pila tuwing enrollment kahit pa nagsisimula na ang klase, mas mabuti umanong magpa-enroll ng maaga lalo na’t marami ang mga mag-aaral sa elementarya.

Nitong nagdaang taon, ang Balabag Elementary School ay may mahigit 1,700 na mga mag-aaral at 32 guro.

Samantala, kailangan pa rin umano nilang ipatupad ang tinatawag na “shifting of classes” kung saan ang dalawang guro ay mag-share na lamang ng iisang classroom.

Ngayong taon kasi ay nagdagdag ang mga ito ng mga guro, subali’t kulang talaga ang kanilang silid-aralan.

Ang klase para sa school year 2013 ay magsisimula sa June 3, kung saan tatanggap parin umano ang mga ito ng mga magpapa-enroll hanggang June 7.

Ang enrollment ng nasabing paaralan ay binuksan kasabay ng “Brigada Eskwela” na kilala rin sa tawag na National Schools Maintenance Week.

Campaign expenses ng mga tumakbong kandidato, pinapasumite na ng Comelec Malay

Ni Jar-ar Arante, YES FM Boracay

Pinasusumite na ng COMELEC ng kanilang campaign expenses ang mga tumakbong kandidadto sa bayan ng Malay.

Ayon kay Malay Comelec officer Feliciano Barios, pinadalhan na ng sulat ang lahat ng mga kandidatong tumakbo tungkol sa mga nagastos nila noong nakaraang May 2012 midterm elections.

Bagamat sila umano sa COMELEC ay hindi pa nakabalik sa kanilang mga assignment pagkatapos ng nakaraang eleksyon, kinakailangan na umanong maipasa ng mga kandidatong tumakbo ang mga ginastos nila nong sila’y nangangampanya pa lamang.

Ayon pa dito, hanggang sa June 13, 2013 na lamang ang deadline ng pagsumite ng campaign expenses at maaari silang pagmultahin at pagbawalang tumakbo pa sa susunod na halalan kung hindi nila ito masusunod.

Sa pagsusumite ng mg kandidato ng kanilang campaign expenses, makikita ang lahat ng mga ginastos ng mga kandidato at malalaman kung sino nga ba ang mga sumunod sa patakaran ng Comelec.

Halimbawa na lamang dito ay dapat tatlong piso lamang ang magagastos nila sa bawat taong pinangampanyahan nila.

Samantala, kinumpirma naman ni Barrios na wala pa umano sa mga kandidato ang nakapag-sumite ng kanilang campaign expenses sa Comelec Malay.

Kung kaya’t nanawagan itong dapat ayusin na ng mga kandidato ang mga requirements sa nakalipas na May 2013 elections bago pa ang deadline sa June 13 para maiwasan ang pagkakaroon ng problema.

Benipisyong makukuha ng mga empleyado, ipinaliwanag ng DOLE

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Upang maliwanagan ang mga empleyado, kaugnay sa mga benipisyong kanilang matatanggap sakaling maaksidente o magkasakit sa oras ng kanilang trabaho, nagsagawa ng isang araw na seminar ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa isla ng Boracay ukol dito.

Ang isa sa mga ipinaliwanag ng mga nangasiwa ng naturang seminar sa pangunguna ni Ma. Cecilia Maulion, Chief Information and Public Assistance Division ay ang tungkol sa Employees’ Compensation Commission (ECC).

Ayon kay Maulion, kung sakaling nagkasakit or may nangyaring hindi maganda sa oras ng trabaho tulad ng aksidente, sinabi nitong mag-file ng form mula sa Social Security System (SSS) para doon sa mga nagtatrabaho sa pribado at Government Service Insurance System (GSIS) naman para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno upang makuha ang halagang nagastos o nagamit ng empleyadong naaksidente.

Kung sakaling hindi ito naaprubahan ay maaaring mag-file ng motion for reconsideration o di kaya ay i-akyat ito sa mismong pinuno ng SSS or GSIS upang ma-iproseso ang kung anumang benipisyo na makuha ng empleyado.

Ang ECC ay sangay ng DOLE na maaaring makatulong sa pagpapaliwanag tungkol sa mga benipisyong makukuha ng isang manggagawa o isang pamilya sa sandaling magkaroon ng problema sa oras ng trabaho.