Ni Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST Boracay
Nagulat at hindi parin makapaniwala ang pamunuan ng
Boracay Foundation Incorporated o BFI sa rekomendasyon ng tatlong ahensya na
DENR, DILG at DOT kay Pangulong Duterte na isara ang Boracay.
Ayon kay BFI President Nenette Aguirre-Graf, hindi niya
lubos akalain na hahantong sa ganitong rekomendasyon ang gustong mangyari nina
Secretary Roy Cimatu, Secretary Año, at Secretary Tulfo-Teo dahil iniisip nito
ang posibleng epekto sa mga manggagawa sa isla.
Ang ikinababahala pa nito ay maaaring magtagal ito ng
isang taon kung pagbabasehan ang ginawang pahayag ni Cimatu kahapon.
Ayon pa sakanya, may nag-paabot din ng mensahe sa kanya
na bago ang nangyaring pag-anunsyo, nakipagpulong na ang DOT Office sa Philippine
Airlines o PAL na sila umano ay nag-kansela ng biyahe simula April 26 hanggang
June 26 papuntang Boracay.
Bagamat ikinalungkot ito ni Graf umaasa parin siya na
isaalang-alang ng Pangulo ang kanyang desisyon dahil maraming mamamayan ang
maaapektuhan kapag ito ay ipinatupad.
Kaugnay nito wala paring natatanggap na komunikasyon ang alkalde
ng Malay kaugnay sa isinapublikong balita ng DENR, DILG at DOT.
Apela naman ni Graf, na kung maaari ay ipulong ang LGU
Malay at Stakeholders ng tatlong ahensya upang malaman nila kung ano ang mga nakapaloob
sa kanilang action plan bago ang gagawing rekomendasyon sa pangulo.
Sa pinal na rekomendasyon ng inter-agency group, ang “total
closure” ay ipapatupad isang buwan pagkatapos ng gagawing deklarasyon ng
pangulo.
Inaasahan naman na magdedeklara ng “State of Calamity” sa
mga susunod na linggo para mapunduhan ang gagawing rehabilitasyon sa panahon na
ito ay isasarado.