YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 07, 2016

British National, patay matapos malunod habang naliligo sa dagat

Posted May 7, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Wala ng buhay ang isang turistang British National matapos itong malunod habang naliligo sa dagat sa Ilig-iligan Brgy. Yapak, Boracay.

Alas 3:20 umano ng hapon ng naka-tanggap ng tawag ang Philippine Coast Guard na may nalulunod sa lugar kung saan sa pag-respondi nila rito ay nadatnan na nila na wala ng buhay ang biktima na kinilalang si Arthur Webster 53-anyos.

Ayon kay Station Commander ng PCG Caticlan na si Lt. Idison Diaz, kasama umano ng biktima ang kanyang nobya at isa pang kaibigan na naliligo sa dagat kung saan hindi umano namalayan ng mga ito na dinadala na umano sila ng malakas na alon papunta sa malalim na bahagi ng dagat.

Nabatid na nagkahiwalay ang mga ito habang tinatangay ng alon kung saan napadpad ang nobya at kaibigan nito sa mabatong bahagi sa lugar habang ang biktima ay napunta naman hindi kalayuan sa dalampasigan.

Sinasabing dahil umano sa kahirapan ng paglangoy ng biktima at sa sobrang lakas ng alon ang naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Manoc-manoc, nakapagtala ng pinakamalaking registered voters sa buong Malay

Posted May 7, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for comelec registered votersNakakuha ng pinakamataas na registered voters ang Brgy. Manoc-Manoc sa buong bayan ng Malay para sa national and local election 2016.

Kabuuang 10, 961 ang mga botante sa nasabing lugar kung saan umabot naman sa 34, 813 ang total registered voters sa Malay.

Nabatid na pumapangalawa naman ang bayan ng Malay sa may pinakamalaking botante sa probinsya ng Aklan na may 33, 813.

Samantala ang Kalibo naman ang nangunguna sa may naitalang pinaka-mataas na botante na umabot sa 46, 606.

Nabatid na umabot sa 21, 622 ang kabuuang registered voters sa isla ng Boracay na kinabibilangan ng tatlong brgy. ng Yapak, Balabag at Manoc-Manoc.

Turista sa Boracay, nag-reklamo matapos pagnakawan habang naliligo

Posted May 7, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for theftNanlumo ang turistang nagsumbong sa Boracay PNP matapos itong pagnakawan habang naliligo sa dagat sa Station 1 Balabag, Boracay.

Nakilala ang turista na si Gideon Kylo Yulip 29-anyos at temporaryong nakatira sa nasabing lugar.  

Sumbong ng biktima sa Boracay PNP, iniwan niya umano sa dalampasigan ang kanyang gamit para maligo ngunit makalipas ng ilang minuto ay nadiskubrehan nalang nito na nawawala na ang kanyang water proof pouch na nag-lalaman ito ng wallet, ID, dalawang cellphone at cash na P5,000.

Nabatid na sinubukan pa umanong hanapin ng biktima ang kanyang gamit ngunit bigo niya rin itong makita.

Samantala sa ginawang follow-up investigation ng mga pulis, napag-alaman na menor de-edad ang sangkot sa nasabing nakawan kung saan sa ngayon ay hindi pa ito matunton ng mga kapulisan.

Pagboto at paggamit ng VCM ipinaliwanag ng Comelec Malay

Posted May 7, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay    

Image result for Voting counting machineKaramihan sa mga botante ngayong eleksyon ay nalilito parin sa proseso ng pagboto dahil sa teknolohiyang gagamitin na Vote Counting Machine (VCM).

Dahil dito, ipinaliwanag ni Comelec Aklan Public Information Officer at Comelec Malay Officer II Chrispin Raymund Gerado ang tamang pagboto o sa pamamagitan ng VCM.

Ayon dito, bilugan umano ng tama ang bilog ng napupusuang kandidato sa mga balota, bawal din umano ang over vote o dumihan ang mga balota dahil sa hindi ito tatanggapin ng machine.

Sinabi nito na kung matapos na ang pag-boto ay ilalagay ito sa VCM kung saan dito babasahin ng makina ang iyong balota kung ito ay tama at dito na umano lalabas ang resibo kung saan nakalagay ang iyong mga ibinotong kandidato.

Maliban dito sakaling magkaroon umano ng problema sa pagboto ay lumapit lamang sa mga taga Board of Election Inspectors (BEI).

Samantala, mahigpit din nitong ipinaalala na kulayan ang bilog ng maayos at huwag lukutin para hindi magkaroon ng problema sa VCM.

30 VCM para sa eleksyon sa Lunes, nai-deliver na sa Boracay

Posted May 7, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa kabuuang tatlumpung Vote Counting Machine (VCM) na ang nai-deliver sa isla ng Boracay kahapon para sa gaganaping national at local election sa Mayo.


Ito ang sinabi ni BTAC Deputy Chief at SPO1 Christopher Mendoza, PCR PNCO, sa panayam ng himpilang ito.

Ayon kay Mendoza sampung VCM ang napunta sa Brgy. Balabag, Lima sa Yapak at 15 naman umano sa Manoc-Manoc.


Sinabi nito na mahigpit ang kanilang pagbabantay sa nasabing VCM magmula sa Comelec Office sa Malay hanggang sa mai-deliver ito sa isla ng Boracay kahapon na pinangunahan naman ni Comelec Malay Officer II Chrispin Raymund Gerardo katuwang ang mga Board of Election Inspectors (BEI).

Maliban dito nasa 100 porsyento na umanong naka-deploy ang hanay ng mga pulis sa mga presento kung saan gaganapin ang halalan.

Nabatid na noong Miyerkules pa dumating ang mga VCM sa bayan ng Malay kasama ang mga technician na mag-aayos nito sakaling magkaroon ng problema.

Friday, May 06, 2016

SP Aklan, kinilala ang mga Aklanon Athlete sa kakatapos na Palarong Pambansa

Posted May 6, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Kinilala ngayon ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang mga nakasamang Aklanon Athlete sa kakatapos na Palarong Pambansa sa Legaspi City, Albay noong April 10 hanggang 16, 2016.

Binigyan umano ng rekomendasyon ng SP Aklan ang mga batang Aklanon na naging parti ng Palarong Pambansa kung saan kasama ang mga ito sa naging re-presitante ng West Visayas Region.

Samantala, kasama rin sa nasabing patimpalak na binigyan ng Special Recognition at Commendation ang estudyanti ng Sun Yat Sen Kalibo na si Kyla Ong Soguilon kung saan isa siya sa binigyan ng Most Outstanding Athlete sa pagkakasungkit ng apat na gold, dalawang silver at isang bronze medal sa larangan ng National Swimming Event Competition.

Dahil dito, malaking bagay umano sa lahat ng mga Aklanon na maituturing ang pagkakapanalo ng mga batang atleta dahil hindi lang nila dala ang kanilang pangalan pati na ang lalawigan ng Aklan.

Police Regional Office 6 nagdagdag ng 50 pulis sa Boracay, para sa May 9 elections

Posted May 6, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for botanteNaglagay ng karagdagang 50 pulis ang Police Regional Office 6 sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) para sa seguridad sa May 9 national elections.

Ayon kay Senior Inspector Nilo Morallos, BTAC chief, magsisimula na ngayong araw ang pag-deploy sa mga nasabing pulis sa tatlong brgy. sa isla na may polling centers kasama na ang kanilang 138 na Police Personnel.

Napag-alaman kasi na ngayong araw na ng Biyernes ang inaasahang pagdating ng mga voting counting machines (VCM) na gagamitin sa halalan sa Lunes.

Nauna ng sinabi ni Morallos na naka-full alert na ang kanilang hanay para sa kanilang preparasyon sa eleksyon.

Nabatid na mayroong 21,622 na mga botante ang isla ng Boracay kung kayat matinding seguridad ang ginagawa ng mga pulis para sa maayos at patas na halalan.

PHO, code white alert sa darating na eleksyon

Posted May 6, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for DOH AND COMELEC ELECTION 2016Naka-code white alert umano sa darating na eleksyon sa Lunes ang Provincial Health Office (PHO) Aklan.

Ito ang sinabi ni Aklan Provincial Health Officer II Dr. Victor Sta. Maria, sa panayam ng himpilang ito kahapon.

Ayon kay Sta. Maria nakatakdang mag-deploy ang Department of Health (DOH) ng 16 na health team sa ibat-ibang presento sa bawat lalawigan lalo na doon sa madaming mga botante.

Maliban dito nakipag-coordinate na din umano sila sa 17 bayan sa Aklan para sa kanilang itatayong medical assistance desk na magsisilbing first aid clinic para ayudahan ang mga botante na posibleng makaranas ng pagkahilo dahil sa init ng panahon at haba ng pila sa mga polling center sa May 9, 2016.

Samnatala, maging ang mga Rural Health Unit umano sa mga lugar sa probinsya ay nakahanda na rin sakaling magkaroon ng inaasahang pagsama ng pakiramdam.

Nabatid na nauna ng nakipag-pulong ang Comelec sa DOH para sa pakikipag-sanib pwersa sa isasagawang national and local election 2016 ngayong Lunes.

Tindahan sa Boracay, ninakawan ng hindi nakilalang suspek

Posted May 6, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for theftMalaki ang pang-hihinayang ng isang ginang matapos umano siyang pagnakawan sa kanyang tindahan sa Sitio Angol Brgy. Manoc-manoc, Boracay.

Sumbong ng biktima na si Catalina Gazzinggan 47-anyos sa mga pulis, iniwan niya umano ang kanyang bag sa ibabaw ng lamesa ng kanyang tindahan kung saan makalipas ng isang minuto ay may bumili umano ng beer sa kanya na hindi nakilalang lalaki at sinabihan siyang babalik muli.

Ngunit ng maka-alis na umano ang lalaki ay agad nitong napansin na nawawala na ang kanyang bag na naglalaman ng mga importanteng I.D, cellphone at cash na nagkakahalaga ng P6,000.

Dahil dito, agad na idinulog ng biktima sa Boracay PNP ang insidente, na ngayon ay ini-imbestigahan na rin ng mga pulis ang nangyaring nakawan kung saan bigo rin nitong makilala ang sinasabing suspek.

Publiko hinakayat sa maayos at patas na eleksyon sa Lunes

Posted May 6, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for pulis sa eleksyonHinikayat ngayon ni PSSupt. John Mitchell Jamili, APD, APPO ang publiko kaugnay sa nalalapit na halalan sa araw ng Lunes.

Ayon kay Jamili, nais umano nito na ibigay ng publiko ang kanilang buong suporta sa partisipasyon para makamit ang tahimik at maayos na National at Local Elections 2016.

Dahil dito nananawagan umano siya sa mga ito na kung maaari ay agad nilang idulog sa Municipal Police Station o Municipal Tactical Operation Centers kung may mapapansin silang kahina-hinalang bagay sa halalan.

Ang panawagang ito ng APPO ay bahagi parin ng #OPLANLambatSibat na isinasagawa sa buong lalawigan ng Aklan.

Thursday, May 05, 2016

Ika-apat na selebrasyon ng Flores De Mayo sa Boracay, kasado na—BFI

Posted May 5, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Kasado na ang preparasyon ng Boracay Foundation Inc., o (BFI) para sa nalalapit na Flores De Mayo ngayong taon.

Ayon kay BFI Executive Director Pia Miraflores, sa petsa a-benti-uno ng Mayo na ito gaganapin kung saan bago magsimula ang programa ay pangungunahan muna ito ng misa sa alas-3 ng hapon sa Boracay Holy Rosary Church, at mag-uumpisa ang kanilang parada sa front beach sa Willies Rock papuntang Hennan Regency Resort kung saan mag-uumpisa ang programa at awarding.

Nabatid na sampung mga reyna ang lalahok na magmumula sa ibat-ibang business establishments na mga myembro rin ng BFI.

Samantala magpapaligsahan naman ang mga ito sa kanilang makukulay na kasuotan na gawa sa Indigenous materials kung saan may mga special awards na nakalaan para sa “Best in Dress”, “Best in Floral Arch”,at “Best in Escort” .

Ang pinaka-highlight din ay ang pagdeklara at pagkorona sa bagong Reyna Elena o festival queen.

Ang Flores De Mayo ay nasa ika-apat na taon na sa Boracay kung saan ang layunin nito ay maipakita ang kulturang pinoy lalo na sa mga turistang nagbabakasyon sa isla.

Samantala, ang selebrasyong ito ay nagbubukod-tangi dahil sa ang parada ng mga reyna ay ginagawa sa dalampasigan at hindi sa kalsada na ating naka-ugalian.

Lalaki sa Boracay, huli sa Comelec Gun ban

Posted May 5, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay 

Image result for gunbanKulong ang isang lalaki matapos ireklamo ng Alarm and Scandal/Violation on Comelec Resolution 10051 o Comelec gun bun sa isang bar sa Station 2 Boracay.

Sa report ng Boracay PNP, papunta umano ang lalaki sa loob ng banyo ng makita niya ang   suspek na si Julius Cawaling 32-anyos ng Cabatanga, Makato, Aklan at nakatira sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc, Boracay na bumunot ng baril at pinaputok ito ng isang beses sa lupa.

Dahil dito, ay kinumpronta ng lalaki ang suspek tungkol sa nangyaring insidente ngunit itinanggi naman ito ng suspek kung saan agad namang humingi ng tulong ang lalaki sa security guard ng bar.

Nakuha sa suspek ang isang magnum caliber 22 firearm, tatlong live cartridges at isang fired cartridge case.

Sa ngayon ang suspek ay pansamantalang ikinustoduya sa Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

Comelec Malay may-paalala sa mga boboto sa Lunes

Posted May 5, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for botohanNaglabas ngayon ng paalala ang Commission on Elections (Comelec) Malay hinggil sa isasagawang botohan sa Lunes.  

Ayon kay Malay Comelec Officer at PIO Chrispin Raymund Gerardo, bawal ang paninigarilyo sa loob ng presento o sa paligid nito, dahil sa maaari umano itong maglikha ng sunog lalo na at sa mga paaralan gaganapin ang botohan.

Maliban dito bawal din umano ang pagkuha ng litrato o pag-selfie kasama ang baloto dahil sa isa itong confidential na bagay.

Samantala, pinayuhan naman ni Gerardo ang mga botante na maaari silang magdala ng mga sample ballot para mas mapadali ang kanilang pagboto ngunit ito umano ay dapat sarili nilang ginawa at hindi bigay ng mga kandidato.