YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 08, 2014

Mga pagbabago sa Cagban Jetty Port, ibinida ng Jetty Port Administration

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Dahil sa patuloy na pagdagsa ng turista sa isla ng Boracay, ibinida ngayon ng Jetty Port Administration ang mga pagbabago sa Cagban Jetty Port.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, maraming idadagdag na pasilidad para sa ikakaganda ng nasabing pantalan kung saan inaasahang mauumpisahan sa 2nd quarter ngayong taon.

Kabilang na umano dito ang proyektong Public CR ng Provincial Government na ilalagay mismo malapit sa gate ng pantalan, pagpapalapad ng rump, pagpapasemento sa parking area at paglalagay ng Kanope.

Aniya, ilan lamang umano ito sa mga inaasahang ipapagawa ng Port Administration at ng gobyerno ng Aklan para sa pagpapaganda ng Cagban Jetty Port.

Sa kabilang banda hindi lamang umano ang nasabing pantalan ang bibigyang pansin dahil magkakaroon din aniya ng pagbabago ang Caticlan Jetty Port.

Isa na rito ang pagpapalaki at pagpapaunlad ng daungan para sa mga Roro vessel, nang sa gayon ay mas mapabilis ang operasyon.

Napag-alaman na natatagalan ang operasyon sa naturang pantalan dahil sa kailangan munang antaying makaalis ang isang barko at saka naman makakadaong ang isa pa.

Samantala, nakapagtala naman ang Jetty Port ng mahigit 21, 888 na mga turistang pumunta sa Boracay simula noong March 1 hanggang March 6 ngayong taon.

Pinakamalaking barko na bibisita sa Boracay, darating ngayong Martes

Ni Jay-ar  Arante, YES FM Boracay

COSTA ATLANTICA
Dadaong ngayong Martes ang pinakamalaking barko na bibisita sa isla ng Boracay.

Ito'y ang MS Costa Atlantica na may sakay na 2, 680 mga turista kung saan karamihan ay Mandarin National at 897 na mga crew.

Ang mga turistang ito'y kinabibilangan lahat ng media personality na mag-a- island tour sa Boracay.

Inaasahang dadaong ang barko bandang alas-otso ng umaga na mag du-duck malapit sa Cagban Jetty Port.

Bandang ala-sais naman ng hapon ang departure nito patungo sa Naha Okinawa na syang susunod na destinasyon.

Sa kabilang banda isang pagpupulong ang isinagawa ng ibat-ibang concern agencies ng Malay at Boracay kahapon sa pangunguna ng Jetty Port Administration tungkol dito.

Ilan sa mga napag-usapan ang mga paghahandang gagawin  lalo na sa pagpapaigting ng seguridad para sa mga turistang sakay nito.

Samantala, nabatid na isa ring programa ang isasagawa sa loob ng barko na lalahukan ng mga Local Executives at ng management ng Costa Atlantica para sa changing of plaque.

Napag-alaman na ang MS Costa Atlantica ay ang pinakamalaking barko na bibisita sa Boracay na may mahigit sa 15 na palapag.

BFAR, ipinamigay na ang mga motor boat engines sa 11 bayan sa Aklan na sinalanta ng bagyong Yolanda

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Labis ang kasiyahan ng 110 na mga mangingisda sa 11 bayan sa Aklan matapos na maipamigay na sa kanila ang mga bagong motor boat engines.

Sa pamamagitan ng Aklan Provincial Government, isinagawa ang turn over ceremony nitong huwebes ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Field Office VI sa ABL Sports Complex.

Mismong si BFAR Regional Office VI, National Stock Assessment Program Project Leader Mr. May Guanco ang namahagi ng mga motor boat engines sa mga mangingisda magmula sa 11 bayan sa probinsya.

Samantala, naniniwala naman si Provincial Governor Joeben Miraflores na malaki ang maitutulong ng mga nasabing motor boat engines sa mga mangingisda na makapagsimulang muli ng panibagong pamumuhay.

Matatandaan na isa ang probinsya ng Aklan sa mga hinagupit ng bagyong Yolanda noong November 8, 2013.

Ilan sa mga natitirang establisemyentong lumabag sa 25+5 meter set back, nagpahayag ng self demolition

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagpahayag ng self demolition ang mga natitirang establisemyentong lumabag sa 25+5 meter set back.

Katunayan, ayon kay Mabel Bacani ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF).

Hindi lamang ang mga establisemyentong lumabag sa set back na nasa listahan ng DENR ang kusang magtatanggal ng kanilang mga istraktura kungdi maging ang mga bagong establishments.

Sa ocular inspection kasi nitong nagdaang linggo ng mga National Technical Working Group (NTWG).

Nakita umano talaga mismo ni DOT Secretary Ramon Jimenez na ‘eye sore’ ang mga nasabing istraktura kung kaya’t kailangan itong tanggalin ng BRTF.

Samantala, sinabi pa ni Bacani na kanilang inirerekomenda sa mga nasabing establisemyento na ibaon ang kanilang mga tinibag.

Nakatakda din umanong magpatawag ng pulong kaugnay sa coastal protection ang BRTF sa darating na Mayo, bago dumating ang Habagat.

Babaeng Swiss national, ninakawan ng boyfriend matapos na makipag-break

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi sukat akalain ng isang binibini na pagnanakawan ito ng sariling boyfriend.

Ito’y matapos nilang putulin ang kanilang relasyon habang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.

Ayon sa police report ng Boracay PNP, nilimas ng boyfriend na si Ricky Nerbiol Jr. ang mga gamit ng nagreklamong si Nadia Tobler, 36-anyos, isang Swiss national.

Base sa salaysay ng biktima matapos na makipag-break ay niyaya muna itong makipag-inuman ng kanyang boyfriend bilang huli nilang pagsasama.

Subalit nalasing umano ito at nakatulog kasama ang kanyang nobyo at nagulat na lamang sa kanyang paggising na nawawala na ang kanyang cellphone at perang nagkakahalaga ng mahigit 17 thousand pesos.

Patuloy naman sa ngayong pinaghahanap ng mga pulis ang nasabing lalaki.

Mga dismayadong stakeholders sa Boracay at Malay, humirit ng isa pang public hearing hinggil sa Base Market Values

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Para mas marami ang makakaalam, ilipat ang venue”

Ito ang panawagan ng ilang mga stakeholders mula sa isla ng Boracay at bayan ng Malay hinggil sa General Revision ng Schedule of Base Market Values para sa residential, industrial at commercial lands sa probinsya.

Sa isinagawa kasing public hearing sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan, nakasaad sa kalatas na ipinadala sa mga stakeholders na dapat nasa 50 porsyento ang dapat na makibahagi sa nasabing pagpupulong, subalit hindi ito nangyari.

Katwiran ng ilang stakeholders, mas maiging ilipat nalang ang venue sa Malay o Boracay dahil sa maliban na makakatipid sa oras ay mababawasan din umano ang gastos ng mga dadalo rito.

Samantala, nabatid na pag-uusapan naman ngayon ng SP Aklan kung magkakaroon ulit ng public hearing hinggil sa Base Market Values para sa Boracay at Malay at kung kailan gaganapin.

Ang nasabing public hearing ay itinakda sa iba’t-ibang mga bayan sa Aklan para  kunin ang opinion at hinaing ng bawat mga tax payers para sa pagpasa ng bagong ordinansa sa bayarin ng buwis.

Muli namang nilinaw ng SP Aklan na ang pagkakaroon ng General Revision ay nakasaad sa batas na kada walo hanggang sampung taon ay dapat magkaroon ng revision sa Base Market Values of Real Properties.

Friday, March 07, 2014

Budget para sa Replenishment Program ng BRTF, pinagdidesisyunan pa

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi pa masisimulan ang nakatakdang replenishment program ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF).

Maliban kasi sa wala pang advice sa kanila ang mga taga Geo-Sciences and Mining Bureau kung kailan sisimulan ang pagba-vacuum ng buhangin mula sa dagat.

Sinabi kahapon ni Mabel Bacani ng BRTF na pinagdi-desisyunan pa kung saang specific budget ang gagamitin para sa nasabing programa.

Ayon pa kay Bacani, ang budget ng LGU Malay ang ginamit para sa mga aktibidad ng redevelopment program, maliban sa budget na ginamit sa demolisyon sa West Cove Resort.

Subali’t umaasa din umano ang mga ito na magbibigay ng assistance ang National Technical Working Group  (NTWG) para sa replenishment program.

Samantala, tiniyak naman ni Bacani na ligtas at environment friendly ang pagba- vacuum ng buhangin mula sa dagat dahil manually driven umano ito.

Inaasahang maibabalik sa normal na contour ng replenishment program ang beach front ng isla, matapos hilahin ng dagat ang buhangin nito dahil sa scouring.

Sa halip na pag-usapan ang buwis, problema ng ilang stakeholders sa lupa sa Boracay idinulog sa Public Hearing ng SP Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa halip na pag-usapan ang public hearing hinggil sa Revised Schedule of Base Market sa probinsya ng Aklan.

Idinulog ng ilang mga stakeholders mula sa bayan ng Malay at isla ng Boracay ang usapin hinggil sa titulo ng mga lupa.

Bagay na binigyang pansin naman ng mga konseho ng SP Aklan, subalit ipinaliwanag din ng mga ito sa mga stakeholders na maaaring pag-usapan ang nasabing isyu sa ibang  pagpupulong.

Ayon kay SP Member Harry Sucgang, kailangan munang maintindihan ng mga stakeholders at mga tax payers kung bakit nagkakaroon ng General Revisions sa pagbabayad ng buwis at kung saan ito mapupunta bago ang mga usapin sa agawan ng lupa.

Samantala, sinasabi na ang isla ng Boracay ay maituturing na katangi-tangi dahil sa mga naglalakihang establisyemento at building rito kaya’t may tinatawag na Special Base Valuation.

Nabatid base sa iminungkahi ng Provincial Assessor sa nasabing pagpupulong na ang isla ng Boracay ay magtataas ng 90 percent hanggang 400 percent tax due depende sa uri ng ari-arian.

Kasalukuyan pa ngayong pinag-uusapan kung magkakaroon ulit ng public hearing para sa Malay at isla ng Boracay tungkol dito.

Lalaki, nanuntok ng waitress at nagpaputok ng baril sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy pa rin sa ngayong pinaghahanap ng mga taga Boracay PNP station ang suspek sa di umano’y lalaking sumuntok sa isang waitress at anim na beses na nagpaputok ng baril sa isang bar sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, isang tawag ang kanilang natanggap mula sa isang waitress sa isang bar sa Yapak Boracay kung saan humihingi ng police assistance.

Base sa pahayag ng mga rumesponding pulis, pumasok umano ang apat na mga kalalakihan kasama ang isang kagawad sa nasabing bar kung saan nakilala bilang sina certain “Ola”, “Greg”, “Bobot” at “Arcibal”.

Sinasabing, nakitaan umano ng isang waitress na mayroong nakasukbit na .45 na baril sa biwang ni Arcibal kaya’t sinita nya umano ito.

Subalit nagalit na lamang di umano ang suspek at sinuntok ang nasabing waitress sa noo at nang pagsabihan ng kanyang mga kasamahan ay bumunot ng baril at saka nagpaputok ng anim na beses.

Wala namang nasugatan sa nasabing pagpapaputok subalit tumagos naman ang mga bala ng baril sa ilang mga kwarto at kalapit na establisyemento ng nasabing bar.

Samantala, nalaman rin sa rouges gallery o listahan ng mga may criminal records ng taga Boracay PNP station base sa pagkakalarawan ng waitress doon ang pagkakakilanlan ng nasabing suspek bilang si Ryan Raymundo y Arcibal.

Sa kabilang banda, todo tanggi naman umanong magbigay ng pahayag sa mga kapulisan ang Kagawad na isa sa mga itinuturong kasamahan ng suspek nang pumasok ito sa nasabing bar.

Ibat-ibang concern agencies magtitipon-tipon para sa isang meeting kaugnay sa cruise ship arrival sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Magtitipon-tipon ang ibat-ibang concern agencies para sa isasagawang meeting mamayang hapon kaugnay sa cruise ship arrival sa Boracay.

Ito’y kinabibilangan ng Municipal Auxiliary Police, Philippine National Police, Philippine Cost Guard, Maritime Police, Department of Tourism, LGU Malay at Aklan Provincial government.

Nabatid na panibagong plano ang inaasahang ihahain ng Port Administration para lalo pang maging maganda ang pagsalubong sa mga turistang sakay ng cruise ship.

Samantala, ang barkong Costa Atlantica ay bibisita sa Boracay ngayong Martes sakay ang mahigit dalawang libong turista habang ang MS Europa 2 naman ay bibisita sa pangatlong pagkakataon sa Marso a-bente.

Bagamat hindi maiwasan ang pagkukulang para sa paghahanda sinisikap naman ngayon ng provincial government na mabigyan ng atensyon ang mga hindi inaasahang problema.

Sa kabilang banda bibisitahin ng mga turistang sakay ng naturang mga barko ang mga souvenir shops, long beach area, maging ang Boracay Ati Village kabilang na ang pagkakaroon ng ibat-ibang island hopping.

Sa ngayon patuloy parin ang ginagawang promotions sa ibat-ibang bansa ng Department of Tourism sa pakikipagtulungan sa provincial government ng Aklan, LGU Malay at Jetty Port Administration para sa isla ng  Boracay.

Thursday, March 06, 2014

Road skating, mahigpit na ipinagbabawal ng MTO sa main road ng Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mahigpit na ipinagbabawal ng Municipal Transportation Office o MTO ang road skating sa main road ng isla ng Boracay.

Ayon kay Senior Transportation Regulation Officer Cesar Oczon Jr. ng Municipal Transportation Office, maaari umanong maharap sa ibat-ibang penalidad ang mga nagro-road skating sa isla sakaling sila’y lumabag sa batas trapiko.

Aniya, ito’y isang bagay na sadyang napaka delikado at hindi dapat umano ito ginagawa sa main road dahil nakakasagabal ito para sa mga motorista.

Bagay umano ang ganitong aktibidad sa mga lugar na hindi dinadaanan ng mga malalaking sasakyan katulad ng subdivision, business area o isang parke.

Bagamat walang ordinansa ang LGU Malay tungkol dito, nagkaroon naman sila ng regulasyon kung saan nauna na nila itong naimungkahi kay Mayor John Yap matapos ang ginawang pag-aaral.

Napag-alaman na dumarami ang mga kabataang nagro-road road skating sa Boracay na kalimitang nagiging sagabal sa traffic.

Dagdag pa ni Oczon, hindi lamang sila nakatutok sa road skating dahil nauna na nilang ipinagbabawal sa kalsada ang e-bike kung saan kadalasan itong nakikisabay sa malalaking sasakyan sa kalsada.

Samantala, bubusisihin pa ngayon ng Transportation Office ang nasabing problema sa pakikipagtulungan sa Municipal Auxiliary Police o MAP para bigyan ng sapat na atensyon.

MoA para sa Boracay-Malay bridge dadaan pa sa masusing pagsisiyasat ayon sa SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dadaan pa sa masusing pagsisiyasat ang Memorandum of Agreement o MoA para sa proposed project na Boracay-Malay bridge.

Ito ang naging pahayag ni Malay SB Secretary Corcodia Alcantara matapos ang committee hearing tungkol dito.

Ang nasabing MoA ay sa pagitan ni Malay Mayor John P. Yap at ng Daewoo Engineering and Construction Co. Ltd.

Ayon kay Alcantara inaantay nalang ang magiging tugon ni Mayor Yap kung kailan posibleng masimulan ang gagawing pag-aaral ng Daewoo.

Nabatid na ang Daewoo Engineering and Construction Company ay sasailalim pa sa pag-aaral upang malaman nila ang technical at engineering design, environment at socio-economic aspect kabilang na ang gagastusin para dito.

Dagdag pa nito, uunahin umano ng Daewoo na suriin ang lugar na posibleng pagtayuan ng nasabing tulay at ito rin ang magiging basehan kung maaari na ngang ipatayo ang Boracay-Malay bridge.

Sakali namang ito’y hindi na matuloy, ititigil na rin itong talakayin sa mga susunod na session ng SB Malay.

Samantala, ang nasabing memorandum of agreement ay ini-refer sa ngayon kay SB Member Rowen Aguirre bilang chairman ng Committee on Laws.

Wednesday, March 05, 2014

Pagbuo ng Aklan Council for the ASEAN Integration 2015, isinusulong sa SP Aklan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Magiging epekto ng ASEAN Integration ang mas mahusay na produkto, kaunlaran sa industriya, pinaangat na sistema sa edukasyon, at ating kahusayan.

Ito ang makatwirang pahayag ni SP Member Atty. Plaridel Morania habang isinusulong ang pagbuo ng Aklan Council for the ASEAN Integration 2015 sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan.

Aniya, kailangang mabatid ng publiko ang mga proseso ng ASEAN Integration 2015 sapagkat sila ang makikinabang dito sa kalaunan.

Samantala, ayon pa kay Morania, ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pamamagitan ng investments promotion arm nito na Board of Investment (BOI) ay nagdaos ng isang forum kamakailan sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) upang talakayin ang K-to-12 Basic Education Program.

Ito’y isa lamang umano sa layunin ng nasabing forum na bigyang update ang publiko at iba’t ibang stakeholders hinggil sa Industry Development Road maps.

Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay magsasanib-puwersa sa susunod na taon.

Suspek sa pagpatay kay Ati Spokesman Dexter Condez, nahuli na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nahuli na ang suspek sa pagpatay kay Ati Spokesman Dexter Condez.

Ayon kay Boracay PNP Chief Police Senior Inspector Mark Evan Salvo, nakatakda nang iharap sa korte ang suspek na si Daniel Celestino matapos itong mahuli ng mga taga PNP Regional Intelligence Division 6 sa Sta. Cruz, Laguna kahapon ng umaga.

Kasalukuyan namang nasa Aklan BJMP o Bureau of Jail Management and Penology si Celestino.

Matatandaang nagpalabas ng warrant of arrest si Judge Domingo Casiple Jr. ng Kalibo Aklan Regional Trial Court Branch 7, nitong nagdaang Oktubre a uno ng nakaraang taon para sa nasabing suspek.

Nabatid na ipinaglaban ni Condez ang karapatan ng kanyang mga kapwa katutubo sa isla hinggil sa lupang ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaan, subalit pinaslang ito habang papauwi sa kanilang village nitong nagdaang Pebrero 22.

Bahagi ng Balabag main road na isinara dahil sa Flood Control Project, malapit nang buksang muli

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Magandang balita sa mga drayber, pasahero, at lahat ng mga apektado ng mabigat na daloy ng trapiko sa Balabag main road.

Kinumpirma kahapon ni ITP Construction Project Architect Victor Turingan na malapit nang buksang muli ang bahagi ng Balabag main road na isinara dahil sa Flood Control Project ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).

Ayon kay Turingan, hinihintay na lang nilang matapos ang curing time ng kalsada bago muling buksan.

Pinapatuyo pa kasi ito ngayon matapos nilang tibagin, lagyan ng tubo at muling i-semento.

Samantala, sinabi pa ni Turingan na isusunod na rin nila ang phase 2 ng proyekto, kung saan titibagin naman ang kalsada papuntang  Sewerage Treatment Plant (STP) ng  Boracay Island Water Company (BIWC) para sa paglalagay ng tubo.

Subali’t tiniyak nitong magiging passable o madadaanan ang kalsada doon dahil sa gabi rin umano nila ito tatrabahuin at lalagyan ng steel sheets sa umaga.

Samantala, kinokontrol naman mismo ngayon ng mga taga ITP Construction ang trapiko doon habang hindi pa nabubuksan ang nasabing kalsada.

Nabatid naman na nakatakdang buksan ang kalsada sa darating na Marso 22 ngayong taon.

Spanish National, nabiktima ng “riding in tandem” na snatcher sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Umiiyak na humihingi ng tulong ang isang babaeng Spanish national sa Boracay PNP station matapos mabiktima ng “riding in tandem” na snatcher sa Boracay.

Ayon sa salaysay ng biktima na nakilala kay Mercedes Lacasa, 23-anyos ng Madrid, Spain.

Naglalakad umano ito kasama ang dalawa pang kaibigan galing sa isang resort papunta sa tinutuluyang hotel sa So. Bolabog, Balabag, Boracay nang laking gulat nito na may isang hindi kilalang lalaki ang biglang humablot ng kanyang bag.

Base sa pagkakalarawan ng biktima, nakasuot ang suspek ng pulang jersey at agad na humarurot sakay ang isang motorsiklo na minamaneho rin ng isa pang lalaki.

Mabilis umano ang pagpapatakbo ng nasabing motorsiklo papunta sa direksyon ng Mt. Luho, kung saan dala-dala ang gamit ng biktima tulad ng dalawang iPhone 5s na cellphone, credit cards at perang nagkakahalaga ng limang libong piso.

Samantala, sa isinagawa namang follow – up operation ng mga kapulisan, isang security guard ang nakakita sa mga suspek kung saan nailarawan nito ang motorsiklo bilang STX na kulay pula at kasama ang isang Wave type na motorsiklo na dumaan sa harapan ng Cohiba Resort.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang operasyon ng Boracay PNP hinggil sa nasabing kaso.

Mga motoristang hindi gumagamit ng helmet, talamak parin ayon sa LTO Aklan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Aminado ngayon ang Land Transportation Office o LTO Aklan na talamak parin ang mga motoristang hindi gumagamit ng helmet sa tuwing nagmamaneho.

Ito ang mariing sinabi ng LTO Aklan dahil sa patuloy na pagdami ng mga motoristang hindi parin sumusunod sa batas.

Napag-alaman na karamahihan sa mga motoristang hindi nagsusuot ng helmet ay ang mga menor de-edad na sadyang napaka delikado.

Nilinaw naman ng LTO na kapag may maaaktuhan silang mga motoristang may angkas na pasahero at walang suot na standard protective motorcycle helmet ay maaari nila itong patawan ng multa.

Kabilang dito ang unang opinsa na 1,500 pesos, 3,000 pesos para sa pangalawang opinsa at 5,000 pesos sa pangatlong opinsa habang 10,000 pesos para sa pang-apat na opinsa kasamana ang pag kumpiska ng kanilang lisensya.

Sa kabilang banda, sadyang ikinabahala ng LTO Aklan ang pagdami ng mga motorista sa isla ng Boracay kabilang na ang mga hindi gumagamit ng helmet na maaaring ikapahamak ng mga ito sa kanilang pagmamaneho.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang paalala ng tanggapan ng LTO sa lahat ng mga motorista sa probinsya na maging maingat sa kanilang pagmamaneho para maiwasan ang anumang disgrasya sa kalsada.

Brgy. Yapak Boracay, pinabulaanan ang di umano’y drag racing sa nasabing lugar

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa kabila ng mahigpit na panuntunang bawal ang pagkakaroon ng mga drag racing sa maliliit at matataong lugar.

Namamayagpag parin ang balita hinggil sa di umano’y drag racing na nangyayari sa Brgy. Yapak Boracay.

Bagay na pinabulaanan naman ng Yapak Acting Brgy. Captain Redentor Apolonio.

Aniya, noong mga nakaraang taon ay may mga naririnig din umano silang mga balita na may nangyayaring drag racing sa kanilang lugar sa dyis – oras ng gabi.

Pero, nilinaw naman nito na sa ngayon ay wala silang natatanggap na mga reklamo hinggil sa drag racing sa lugar dahil sa hindi na rin umano nangyayari ito.

Samantala, ang drag racing ay isang uri ng karera gamit ang motorsiklo na kinakabitan ng mga makabagong kagamitan upang maging matulin ang takbo nito.

Tuesday, March 04, 2014

HRP Boracay, nagpaalala kaugnay sa pagdiriwang ng Ash Wednesday bukas

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Bawal muna ang kumain ng karne bukas.

Ito ang paalala ni Father Nonoy Crisostomo ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay, kaugnay sa pagdiriwang ng Ash Wednesday o mas kilala sa local dialect na Miyerkules –Badlis.

Bukas na rin kasi magsisimula ang panahon ng Kuwaresma o Lenten Season.

Para sa lahat ng Kristiyano at mga magiging Kristiyano, panahon ng paglilinis, pagtalikod sa kasalanan at pagtatalaga ng sarili upang mamuhay ayon sa aral ni Kristo ang Kuwaresma.

Samantala, ayon kay Father Nonoy, isang mahalagang araw ng fasting and abstinence ang Ash Wednesday kung saan pinapayuhan ang lahat ng mga mananampalatayang Katoliko na umiwas muna sa pagkain ng karne, kung maaari sa buong araw.

Higit sa lahat, ipinapaalala din ng nasabing selebrasyon na tayo’y makasalanan at kailangang magsisi, sa pamamagitan ng pagpapalagay o pagpapahid ng abo sa noo.

Magkaganon paman, sinabi ni Father Nonoy na maaari namang gumawa ng charitable works katulad ng pagtulong sa kapwa, sakaling hindi talaga napigilang kumain ng karne.

Kaugnay nito, gaganapin bukas ng alas 6:30 ang Ash Wednesday Mass sa mismong simbahan ng HRP Boracay, habang parehong alas 7:30 ng umaga rin ang misa sa Barangay Yapak at Manoc-manoc Chapels.

May pagkakataon namang makadalo sa misa ang mga mananampalatayang hindi nakasimba sa umaga, sa pamamagitan ng Novena Mass sa alas 5:00 ng hapon.

HRP Boracay, ok sa planong gawing tourist attraction ang Ati Village sa isla

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

‘Ok’ sa HRP Boracay ang planong gawing tourist attraction ang Ati Village sa isla.

Ito’y matapos sinabi ni Department of Tourism Secretary Ramon Jimenez sa kanilang pagbisita kasama ang mga taga NTWG o National Technical Working Group sa Ati Village nitong nakaraang Biyernes ang tungkol sa naturang plano.

Ayon kay Father Nonoy Crisostomo ng HRP o Holy Rosary Parish Boracay Team Ministry.

Maganda ang nasabing plano dahil maipapakita sa mga turista ang kultura ng mga katutubong Ati sa Boracay.

Sinabi pa ni Father Nonoy na bagama’t inaayos pa ang tribal at livelihood center ng mga Ati, makakatulong din umano ito sa pang ekomomiyang aspeto ng Ati Village.

Nagpasalamat din ito sa plano ng pamahalaan para sa mga katutubo lalo pa’t sinabi nito na nagsimula ang ating kulturang mga Pilipino sa kultura ng mga Ati.

Samantala, sa kabila nito, sinabi din ni Crisostomo na kailangan paring tiyakin na mananatiling pribado ang Ati Village para din sa seguridad ng mga Ati.