YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 14, 2014

Mga beach front establishments na apektado ng Habagat, nag sand bagging

Posted June 14, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Magkahalong batong maliliit, malalaki at matutulis.

Mga tubo ng tubig at bakal.

Ito ang tumambad sa mga turistang naglakad sa station 1 long beach kagabi at kaninang umaga na iniwan ng low tide.

Tinangay kasi ng malakas na alon dulot ng Habagat ang pinong buhangin sa dalampasigan.

Dahil dito, nag sand bagging ang mga beach front establishments sa pangambang bibigay at tatangayin pa ng malakas na alon ang bahagi ng kanilang beach front property.
Ayon sa ilang mga establisemyento sa station1, kailangan din nila itong gawin upang hindi mahirapan ang kanilang mga guest tuwing lalabas ang mga ito papunta sa beach.

Nabatid na bahagi pa ng mga tinibag na sea wall nitong nakaraang buwan ng Enero ang mga bato at bakal na naglitawan sa dalampasigan.

Samantala, may mga hotel at resort naman papuntang Din-iwid beach ang hindi pa apektado ng malalakas na alon ang kanilang beach line, dahil hindi pa nangangalahati ang panahon ng Habagat.

Magugunitang nagpaalala ang BRTF o Boracay Redevelopment Task Force na bawal ang sand bagging dahil sa umano’y magiging masamang epekto nito sa beach front.

Tagumpay ng Boracay All-Star sa Malaysia, bibigyang pagkilala ng LGU Malay

Posted June 14, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Bibigyang pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang Boracay All-Stars matapos ang kanilang panalo sa 1st Sabah FCAS International Dragon Boat Race sa Malaysia.

Sa nakaraang SB Session nitong Martes, naging topiko ng mga Konsehales ang tungkol sa gagawing pagkilala sa nasabing grupo na nag-uwi ng karangalan hindi lamang sa bayan ng Malay kundi sa buong bansa.

Nabatid na ang Boracay All-Stars ang may pinakamabilis na oras sa qualifying race kung saan tinalo nito ang Tanjung Papat A, na nag-wagi noong 2012 at 2013.

Ang nasabing Dragon Boat Race ay ginanap nito lamang buwan ng Hunyo sa Likas Bay Kuta Kinabalu, Malaysia kung saan nilahukan din ito ng iba pang grupo mula sa ibat-ibang bansa.

Samantala, ikinakasa na rin ng SB Malay ang resolusyon bilang pagkilala sa nasabing grupo gayon din sa iba pang sumaling Dragon Boat Team na mula sa isla ng Boracay.

Pagdeklara ng “Arbor Day” sa Aklan, aprobado na sa Sangguniang Panlalawigan

Posted June 14, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aprobado na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagdeklara ng “Arbor Day” sa probinsya.
Sa ginanap na 19th SP Regular Session nitong Myerkules, napagkasunduan ng buong konseho na aprobahan ang hiling ni Gov. Florencio Miraflores hinggil sa pagpasa ng ordinansa na nagdedeklara ng “Arbor Day” sa probinsya.

Ito’y sang ayon din umano sa IRR ng Republic Act 10176 o “Arbor Day Act of 2012.”

Nabatid na nakasaad sa nasabing batas na protektahan at isulong ang karapatan ng mga tao sa isang balanseng ekonomiya base sa ipinapahayag na patakaran ng estado.

Iniuutos rin dito sa lahat ng mga lalawigan, lungsod at munisipyo kasama ang kanilang mga component barangays na magkaroon ng kamalayan sa isyung pangkapaligiran.

Ang Arbor day ay ipinagdiriwang kada taon, kung saan nire-require ang bawat probinsya, lungsod at munisipalidad na magkaroon ng Tree Planting Program.

Samantala, napagkasunduan na ang “Arbor Day” sa probinsya ng Aklan ay ipagdidiwang tuwing ika-tatlo ng Byernes sa buwan ng Agusto kada taon.

Fetus na nakalagay sa loob ng bote natagpuang palutang-lutang sa dalampasigan ng Boracay

Posted June 14, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang bote ng kape na naglalaman ng Fetus ang natagpuang palutang-lutang sa dalampasigan ng Boracay kaninang alas-onse ng tanghali.

Ayon sa mga taga Command Center, nakita ito ng isang Boatman na palutang-lutang sa harap ng Sea World diving activities sa Station 2 Boracay.

Agad namang dinala sa tanggapan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang nakitang Fetus kung saan inimbestigahan naman ito ng Women’s Desk.

Ayon sa mga otoridad dahil sa ito’y halos naaagnas na rin hindi na umano nila matukoy ang kasarian nito kung saan dinala nalang din ito sa Simabahan para alayan ng misa kasabay ng pagpapalibing.

Pinaniniwalaang dinagsa lang din ito mula sa mainland papuntang isla ng Boracay dahil sa sobrang lakas ng alon sa dagat dala ng nararanasang Habagat.

Samantala, ikinadismaya naman ng mga otoridad at Simbahang Katolika ang nasabing insidente dahil sa pagkitil sa buhay ng isang batang walang kaalam-alam sa mundo.

Team 7-Stones nanalosa Chili Cook Off competition saBoracay

Posted June 14, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay 

Napanalunan ng mga cook mula sa 7-Stones Boracay ang pangalawang Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter Chili Cook Off Competition na ginanap sa Nigi Nigi Nu Noos Resort ngayong araw.

Ang cooking challenge ay sinalihan ng labing limang teams mula sa iba't-ibang resort at restuarant na kailangan magluto ng recipe gamit ang sili. 

Tumagal ng halos dalawang oras ang patimpalak na sinundan ng public tasting at awarding sa mga partisipante.

Napanalunan naman ng Crafty's Roof Top Bar ang People's Choice, 2nd Runner-up ang Maya's Filipino and Mexican Cuisine at 1st Runner-up ang mga kunsinero mula The Tides.

Nagkaroon din ng pa-raffle bilang bahagi ng fund raising ng PRC Boracay-Malay Chapter kung saan gagamitin ang pondo sa mga humanitarian program at activity sa Boracay at Malay.

Masayang nagtapos ang aktibidad na ikinatuwa ng mga turista dahil maliban sa sila ay nakatikim ng mga maaanghang na putahe ay nakatulong pa sila sa Philippine Red Cross.

Ang kakaibang cooking challenge na ito ay sinupurtahan din ng  Department of Tourism at LGU-Malay.

BFI, nagpadala ng sulat sa CAAP kaugnay sa mga Dos and Don’ts sa Boracay

Posted June 14, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagpadala ng sulat ang Boracay Foundation Inc. (BFI) sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay sa mga Dos and Don’ts sa isla.

Ito ang kinumpirma ni BBMP Project In-charge Al Lumagod matapos ang kanilang naging problema nitong nakalipas na Labor Day sa Boracay dahil sa hindi nasunod na mga ordinansa sa isla.

Aniya, hiling umano nila sa CAAP na ipaabot sa mga turista na tutungo sa Boracay na bago bumaba ang mga ito ng eroplano ay ipaalam muna sa kanila ang environmental advocacies sa isla.

Sa ganito umanong paraan ay maiiwasan ang problema sa Boracay katulad ng mga iniiwang basura sa dalampasigan, paninigarilyo at ang pag-ihi sa dagat.

Napag-alaman na nitong Labor Day ay dinagsa ang Boracay ng libo-libong turista kung saan ibat-ibang event din ang ginanap sa beach front na nagresulta ng pagtambak ng mga naiwang basura lalong lalo na ang mga bote ng alak.

Samantala, siniguro naman ng BFI na hindi na mauulit ang nangyari kung saan maging ang LGU Malay ay naalarma tungkol dito.

Friday, June 13, 2014

Mga maliliit na kabuhayan sa beach front sa Boracay, apektado na ng Habagat

Posted June 13, 2014
Ni Bert Dalida, Yes FM Boracay

Ramdam na ngayon ang epekto ng Habagat sa Boracay.

Ilan sa mga naapektuhan ang may mga maliliit na kabuyahan katulad ng mga tinatawag na night vendors.

Si Johnrey, halos 25 taon na umano sa kanilang barbeque business sa Boracay.

Bagama’t dismayado, nakangiti paring sinabi na humina ang kanilang kita simula nitong nakaraang gabi dahil sa malakas na hangin at pag-ulan dulot ng nararamdanang Habagat.

Kumikita na lamang umano kasi sila ng halos 1, 500 pesos, sa halip na nasa 4, 500 pesos simula alas 4:30 ng hapon hanggang ala 1:30 ng madaling araw sa kanilang pagtitinda ng chori burger, at mga barbeque.

Subali’t ayon pa kay Johnrey,kinakailangang kumayod para sa pamilya, kung kaya’t hindi nila inaalintana ang epekto ng Habagat, lamang kumita.

Ang remedyo, nilalagyan na lamang nila ng extension ang kanilang barbeque tent upang hindi mabasa.

Sinabi nito na hindi lamang sila ang naapektuhan ng Habagat, kungdi ang mga katabi nilang naghi-hair braid, mga masahista, at maging ang iba pang naglalako ng kung anu-ano sa vegetation area tuwing gabi.

Samantala, nabatid na kanya-kanya namang naglalagay ng mga malalaking payong o umbrella ang mga beach front establishments upang hndi maapektuhan ang kanilang negosyo sa gabi, lalo na’t malakas ang hangin.

Bandila ng Boracay Crown Regency, naka half-mast dahil sa pagpaslang kay Richard King

Posted June 13, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naka half-mast ngayon ang tatlong bandila ng Boracay Crown Regency dahil sa pagpaslang kay Richard King.

Naging usap-usapan din sa isla ang nangyaring pagpaslang na patuloy namang iniimbistigahan ng mga otoridad.

Ayon sa report, nasa isang closing ceremony ng isa sa kanyang business ventures sa Davao si King nang mangyari ang insidente.

Nasa ground floor ng isang gusali si King at nanghahapunan kasama ang kanyang mga empleyado at mga partisipante sa nasabing okasyon nang pumasok ang salarin at paulanan ito ng bala.

Nagtamo ng multiple gun shoot wounds si King na kaagad nitong ikinamatay.

Ayon pa sa report, mabilis ding tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kasama nitong naghihintay sa labas ng gusali.

Kaugnay sa negosyo ang tinitingnang anggulo ng pagpatay kay King.

Nabatid na walang CCTV sa gusali at wala ring security guard na nakaduty nang mangyari ang pamamaril.

Pagkakaroon ng “safety course” sa mga resort at hotel sa Boracay, muling iginiit ng Red Cross

Posted June 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muli ngayong iginiit ng Philippine Red Cross (PRC) Malay-Boracay Chapter ang pagkakaroon ng “safety course” ng mga resort at hotel sa isla.

Ayon kay PRC Malay-Boracay Chapter Deputy Administrator John Patrick Moreno, matagal na itong alituntunin, kung saan nire-require ang mga staff at empleyado ng mga resort at hotel na mag-training at matuto ng “safety course.”

Ito’y upang matiyak ang kaligtasan ng mga bakasyunista o turista sa isla kung sakaling magkaroon ng aksidente sa tubig.

Ayon pa kay Moreno, nasa ilalim umano ito ng monitoring ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Tourism (DOT).

May Memorandum of Agreement (MOA) na rin umano sila nito sa coastguard, subali’t maaaring walang ideya rito ang ilang mga resort at hotel dahil hindi gaanong namomonitor.

Dapat kasi aniya na may isang first aider ang mga nasabing hotel at resort, o di kaya’y sampung porsiyento ng kanilang empleyado ang marunong magbigay ng first aid.

Dapat din umanong may mga life guard na sinanay ng Red Cross ang mga may swimming pool na resort sa front beach.

Samantala, hinikayat naman ng PRC ang mga resort at hotel sa isla ng Boracay na pumunta na sa kanilang tanggapan at sumailalim sa nasabing “safety course.”

Bagong Head ng Akelco, nagsimula na sa kaniyang panunungkulan

Posted June 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagsimula na sa kaniyang panunungkulan ang bagong Head ng Aklan Electric Cooperative        (Akelco) na si Engr. Rogen Delos Reyes.

Ito’y matapos na bumaba sa kaniyang puwesto si Retired Engr. Chito Peralta nitong Hunyo matapos ang kaniyang panunungkulan sa serbisyo ng mahigit anim na taon.

Ayon kay Akelco PIO Rence Oczon, pormal na umupo sa kaniyang puwesto si Delos Reyes nitong Lunes bilang Head Management Committee na itinalaga ng mga Akelco Board of Directors.

Sinabi pa nito na wala pang magiging General Manager ang Akelco dahil inaantay pa ang magiging desisyon ng National Electrification Administration (NEA).

Aniya, posible din umanong si Engr. Rogen Delos Reyes na ang magiging General Manager ng Akelco sa mga susunod na araw.

Nabatid na sa ginanap na Annual General Membership Assembly (AGMA) ay dumalo sa Delos Reyes para pakinggan ang hinaing ng mga kunsumidor tungkol sa serbisyong ibinibigay ng Akelco.

Sa ngayon ay siya muna umano ang haharap at hahawak ng lahat ng tungkulin ng Akelco hanggat inaatay pa ang pagtatalaga ng bagong General Manager ng nasabing kooperatiba.

Lalaki sa Boracay, arestado matapos alukin ang British national na gumamit ng valium

Posted June 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Arestado ang isang lalaki sa Boracay matapos na alukin ang isang British national na gumamit ng valium, isang uri ng illegal na droga.

Ayon sa report ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), madaling araw kanina nang makita ng bar tender sa isang bar sa Boracay ang suspek na si Johen Jamir, 23 anyos ng Mandaon Masbate na inalok ng dalawang zip lock plastic sachet ang Bristish national na si Mr. Sheehen.

Subalit tumanggi umano ang Briton habang bigla namang ipinahid umano ng suspek ang nasabing valium sa bibig nito.

Samantala, tinawag ng nasabing bar tender ang kanilang bouncer at kinausap ang suspek na tigilan ang ginagawa nito sa turista.

Subali’t agad umano nitong kinuha ang dalawang plastic sachet sa kanyang wallet na nakalagay sa kanyang bulsa at inihagis sa sahig nang komprontahin siya ng bouncer.

Samantala, inamin umano ng suspek na valium nga ang kanyang inihagis at ginagamit umano nya ito bilang activity enhancer.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Boracay PNP ang suspek matapos itong isuko ng mga bouncer ng bar sa himpilan ng pulis para sa mga karampatang disposisyon.

Mga sea sports activities sa Boracay, inilipat na sa back beach dahil sa Habagat

Posted June 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inilipat na ang ilang mga sea sports activities sa Back Beach ng isla ng Boracay dahil sa patuloy na nararanasang Habagat.

Ayon kay Boracay Sea Sports Association Vice President Russel Cruz, nasimulan na nila itong ilipat nitong Lunes kung saan naglagay na rin sila ng dalawang tent para sa sea sports activities.

Maliban dito dalawang station lang din umano ang kanilang inilagay sa back beach para sa marketing and selling ng Sea and Water Sports Activities.

Sa kabilang banda sinabi naman ni Cruz na mahina ang kinikita ng Sea Sports sa Back Beach kumpara sa front Beach na accessible ang lugar.

Aniya, mahirap rin na makakuha ng mga turistang nais na mag-island hopping dahil kinakailangan pa silang dalhin sa Back Beach, kung saan dagdag gastusin din umano ito sa mga Water Sports Activities.

Sa ngayon umano ang D’Mall ang kanilang ginagawang meeting place para sa kanilang mga kustumer na dadalhin sa nasabing lugar.

Samantala, inaasahan naman ni Cruz na aabutin pa ng hanggang Oktubre ang kanilang operasyon sa Back Beach dahil sa inaasahang pagtatapos ng Habagat sa buwan ng Setyembre.

Ilang grupo sa Boracay, nag motorcade sa pagdiriwang ng Independence Day

Posted June 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ilang grupo sa Boracay ang nag motorcade kaninang umaga at nitong hapon. 

Kaugnay ito sa 116Th taon ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan o Independence Day.

Ang mga nag-motorcade kaninang umaga ay ang mga taga Balabag Bikers, at mga taga “Quick Force naman nitong hapon.

Ayon sa mga taga Balabag Bikers, nag-motorcade sila papuntang Brgy. Yapak mula sa Mangrove Area ng Brgy. Manoc-manoc.

Samantala, kasama din sa mga nasabing grupo na nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay ang mga taga Kabalikat Civicom-Boracay Chapter.

Nabatid din na taon-taon nila itong isinasagawa bilang pa-kikiisa sa naturang okasyon kung saan inaasahan din na ilang pang-grupo ang sasali para dito.

Thursday, June 12, 2014

DOT Boracay, inaalam na rin ang status ng flood control project sa Boracay

Posted June 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inaalam na rin ngayon ng Department of Tourism (DOT) Boracay ang status ng Flood Control Project sa isla.

Ayon kay DOT Boracay Officer – In – Charge Time Ticar, tumungo umano ito sa tanggapan ng Tourism Infrastructure Enterprise and Zoning Authority-Regulatory Office (TIEZA-RO) kahapon subalit wala umano itong nakausap na pwedeng pagtanungan doon.

Anya, sa ngayon kasi na pormal nang idineklara ng PAGASA ang Habagat Season sa bansa ay mahalagang malaman kung kumusta na ang preparasyon ng isla lalo para sa baha.

Samantala, sinubukan rin ng himpilang ito na muling makapanayam si ITP Construction Project Architect Victor Turingan subalit hindi na siya makontak sa kanyang cellphone.

Maliban dito, holiday rin ngayon at walang tao sa kanilang opisina dahil sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan o Independence Day.

Matatandaan na sinimulang gibain ang kalsada mula sa kanto ng Balabag papasok ng Sewerage Treatment Plant (STP) ng Boracay Island Water Company (BIWC), para sa pipe laying o paglalagay ng tubo bilang bahagi ng ginagawang Flood Control Project ng TIEZA.

Sinimulan ang Flood Control Project nitong nakaraang taon upang tuldukan ang napakatagal nang problema sa baha sa isla.