YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 04, 2013

Dalawang buwaya sa isla ng Boracay wala pang paglilipatan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Posibleng manatili na lamang ang dalawang kontrobersyal na buwaya dito sa isla ng Boracay sa pangangalaga ni Lennard Tirol.

Sapagkat wala pang mapaglilipatan sa dalawang endangered species.

Ayon kay Community Environmental Natural Resources Office (CENRO) officer Mersa Samillano, kung wala pa umanong paglilipatan ang dalawang buwaya ay posibleng manatili nalang muna ito pansamantala sa isla.

Pero aniya, kailangan dumaan sa isang memorandum agreement ang nasabing usapin kung saka sakaling pahihintulutan pang manatili ito dito.

Sa kundisyong kailangan umano na ma monitor ng may kaalaman para sa tamang pag aalaga sa mga buwaya at regular na masuri ang kundisyon ng mga hayop na ito ng Provincial Veterinary office.

Una nang napag-usapan ng Department of Environmental resources (DENR) at ng (CENRO) Boracay ang paglipat sa nasabing mga buwaya sa lugar ng Palawan kung saan may akmang lugar para sa mga ito bagamat ayon sa mga ito masyado aniyang malayo ang nasabing lugar para dalhin pa doon ang mga ito

Maari din umano itong ibalik nalang sa lugar sa Negros City kung saan nagmula ang mga ito asa isang dayuhang mamumuhunan pero ibinigay din ito sa nag aalaga ngayon na si Tirol.

Baranggay Sambiray, kampeon sa Street Dancing Competition ng Fiesta de Obreros!

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Tinanghal na kampeon at tumanggap ng tatlumpong libong piso ang Brgy. Sambiray sa ikasampung Fiesta de Obreros Street Dancing Competition na ginanap kahapon kasabay sa selebrasyon ng Municipal and Parochial Fiesta ng bayan ng Malay.

Naging sentro ng atraksyon at hiyawan ang nabanggit na grupo mula sa Sambiray kaya’t nakuha rin ng grupo ang mga minor awards katulad ng Best in Choreography, Best in Music, Best in Production Design at Best in Costume.

Nasikwat naman ng Baranggay Nabaoy ang Best in Street Dancing dahil sa kanilang disiplina at galling sa pagsayaw.

Sa major awards, napunta ang 2nd runner-up sa Barangay Kabulihan at 1st runner-up naman sa Barangay Cubay Sur.

Naging atraksyon ang Fiesta de Obreros Street Dancing Competition kahapon kasabay ng pagselebra ng Araw ng Manggagawa o Labor Day sa pagbigay pugay sa patron na si St. Joseph the Worker.

Ito’y pinasinayaan at dinaluhan ng ilang pulitiko ng probinsya at lahat ng empleyado at opisyales sa bayan ng Malay.

Pulis sa Malay, madadagdagan na!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Madadagdan na ang pulis ng bayan ng Malay ngayon eleksiyon.

Sapagkat ang bagay na ito ay kinumpirma ni S/Insp. Reynante Jomocan, hepe ng Malay PNP.

Aniya, nagbigay abiso na ang Provincial Command na may walong karagdagang pulis na ipapadala dito at may listahan na rin ng mga pangalan kung sinu-sino ang darating.

Pero hindi pa umano alam ni Jomocan sa ngayon kung kaylan ang mga ito darating.

Ganoon pa man dahil sa kakaunti lamang ang organic police sa Malay at kahit madagdagan pa ito ng walo.

Kulang pa rin sana ang bilang na ito ayon sa hepe, sapagkat bawat polling precinct ay dapat mayroong umano dalawang pulis.

Subalit sa sitwasyon umano ng Malay na magkalapit lang naman ang mga polling precinct, makaya naman umanong pangasiwan ng mga pulis na ito ang halalan dito, kahit pa kulang sila sa tao.

Thursday, May 02, 2013

Mga empleyado sa Aklan, hindi pwedeng tanggalin dahil lang sa eleksiyon!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Binalaan ng Comlec Aklan ang mga pulitikong huwag gamitin ang kanilang posiyon para mag-tanggal ng empleyado na hindi sumusuporta sa kanilang kandidatura.

Ayon kay Getulio Esto ng Comelec Aklan, ang paalala nito sa mga kandidato ay hindi lamang para sa proteksiyon sa mga empleyado sa gobyerno lalo na sa mga munisipalidad, kundi pati na rin sa pribadong mga establishemento sa probinsiya.

Sapagkat klaro umano sa batas na ipinagbabawal ang pagpilit sa isang tao na sila ang iboto lalo na kung may kapalit, gaya ng pag-aalok ng trabaho o kaya ay pag-tanggal sa trabaho na ang eleksiyon ang naging dahilan.

Aniya, kung contractual ang isang empleyado, pribado o pampubliko man, hindi basta-basta matatanggal ang mga ito sa trabaho na walang dahilan.

At ang usaping politiko o eleksiyon umano ay hindi na bahagi ng kontrata kaya hindi ito pwedeng maging rason para tanggalin sila sa trabaho.

Sapagkat ayon kay Esto, malalabag ang karapatan ng isang indibidwal na mamili ng kanilang lider.

Kaya pina-alalahanan nito ang mga pulitiko na mag-ingat sa pag-tanggal sa empleyado kung ang rason ay may kinalaman sa eleksiyon dahil paglabag ito sa Labor Code na ipinapatupad ng Department of Labor and Employment para sa mga nagtatrabaho sa pribadong establishemento at sa ipinapatupad na batas naman ng Civil Service para proteksiyon ang mga empleyado ng gobyerno.

Comelec Aklan, magbabaklas ng mga illegal posters bago ang eleksiyon

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Pinasiguro ng Comelec Aklan na mababaklas na ang mga poster ng kandidato na nakabalandra malapit sa entrance ng mga paaralan, lalo na at doon isinasagawa ang botohan.

Ayon kay Getulio Esto ng Comelec Aklan, klarong paglabag ito ng mga kandidato sa patakaran na ipinapatupad ng komisyon dahil hindi ito bahagi ng mga common poster area na inilaan ng komisyon.

Bagama’t hindi na pinangalanan, sinabi ni Esto na marami na silang partido at kandidatong pinadalhan ng sulat upang sila na mismo ang magtanggal ng kani-kanilang mga poster.

Kapag hindi pa aniya sila tumalima, wala nang magagawa pa ang Comelec kundi sila na lang ang magbabaklas ng posters sa tulong ng task force na binuo ng komisyon.

Subalit hindi nito binanggit kung kailan ang pesta na ibinigay nila sa mga pulitikong ito.

Ngunit pinasiguro nito na mangyayari ito bago ang eleksiyon.

4Ps sa Aklan, protektado ng “Anti-Epal Campaign”

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Protektado ng implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Aklan laban sa mga kandidato ngayong eleksiyon.

Sapagkat “off limits” ang mga pulitiko sa programa ng national government na mas kilala bilang 4Ps.

Kasabay umano ito ng paglunsad nila ng Anti-Epal Campaign lalo na at nalalapit na ang May 2013 Midterm Elections, ayon kay Aklan Provincial Operation Office Officer Cristina Tersina.

Aniya, sa mga session na ginagawa nila ng mga beneficiary ng 4Ps, mariin nilang ipinapaalam sa mga ito na huwag silang maniwala sa mga pulitiko kapag ume-eksena ang mga ito at ginagamit ang programa sa kanilang pansariling kapakanan.

Dagdag pa nito, hindi umano nila pinapahintulutang sumama ang mga pulitikong ito kapag namimigay na sa mga beneficiary sa bayan sa Aklan, upang hindi nila ito magamit sa kanilang pangangampaniya.

Una ng sinabi ni Tersina na ang 4Ps ay hindi dapat gawing panakot ng mga pulitiko sa mga botante ngayon eleksiyon.

Sapat na ebidensiya, kailangan laban sa vote buying --- Comelec Aklan

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Bagamat bawal ang vote buying, pero ang malungkot dito ay nangyayari pa rin ito sa pasimple at patagong paraan.

Dahil dito, “strong evidence” talaga ang dapat para maidiin ang isang kandidato na mahuhuling namimili ng boto.

Sapagkat kung malabnaw at kulang lamang umano ang mga ebidensiya na ihahain laban sa mga ito, posibleng malulusaw lamang na parang yelo ang isinampang kaso at madi-dismiss lang ito, ayon kay Getulio Esto ng Comelec Aklan.

Dahil dito, payo si Esto sa mga interesadong indibidwal na nais magsampa ng kaso sa isang pulitiko na na-aktuhang namimili ng mga boto.

Aniya, siguruhing makunan din ng mga litrato ang gumagawa, pati na ang pera, kung sino ang tumanggap at nagbigay, para ito na ang magsilbing ebidensiya sa korte kapag naisampa na ang kaso.

Mahalaga din ayon kay Esto na mayroong mga saksi at dapat ay mai-report at maipatala sa pulisya ang nangyari upang mayroon ding basehan kung magsasampa na ng kaso.

Higit sa lahat, siguraduhin din umanong buo ang loob at patototohanan ng nagrereklamo ang kanilang akusasyon sa korte para hindi masayang ang kaso at hindi lumabas na puro paratang lang.

Mga 4Ps beneficiary sa Aklan, walang dapat ikabahala ngayong eleksiyon

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Walang dapat ikabahala ang mga beneficiary ng 4Ps sa Aklan na baka matanggal o kunin sa listahan ang mga ito.

Sapagkat ayon kay Cristina Tersina, Provincial Operation Officer (POO) ng Pantawid Pamilya Pilipino Programa o 4Ps, hindi dapat mabahala itong mga beneficiary, dahil hindi pwedeng gawing panakot ng sinumang mga pulitiko  na tatangalin sa listahan ang kanilang pangalan, lalo na ang mga pamilya na hindi bumoto sa kanila.

Paliwanag ni Tersina, dumaan sa proseso ang mga beneficiary na ito at nasa sistema na nila at naitala na rin, kung kaya’t wala umanong sinumang makakatanggal sa mga ito sa listahan.

Maliban na lamang aniya kung ang isang beneficiary ay mapatunayan na hindi pala kwalipikado na tumangap at mapasama sa programang ito.

Ganon din kung hindi na-comply ang mga hinihingi ng programang 4Ps.

Nabatid naman mula sa POO na may 26, 275 na 4Ps beneficiary sa Aklan sa 17 bayan.

Ang 4Ps ay nasyonal na programa ng administrasyon para sa mga kapos palad na Pilipino. 

Absentee Voting sa Aklan, dedma sa mga pulis

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Hindi lamang mga media sa Aklan ang nang-deadma sa ikinasang absentee voting ng Comelec na nagtapos kahapon .

Sapagkat, maging ang mga Pulis sa probinsiyang ito ay hindi rin alintana na mayroon iskedyul ang mga ito para makaboto ng maaaga ilang araw bago ang eleksyon.

Bagamat ang layunin sana nito ay upang hindi na maabala pa ang mga ito sa kanilang mga trabaho, gayong ang mismong araw ng halalan na iyon ay siyang araw din na abala ang Kapulisan, gaya din ng mga guro na magsisilbi at mga miyembro ng Philippine Army na magbabantay para sa ligtas at mapayapang halalan sa darating na ika-13 ng Mayo, subalit nabatid mula kay P03 Nida Gregas, Public Information Officer ng Aklan Police Provincial Office/APPO na tila wala namang pulis na nag-apply para sa absentee voting, dahil simula kahapon ay walang isinagawang maagang pagboto para sa mga pulis sa Camp Pastor Martelino sa bayan ng Kalibo.

Naniniwala si Gregas na hindi nag-avail ang mga pulis na ito ng absentee voting sapagkat tanging sa nasyonal level na mga kandidato lamang ang maaaring iboto ng mga ito, at hindi nila maaaring maiboto pa ang mga lokal na kandidato mula sa kongresista pababa sa Sangguniang Bayan.

Kung maaalala, isa lamang ang media sa Aklan na nag-apply para absentee voting.

Panghuhuli sa mga namamasadang habal-habal sa Boracay, tuloy pa rin

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Gusto mong maghanap-buhay sa pamamagitan ng pamamasada ng motorsiklo o habal-habal?

O di kaya’y gamitin itong pang-sideline kumita lamang ng extra income?

Pwede sa pwede, kung may pantubos ka.

Ito’y dahil tuloy pa rin ang panghuhuli ng mga miyembro ng Municipal Auxiliary Police o MAP sa mga namamasada gamit ng mga nasabing motorsiklo sa isla ng Boracay.

Katunayan, sa dami ng mga nahuhuling lumalabag at mga natitikitan, naglagay pa ang mga ito sa gilid ng Balabag plaza ng karatulang “No parking, for impounded motorbikes only”.

Ibig sabihin, ang naturang bahagi ng plaza doon ay inilaan lamang para sa mga nahuhuli at mai-impound na mga motorsiklo.

Ang mga nasabing uri kasi ng sasakyan ay pang pribadong gamit lamang, na siya namang nakasaad sa ibinibigay na permit to transport ng munisipyo.

Samantala, ayon naman sa MAP, ang mga motorsiklong naka-impound doon ay ibabalik naman sa mga may-ari nito, kapag nabayaran na ang kaukulang pinalidad.

Maliban pa sa mga nahuhuling namamasada ng habal-habal, naka-impound din doon ang iba pang motorsiklo dahil naman sa iba pang bayolasyon, katulad ng XPTT o expired na permit to transport, at walang permit to transport.

Tuesday, April 30, 2013

Mga inmates sa ARC at BJMP, makakaboto na hindi na lalabas pa sa bilangguan


Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Hindi na kailangan pang lumabas ng mga preso sa dalawang bilangguan sa Aklan para makaboto lang sa May 13, 2013 elections.

Sapagkat mismo ang mga Board of Election Inspector (BEI) ng Comelec na ang pupunta sa dalawang bilangauan na ito  nang sa ganoon ay hindi na malagay sa alanganin ang sitwasyon ng mga jail guards at mga preso sa paglabas nila para bumoto lamang.

Ayon kay Jonacer Billones ng Comelec Kalibo, dadalhin ng mga BEI na ito ang official ballots para sa mga inmates na rehistrado at doon na nila ito iboboto o pamamarkahan ang kanilang napiling kandidato.

Ngunit ang mga balota aniya ay dadalhin nila sa mga polling precinct kung saan napabilang na barangay ang bilanguan upang mabilang at maging balido ang kanilang mga boto.

Nabatid din mula sa kumisyon na ang lahat na nagparehistro sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Aklan Rehabilitation sa mabibilang nang registered voters ng Barangay Nalook sa Bayan ng Kalibo, saang bayan o probinsiya at siyudad man ang mga ito nagmula.

Gagawin umano ang pagboto ng mga ito sa mismong araw din ng eleksiyon sa Mayo 13.

Ayon  pa kay Billiones, hinihintay pa nila na makapag-sumite ng opisyal na listahan ang ARC at BJMP kung ilang botante pa ba ang makakaboto.

Sa ngayon umano ang mahigit isang daang registered voters sa BJMP ay inaasahang nasa mahigit 90 na lang.

Habang ang mahigit 200 sa ARC ay nasa mahigit 150 na lang dahil ang iba sa mga ito ay nakalaya na, ganoon din ang iba ay nakapiyansa na rin.

PCOS machine at official ballots para sa Aklan, mariing binabatayan

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Wala mang banta sa seguridad, pero hindi lamang kaligtasan ng mga PCOS machine ang sinisiguro ng Comelec sa Aklan ngayon.

Sapagkat mariin din nilang sinisiguro pati ang mga official ballots na dumating na rin lahat noong Linggo na naka-imbak umano ngayon sa isang warehouse na kinontrata ng kumisyon.

Sa panayam kay Getulio Esto ng Comelec Aklan, para hindi na umano magkaroon ng isyu at problema, maging ang lahat o mga partido ng mga pulitiko ay mayroong representante na nagbabatay din sa PCOS at Official ballot araw man o gabi.

Ito ay upang wala na rin ang agam-agam ang mga kandidato na may nangyaring hokus-pokus na magiging mitsa ng pagdududa sa kredibilidad ng komisyon, na magresulta sa kuwestiyunableng desiyon ng May 2013 Election sa Aklan.

Pagkakaroon ng pampublikong palengke sa Boracay, nasa plano na ng LGU

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Aminado ang lokal na pamahalaan ng Malay na hindi maayos ang pagkakadispatsa ng waste water na nagmumula sa Bukid Talipapa palengke.

Sapagkat wala umanong nagbibigay ng daanan ng tubig palabas ng palengke, lalo na at pribado ang mga lupain doon ayon kay Boracay Solid Waste Management Manger at Island Administrator Glenn Sacapaño.

Maliban dito, hindi rin umano nila magalaw-galaw para ma-aksiyunan ang problema sa lugar na nabanggit sapagkat mayroon ding isyu sa agawan ng lupa.

Ganoon pa man, kahit pribado umano ang palengke na ito ay nakahanda naman ang LGU na tugunan ang problema sa ngayon para na rin sa kapakanan ng mga nasa palibot ng palengke partikular sa kalusugan ng mga tao doon.

Inamin din ni Sacapaño na walang binabayaran ang mga vendors dito sa LGU.

Dahil sa pribado ang palengke, kaya ganon din kahirap sa lokal na pamahalaan na paki-alaman ang problema lalo na sa regulasyon nila doon.

Subalit, tuwing makakatanggap umano sila ng sumbong kaugnay sa mga problemang dinaranas doon, kahit paano ay umaaksiyon naman sila.

Sa panayam din sa Island Administrator, inihayag nito na may balak na rin ang LGU Malay na maglagay ng pampublikong palengke sa isla para ma-regulate at matutukang mabuti ang mga problema ng vendors doon, at ganon din ng wet market sa Boracay.