YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 16, 2014

Delikadong kalsada sa Nabas Aklan, hindi parin na a-aksyonan ng DPWH

Posted August 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi parin umano nabibigyang aksyon ng Department of Public Works and Hi-ways (DPWH) ang delikadong kalsada sa Nabas Aklan.

Ito ang sinabi ni Malay SB Member Danilo Delos Santos matapos niyang maipaabot ang kanyang pagkabahala sitwasyon ng kalsada sa LGU Nabas at sa nasabing ahensya.

Aniya, matagal na niya itong idinulog sa LGU Malay para maipaabot sa dalawang kinauukulan na bigyan aksyon ang nasabing kalsada.

Walas kasing itong harang at masyadong mataas ang bangin na delikado sa mga motoristang dumadaan dito.

Sinabi pa ni Delos Santos na kinakailangan lamang lagyan ng railings ang gilid ng kalsada para maiwasan ang aksidente lalo na at karamihan sa mga dumadaan dito ay ang mga turistang pumupunta at nagmumula sa isla ng Boracay.

Muli namang nilinaw ni Delos Santos na kahit hindi niya ito nasasakupan ay nag-aalala parin siya sa kapakanan ng lahat ng mga motorista.

Sa kabilang banda tutok ngayon ang DPWH sa proyektong widening project sa probinsya ng Aklan kung saan inaasahan ding mabibigyang pansin ang idinulog na problema ni Delos Santos.

Construction worker, halos mawalan ng malay matapos pagbabatuhin

Posted August 16, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Halos mawalan umano ng malay ang isang construction worker sa Boracay matapos pagbabatuhin sa Sitio Cagban, Barangay Manoc-manoc kaninang madaling araw.

Ayon sa police report ng Boracay PNP, naglalakad ang biktimang si Eduardo Tiongson, 23 anyos, ng Dumga, Makato, Aklan at ang kanyang kasama nang bigla na lamang umano silang binato ng humigit-kumulang pitong kalalakihan.

Kaagad nakatakas ang kanyang kasama subali’t naiwan namang nakahandusay sa kalsada ang biktima matapos tamaan ng bato sa ulo.

Sa kabilang banda, dalawang kalalakihan ang napadaan sa lugar at nakitang nakahandusay sa gitna ng kalsada biktima, ilang sandali matapos ang insidente.

Bigla namang umiba ang eksena nang tumayo ang nahimasmasang biktima at sinaksak ang dalawang dumaan.

Bahagyang tinamaan sa dibdib ang isa sa dalawang lalaki na nakilalang si Reynante Francisco, 23 anyos ng Balucuan Dao, Capiz.

Samantala, nagkasundo sa presento ng Boracay PNP ang magkabilang panig na ayusin ang kanilang kaso habang patuloy pang pinaghahanap ng mga pulis ang nambato sa construction worker.

Lasing na lalaki sa Boracay sinuntok ang katrabaho matapos pahinaan ang boses habang nagvi-videoki

Posted August 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinuntok ng isang lasing na lalaki ang kanyang katrabaho matapos pahinaan ang kanyang boses habang siya ay nagvi-videoke sa isang lugar sa Boracay.

Sa report ng Boracay PNP kinilala ang biktimang si Marlon Jandog at nag-tratrabaho bilang Accounting Supervisor sa isang resort sa isla ng Boracay.

Nabatid na pinahihinaan nito ang boses ng kaniyang kapwa staff sa resort habang ito’y kumakanta dahil sa sobrang lakas.

Dahil sa ginawa nitong biktima ay agad siyang sinuntok ng suspek na kinilalang si Eusebio Ronald na tumama sa kaniyang kaliwang pisnge at nagtamo ng malubhang sugat.

Napag-alaman din na nasa ilalim ng nakakalasing na inumin ang suspek kung kaya’t agad niya itong ipinaaresto sa mga pulis para maiwasan na lumala ang komusyon.

Samantala, mas minabuti ng Boracay PNP na idulog nalang sa Brgy. Justice System ng Brgy. Balabag ang nangyaring insidente.

SB Malay, hanga sa operasyon ng Gerweiss Motors sa Boracay

Posted August 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hanga ang Sangguniang Bayan ng Malay sa operasyon ng electric tricycle (e-trike) ng Gerweiss Motors Corporation sa isla ng Boracay.

Katunayan sa SB Session ng Malay nitong Martes sinabi ni SB Member at Chairman ng Committee on Laws Rowen Aguirre na isa siya sa humanga sa operasyon ng nasabing sasakyan.

Komportable umano kasi itong sakyan at hindi gaanong masikip kumpara sa ibang electric tricycle na bumibiyahe ngayon sa isla.

Samantala, sinabi pa nito na ang e-trike ng Gerweiss ay idinisenyo para sa isla ng Boracay kung saan ito na rin ang kanilang ginawang batayan ng lahat ng e-trike na papasok sa isla.

Sa kabila nito nais naman ng LGU Malay na magtalaga ng standard at magkaroon ng resolusyon para sa lahat ng mga kumanpanya ng e-trike na papasukin ang operasyon sa isla upang malaman nila ang mga kawalipikasyon para dito.

Nabatid na ang e-trike ang siyang gagamiting pamalit sa mga tricycle unit na bumibiyahe ngayon sa isla ng Boracay.

Larawan ng 7 Wonders ng Malay malabo pang mailagay sa Caticlan Jetty Port php

Posted August 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image
Photo credit by alcahilig21.wordpress.com
Malabo pa sa ngayon na mailagay ang larawan ng 7 Wonders ng Malay sa Caticlan Jetty Port na hiniling ni Vice mayor Wilbec Gelito.

Ayon kay Special Operation Officer III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, hindi pa nila mapapalitan sa ngayon ang mga advertising billboards sa nasabing pantalan dahil sa ito ay kakalagay palang at bago ang kontrata.

Iginiit din nito na wala pa silang natatanggap na sulat o request mula sa Bise Akalde para sa nasabing proposal nito.

Nabatid na handa naman ang Jetty Port Administration na pagbigyan ang kahilingan ni Gelito bastat bigyan lamang sila ng larawan ng 7 wonders of Malay saka nila ito ilalagay sa Jetty Port.

Magugunitang inalmahan ni ni Vice mayor Wilbec Gelito ang mga commercial billboards sa Jetty Port kung kayat iminungkahi nitong 7 wonders ng Malay ang ilagay dito.

Friday, August 15, 2014

MTour, inaantay pa ang resulta sa titulong 'World Longest Massage Chain' ng Boracay sa Guinness World Record

Posted August 15, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inaantay pa sa ngayon ng Malay Tourism Office (MTour) ang resulta sa titulong ‘World Longest Massage Chain’ ng Boracay sa Guinness World Record.

Ayon kay Malay Municipal Tourism Chief Operation Officer Felix Delos Santos nasa tatlong buwan pa bago malalaman ang resulta ng final validation at confirmation ng Guinness World Record matapos umanong ma-isumite ang mga kaukulang dokumento.

Kaugnay nito, kampante naman si Delos Santos na masusungkit ng Boracay ang nasabing titulo.

Nabatid na nitong nakaraang buwan ng Mayo isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Malay ang aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon ng Boracay Day kung saan umabot sa 1, 600 ang mga lumahok upang masungkit ang bagong record para sa Guinness World Record for the Longest Massage Chain.

Samantala, napag-alaman na hawak pa sa ngayon ng Thailand ang record na 1, 223.

Building Code, dapat umanong ipatupad sa illegal construction sa Boracay

Posted August 15, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Dapat ipatupad ang building code sa mga illegal construction sa Boracay.

Ayon kay Municipal Engineer OIC Engr. Arnold Solano, maaaring matigil na ang pagpapagawa ng mga maliliit na construction project sa isla dahil sa mga penalidad na ipapataw sa mga lumalabag na engineer at contractor.

Sinabi ito ni Solano kaugnay sa ginanap na contractors and builders briefing kamakailan tungkol sa mga bagong panuntunan sa pagproseso ng mga building at occupancy permit sa isla.

Kaugnay nito, sinabi pa ni Solano na maaaring i-ban ang mga engineer na ilang beses lumabag sa ipinapatupad na batas sa isla particular na sa building code.

Sinabi pa ni Engr. Solano na inaasahan na rin ang pagbabago sa sistema ng building construction sa isla lalo pa’t iniimbentaryo sa pamamagitan ng moratorium ang mga gusali dito.

Bakasyunista sa Boracay, ninakawan umano ng 100, 000 pesos ng kasintahan

Posted August 15, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa Boracay PNP Station ang isang bakasyunista sa Boracay matapos na umano’y ninakawan ng 100, 000 pesos ng kasintahan.

Sumbong ng biktimang si Russel Alfeche, 40 anyos ng Jaro, Iloilo City, alas otso kagabi nang pumasok sa kanyang kwarto ang kanyang kasintahan na si Mercy Bronzal, 41 anyos ng Bataan province at kinuha ang kanyang ATM Cards at passbooks nang hindi nya nalalaman.

Ayon pa sa biktima, ala una kahapon ng hapon nang tumungo sya sa bangko at sinuri ang kanyang account nang malamang winidraw ng kanyang kasintahan ang 100, 000 pesos na papaloob sa kanyang ATM.

Natangay din mula sa biktima ang kanyang cellphone at tatlo pang ATM cards ng iba’t-ibang bangko.

Samantala, nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station hinggil sa nasabing insidente.