YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 30, 2017

Malaynon na Philippine Marines, patay ng barilin ng Sniper sa Marawi

Posted June 30, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person
Photo Credit: Jake Sullano
Maituturing bayani ang isang Malaynon na kasapi ng Philippine Marines matapos itong bawian ng buhay ng barilin ng Maute Sniper sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.

Ang biktima na isa ring sniper ay kinilalang si Philippine Marines Sgt. Bryan Tamboon, 33-anyos tubong Sitio Minoro Brgy. Caticlan, Malay, Aklan at nanunuluyan ngayon sa Zamboanga City.

Ayon sa opisina ng Barangay Caticlan Council, nalaman umano nila na mayroong namatay na Malaynon sa nasabing bakbakan ng sumadya sa kanila ang Philippine Coast Guard Caticlan dahil hinanap umano ng mga ito ang bahay ni Tamboon.

Napag-alaman na tumawag umano sa kanila ang PCG-Iloilo at pina-alam na binaril umano ang biktima ng sinasabing Maute Sniper sa ulo dahilan at ikinamatay nito.

Si Tamboon ay nakapag-asawa sa Zamboanga City, may dalawang anak na babae at lalaki.

Ang mga magulang ni Tamboon ay naninirahan ngayon sa Mindoro habang ang naiwan nilang bahay dito sa Caticlan ay tinutuluyan ng kanyang kapatid na isang Security Guard.

Nagtapos ito ng kanyang sekondarya sa Malay National Highschool na buhos ngayon ang pakikiramay at paghihinayang ng kanyang mga kakaklase at kakilala.

Si Phil. Marines Sergeant Tamboon ay nabaril kahapon ng umaga at ika-apat na sundalo mula sa Western Visayas na nasawi ng dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa Marawi City.

Sapatero sa Boracay, arestado sa buy-bust operation

Posted June 30, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for tulak ng drogaArestado ang isang sapatero at tulak ng droga sa ikinasang buy bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Ambulong, Brgy. ManocManoc, Boracay.

Kinilala ang suspek na si Khenneth Nino y Garcia, alias “Kenneth” native ng Joyao-joyao, Numancia at pansamantalang naninirahan sa nabanggit na Barangay.

Ang suspek ay nabilhan ng isang sachet ng suspected shabu kapalit ng isang libong marked-money ng nagpakilalang pulis na poseur buyer.

Samantala, sa isinagawa pang body-search ng mga pulis, nakuhaan pa ito ng tatlong sachet ng iligal na droga.

Si Garcia ay nahuli sa ikinasang pwersa ng Aklan Police Provincial Office Provincial Drug Enforcement Unit (Aklan PPO PDEU) Numancia MPS, Malay MPS, BoracAY pnp, PDEA 6 at 12th Infantry Battalion at MIG 6.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 Article II Republic Act 9165 o dangerous drugs act ang suspek.

Thursday, June 29, 2017

Pagsuguiron, umapela ng tulong sa Marawi

Posted June 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for DANTE PAGSUGUIRON SB MALAYKasunod ng bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute group sa Marawi City, umapela ngayon ng tulong si Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron sa mga apektado ng naturang kaguluhan.

Sa kanyang naging Privilege Speech nitong Martes sa 21 st Regular Session ng Malay, umaapela si Pagsuguiron sa kanyang mga kasamahan sa plenaryo na tulungan ang mga residente sa Marawi City.

Aniya, inihalimbawa nito ang pagtulong sa ibang lugar ng bayan kung saan pwede umanong mag-contribute ang LGU-Malay ng kaunting tulong para sa mga ito.

Sumang-ayon naman dito si SB Jupiter Gallenero sa kagustuhan ni SB Pagsugiron.

Subalit ayon kay Liga President Julieta Aaron, dapat umanong dumaan sa maayos na proseso para hindi magka-problema sa Commission on Audit.

Sinagot naman ito ni Gallenero na maiintindihan ito ng COA dahil donasyon ang ibibigay sa mga evacuees.

Samantala, itong usapin ay ini-refer Vice Mayos Sualog sa opisina ng Municipal Budget Office at Municipal Accountant.

Kahandaan sa Habagat Season, tinalakay sa SB-Malay

Posted June 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Inimbitahan sa 21st Regular Session ng Malay ang mga kinatawan sa ilalim ng LGU-Malay may kaugnayan sa kanilang ginagawang preparasyon para sa dalawang port na ginagamit tuwing Habagat Season.

Sa pagtatanong ng mga konsehal, inilatag ni Chief Tourism Operations Officer Felix Delo Santos ang paghahanda ng kanilang opisina sakaling gagamitin na ang Tabon Port.

Pagdadagdag ni Tabon Port Administrator Abcedes Dela Torre, kung seguridad ang pag-uusapan, nag-request na umano ito ng CCTV at X-ray machine sa opisina ng alkalde para mailagay sa naturang Port.

Sa daloy ng trapiko at kaayusan ng kalsada sa pantalan ay pinasiguro ni Transportation Office Head Cezar Oczon na aayusin nila ang dapat ayusin kung pagbabatayan ang ilang suhestyon mula sa mga SB Member lalo na sa loading at unloading area.

Nais din ng mga konsehal na panatilihing malinis ang lugar at ipatupad ang pag check sa lahat ng gamit ng mga pumapasok.

Samantala, ayon kay Felix Delos Santos ay nagkaroon na umano sila ng meeting kung saan isa sa kanilang pinag-usapan dito ay magkaroon ng simultaneous exercises sa Tabon Port, command operation at flow operation.

Security Summit, isinagawa sa Boracay

Posted June 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Dahil sa mga nangyayaring kaguluhan partikular ang nangyaring insidenete sa Resorts World Manila na ikinamatay ng maraming katao, nagsagawa ang kapulisan ng Security Summit para sa mga enforcers at Security Guard sa Boracay nitong Sabado.

Ayon kay Civil Security Unit 6 SSUPT. Jomil John Trio sa pagbisita niya sa 21st Regular Session ng Malay, ibinahagi niya ang kanilang ginawang pulong kung saan layunin umano nito na dapat magtulungan upang mapanatili ang kaayusan sa isla.

Dito, ibinahagi niya kung ano ang mga dapat gawin sakaling magkaroon ng kaguluhan o ano mang banta.

Ani Trio, ang Security Guard umano ang dapat siyang nagpo-protekta at nag-mi-mintina ng seguridad lalo na sa mga turistang nagbabakasyon sa isla.

Dagdag pa nito, dapat paghusayan pa ang training ng mga Security Guard at kung makatanggap man ng anumang terror threat sa isang establisyemento, isa umanong kailangan dito ay ang teamwork.

Dapat umanong paigtingin ang security plan ng mga ito kung saan ano mang mga kaguluhan na pwedeng mangyari ay dapat ipagbigay alam agad nila ito sa kapulisan ng sa gayon ay hindi na lumaki o kumalat ang isang gulo sa kanilang area.

Samantala, mahigit dalawang daan umanong Security Managers ng Hotel/ Resorts at mga establisyemento ang umattend sa isang araw na pulong.

Binabayarang Environmental Fee ng mga turista, papalitan ng Catcha Bag

Posted June 29, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Naging usapin sa 20th Sangguniang Bayan ng Malay ang hinggil sa Catcha bag na balak ibigay sa mga turista kapalit ng kanilang ibinabayad na Environmental Fee sa pagpasok sa Boracay.

Sa naging Privilege Speech ni SB Nenette-Graf, Chairman ng Committee on Environment, gagawa umano siya ng Resolution na taasan ang Environmental Fee ng mga turistang pumapasok at lumalabas sa isla.

Sa ganito umanong hakbang, ilalaan umano ang halaga para sa Catcha Bag na ibibigay sa mga turista bilang kapalit sa kanilang ibinabayad na Environmental Fee.

Dagdag pa ni Graf, layunin nito ay para ipaabot na hindi suportado ng mga Malaynon at Boracaynon ang paggamit ng plastic.

Samantala, ang bag na ibibigay sa mga turista ay may nakalagay umano na logo ng Malay at kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin dito kung saan gagamitin nila ito bilang kanilang Shopping Bag.

Sa panig naman ni Vice Mayor Sualog, kakausapin nila ang kanilang mga Business Partners na makapag-provide nito.

Ang usapin ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng plastic ordinance sa susunod na buwan, kung saan ang hakbang na ito ay magbibigay din umano ng malaking tulong sa pangkabuhayan ng mga Malaynon.

Wednesday, June 28, 2017

DENR Secretary Cimatu bumisita da Aklan re; Environmental Issues

Posted June 26, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for denr cimatu in malay, aklanBumisita si DENR Secretary Roy Cimatu sa Bayan ng Malay nitong nakalipas na linggo para pag-usapan ang environment issues na kinahaharap ngayon ng isla ng Boracay.
Naganap ang pagpupulong sa Legislative Building ng Malay na dinaluhan ng mga opisyales ng Lokal na Pamahalaan ng Malay, mga stakeholders at  grupo mula sa iba’t ibang sektor.

Sumentro ang pag-uusap sa mga kinakaharap ng isla katulad nang Solid Waste Management, Setbacks at kalidad ng tubig sa isla kasama at drainage system.

Hindi man nagawang inspeksyunin ni Cimatu ang Boracay, ang kanyang mga kasamang Undersecretaries naman ang kanyang ipinadala upang mag-inspeksyon at magkapag-sumite ng comprehensive report  at maging ang rekomendasyon sa magiging resulta ng sa gayon ay agad itong mabigyan ng kaukulang solusyon.

Sa panayam ng himpilang ito kay SB Nenette Aguirre- Graf, patuloy ang aksyon na isinasagawa ng LGU-Malay para masolusyonan na ang mga isyung ito.

Ani Graf, naging masaya naman si Cimatu sa ipinaabot nilang mga hakbang para matugunan ang suliranin sa isla ganunpaman ipinaabot naman nito sa publiko na magkipagtulungan sa LGU ng sa ganun ay mapadali ang pagsasaayos sa lugar.

Dagdag pa nito, habang maaga pa ay simulan na ng bawat isa ang paggamit ng mga reusable bags sa pamimili maging sa pagtitinda dahil ito ay para naman sa kabutihan ng isla.

Magugunitang nito lamang buwan ay inilabas ang ordinansang magbabawal sa paggamit ng styrofoam at plastic bags sa Boracay simula Hulyo 15 ng taong kasalukuyan ang sinumang lumabag dito ay mahaharap sa kaukulang penalidad.

Samantala,nitong  Buwan lamang ng Mayo itinalaga si Cimatu bilang DENR Secretary kung saan ang layunin nito ay ang unahin ang problemang pang-kalikasan na kinakaharap ng mga tourists destination lalo na ang Boracay.

LGU Malay, ikinandado ang mga Business Violators sa isla

Posted June 26, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Photo Credit: LGU-Malay
Pinasara ng LGU-Malay ang mga natitira pang mga business violators na hindi nakapag-comply ng kani-kanilang mga requirements sa isla ng Boracay.

Nitong Biyernes, muling sinuyod ng licensing department ang Balabag at ikinordon ang at isinara ang mga establisyementong nakitaan ng paglabag.
Sa pangunguna ni Executive Officer IV Rowen Aguirre, katuwang ang mga miyembro ng Malay Auxilliary Police (MAP) at maging ang mga hanay ng pulis para sa assistance ay naipasara ang mahigit sa 20 estblisyemento na patuloy na nag-ooperate sa kabila ng notice of violation na natanggap.

Magugunitang nito lamang nakalipas na mga linggo ay nagsagawa rin ng ganitong hakbang ang LGU-Malay kung saan ayon kay Aguirre, hindi sila titigil hangga’t hindi nauubos ang mga lumalabag sa batas.

Dagdag pa nito, nabigyan naman ng kaukulang notice of violation ang mga napabilang sa closure na tanda ng maaring pagsasara ng kanilang mga establisyemento.

Samantala, nabatid na permanente man o temporaryo ang isang itinatayong istraktura ay mahigpit pa ring ipapatupad ang pagkuha ng permit base na rin sa ordinansa.

PSA nagsagawa ng apat na Fisheries Surveys sa Aklan

Posted June 26, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image result for Fisheries surveys
Nagsagawa ng apat na Fisheries surveys ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa mga piling lugar sa probinsya.

Saklaw ng naturang surveys ang mga commercial, municipal, inland, at aquaculture fishing operations.

Ayon kay Provincial Statistics Officer Antonet Catubuan, ang mga nakuhang impormasyon o datos sa mga surveys na ito ay magbibigay ng volume at halaga sa mga unloaded fish sa iba’t-ibang landing centers lalo na rin ang volume at halaga ng mga isda at iba pang fishery production sa aquafarms at mga  households.

Nabatid na ang mga respondents sa naturang surveys ay binubuo ng boat operators, technician, fisherman, trader, at may kaalaman na mga miyembro ng sample household.

Ani Catubuan, kasama sa mga datos na nakolekta ay ang volume ng unloading sa buong landing center at presyo ng produksyon mula sa unang benta.

Pinaaabot pa nito sa lahat ng mga respondents sa suportahan ang data gathering na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang impormasyon sa mga PSA’s data collectors.

Samantala, sinisiguro naman ng Provincial Statistics Office na lahat ng mga nakuhang datos ay konpidensyal at hindi magagamit sa taxation, investigation o law enforcement purposes gaya ng itinadhana ng batas.

Lalaking umano’y may problema sa pag-iisip, nakitang palutang-lutang sa karagatan

Posted June 26, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Isang lalaki ang umano’y may problema sa pag-iisip ang naisalba matapos itong nakitang palutang-lutang sa karagatan ng Brgy., Pakilawa, Nabas, Aklan.

Sa report ng Boracay PNP, isang tawag umano ang kanilang natanggap sa isang ospital dito sa isla, na meron umanong na-rescue na lalaking palutang-lutang sa nasabing karagatan.

Agad namang pinuntahan ng mga otoridad ang biktima para imbestigahan, kung saan ng tinatanong nila ito kung ano ang nangyari dito, ay wala itong sinasagot sa kanila.

Napag-alaman sa nagpakilalang kapatid ng biktima na si Raisa Samo, 42-anyos, isang Muslim, native ng Lanao Del Sur at pansamantalang nakatira sa Sitio Ambulong, ManocManoc.

Ang kapatid umano nito ay mahigit tatlong taon ng nakatira sa isla at sinasabing may problema umano ito sa pag-iisip.

Samantala, isang mangingisda ang nakakita sa nasabing biktima bago ito nadala sa ospital.

Nabatid, balak ng biktimang languyin ang isla papunta sana ng Iloilo.